Sunday, April 5, 2009

Palaspas Mo - Iyong Iwagayway


PALASPAS

They brought the donkey and the colt, placed their cloaks on them, and Jesus sat on them. A very large crowd spread their cloaks on the road, while others cut branches from the trees and spread them on the road. The crowds that went ahead of him and those that followed shouted,

"Hosanna to the Son of David!"
"Blessed is he who comes in the name of the Lord!"
"Hosanna in the highest!"

Sa Matthew 21:7-9 (maging sa Mark 11:9-10 at sa John 12:12-13) ay ating mababasa na ang Panginoon nang Siya’y pumasok sa Jerusalem upang dumalo sa Feast of Passover ay sinalubong ng mga tao na noo’y naroroon din para makibahagi sa naturang pista.

Sakay ng isang asno (or donkey), Siya’y ipinagbunyi ng mga tao at isinisigaw nila -“Hosanna to the Son of David! Blessed is He who comes in the name of the Lord! Hosanna in the highest!” habang ang iba’y naglagay ng kanilang mga balabal sa daraanan ng Panginoon, at ang iba nama’y pumutol ng mga sanga ng palm trees at ito’y kanilang iwinawagayway sa Panginoon. Ang lahat ng Ito’y naganap nang Linggo bago ang Panginoon ay ipako sa krus at mamatay ng Biyernes.

Pamilyar sa atin ang eksenang ito na tinatawag na “Palaspas” at inaalala at ipinagdiriwang ng iba bilang “Linggo ng Palaspas”. Ito'y paninimula na rin ng tinatawag na Kuwaresma o Holy Week.

Ang pagwawagayway ng mga tao noon ng palaspas sa Panginoon habang siya’y dumaraan ay tanda ng kanilang pagkilala sa Kanya bilang Mesiyas o Tagapagligtas. Ganito rin ang karaniwang ginagawa bilang pagpupugay sa isang hari. (2 Kings 9:13)

Sa ating kapanahunan, ano ba ang “palaspas” na ating itinataas at iwinawagayway sa Panginoon bilang pagpapahayag ng ating pagkilala sa Kanya bilang Panginoon, Hari at Tagapagligtas? Na sa bawat pagwagayway nito kaakibat ang mataas na pagpupuri.

Ang ”palaspas” ay ang buhay ng bawat isang lingkod Niya kung saan ay dapat nating iwagayway bilang pagbubunyi at pagpapasalamat sa kaligtasang natanggap. Ialay sa Hari bilang handog na buhay.

Subalit ang “palaspas” ba kaya na ating iwinawagayway sa Panginoon ay kaaya-aya sa Kanyang paningin? Nakapagbibigay papuri ba ito sa Hari at nakapagpapalugod sa Kanyang puso?

Ang sabi sa Romans 12:1, “Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako’y namamanhik sa inyo na ialay ang sarili bilang handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos."

Araw-araw ay Linggo ng Palaspas. Araw ng pagwawagayway ng ating buhay bilang pagpupuri sa Diyos ng may pagsunod ng buong puso’t kalakasan at paglilingkod ng may kagalakan.

Iwinawagayway mo ba iyong palaspas?

Nariyan na ang Hari, dumarating na! Iwagayway mo ang iyong palaspas! Ipagbunyi mo Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas.

Iwagayway mo ang iyong sarili bilang handog na buhay .

Palaspas mo, iyong iwagayway. Isang pagbubulay-bulay.

No comments: