Saturday, April 4, 2009

Habang Maiksi ang Kumot


Kasabihang-Pinoy #3 at ang Kanyang Salita

Habang maiksi ang kumot, matuto kang mamaluktot.”

Madalas kong naririnig noon kay Inay kapag kami’y kanyang pinaalalahanan sa paggastos ng walang-kapararakan ang katagang “ubos-ubos biyaya, bukas ay nakatunganga”.

Na sadya namang totoo lalo na tayong mga Pinoy. Likas sa atin ang gumastos ng gumastos kapag nakatanggap ng pera o anu mang kinita. Bili dito, bili diyan. Mall-ing dito, mall-ing doon. Gimik dito, gimik roon. Galit na galit sa pera. Gusto ubusin agad.

One day millionaire” sabi nga ng iba. Kinabukasan, “mahirap pa sa daga”. Wala ng pera. Nakatunganga. Ngangawa-ngawa na.

Ito ang tinutukoy ng ating ikatlong Kasabihang-Pinoy, “Habang maiksi ang kumot, matuto kang mamaluktot.”

Na ang ibig sabihin ay maging masinop, pahalagahan ang kinikita at iwasan ang labis na paggastos lalo pa nga’t kung di pa naman kalakihan ang kinikita. At kahiman malaki na ang ating ganansiya, mainam pa rin na hinay-hinay. Wag mamuhay na para bagang “wala ng bukas” na darating. Tulad ngayon na na may worldwide crisis na nararanasan.

At dito’y may magandang aral tayong matututunan sa mga langgam sa larangan ng pagiging masipag, masinop, at may paghahanda sa kinabukasan.

Sa Proverbs 30:25, mababasa natin ang ganito, “Ants are creatures of little strength, yet they store up their food in the summer.” Maliit na nilikha. Kaya mong pitikin, tirisin at pisain, subalit pagkalakas-lakas nila kapag dala-dala na ang mga butil ng kanin at tipak ng karne sa kanilang likuran habang pasan-pasan ito patungo sa kanilang imbakan ng pagkain. Ganito ang kanilang gawi habang tag-init pa, upang pagdating ng tag-ulan, nakatitiyak sila na may makakain. Hindi ngangawa-ngawa, kungdi hahalakhak habang ngata-ngata ang karneng naitago at naiimbak. Marunong silang mamaluktot habang maiksi ang kumot.

(For) there is a time for everything and a season for every activity under heaven.” (Ecclesiastes 3:1) May panahon ng pagtitiis, pagtitiyaga, at may panahon din naman ng kagalakan at kasaganahan. Ang mahalaga, in both ways marunong tayong mag-appreciate, ang maging kuntento kung anu ang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Hindi yung pulos reklamo ang bukambibig natin. Hindi marunong mamaluktot, habang maiksi pa ang kumot.
Pakatandaan, upang matiyak ang magandang bukas, “matututong mamaluktot habang maiksi ang kumot"

Isang Pagbubulay-bulay sa Kasabihang-Pinoy at ng Kanyang Salita.

1 comment:

Anonymous said...

Wow! napakagandang reminder at napapanahon nito. Dahil marami tayong pera ngayong December, given na ang pagkagastusan ang pamilya, inaanak iba pang mahal sa buhay ngayong season of giving. Ngunit dapat din nating sinupin ang ilang part ng ating datung para makapagsimula tayo sa ating lifetime financial security.