Tuesday, April 21, 2009

Isusumbong Kita sa Tatay Ko


Isusumbong Kita sa Tatay Ko

Waaahhh!…..” ang pagkalakas-lakas na iyak na aking narinig mula kay Nicole habang patakbong lumapit sa ama. “O bakit” ang tanong ng ama. “Si Lei po… si Lei po..” ang sumbong naman niya.

Biglang nanumbalik sa aking alaala ang ganitong tanawin na madalas kong masaksihan nung kami’y mga bata pa at mahilig sa paglalaro. Sa gitna ng aming kakulitan, habulan at kung anu-anong kalikutang aming ginagawa ay maya-maya ay may biglang aatungal ng pagkalakas-lakas at tatakbo sa magulang para magsumbong.

Marahil ay naranasan din natin ang ganito nung tayo’y mga bata pa. Na may kakaibang kapahingahan tayong nadarama kapag nasa piling na ng ina o ama at nagsusumbong. Ang sakit na ating natamo ay napapawi kapag ang kamay nila ay dumampi na sa atin. Ang pang-aaping ating naranasan ay nalilimot kapag sa bisig nila tayo ay humimlay na.

Ganito rin ang ating madarama sa piling ng ating Ama sa langit. Siya ang ating matatakbuhan kapag pang-aapi’y nararanasan sa kamay ng kaaway. Siya ang ating mapagsasabihan kung nakadarama ng lungkot at paghihirap dahil sa kawalan ng katuwiran at hustisya ng mundo. Siya ang ating mapaghihingahan ng sama ng loob, ng ating kabigatan, ng sakit ng kalooban. Sa Kanya tayo makapagsusumbong pagka’t Siya ang tunay na nagmamahal sa atin.

Sabi sa Psalm 119:76-78May your unfailing love be my comfort, according to your promise to your servant. Let your compassion come to me that I may live, for your law is my delight. May the arrogant be put to shame for wronging me without cause.”

Isusumbong kita sa Tatay ko” – ang siyang wika ng Psalmist.

Likas na sa mga lingkod ng Diyos na tumakbo sa Panginoon sa oras ng kagipitan, ng kahirapan at sa oras na sila’y tinutugis ng kaaway. Ganito ang naranasan ni David noong siya’y pinaghahanap at tinutugis ni Saul upang patayin. Sa Kanlungan ng Diyos si David tumutungo. Sa Kanya siya nagsusumbong.

Ikaw ba’y may nararanasang kaapihan, paghihirap ng kalooban, kapighatian at kalungkutan? Ang kaaway ba’y di ka tinatantanan?

Isumbong mo kay Tatay at ikaw ay Kanyang ililigtas. Ang mga hinirang Niya’y Kanyang ipagtatanggol.

"Be strong, do not fear; your God will come, he will come with vengeance; with divine retribution he will come to save you." (Isaiah 35:4)

Sa halip na malungkot, sa halip na umiyak, sa halip na panghinaan ng loob, "Isusumbong Kita sa Tatay Ko" - yang ang sambitin mo.

At ang di malirip na kapayapaan ang iyong mararanasan.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

No comments: