Tuesday, April 28, 2009

Ang Palo ni Itay


Ang Palo ni Itay

"My son, do not make light of the Lord's discipline, and do not lose heart when He rebukes you, because the Lord disciplines those He loves, and He punishes everyone He accepts as a son." (Hebrews 12:5-6)

Noo’y labis kong dinaramdam ang palo ni Itay sa akin. Sa loob-loob ko, “di niya ako mahal”.

Yan marahil ang sentimyento natin noon kapag tayo’y nakakatikim ng palo ng ating magulang. Sa ating murang isipan ay di natin marahil maunawaan kung bakit tayo pinapalo. Maaaring ang iba ay nagkikimkim pa ng sama ng loob na magpahanggang ngayon ay nakatatak pa sa ating puso na animo’y isang peklat na nagpapaalala sa atin ng sakit na idinulot nito.

Gaano man ang naging hapdi niyon, gaano man kasakit ang nadama sa hampas na ating natamo, o hagupit na naranasan – tiyak na may angking aral tayong natutunan sa mga palo na iyon. Naituwid tayo sa maling ugali, nabatid natin ang di wasto, nakaiwas sa higit pang kapahamakan kung magpapatuloy sa di tamang gawain, at naging babala sa atin upang di na ulitin pa ang maling nagawa at maranasan ang palo ni Itay.

Tiyak na may kadahilanan kung bakit palo ni Itay ay ating naranasan. Marahil labis tayong naging makulit, pasaway at di sumusunod sa iniuutos. Bilang mga magulang, marapat lamang na tayo’y paluin kung tayo’y sumusuway, pagka’t ang palo raw ay tanda ng kanilang pagmamahal.

Ganito ang nakasaad sa Kanyang Salita na ating pinagbubulay-bulayan sa Hebrews 12:5-6, "My son, do not make light of the Lord's discipline, and do not lose heart when he rebukes you, because the Lord disciplines those he loves, and he punishes everyone he accepts as a son."

Tayo’y pinapalo ng ating magulang pagkat tayo’y itinuturing nilang anak. Kung kaya’t wag raw ipagdamdam ito.

Pagka’t di maaaring paluin ng isang magulang ang di niya anak. Makakasuhan siya pag nagkagayon. Bagama’t ngayon ay maaari nang magsuplong ang anak sa awtoridad kapag sila’y sinasaktan ng magulang tulad sa Amerika at iba pang demokratikong bansa. Subalit yan ay batas-pantao lamang. Mas mataas ang batas ng Diyos kung saan isinasaad na ang pagpapalo ay pagpapadama ng pagmamahal ng isa ama o ina. Kung kaya nga’t nang tayo’y naging magulang na rin, nang may tumatawag na sa atin ng “Itay” o “Inay”, saka natin napagtanto ang tunay na kadahilanan ng palo ni Itay.

Ganito rin naman ang dahilan ng palo na natatanggap natin sa ating tunay na Ama sa langit. Ang sakit, hapdi at kirot na ating naranasan sa Kanyang mga kamay ay dulot ng pagmamahal Niya sa atin. Ito'y tanda na tayo'y Kanya na ngang anak. Pagka't pag tayo'y di nakatitikim ng Kanyang palo kahiman tayo'y nagliliwaliw sa kasalanan, isang malaking katanungan iyon. Tayo kaya'y anak na nga Niyang tunay?

Kung kaya't wag magdamdam, bagkus magpasalamat pagka’t ito’y patunay na mahal Niya tayo at di nais na tayo’y mapariwara.

Upang di maranasan ang palo ni Itay, sumunod sa Kanyang utos, tumalima sa Kanyang kalooban, bigyan Siya ng kaluguran.

Wag ng hintayin pa na ang palo ay maging isang hagupit dahil sa labis na katigasan ng ulo. Tupdin ang paalala Niya at pasalamatan ang mga tapik Niya sa atin sa tuwina.

Kayo rin, masakit ang mapalo, di ba? Hihintayin mo pa ba na ika’y paluin? Hihintayin mo pa ba na ika’y hagupitin?

Kung kaya't ang Palo ni Itay – iyong pakalimiin.

Isang Pagbubulay Araw-Araw.

1 comment:

Life Moto said...

I agree with you bro. Minsan ang gamot sa kalimot ay di na paalala kundi palo na. Kaya lang ay tulad ng nasabi nyo ay do it with Love. Na minsan ay nakakAlimut diN ang isang ama.