Sunday, April 12, 2009

Katotohanang Di Maikukubli


Katotohanang Di Maikukubli

"I am He who lives, and was dead, and behold, I am alive forevermore. Amen." (Revelation 1:18)

He is risen!”

Yan ang nagliliwanag na katotohanang inihayag ng Banal na Kasulatan na ang Panginoon ay muling nabuhay pagkatapos ng ikatlong araw. (Matthew 28:6, Mark 16:6, Luke 24:6)

Ito ang katotohanang narinig sa buong Jerusalem – sa lugar ng Kanyang pinaglibingan, sa silid na pinagtaguan ng mga apostol at Kanyang mga disipulo, sa palasyo ni Pontio Pilato, at sa bawat tahanan ng mga Hudyo.

Ito rin ang katotohanang umalingawngaw sa bawat sulok ng mundo – katotohanang pinipilit ikubli, pagtakpan, at pabulaanan ng mga di kumikilala sa Kanyang kapangyarihan.

Subalit walang makapipigil sa katotohanan. Walang makapipigil sa muling pagkabuhay ng ating Panginoon. Hindi ito napigilan ni Pontio Pilato, ng mga sundalo na nagbantay sa Kanyang libingan. (Matthew 27:62-66) Kahiman suhulan silang ipagsabi na ninakaw ang bangkay (Matthew 28:11-13) hindi maikukubli ang katotohanang siya’y nabuhay na muli.

Maging ang kamandag ng kamatayan ay hindi nagtagumpay. "O Death, where is your sting? O Hades, where is your victory?" (1 Cor. 15:55) Ang libingan ang makapagpapatunay – wala roon ang Panginoon. Siya’y muling nabuhay!

Tayo man, di natin maaaring ikubli ang katotohanang buhay ang ating Diyos!

Kung gayon, bakit para bagang ito'y taliwas kung susuriin ang ating mga buhay? Malimit na tayo ay talunan, lugmo at lupasay dahil sa kasalanan. Binubuyo-buyo ng kalaban at madalas ay nahuhulog sa kanyang mga kamay. Tuliro, balisa na animo’y walang pag-asang hinihintay.

Tulad ng ating Panginoon, tayo’y di dapat manatili na patay (espirituwal). Dapat tayong bumangon sa ating kinasasadlakan at isigaw at ipagbunyi “buhay ang aking Diyos!” Ihayag natin ito sa ating mga gawa. Ipatotoo saan man tayo naroroon. Ipagsabi sa lahat a ipamuhay sa tuwina.

Pagka' kailanma'y di maikukubli na Buhay ang ating Diyos!”

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

No comments: