Wednesday, April 29, 2009

Bukod Kang Pinagpala


Bukod Kang Pinagpala

Count your blessings, name them one by one”.

Ito’y talata sa isang awiting madalas nating kantahin na naghahayag na tayo raw ay bukod na pinagpala sa lahat. Kung kaya’t dapat lang na magpasalamat lagi, bilangin ang mga pagpapalang natanggap at patuloy na natatanggap.

Sa Kanyang mga lingkod, ang pagpapasalamat ay likas na bahagi ng ating buhay. Ito’y animo’y bukal ng tubig mula sa kabundukan na di nauubos, bagkus patuloy na dumadaloy habang panahon at sa lahat ng panahon. In season and out of season, labi nati’y tigib ng pagpapasalamat – counting our blessings, one by one.

Subalit papaano ba magpapasalamat kung mahal sa buhay ay nakaratay sa karamdaman? Kung nakatanggap ng balita na di na ire-renew ang kontrata sa trabaho at maaaring mapauwi anu mang sandali? Papaano makapagpupuri kung mga bayarin ay patung-patong at halos di na yata nauubos at lalo pang nadaragdagan? Papaano maitataas ang kamay sa pasasalamat kung iniwan ng mahal sa buhay, tinalikuran ng kaibigan at iniwang nag-iisa at walang masandalan at matakbuhan sa oras ng pangangailangan?

Masasabi kayang ika’y bukod na pinagpala? Mabibilang mo kaya ang pagpapalang natanggap? Marahil wala kang maisip. Walang kang maalala dahil ito’y natabungan ng mga kalungkutang nadarama, naikubli ng suliraning nararanasan, naisantabi ng paghihirap na binabata, natakluban ng pasakit na patuloy na dinadala at mga alalahaning laging laman ng isipan.

Sabi sa turo ng isang preacher na aking narinig – may isang Kristiyano daw na nanalangin ng taimtim. Ang dalangin niya’y magkaroon ng sapatos na Nike. Yung bagong modelo dahil luma na yung nabili niya nung isang taon pa. Ito ang pinakakaasam-asam niyang makamit kung kaya’t lagi niyang itong binabanggit sa panalangin at siyang sanhi ng lungkot na kanyang nadarama kung minsan.

Isang araw sa kanyang paglalakad, may nakita siyang bata na putol ang isang paa, kipkip ang tungkod na siyang umaalalay sa kanya para makalakad ng matuwid. Sa tanawing iyo’y bigla niyang napag-isip – ang batang ito’y di kumpleto ang paa subalit siya’y payapa, may ngiti sa labi at di lubos na nag-aalala.

Subalit ako kumpleto ang paa, nakakalakad ng maayos na di kailangang gumamit ng tungkod. Bakit ako labis na nag-aalala? Bakit di ko magawang makangiti at magpasalamat kung ano ang mayroon sa akin.” - ang siyang paalala niya sa sarili.

Sige, Lord… wag na pong Nike. Adidas na lang. “ Nyehh.. “joc…joc.. lang po.”, ang pabirong naidagdag niya. ‘Okei na sa akin kahit wala. Mas maraming dapat ipagpasalamat.”

At yan ang totoo.

Lumingon lamang tayo sa ating paligid ay marami tayong makikitang dapat ipagpasalamat sa Panginoon – ang ating buhay, ang pagkaing natitikman sa araw-araw, ang hanging nalalanghap, ang lamig ng aircon na dumarampi sa ating balat, ang lamig ng tubig na ating naiinom, at marami pa.

Kung babalikan ang nakaraan sa ating buhay ay may masisilayan tayong kabutihang ginawa ng Diyos sa atin. Kung sino tayo noon at nasaan tayo ngayon ay isang pagpapalang di matutumbasan ng anumang halaga.

At kung tatanaw tayo sa malayo ay mamalas natin ang mga magagandang pangakong handog sa atin ng Panginoon. Pangakong nagdudulot sa atin ng pag-asa, ng sigla at kalakasan.

Sadyang napakaraming dapat ipagpasalamat. Lalo na’t kung tayo’y lubos na tatalima sa Kanyang utos at kalooban. Ganito ang sinasabi ng Kanyang Salita sa Deuteronomy 28:2-6, “All these blessings will come upon you and accompany you if you obey the LORD your God:

You will be blessed in the city and blessed in the country.
The fruit of your womb will be blessed, and the crops of your land and the young of your livestock--the calves of your herds and the lambs of your flocks.
Your basket and your kneading trough will be blessed.
You will be blessed when you come in and blessed when you go out
.”

Ang dami pala. Tunay nga na tayo'y bukod na pinagpala.

Kung gayon, wag nating hayaan na matabingan ng ulap ang magandang sikat ng araw. Magpasalamat sa lahat ng oras at sa lahat ng bagay.

"In everything give thanks." (1 Thessalonians 5:18)

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Tuesday, April 28, 2009

Ang Palo ni Itay


Ang Palo ni Itay

"My son, do not make light of the Lord's discipline, and do not lose heart when He rebukes you, because the Lord disciplines those He loves, and He punishes everyone He accepts as a son." (Hebrews 12:5-6)

Noo’y labis kong dinaramdam ang palo ni Itay sa akin. Sa loob-loob ko, “di niya ako mahal”.

Yan marahil ang sentimyento natin noon kapag tayo’y nakakatikim ng palo ng ating magulang. Sa ating murang isipan ay di natin marahil maunawaan kung bakit tayo pinapalo. Maaaring ang iba ay nagkikimkim pa ng sama ng loob na magpahanggang ngayon ay nakatatak pa sa ating puso na animo’y isang peklat na nagpapaalala sa atin ng sakit na idinulot nito.

Gaano man ang naging hapdi niyon, gaano man kasakit ang nadama sa hampas na ating natamo, o hagupit na naranasan – tiyak na may angking aral tayong natutunan sa mga palo na iyon. Naituwid tayo sa maling ugali, nabatid natin ang di wasto, nakaiwas sa higit pang kapahamakan kung magpapatuloy sa di tamang gawain, at naging babala sa atin upang di na ulitin pa ang maling nagawa at maranasan ang palo ni Itay.

Tiyak na may kadahilanan kung bakit palo ni Itay ay ating naranasan. Marahil labis tayong naging makulit, pasaway at di sumusunod sa iniuutos. Bilang mga magulang, marapat lamang na tayo’y paluin kung tayo’y sumusuway, pagka’t ang palo raw ay tanda ng kanilang pagmamahal.

Ganito ang nakasaad sa Kanyang Salita na ating pinagbubulay-bulayan sa Hebrews 12:5-6, "My son, do not make light of the Lord's discipline, and do not lose heart when he rebukes you, because the Lord disciplines those he loves, and he punishes everyone he accepts as a son."

Tayo’y pinapalo ng ating magulang pagkat tayo’y itinuturing nilang anak. Kung kaya’t wag raw ipagdamdam ito.

Pagka’t di maaaring paluin ng isang magulang ang di niya anak. Makakasuhan siya pag nagkagayon. Bagama’t ngayon ay maaari nang magsuplong ang anak sa awtoridad kapag sila’y sinasaktan ng magulang tulad sa Amerika at iba pang demokratikong bansa. Subalit yan ay batas-pantao lamang. Mas mataas ang batas ng Diyos kung saan isinasaad na ang pagpapalo ay pagpapadama ng pagmamahal ng isa ama o ina. Kung kaya nga’t nang tayo’y naging magulang na rin, nang may tumatawag na sa atin ng “Itay” o “Inay”, saka natin napagtanto ang tunay na kadahilanan ng palo ni Itay.

Ganito rin naman ang dahilan ng palo na natatanggap natin sa ating tunay na Ama sa langit. Ang sakit, hapdi at kirot na ating naranasan sa Kanyang mga kamay ay dulot ng pagmamahal Niya sa atin. Ito'y tanda na tayo'y Kanya na ngang anak. Pagka't pag tayo'y di nakatitikim ng Kanyang palo kahiman tayo'y nagliliwaliw sa kasalanan, isang malaking katanungan iyon. Tayo kaya'y anak na nga Niyang tunay?

Kung kaya't wag magdamdam, bagkus magpasalamat pagka’t ito’y patunay na mahal Niya tayo at di nais na tayo’y mapariwara.

Upang di maranasan ang palo ni Itay, sumunod sa Kanyang utos, tumalima sa Kanyang kalooban, bigyan Siya ng kaluguran.

Wag ng hintayin pa na ang palo ay maging isang hagupit dahil sa labis na katigasan ng ulo. Tupdin ang paalala Niya at pasalamatan ang mga tapik Niya sa atin sa tuwina.

Kayo rin, masakit ang mapalo, di ba? Hihintayin mo pa ba na ika’y paluin? Hihintayin mo pa ba na ika’y hagupitin?

Kung kaya't ang Palo ni Itay – iyong pakalimiin.

Isang Pagbubulay Araw-Araw.

Monday, April 27, 2009

Ang Wais na Kristiyano


Ang Wais Na Kristiyano
(mula sa panulat at ibinahagi ni Leo Amores)

You do not have, because you do not ask God. (And) when you ask, you do not receive, because you ask with wrong motives, that you may spend what you get on your pleasures. (James 4:2-3)

Minsa’y may isang wais na Kristiyanong nanalangin sa Panginoon.

Wais na Kristiyano: Lord marami pong salamat sa pagtugon sa aking mga panalangin. Mayroon lang po akong tanong. Ang isang bilyong taon po ba ay gaano katagal sa inyo?

Panginoon: Isang Minuto lang yan anak.

Wais na Kristiyano: Hmmmn..., eh yon naman pong one billion dollars, magkano sa inyo?

Panginoon: It is only "one penny".

Wais na Kristiyano: Excited (at tuwang-tuwa) sabay sabi ng “Lord pwede ko bang mahingi ang one penny nyo? Kahit “one penny” lang po”. (na katumbas ay one billion $)

Wais ang Kristyanong ito. But God knows his motive, kaya heto ang sagot ng Lord sa kanya…

Panginoon: Okay anak..., just wait a minute.

Na ibig sabihin ng Diyos ay mag- antay ka ng isang bilyong taon.

Mas wais ang Panginoon. God cannot be mocked. Nothing impure can be hidden from His eyes.

Minsan (or gaano gadalas ba ang minsan, ika nga) ganito rin tayo manalangin o humingi kay Lord. Akala natin ay makakabuti para sa atin ang ating mga hinihingi at hinihiling, at gusto pa natin ay agad agad.

Kailangan natin na mag-antay. To wait upon the Lord sa kanyang sagot sa tamang panahon. Minsa’y sinagot na ng Panginoon ang ating panalangin, subalit antay pa rin tayo ng antay dahil di natin alam na ang sagot pala ng Lord ay “NO”. “NO” sa dahilang ikaw ay mapapahamak or malalayo sa Kanya kung ibibigay Niya ang iyong hiling.

Minsan nama’y “YES” or ka-agad-agad o instant ang sagot ng Lord dahil maganda ang motibo mo, at ito’y makapagdudulot ng kaluwalhatian sa Kanya.

So tandaan po natin ang ilang ways na tutugon ang Panginoon sa ating mga panalangin at hiling:

1. YES - because of good motives for His glory OR if you need it - not just wants.
2. NO - because it will lead us astray.
3. WAIT - because God knows the right time and we're not prepare yet to receive it.

Ikaw ba’y wais na Kristiyano? Wais sa paningin ng Diyos o wais sa panukat ng mundo?

Ito’y mababatid mo raw kung papaano ka manalangin sa Panginoon. Ikaw ba’y hiling lamang ng hiling o sinusuri mo muna ang puso mo? Kung ito ba’y may malinis na hangarin o pansarili lamang ang pakay?

Paka-isipin mo ito at siyasatin ang puso.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Sunday, April 26, 2009

Dinggin ang Tawag Niya


Dinggin ang Tawag Niya

Now Samuel did not yet know the LORD: The word of the LORD had not yet been revealed to him.” (1 Samuel 3:7)

Minsa’y tumawag sa akin ang isang kaibigan na ngayo’y nasa Australia na’t doon nagtratrabaho. Pilit niyang iniiba ang kanyang tinig sa kabilang linya sa hangaring ako’y biruin. Subalit agad ko naman siyang nakilala.

Hoy! Hindi maipagkakaila yang boses mo noh. Ikaw pa! Musta ka na, mokong?” Isang malakas na tawa ang isinukli niya. “Ba’t mo nalamang ako ito, galing mo naman” ang tanong niya na may pagkamangha.

Bawat tao raw ay may kanya-kanyang uri ng tinig na mapagkikilanlan mo. Tinig na kanyang-kanya lamang. At dahil matagal mo nang nakasama, tinig niya pa lang, bisto mo na.

Minsan nga boses nila’y ating ginagaya kapag tinutukoy siya sa iyong kausap. Nakikilala nila naman agad ito lalo na’t kung prominente ang taong iyon at ang style at salitang madalas niyang sabihin ang gagamitin mo.

Kapag nagsalita ka ng super bagal tulad ng “ito…… ang….. inyong.......”, alam na agad ng kausap mo kung sino iyon. Kung kaya’t idurugtong niya na ang “kuya……Cesar…..” na super bagal din ang pagkabigkas.

At kapag buo at maragsang pagbigkas naman ng “Oh hindeh!” ang iyong sinabi sabay ang paglaki ng butas ng ilong, alam nila agad na ang tinutukoy mo’y si Ben David.

( Teka nga pala, kilala nyo ba ang mga personalidad na tinutukoy ko ? Hmmm…mukhang napaghahalata yata ang aking edad, hehehe…. )

Kung gaano tayo kahusay sa pagkilala sa tinig ng iba, dapat ay gayon din sa tinig ng Diyos. Dahil kung sinasabi nating kilala natin Siya, dapat ay tinig Niya pa lang , alam mo na. Bulong pa lang Niya’y nauulinigan mo na.

Subalit bakit minsan, hindi natin Siya naririnig? Tawag Niya’y di mo mabosesan. Tinig Niya’y di mo makilala.

Tulad ni Samuel na ating mababasa sa 1 Samuel 3:1-10, habang siya’y nagpapahinga noon sa may templo, tinawag siya ng Diyos. “Samuel, Samuel...” “Andito po ako” ang sagot naman niya sabay tungo kay Eli, na kanyang tagapangalaga. “Hindi kita tinatawag” ang turan ni Eli kay Samuel. “Bumalik ka na sa iyong higaan”. Muli’y tinawag ng Diyos si Samuel, hanggang ikatlo, subalit hindi pa rin nakilala ni Samuel ang tumatawag sa kanya, pagka’t nung panahong iyon ay di pa Niya kilala ang Diyos, o wala pa siyang personal na relasyon sa Panginoon.

Now Samuel did not yet know the LORD: The word of the LORD had not yet been revealed to him.” (1 Samuel 3:7)

Ganito rin minsan ang dahilan kung bakit di natin naririnig ang Diyos. Kung bakit di nakikilala agad ang tinig na tumatawag sa atin. Wala pa tayong tunay at personal na relasyon sa Kanya. Bagama’t ikaw ay nasa templo na - nananambahan, naghahandog, naglililingkod.

Activity is not a guarantee of holiness. It is the time that we spend with Him in prayer, in meditation of His Words that matters. It is our relationship with Him that counts. Sometimes, we’re too busy in the Kingdom, but have no time with the King.

Ito ang dahilan kung bakit tinig Niya’y di mo mabosesan. Tawag Niya’y di mo makilala.

Sabi ng Panginoon sa John 10:27, “ang aking mga tupa ay nakakikilala sa aking tinig. Kilala ko sila, at sila’y sumusunod sa akin.”

Ikaw ba ang tinutukoy ng Panginoon na Kanyang mga tupa?

Pagkat kung magkagayon, tinig Niya’y batid mo dapat, at ika’y sa Kanya ay susunod.

Subalit bakit di agad tumatalima? Tunay mo ba siyang naririnig? O nagbibingihan ka lamang o nagmamaang-maangan. Pinagpapabukas ang dapat gawin.

Kung tunay na ika'y isa sa Kanyang mga tupa, gayo'y dinggin mo ang tawag Niya.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Saturday, April 25, 2009

Bukas Na Laang


Bukas Na Laang

"Do not boast about tomorrow, for you do not know what a day may bring forth." (Proverbs 27:1)

Inshallah” – yan ang madalas kong marinig sa mga katutubo ng bansang ito, na ang ibig sabihin ay “kung ibig ni Allah, mangyayari” na may katumbas din sa ating lengguwahe na “Bahala na”, na ang ibig tukuyin ay “Si Bathala na ang bahala”. Kung ibig Niya, mangyayari.

Subalit ganito nga ba ang nais ipakahulugan ng mga salitang ito?

Si Bathala nga ba ang bahala? Ang Diyos nga ba na may lalang ng langit at lupa at may akda ng ating buhay ang bahala sa atin? At tayo’y sitting pretty na lamang na kukuya-kuyakoy sa beranda ng ating munting dampa o tahanan, o kaya’y sa silyang uugoy-ugoy?

Nanariwa tuloy sa aking alaala ang kwento nitong si Juan Tamad na makailang beses ko nang nabasa at narinig - na sa halip na umakyat ng punong bayabas upang kunin ang bunga nito na nais niyang kainin, ay humilata na lamang sa ilalim nito at ibinuka ang bunganga upang hintayin ang pagbagsak ng bayabas sa kanyang bibig na animo’y basketball ring na pagsiyu-shoot-an ng bola.

Ganito rin tayong maituturing kung ang bukam-bibig natin ay “bahala na” o kaya’y “bukas na laang”. Na laging ipinagpapabukas ang maaaring gawin sa ngayon. “Inshalla” ang sambit mo pa. Nahawa na yata.

Tulad ni Juan, tayo'y walang nais gawin kungdi ang humilata na nakabuka ang bunganga sa paghihilik at tulo-laway. Ayaw kumilos, ayaw magtrabaho. Laging bida ay “bukas na laang.” Subalit sino ang nakatitiyak ng bukas na darating?

Sabi sa Proverbs 27:1 na ating pinagbubulay-bulayan, Do not boast about tomorrow, for you do not know what a day may bring forth.”

Maliban na tayo ang Diyos na nakakabatid ng magaganap sa bukas, hindi natin maisasangkalan ang bukas at tayo’y mapapabandying-bandying na laang.

Maraming mga pagkakataon ang nasasayang dahil sa ating di pagkilos – mga taong dapat sana’y nabahaginan natin ng Salita ng Diyos subali’t di na nagawa dahil banggit mo parati’y “bukas na laang”, hanggang ang taong nais bahaginan ay pumanaw na pala o kaya’y nadestino sa malayong lugar.

Mga gawain sa Iglesya na nabibinbin at di sumusulong, mga programang di naisasakatuparan dahil rason mo palagi’y “bukas na laang”, hanggang sa inabutan na ng pagbabalik ng Panginoon ay di pa rin nagagawa.

Mga plano sa buhay na di natutupad at nananatiling plano na lamang dahil sambit mo tuwina’y “bukas na laang”, hanggang sa inabutan ka na ng susunod na milenyo ay di mo pa rin nagagawa.

Mga pangakong napako dahil ang pagtupad ay ipinagpabukas-bukas na lamang. Salitang mistulang iginuhit sa buhangin, inilista sa tubig, ibinulong sa hangin.

At maging sa personal na buhay o sa buhay-espirituwal. Hindi tayo lumago-lago dahil sa katamarang mag-aral, magbasa at magbulay-bulay ng Kanyang Salita, manalangin at iukol ang panahon sa paglilingkod sa Kaniya dahil iniisip-isip natin palagi ay “bukas na laang”, bata pa ako't sariwa at marami pa akong nais gawin. I-enjoy ko muna ang aking life, na para bagang isang malaking pagdurusa ang sumunod sa kalooban ng Diyos.

Bukas na laang” – yan ba ang madalas pa ring naririnig sa iyong bibig? Baka kaya di tayo pinapagpala at di nakakamit ang ating hangarin dahil tugon sa atin ng Maykapal sa ating dalangin ay “bukas na laang” din.

Ito'y iyong buong paka-isipin.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Wednesday, April 22, 2009

Sige...Mauna Ka


Sige… Mauna Ka

"If any one of you is without sin, let him be the first to throw a stone at her." (John 8:7)

Sige… mauna ka!” Ito ang tuwirang isinagot ng ating Panginoon sa mga Pariseo at mga tagapagturo ng batas na noo’y nagtanong sa kaniya kung anong dapat gawin sa babaeng kanilang nahuling nangangalunya.

Kanilang ipinaalala ang nakasaad sa Batas ni Moses na ang ganitong kasalanan ay pinaparusahan ng kamatayan. At ito’y kanilang isinasagawa sa pamamagitan ng pagbato sa nagkasala hanggang sa bawian ng buhay.

"'If a man commits adultery with another man's wife--with the wife of his neighbor--both the adulterer and the adulteress must be put to death.” (Leviticus 20:10)

Maituturing na napakabigat ng kasasapitan ng sinumang nagkasala sa pangangalunya – kamatayan. Subalit kamatayan din naman ang kahahantungan ng lahat ng uri ng kasalanan. “For the wages of sin is death” (Romans 6:23) At walang sinuman din ang makapagsasabi na hindi siya nagkasala. “For all man have sinned and fall short of the glory of God.” (Romans 3:23)

All are guilty in the eyes of God. Ang lahat ay dapat parusahan.

Kung gayo’y paka-ingat daw tayo sa paghusga. Sa pagsasabing “Ikaw kasi eh. Kundi dahil syo” o kaya’y “kasalanan mo yan, magdusa ka.”.

Pagkat kapag tayo raw ay nagturo, kapag ginamit na natin ang ating hintuturo, tatlo sa ating daliri’y sa atin naman nakaturo, at nagsasabi naman ng “ikaw rin kasi” o kaya’y “ikaw nga rin eh. Mas masahol ka pa nga sa akin.”

Wag maging tulad ng Pariseo na padalus-dalos kung manghusga. Wag mag-asal na “holier-than-thou” o yung mas banal ako syo na kulang na lang na magkaroon ka ng “halo” sa iyong bumbunan o yung bilog na kumikislap-kislap na nagsasabing ikaw ay santo at santa at dapat “sambahin ka”.

Sa halip na manghusga, sa halip na magpataw ng parusa at mabigay ng masasakit na salita sa nagkasala – pakasuriin muna ang sarili. Kung sa wari mo’y walang kang kasalanan, “Sige, mauna ka.” Damputin ang bato at iyong ipukol.

"If any one of you is without sin, let him be the first to throw a stone at her."

Nang marinig ng mga Pariseo at ng mga taong naroroon ang sinabi ng Panginoon, isa-isa silang nagsipaglisan, simula sa mga matatanda hanggang sa mga naka-babata, hanggang ang Panginoong Hesus na lang ang natira at ang babaing nahuling nangalunya.

Asan na sila” ang tanong ng Panginoon. “Wala bang humusga at nagparusa syo?”

Wala po” ang tugon ng babae.

Maging ako’y di kita huhusgahan at parurusahan. Humayo ka na at wag ng magkasala pa.”

Ikaw.. ako.. higit kaya tayo sa Panginoon? Hindi tayo makapagpatawad. Agad humuhusga sa mali at kasalanan ng iba, subalit tulad ng Pariseo - di naman mapulot ang bato upang siyang unang pumukol.

Kung ang tingin sa sarili’y walang pagkakamali’t pagkakasala, “Sige, mauna ka” – mauna kang pumukol ng bato.

Ngunit kung batid nating tayo rin ay tulad ng babaeng nahuli sa pangangalunya, na tayo’y nagkakasala, nagkakamali – “Sige, mauna ka” – mauna kang magpatawad at mag-abot ng kamay sa mga nagkakasala upang sila’y buhatin at akayin sa tamang landasin. At upang ikaw rin ay makakamit ng kapatawaran.

For if you forgive men when they sin against you, your heavenly Father will also forgive you. But if you do not forgive men their sins, your Father will not forgive your sins (also).” (Matthew 6:14-15)

Sinong gustong mauna?

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Tuesday, April 21, 2009

Isusumbong Kita sa Tatay Ko


Isusumbong Kita sa Tatay Ko

Waaahhh!…..” ang pagkalakas-lakas na iyak na aking narinig mula kay Nicole habang patakbong lumapit sa ama. “O bakit” ang tanong ng ama. “Si Lei po… si Lei po..” ang sumbong naman niya.

Biglang nanumbalik sa aking alaala ang ganitong tanawin na madalas kong masaksihan nung kami’y mga bata pa at mahilig sa paglalaro. Sa gitna ng aming kakulitan, habulan at kung anu-anong kalikutang aming ginagawa ay maya-maya ay may biglang aatungal ng pagkalakas-lakas at tatakbo sa magulang para magsumbong.

Marahil ay naranasan din natin ang ganito nung tayo’y mga bata pa. Na may kakaibang kapahingahan tayong nadarama kapag nasa piling na ng ina o ama at nagsusumbong. Ang sakit na ating natamo ay napapawi kapag ang kamay nila ay dumampi na sa atin. Ang pang-aaping ating naranasan ay nalilimot kapag sa bisig nila tayo ay humimlay na.

Ganito rin ang ating madarama sa piling ng ating Ama sa langit. Siya ang ating matatakbuhan kapag pang-aapi’y nararanasan sa kamay ng kaaway. Siya ang ating mapagsasabihan kung nakadarama ng lungkot at paghihirap dahil sa kawalan ng katuwiran at hustisya ng mundo. Siya ang ating mapaghihingahan ng sama ng loob, ng ating kabigatan, ng sakit ng kalooban. Sa Kanya tayo makapagsusumbong pagka’t Siya ang tunay na nagmamahal sa atin.

Sabi sa Psalm 119:76-78May your unfailing love be my comfort, according to your promise to your servant. Let your compassion come to me that I may live, for your law is my delight. May the arrogant be put to shame for wronging me without cause.”

Isusumbong kita sa Tatay ko” – ang siyang wika ng Psalmist.

Likas na sa mga lingkod ng Diyos na tumakbo sa Panginoon sa oras ng kagipitan, ng kahirapan at sa oras na sila’y tinutugis ng kaaway. Ganito ang naranasan ni David noong siya’y pinaghahanap at tinutugis ni Saul upang patayin. Sa Kanlungan ng Diyos si David tumutungo. Sa Kanya siya nagsusumbong.

Ikaw ba’y may nararanasang kaapihan, paghihirap ng kalooban, kapighatian at kalungkutan? Ang kaaway ba’y di ka tinatantanan?

Isumbong mo kay Tatay at ikaw ay Kanyang ililigtas. Ang mga hinirang Niya’y Kanyang ipagtatanggol.

"Be strong, do not fear; your God will come, he will come with vengeance; with divine retribution he will come to save you." (Isaiah 35:4)

Sa halip na malungkot, sa halip na umiyak, sa halip na panghinaan ng loob, "Isusumbong Kita sa Tatay Ko" - yang ang sambitin mo.

At ang di malirip na kapayapaan ang iyong mararanasan.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Monday, April 20, 2009

Nanghihinayang


Nanghihinayang

"I will not sacrifice a burnt offering to the Lord that costs me nothing." (1 Chronicles 21:24)

Wala po bang libre” ang tanong na may pabiro ni Kosme kay Sadik na tindero ng alahas habang sinisipat-sipat ang kuwintas na kanina pa niya hawak-hawak at nais bilhin para ipang-regalo kay Juana na kanyang kasintahan. “Maganda sana kaya lang ang mahal” ang may panghihinayang niyang bulong sa sarili. “Saan kaya merong sale at doon na lang makabili?”

Thank you, Sadik. I come back”, ang huling salitang binitawan ni Kosme at sabay alis upang magbaka-sakali sa iba kung saan merong Sale o mas mura o kaya’y libre.

Wala na kayang libre ngayon! Ano ka?” ang sabat nitong si Bentong. “Ultimo mo nga garlic ng broastsed ngayon ay binibili na dati naman ay libre. 2009 na po ngayon. Hoy, gising!” ang sunud-sunod na sermon ni Bentong kay Kosme. Marahil sa pagkayamot sa kaibigan pagka’t kanina pa sila paikot-ikot at hinalugad na yata lahat ang tindahan ng alahas sa paghahanap lamang ng mura. Nanghihinayang sa halagang mababawas sa kanyang salapi kung saka-sakali. “Mainam na makatipid. Wais yata ito” ang pagmamalaki pa ni Kosme sa sarili.

Minsa’y ganito rin ang ating gawi. Kung saan may Sale andun tayo. Kung saan ang mura. Kung saan may libre. At may mga tao pa nga na talagang super galing sa pagtawad. Yung isandaang riyal ay nagiging sampung riyal na lamang. Kaya naman itong si Sadik ay napapakamot na lang ng ulo at napapa-iling sa pagkamangha (o sa pagka-inis siguro).

Gayundin din kaya tayo sa pagbibigay at paghahandog sa Diyos na siyang may akda ng ating buhay? Binibilang natin at sinusukat bawat kusing na lumalabas sa ating bulsa at tarheta de libreta?

Maging sa mga kaibigan at kasambahay, minsa’y tayo’y ganito. Gusto ngang magbigay pero ang ibig naman ay yung libre o nakuha lamang sa murang halaga. O kaya’y yung natanggap ding regalo ang siyang ipangreregalo. Nanghihinayang kapag napalaki o napamahal ang ibibigay.

Si Haring David nung siya’y sabihan ng Diyos na gumawa ng dambana para sa Kanya sa may giikan ni Araunah ay di pumayag na makuha ang lupang giikan kungdi di niya ito babayaran. (1 Chronicles 21:22-24)

Pagka’t nung bibilhin na ni Haring David ang lupang giikan, iminungkahi ni Araunah na wag ng bayaran, ibibigay na lamang niya ito. At hindi lamang ang giikan ang kanyang ibibigay, kungdi maging ang kanyang hayop na panghandog at mga panggatong at pati na rin ang mga butil na panghandog. “Inyo na pong lahat iyan” ang wika ni Araunah.

Subalit hindi pumayag si David. "No, I insist on paying the full price. I will not take for the LORD what is yours, or sacrifice a burnt offering that costs me nothing."

Hindi siya nanghinayang. Lalo na’t kung ang paghahandugan ay ang Diyos na Siyang makapangyarihan sa lahat. Siya na pinagmumulan ng lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan.

Papaano kaya tayo maghandog sa Diyos? Nanghihinayang kaya tayo sa halagang ating ibinibigay. Papapano tayo maglingkod? Nanghihinayang kaya tayo sa oras na ating nagugugol. .

Ang Panginoon nang magbigay, He gives the best. He gives His very best. He gave His life for us.

Ikaw, papaano ka maghandog? Papaano ka maglingkod sa Diyos?

Tulad ka ba ni David? Nabibigkas mo rin ba ang katagang ““I will not offer anything to the Lord that costs me nothing”.

Ibibigay ko ang lahat, buong puso ko’t kaluluwa, kalakasan at isipan.” Kahiman dulot nito’y pagpapakasakit, pagtitiis, pag-iisa kung minsan, pagpapakumbaba, at patuloy na pagsupil sa sarili sa layaw ng katawan.

O nanghihinayang ka pa rin. At umaawit ng “nanghihinayangnanghihinayang ang puso ko.”

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Sunday, April 19, 2009

Excess Baggages


Excess Baggages

" Therefore, since we are surrounded by such a great cloud of witnesses, let us throw off everything that hinders and the sin that so easily entangles, and let us run with perseverance the race marked out for us." (Hebrews 12:1)

Sakit na yata ng karamihan sa ating mga Pinoy na kapag nagbabakasyon ang magdala ng pagkarami-raming bagahe na halos di na magkanda-ugaga sa pagbitbit. May pasan-pasan na sa likuran, may nakasublit pang pagkabigat-bigat sa balikat habang hatak-hatak ng kaliwang kamay ang pagkalaki-laking maleta at sa kanang kamay naman ay hawak-hawak ang isang shopping bag na nag-uumapaw ng iba’t ibang pasalubong na sabon, tsokolate’t de-lata.

Laging nag-e-excess baggage. 20 kilos lang ang allowed, magdadala ng trenta kilos. At kung 30 kilos naman, kuwarenta o higit pa ang bibitbitin. “Ipag-pray mo naman yung bagahe ko na makapasok” ang hihilingin pa syo. Ano? Dinamay ka pa sa kanyang krimen.

Ito’y tipikal na larawan ng isang sabik na sabik ng umuwi na walang nais kungdi ang mapasaya ang mahal sa buhay kung kaya’t bibitbitin ang anu mang makakayang dalhin na parang walang anuman, at diretsong lalakad na animo’y pagkagaan-gaan ng mga dalahin.

Ganito ring maihahambing ang karamihan sa atin kung pag-uusapan ang buhay-espirituwal. Napakarami nating bitbit-bitbit na di naman lubos na kailangan. Nahihirapan na, lugmok na, lupasay na subalit tuloy pa rin sa pagdala nito. Di mabitaw-bitawan ang anu mang hawak-hawak natin.

Ang sabi sa Hebrews 12:1 na ating pinagbubulay-bulayan, “Therefore, since we are surrounded by such a great cloud of witnesses, let us throw off everything that hinders (us) and the sin that so easily entangles, and let us run with perseverance the race marked out for us.”

Itapon daw natin. Iwanan ang mga bagay na humahadlang sa ating paglago bilang anak Niya. Mga kasalanang parang alugbating lagi na lamang nakapulupot sa atin. Bisyo, masamang ugali, katamaran, pagwawalang-bahala, poot, galit, pagiging materyalismo, maramdamin, at kung anu-ano pa. Upang sa gayo’y makakatakbo tayo ng buong inam at mararating natin ang finish line.

Wag nating panghinayangang itapon ang mga di naman kapaki-pakinabang sa ating buhay-espirituwal. Iwanan na ang mga ito. Itapon. Pagkat nagiging sagabal lamang sa ating paglakad o pagtakbo bilang Kristiyano. A
t kung ito'y ating itatapon, wag ng babalikan pa. Sirain na ng tuluyan. Wag lang basta iwanan baka mapulot pa ng iba, o kaya'y mabalikan mo pa.

Anu-ano ang mga excess baggages na dala-dala natin ngayon?

Wag panghinayangang ito'y iwanan. Mas higit na gantimpala ang kapalit nito na ating tatanggapin kung tayo'y tatalima lamang at susunod ng buong puso.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Saturday, April 18, 2009

Peksman! Cross My Heart - ang Pagsasabi ng Totoo

Peksman! Cross my Heart.

If we say that we have fellowship with him, and walk in darkness, we lie, and do not practice the truth.” (1 John 1:6)

Peksman! Cross my heart. Mamatay man yung aso ng kapit-bahay namin, totoo yung sinasabi ko. Hindi ako nagbibiro. Kahit magtanong ka pa sa katulong namin.” ang sunud-sunod na tinuran ni Gorio kay Tekla, sabay kurus sa dibdib, sa pagsisikap na kumbinsihin ang dalaga na di siya nagtataksil at mahal na mahal niya ito.

Yan ang katagang maririnig mo sa mga taong tiyak mong di tutupad sa pangako at sa salitang binitiwan. Na bubuhayin ang lolo’t lola na matagal ng nanahimik para lang mapaniwala ang kausap. “Mamatay man ang lolo ko”, ang pagkakadiin-diinanan pa. Ilang beses na kayang namatay ang lolo niya tuwing may makakausap, ilang beses na kayang bumangon sa libingan ang pobreng lolo para muling mamatay, tuwing ikakasangkapan para iligtas lamang ang sarili sa maling gawa, at tuwing may ipagmamalaki, kahiman magtagpi-tagpi ng kasinungalingan.

Kamakailan lamang kami’y nagkasarapang mag-kuwentuhan ng mga kapatiran, at sa gitna ng kasiyahang iyon maririnig mo ang paulit-ulit na pagsasabi ng nagkukuwento na “totoo ito huh, true story ito” o kaya’y ang pagtatanong ng nakikinig ng “totoo yan huh?”. Tinitiyak kung alin ang tama sa hindi, ang biro sa totoo.

Bakit nga ba na napakahalaga na ang katotohanan ang mamumutawi sa bibig natin? Bakit napakahalaga na ang ating mga gawi ay kakikitaan ng pagiging matuwid at totoo? Lalo sa ating mga lingkod Niya. Tayo na nagtataglay ng pangalan ng Panginoong Hesus.

Ito’y sapagkat ang Diyos na ating pinaglilingkuran ay liwanag, at sa Kanya’y walang anumang kadiliman. Kung kaya’t kung sinasabi nating tayo’y kaisa Niya, subalit namumuhay naman tayo sa kadiliman at hindi sa liwanag, tayo’y sinungaling at ang katotohana’y wala sa atin.

If we say that we have fellowship with him, and walk in darkness, we lie, and do not practice the truth.” (1 John 1:6)

Kaya nga’t paka-ingatan lagi ang ating bibig, siyasating maigi ang sarili – kung may mali at di tama sa ating mga gawi at sinasabi. Mamuhay sa katotohanan. Pagningningin ang liwanag nating taglay.

Sa halip na “Peksman! Cross my Heart” ang maririnig, papuri sa Diyos at patotoo ng Kanyang kabutihan at katapatan ang ihayag natin.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Wednesday, April 15, 2009

Luha Mo'y Papawiin Niya


You have turned my mourning into dancing
You have turned my sorrows into joy.
You have turned my mourning into dancing
You have turned my sorrows into joy
.”

Ang awit na ito na hango sa Psalms 30:11 ay naghahayag ng isang dakilang katotohanan at pangako ng Diyos – na papawiin Niya ang mga lungkot na ating nadarama’t nararanasan. Na ang ating pagtangis ay pagiging-sayaw Niya, Tayo’y magpupuri at magagalak sa halip na mamighati at labis na manimdim.

Kanyang papawiin ang bawat luha sa ating mga mata. (Rev. 7:17, 21:4)

Ayon kay Solomon, ang pinakamatalinong tao na nabuhay sa ibabaw ng mundo, “May kapanahunan ang lahat ng bagay. May panahon ng pagluha at panahon ng pagsasaya. May panahon ng pagtangis at panahon ng pagsayaw at pagpupuri.” (Ecclesiastes 3:4) At ang lahat ng ito’y may kaukulang layunin ayon sa makapangyarihang kalooban ng Diyos.

Nang ang Panginoon ay narito sa lupa, Kanya ring naranasan ang mamighati. Siya rin ay lumuha. (John 11:35) Nang mabalitaan Niya ang pagpanaw ng Kanyang kaibigang si Lazarus, lumuha ang ating Panginoon at nanangis.

Gayundin, nang makita Niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng Jerusalem, dahil sa pagsuway nito sa nais ng Diyos, ito'y labis Niyang ikinalungkot. Iniiyak Niya ang kalagayan ng Kanyang bayan.

"O Jerusalem, Jerusalem, the one who kills the prophets and stones those who are sent to her! How often I wanted to gather your children together, as a hen gathers her brood under her wings, but you were not willing!" (Luke 13:34)

Ikaw ba ngayo’y tumatangis, namimighati, nalulungkot, nangungulila, may hapis na nadarama at hirap ng kalooban, sanhi ng mga pangyayaring nagaganap sa ating buhay, sa pamilya, sa trabaho at sa ating kapaligiran?

Wag lubhang malungkot. Wag mawalan ng pag-asa. Pagkat sa iyong pagluha, hindi ka nag-iisa. Sa iyong kalungkutan, may kaagapay ka. Ang iyong pagtangis ay pagiging-sayaw Niya.

Batid Niya ang ating kalagayan. Kung kaya't kamay Niya'y sa atin ay iniaabot. Tayo'y inaakbayan Niya, inaalalayan at binubuhat kung di na natin lubos na kaya.

Kayong lahat na napapagal, hapong-hapo at labis na nabibigatan, lumapit kayo sa akin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan”. (Matthew 11:28)

Kaya't tayo ng lumapit sa Kanya upang ating luha'y pawiin Niya. Upang ating pagtangis ay pagiging-sayaw Niya.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Tuesday, April 14, 2009

Ngiti...


Ngiti…

"What a relief it is to see your friendly smile. It is like seeing the smile of God!" - (Gen. 33:10 / New Living Translation)

Malaki ang nagagawa ng isang ngiti – ng isang munting ngiti. Ito raw ay animo’y ngiting nagmumula sa Diyos.

Ito ang winika ni Jacob sa kapatid na Esau nang sila’y muling magkita pagkatapos ng mahabang panahong di nila pagtatagpo dahil na rin sa sama ng loob ni Esau sa kanyang kapatid na si Jacob.

What a relief it is to see your friendly smile. It is like seeing the smile of God!” – sambit ni Jacob kay Esau sa ngiting ibinigay ng huli.

Matatandaang sumama ang loob ni Esau sa kapatid nang agawan siya ni Jacob ng pagbabasbas ng kanilang amaing si Isaac pagkatapos hainan ang ama ng paboritong ulam nito. Subalit sa paglipas ng panahon, ito’y nilimot na ni Esau at isang munting ngiti ang ganti sa kapatid nang sila’y muling magkita.

Marami ang nagagawa ng isang ngiti. Nakapagtatanggal ito ng pagkamuhi, galit at poot at nagpapalambot ng puso. Kung ngiti ang isusukli sa isang kaaway, sa mga taong walang ibig ay babag o gumawa ng gulo; kung ngiti ang isasagot sa makulit na kliyente o pasaway na ka-trabaho, tiyak na ang galit nila na kanina’y para bagang bulkan na sasabog ay mapapawi na parang binuhusan ng malamig na tubig. Sa iyong munting ngiti sila’y iyong mapapa-ibig.

Ang ngiti’y nakapagpapawi rin ng pagod. Kaya nga’t kung ang sasalubong sa iyong pagdating ay ngiti ni misis kasabay ng pagsabing “kumain ka na ba?”, tiyak na tanggal agad ang anu mang pagod na nadama sa trabaho sa buong maghapon. Kaya nga mga misis at ginang ng tahanan, wag ipagkait ang munting ngiti sa iyong minamahal. Sa halip na pagbubunganga ang isalubong, ngiti mo ang ibigay.

Ang ngiti’y nakakaalis din ng pagkabagot o pagkayamot lalo na’t kung ang takbo ng buhay mo’y wari bagang parang life – paulit-ulit, paikot-ikot. Walang sigla at black and white ang kulay. Subalit sa pamamagitan ng isang munting ngiti, buhay mo’y biglang naging ala-Bravia Sony TV, punumpuno ng kulay at 3-Dimensional pa.

Malaking kapakinabangan ang idinudulot ng isang munting ngiti, di lamang sa pinag-uukulan nito kungdi maging sa pinagmumulan nito. Mas lalong bumabata ang ating aura at pakiramdam kapag sa labi nati’y lagi ng may nakalaan na ngiti. Kaya’t iwasang sumimangot dahil magmumukha tayong pasas o pinatuyong duhat na kahiman si Leonardo da Vinci ay mahihirapang ikaw ay iguhit.

Kaya nga, mga kasama, kaibigan at mga kababayan ko, munting ngiti ay wag ipagmaramot pagkat dulot nito’y ibayong sigla at pag-asa sa sinumang makatatanggap nito. At kung ikaw naman ang tinatapunan ng ngiti, wag ng mag-inarte at mag-playing hard-to-get dahil di naman bagay. Di naman ikaw si John Lloyd Cruz o si Sarah Geronimo para magpa-kyut pa.

Gayundin kung tayo’y ngingiti, sikaping ito’y bukal at mula sa puso, at wag ngiting-aso na kulang na lang na ika’y sakmalin.

Ngiti na ate, ngiti na kuya. Wag mahiya. Kahiman bungi at tapyas-tapyas pa ang iyong ipen, ngumiti ka ng pagkatamis-tamis at di na nila mapapansin ang ga-palakol na hugis nito at ang tinga na nakasabit pa sa iyong ipen.

Paka-isipin na sa isang munting ngiti, ibayong kasiyahan at kapayapaan ang hatid nito, pagka’t ngiti mo’y animo'y nagmumula sa Diyos.

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Sunday, April 12, 2009

Katotohanang Di Maikukubli


Katotohanang Di Maikukubli

"I am He who lives, and was dead, and behold, I am alive forevermore. Amen." (Revelation 1:18)

He is risen!”

Yan ang nagliliwanag na katotohanang inihayag ng Banal na Kasulatan na ang Panginoon ay muling nabuhay pagkatapos ng ikatlong araw. (Matthew 28:6, Mark 16:6, Luke 24:6)

Ito ang katotohanang narinig sa buong Jerusalem – sa lugar ng Kanyang pinaglibingan, sa silid na pinagtaguan ng mga apostol at Kanyang mga disipulo, sa palasyo ni Pontio Pilato, at sa bawat tahanan ng mga Hudyo.

Ito rin ang katotohanang umalingawngaw sa bawat sulok ng mundo – katotohanang pinipilit ikubli, pagtakpan, at pabulaanan ng mga di kumikilala sa Kanyang kapangyarihan.

Subalit walang makapipigil sa katotohanan. Walang makapipigil sa muling pagkabuhay ng ating Panginoon. Hindi ito napigilan ni Pontio Pilato, ng mga sundalo na nagbantay sa Kanyang libingan. (Matthew 27:62-66) Kahiman suhulan silang ipagsabi na ninakaw ang bangkay (Matthew 28:11-13) hindi maikukubli ang katotohanang siya’y nabuhay na muli.

Maging ang kamandag ng kamatayan ay hindi nagtagumpay. "O Death, where is your sting? O Hades, where is your victory?" (1 Cor. 15:55) Ang libingan ang makapagpapatunay – wala roon ang Panginoon. Siya’y muling nabuhay!

Tayo man, di natin maaaring ikubli ang katotohanang buhay ang ating Diyos!

Kung gayon, bakit para bagang ito'y taliwas kung susuriin ang ating mga buhay? Malimit na tayo ay talunan, lugmo at lupasay dahil sa kasalanan. Binubuyo-buyo ng kalaban at madalas ay nahuhulog sa kanyang mga kamay. Tuliro, balisa na animo’y walang pag-asang hinihintay.

Tulad ng ating Panginoon, tayo’y di dapat manatili na patay (espirituwal). Dapat tayong bumangon sa ating kinasasadlakan at isigaw at ipagbunyi “buhay ang aking Diyos!” Ihayag natin ito sa ating mga gawa. Ipatotoo saan man tayo naroroon. Ipagsabi sa lahat a ipamuhay sa tuwina.

Pagka' kailanma'y di maikukubli na Buhay ang ating Diyos!”

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Wednesday, April 8, 2009

Naroroon Ka Pa Rin Ba?


Naroroon Ka Pa Rin Ba?

Were you there when they crucified my Lord?
Were you there when they crucified my Lord?
Oh..oh… sometimes it causes me to tremble, tremble, tremble.
Were you there when they crucified my Lord
?”

Ito’y hango sa isang awiting madalas kong naririnig noon kapag Semana Santa o Holy Week. Ang malumanay nitong melodiya at taimtim na pag-awit ay sadyang nagdudulot ng kakaibang hapdi at sakit na animo’y isang balaraw na itinuturok sa puso ninuman.

Naroroon ka ba nang ang ating Panginoon ay ipinako at nabayubay sa krus? Nang Siya’y hampasin at pahirapan. Nang Siya’y suutan ng koronang tinik. Nang Siya’y duraan, sipain, at laitin.

Dahil sa ating mga sala at ng sangkatauhan, ang ating Panginoon ay dumanas ng hirap at pasakit at kamatayan sa krus. Ang parusang dapat ay sa atin ipinataw ay Siya ang nagbata at umako.

But He was pierced for our transgressions,
He was crushed for our iniquities;
the punishment that brought us peace was upon him.
(Isaiah 53:5)

Ito’y dahil mahal na mahal Niya tayo. “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Ibinigay Niya ang Kanyang kaisa-isang Anak upang ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay di na mapapahamak, bagkus magkakaroon ng buhay na walang-hanggan.” (John 3:16)

Tayo’y nororoon sa paanan ng ating Panginoon nang Siya’y nakabayubay sa krus. Ang ating mga sala at kalikuan ang nagdala sa atin doon.

Nadarama mo ba ang hirap at sakit na Kanyang tiniis para sa atin? Naririnig mo ba ang mga paglait na Kanyang tinamo? Nasaksihan mo ba ang pagturok ng koronang tinik sa kanyang ulunan at ang bawat hagupit na tumatama sa Kanyang likuran?

Naroroon ka pa rin ba magpa-hanggang ngayon? Dahil sa pagkakasala at patuloy na pagsuway ay nananatili roon.

Mahigit dalawang libong taon na ang nakalipas nang maganap ang lahat ng ito, subalit ang kaligtasan na dulot ng pagtanggap at pagsisisi sa ating mga kasalanan, ang pagkilala at pananalig sa ginawa ni Hesus upang tayo’y maligtas ay nananatili magpahanggang-ngayon at mananatili magpakailanman.

Kung kaya’t tayo’y dapat lumisan na sa lugar na pinangyarihan ng Kanyang kamatayan, at humakbang tayo patungo sa lugar ng Kanyang muling pagkabuhay – ng bagong buhay na kapiling Siya. Doon tayo dapat naroroon.

Kapatid, kaibigan, kasama.... saan ka naroroon ngayon?

Isang Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Tuesday, April 7, 2009

Kasama Niyang Ipinako


KASAMA NIYANG IPINAKO

"Hindi na ako ang nabubuhay kungdi si Kristo na sa akin ay nananahan. Ako’y kasama Niyang ipinako sa krus. Ako’y nabubuhay ngayon na may pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at nag-alay ng Kaniyang buhay para sa aking kaligtasan."

Ito ang madalas kong naririnig sa isang kapatid kung saan siyang naging memory verse niya for life. Ito’y palagi niyang nababanggit.

Totoo ang inihahayag ng talatang ito sa Galatians 2:20. Na ang sinumang nakipagkaisa na kay Kristo ay namatay na sa sarili niya. Ang lumang pagkatao ay ipinako na sa krus at si Kristo na ang nabubuhay sa kanya.

Ito ang dapat na pagbulay-bulayan natin sa araw-araw nating buhay bilang Kanyang mga lingkod. Pagka’t kadalasan ang lumang pagkatao pa rin ang nakikita sa Kanyang mga anak at ang pita ng laman ang madalas na nagpupumiglas mula sa atin.

Sa trabaho, sa opisina, sa bahay at maging sa loob ng Gawain sa Panginoon, namamalas pa rin ang lumang sarili at mga kasalanang binayaran na ng ating Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus. Hindi na siya ang dapat nakikita, kungdi ang bagong buhay mula kay Kristo.

We must die to ourselves and live in Christ. Take up our cross daily and follow Him.

Ating ihayag “hindi na ako ang nabubuhay kungdi si Kristo na sa akin ay nananahan. Ang luma kong pagkatao ay kasama Niyang ipinako."

Isang Pagbubulay-bulay.

Sunday, April 5, 2009

Palaspas Mo - Iyong Iwagayway


PALASPAS

They brought the donkey and the colt, placed their cloaks on them, and Jesus sat on them. A very large crowd spread their cloaks on the road, while others cut branches from the trees and spread them on the road. The crowds that went ahead of him and those that followed shouted,

"Hosanna to the Son of David!"
"Blessed is he who comes in the name of the Lord!"
"Hosanna in the highest!"

Sa Matthew 21:7-9 (maging sa Mark 11:9-10 at sa John 12:12-13) ay ating mababasa na ang Panginoon nang Siya’y pumasok sa Jerusalem upang dumalo sa Feast of Passover ay sinalubong ng mga tao na noo’y naroroon din para makibahagi sa naturang pista.

Sakay ng isang asno (or donkey), Siya’y ipinagbunyi ng mga tao at isinisigaw nila -“Hosanna to the Son of David! Blessed is He who comes in the name of the Lord! Hosanna in the highest!” habang ang iba’y naglagay ng kanilang mga balabal sa daraanan ng Panginoon, at ang iba nama’y pumutol ng mga sanga ng palm trees at ito’y kanilang iwinawagayway sa Panginoon. Ang lahat ng Ito’y naganap nang Linggo bago ang Panginoon ay ipako sa krus at mamatay ng Biyernes.

Pamilyar sa atin ang eksenang ito na tinatawag na “Palaspas” at inaalala at ipinagdiriwang ng iba bilang “Linggo ng Palaspas”. Ito'y paninimula na rin ng tinatawag na Kuwaresma o Holy Week.

Ang pagwawagayway ng mga tao noon ng palaspas sa Panginoon habang siya’y dumaraan ay tanda ng kanilang pagkilala sa Kanya bilang Mesiyas o Tagapagligtas. Ganito rin ang karaniwang ginagawa bilang pagpupugay sa isang hari. (2 Kings 9:13)

Sa ating kapanahunan, ano ba ang “palaspas” na ating itinataas at iwinawagayway sa Panginoon bilang pagpapahayag ng ating pagkilala sa Kanya bilang Panginoon, Hari at Tagapagligtas? Na sa bawat pagwagayway nito kaakibat ang mataas na pagpupuri.

Ang ”palaspas” ay ang buhay ng bawat isang lingkod Niya kung saan ay dapat nating iwagayway bilang pagbubunyi at pagpapasalamat sa kaligtasang natanggap. Ialay sa Hari bilang handog na buhay.

Subalit ang “palaspas” ba kaya na ating iwinawagayway sa Panginoon ay kaaya-aya sa Kanyang paningin? Nakapagbibigay papuri ba ito sa Hari at nakapagpapalugod sa Kanyang puso?

Ang sabi sa Romans 12:1, “Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako’y namamanhik sa inyo na ialay ang sarili bilang handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos."

Araw-araw ay Linggo ng Palaspas. Araw ng pagwawagayway ng ating buhay bilang pagpupuri sa Diyos ng may pagsunod ng buong puso’t kalakasan at paglilingkod ng may kagalakan.

Iwinawagayway mo ba iyong palaspas?

Nariyan na ang Hari, dumarating na! Iwagayway mo ang iyong palaspas! Ipagbunyi mo Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas.

Iwagayway mo ang iyong sarili bilang handog na buhay .

Palaspas mo, iyong iwagayway. Isang pagbubulay-bulay.

Saturday, April 4, 2009

Habang Maiksi ang Kumot


Kasabihang-Pinoy #3 at ang Kanyang Salita

Habang maiksi ang kumot, matuto kang mamaluktot.”

Madalas kong naririnig noon kay Inay kapag kami’y kanyang pinaalalahanan sa paggastos ng walang-kapararakan ang katagang “ubos-ubos biyaya, bukas ay nakatunganga”.

Na sadya namang totoo lalo na tayong mga Pinoy. Likas sa atin ang gumastos ng gumastos kapag nakatanggap ng pera o anu mang kinita. Bili dito, bili diyan. Mall-ing dito, mall-ing doon. Gimik dito, gimik roon. Galit na galit sa pera. Gusto ubusin agad.

One day millionaire” sabi nga ng iba. Kinabukasan, “mahirap pa sa daga”. Wala ng pera. Nakatunganga. Ngangawa-ngawa na.

Ito ang tinutukoy ng ating ikatlong Kasabihang-Pinoy, “Habang maiksi ang kumot, matuto kang mamaluktot.”

Na ang ibig sabihin ay maging masinop, pahalagahan ang kinikita at iwasan ang labis na paggastos lalo pa nga’t kung di pa naman kalakihan ang kinikita. At kahiman malaki na ang ating ganansiya, mainam pa rin na hinay-hinay. Wag mamuhay na para bagang “wala ng bukas” na darating. Tulad ngayon na na may worldwide crisis na nararanasan.

At dito’y may magandang aral tayong matututunan sa mga langgam sa larangan ng pagiging masipag, masinop, at may paghahanda sa kinabukasan.

Sa Proverbs 30:25, mababasa natin ang ganito, “Ants are creatures of little strength, yet they store up their food in the summer.” Maliit na nilikha. Kaya mong pitikin, tirisin at pisain, subalit pagkalakas-lakas nila kapag dala-dala na ang mga butil ng kanin at tipak ng karne sa kanilang likuran habang pasan-pasan ito patungo sa kanilang imbakan ng pagkain. Ganito ang kanilang gawi habang tag-init pa, upang pagdating ng tag-ulan, nakatitiyak sila na may makakain. Hindi ngangawa-ngawa, kungdi hahalakhak habang ngata-ngata ang karneng naitago at naiimbak. Marunong silang mamaluktot habang maiksi ang kumot.

(For) there is a time for everything and a season for every activity under heaven.” (Ecclesiastes 3:1) May panahon ng pagtitiis, pagtitiyaga, at may panahon din naman ng kagalakan at kasaganahan. Ang mahalaga, in both ways marunong tayong mag-appreciate, ang maging kuntento kung anu ang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Hindi yung pulos reklamo ang bukambibig natin. Hindi marunong mamaluktot, habang maiksi pa ang kumot.
Pakatandaan, upang matiyak ang magandang bukas, “matututong mamaluktot habang maiksi ang kumot"

Isang Pagbubulay-bulay sa Kasabihang-Pinoy at ng Kanyang Salita.

Wednesday, April 1, 2009

UR1, Nagsukbit ng Ikalawa Nilang Panalo



UR1, Nagsukbit ng Ikalawa Nilang Panalo
Sa panulat ni Leo C. Diarios (PBL Official Sports Writer)

Sa ika-apat na laro ng linggong ito, nagharap ang UR1 at ang DBD. Meron lamang 7 manlalaro sa panig ng UR1 ang nasa kanilang bench habang ang DBD naman ay nakalalamang sa bilang ng manlalaro. Sa kabila noon, meron din lang na 8 katao ang ginamit ng DBD sa kanilang pagharap sa UR1. Ang 1st 5 ng UR1 ay pinangunahan ni De Rama kasama nila Delos Reyes, Borbon, Venias at Peratel. Ang unang 5 naman ng DBD ay pinamunuan nila Dodyco, Mabulay, Pabilonia, Fuentes at Abeltonar. Parehong malakas ang 2 teams na nagsagupa bagamat nakaranas na ng pagkatalo ang DBD laban sa OCF. Sadyang masaya ang kulay ng DBD at lalo lang nakapagbigay buhay sa paligid ang mga kasiyahan at kabutihang loob ng mga manlalaro nito at mga taga-suporta.

Sa bench ng UR1 ay makikita ang bagong player nito na may suot na Jersey #18. Kapuna-puna sa kanilang warm-up ang husay sa paggalaw ng manlalarong ito. Ano kaya ang ipapakitang galing ng kanilang bagong player laban sa DBD? Magiging triumvirate ba siya nina De Rama at Venias?

Sa pagtapik ng bola sa gitna ng korte, una ng nakapagbuslo ang UR1 sa pamamagitan ni De Rama. Sa 1st 8 points ng UR1, 6 na agad ang isinukbit ni De Rama habang si Dodyco ay naging epektibo naman sa panig ng DBD na may 6 points din sa 1st tied game na ito, 8 – 8, 11:12 sa orasan. Nagawa pa ngang lumamang sa unang mga minuto ng DBD laban sa UR1 bago ang mabilis na paghabol ng huli. Maliliksi ang mga manlalaro ng magkabilang panig na nagawa pang masupalpalaln ni Fuentes si Venias. Makailang ulit ring naka-fastbreak ang UR1 kung saan ay nakatatlong conversions si Venias. Sa bahaging ito ay umarangkada na rin ang UR1 na kung saan ay nakuha nila ang 15 – 8 kalamangan, merong 8:40 natitirang minuto. Ito ay nasundan pa ng ilang magaandang pagbuslo nina Borbon at Delos Reyes upang iangat pa ang kanilang kalamangan sa 19 – 10, 7:29 pa ang oras. Kung hindi marahil sa 4 na magkasunod na mintis sa foul-throw line ni Bernal, marahil ay mas malaki pa sa 25 – 17 ang kalamangan ng UR1. Natapos ang 1st half na may 10 puntos na advantage ang UR1, 33 – 23.

Sa pagbubukas ng ikalawang yugto, agad na tumira ng 3-point shot si Peratel. Magkasunod na 7 puntos naman ang isinukli ni Pabilonia at isang 3-point din naman ni Fuentes ang kanilang ginawa upang pansamantalang ilapit ang iskor sa 35 – 42, 10:01. Muli pang nailapit ng DBD ang score sa 45 – 47, meron na lamang 6:35 minuto ang nalalabi. Nagbigay ng isang napakagandang assist si Fuentes kay Mabulay sa bahagi ng larong ito kung saan sila ay nakadikit sa UR1. Nagpatawag ng timeout ang UR1 at kanilang sinamantala ang 4 na costly errors ng DBD upang maibuslo ang 8 puntos na naghatid sa score na 62 – 54, sa pagpasok ng last 2 minutes. Dahil sa maagang nakapasok sa penalty situation ang DBD, nabigyan ng maraming FT ang UR1. Subalit si Bernal ay nagmintis ng 8 magkasunod na tira sa FT hanggang sa mga huling sandali ng laro. Tanging si Dodyco ang nakakuha ng 5 personal fouls at nagtapos sa paglalaro ng may 1:21 ang nalalabing oras. Natapos ang laban ng UR1 at DBD na pinagwagian ng una sa iskor na 66 -60.

Ang iskor:
UR1
(66) – De Rama (23), Venias (20), Borbon (10), De Vera (4), Delos Reyes (4), Peratel (3), Bernal (2)
DBD (60) – Dodyco (15), Pabilonia (15), Fuentes (15), Pura (10), Castillo (3), Mabulay (2)

Best Player: De Rama (UR1)
Hero of the Game: DBD (most disciplined crowd)
Best Crowd Support / Morale Booster: Miron ng DBD

S&L Tinakot ang GMC (Oquindo, Highest Pointer)


S & L Tinakot ang GMC (OQUINDO, Highest Pointer)
Sa panulat ni Leo C. Diarios (Official PBL Sports Writer)

Nakakatuwang pagmasdan ang team ng S & L. Everytime na meron silang laro, they see to it na naroroon ang kanilang mga supporters. Ang lakas ng dating nila. As if, yung bawat game nila is a championship game kasi they could easily create the atmosphere similar sa mga tension-filled championship games. Meron silang sariling cameraman to cover not only the game itself but also yung mga scenes na naka-captured sa benches, sa crowd at sa vicinity ng basketball at tennis courts ng Al Gosaibi. Kumpleto ang mga manonood nila… may bata, matanda, babae at lalake. At hindi lang sila nanonood, they see to it that at every good move and shot ng players nila ay nabibigyang pansin. Ina-appreciate nila ng husto. Nagsisigawan sila. No wonder, they always received our citation for the Best Crowd Support / Morale Boosters in their 1st two games so far. Can anyone from the other teams duplicate the same kind of support being displayed by the S & L crowd? We hope to see it in our next scheduled games. Nakaka-encourage sila talaga.

Sa pagsisimula ng laro ng GMC at S & L, kakikitaan agad ng pagbabago ng kanilang starting 5 ang magkabilang grupo. Sina Biazon at Diaz ang bagong salta sa unang unit ng GMC habang sina Esmalde at Oquindo ang sa panig naman ng S & L. Ang unang bola ay napunta sa S & L at agad nagpakilala si Esmalde sa pagbuslo ng bola pagdating sa oras na 12:28, 2 - 0.

Bago pala ang larong ito, nahuli sa pagdating ang mga referees sa venue at nakabuti naman ito sa team ng GMC na meron pa lamang 4 na kasalukuyang players ang nakarating sa oras.

Masigasig ang mga players ng S & L kung kaya’t nakuha nila ang maagang pagtrangko sa laro, 6 – 1, 11:00 to go. Apat na minutong walang naibuslo ang GMC maliban sa 1 free throw. Naghigpit ng depensa ang GMC matapos tumawag ng timeout at nagawa nilang makapantay ang S & L, sa isang 3-point shot ni Kahler M at laid-in ni Diaz, 6 – 6, 9:40 left in the 1st half. That was the 1st deadlock of the game. Tumawag ng timeout ang S & L at sila ay muling nakakuha ng 1 point lead, 11 – 10, 6:34. Sa pagkakataong ito ay ipinasok na ng GMC ang kanilang pambatong player na si Dela Cruz, na agad gumawa ng 2 puntos mula sa FT line galing sa foul ng S & L. Nakuha ng GMC ang kanilang unang kalamangan sa iskor na, 12 – 11. Tumawag na muli ng timeout ang S & L ng makita nilang umaangat na ang GMC. Nakakuha si Soriano ng 7 sunud-sunod na puntos at 4 naman kay Mallari sa pagpapatuloy ng laro habang kumana naman si Dela Cruz ng magkasunod ding 8 puntos sa panig ng GMC. Nagtapos ang 1st half sa iskor na 24 – 20, sa panig ng GMC. Maganda ang inilaro ng S & L sa unang yugtong ito kontra sa GMC.

Sa pagpapatuloy ng 2nd half, naagawan ng bola ni Esmalde si Diaz at naibuslo naman ni Oquindo ang bola sa panig ng S & L, 31 – 26, 11:31, pabor sa GMC. Muling nagtabla sa iskor na 35 – 35 ang 2 teams, meron na lamang 7:30 minuto na natitira. Nagpakawalang muli ng 5 magkasunod na buslo si Dela Cruz upang ilayo ang kalamangan ng GMC, 43 – 35, 6:08 time left. Napako sa 35 ang S & L hanggang dumating ang 3:43 na kung saan ay nakapagbuslo sa wakas si Oquindo. Si Oquindo ay nagpamalas ng kakaibang sigla sa paglalaro sa kabila na siya ang pinaka-senior sa lahat ng mga manlalaro sa PBL Season 4. Pumukol siya ng 13 points sa kabuuan ng laro kung saan ay nagwagi ang GMC sa score na 51 – 42.

Bagamat natalong muli ang S & L, umangat naman ng husto ang kanilang performance kontra sa pagkatalo nila sa JCLORIM noong nakaraang linggo.

Ang iskor:
GMC (51) – Dela Cruz (19), Diaz (7), Duenas (7), Kahler M (6), Kahler B (4), Bautista (4), Ybarle (2), Biazon (2)
S & L (42) – Soriano (14), Oquindo (13), Esmalde (7), Mallari (6), Ventura (2)

Best Player: Dela Cruz (GMC)
Hero of the Game: Oquindo (S & L player)
Best Crowd Support / Morale Booster: Tropang S & L

Manalanging Walang-Humpay


Manalanging walang-humpay

Hindi mapapasubalian ang kahalagahan ng panalangin sa buhay ng isang kumikilala sa Panginoon. Ito ang susi ng tagumpay sa lahat ng gagawin ng Kanyang mga anak. Mula pa kay Abraham, Jacob at Isaac, kay Moses, kay David at Solomon, kay Joseph at kay Daniel, hanggang kay Peter at Paul, makikita natin at mababasa ang tagumpay na kanilang natamo dahil sa panalangin. Namalas nila at naranasan ang kapangyarihan ng Panginoon sa kanilang buhay dahil sila’y nanalangin.

Maging ang Panginoong Hesus ay itinuro at ipinakita sa atin ang kahalagahan ng panalangin. Madalas natin siyang makikita na nananalangin - sa madaling-araw, sa gitna ng kanyang pagtuturo, at sa pagsapit ng gabi, patuloy siyang nananalangin.

Batid Niya na ito’y ating kailangan. Kung kaya’t Kanyang mariing itinuro na laging manalangin.

"Watch and pray so that you will not fall into temptation. The spirit is willing, but the body is weak." (Matthew 26:41)

Ito ang kapangyarihang nasasaatin na dapat gamitin upang di mahulog sa pain ng kalaban at tuluyang magkasala. Ito ang ating sandata upang puksain ang mga palaso at gawa ng kadiliman. Kapag nanalangin na ang kanyang mga anak, alumpihit ang kalaban at di alam ang gagawin na para bagang sinisilihan ang puwet at kakaripas na lamang ng takbo.

Resist the devil, and he will flee from you. (James 4:7) Resist him with our prayer.

Ang panalangin ay katiyakan din na makakamit ang anu man ating hilingin. Katiyakang tutugunin ng Diyos ang ating mga kailangan. Pagkat ito ang ipinangako ng Diyos sa atin.

Therefore I tell you, whatever you ask for in prayer, believe that you have received it, and it will be yours.” (Mark 11:24)

Ikaw ba’y nakararanas ng pangugulo ng kalaban? Manalangin at ika’y magwawagi.

Ikaw ba’y nanghihina sa pananampalataya at ang tukso’y di matakasan? Manalangin at ika’y palalakasin at makatitiyak ng tagumpay.

Ikaw ba’y may mabigat na suliranin at pangangailangan? Tuliro at di alam ang gagawin? Manalangin at iyong kakamtin ang Kanyang katugunan at ang kapayapaan ang iyong marararansan.

Ikaw ba’y natatakot, nag-aalala, at labis na balisa? Manalangin at ika’y makakasumpong ng kapahingahan at kapanatagan sa puso’t isipan.

Manalangin, manalangin, manalangin. Ito ang ating kailangan. Ito ang susi ng tagumpay.

Manalanging walang humpay (1 Thess. 5:17)

Isang pagbubulay-bulay.