Sunday, December 27, 2009

Bago Na!

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Therefore, if anyone is in Christ, he is a new creation; the old has gone, the new has come!" - 2 Corinthians 5:17

Ito ang nagdudumilat na katotohanan na inihahayag ng 2 Corinthians 5:17 na ang sinuman daw na nakipagkaisa kay Kristo bilang kanyang Panginoon at Tagapagligtas ay bago ng nilalang. Ang dating pagkatao na makasalanan at nabubuhay sa kasalanan ay wala na. Bago na ang lahat, wala na ang dati.

Subalit ito nga ba ang nakikita sa kanyang mga lingkod? Nabago nga ba ang pamamaraan o uri ng ating pamumuhay o tulad pa rin ng dati?

Kinakikitaan ba tayo ng kabanalan, kahinahunan at katapatan sa ating mga kilos at sa mga salitang namumutawi sa ating bibig? O ang namamalas sa atin ay tulad pa rin ng dati – ang pag-iimbot, karahasan at kasinungalingan?


Kung magkakagayon, pinabubulaanan natin ang inihahayag ng Kanyang Salita sa 2 Corinthians 5:17 na tayo ay bago na.

Subalit tayo’y sadyang bago na nga. Mula nang tanggapin natin Siya, isinuot Niya sa atin ang kabanalan. Ibinalik ang dating ugnayan sa Diyos na naputol dahil sa kasalanan, at ginawa Niya tayong bagong nilalang.

Kung kaya’t ito ang dapat namamalas sa atin. Hindi na natin kailangan pang hintayin ang pagsapit ng panibagong taon upang magbago at gumawa ng New Year’s Resolution. Pagkat araw-araw, dapat ay may pagbabagong nakikita sa ating buhay. Dapat ay unti-unti tayong nagiging kawangis ni Kristo – sa salita, kaisipan at sa ating mga gawa.

Tayong lahat ay bago na. Huwag na nating isuot pa ang maruming damit na pinaghubaran o balikan pa ang dating likong pamumuhay.

Sa pagsapit ng bagong taon, ng 2010, nawa’y tayong lahat ay humarap sa Diyos taglay ang buhay na may kabanalan at pagsunod sa Kanyang kalooban.

Tulad ng sinasaad ng isang popular na awit, "bagong taon ay magbagong buhay".

Ito’y magagawa natin pagkat tayong lahat ay binago Niya na. Tayo ay bago na!

Kapatid, kaibigan... ikaw ba'y bago na o naghahangad pa rin na mabago? Ito'y hindi malayong mangyari kung si Hesus ay tatanggapin bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas.

Kilanlin Siya at tanggapin at pagbabago'y tiyak na mararanasan.

Isang Pagbubulay-bulay.


Wednesday, December 23, 2009

Ang Tunay na Star ng Pasko


Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Where is the one who has been born king of the Jews? We saw his star in the east and have come to worship him." - Matthew 2:2

Nang ipanganak ang Panginoong Hesus sa Bethlehem ng Judea, may isang talang lumitaw sa kalangitan na pagkaningning-ningning. Namumukod-tangi ang bituin na iyon na mas malaki kaysa sa iba at ang sinag ay lubos na napakaliwanag.

Hindi naikubli sa paningin ng tatlong pantas ang kakaibang Bituing iyon. Kung kaya’t sila’y tumungo sa Jerusalem at nagtanong-tanong. “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita naming sa Silangan ang Kanyang tala at naparito kami upang sambahin Siya.”

Batid ng tatlong pantas kung sino ang tunay na Hari at kung ano ang nararapat ipagkaloob sa Bukod-tangi at Nag-iisang Bituin. Sila’y nag-alay ng pagsamba. At kaakibat niyon ay ang paghahandog ng kanilang kaloob.

Isa lamang ang tunay na tala na makapagbibigay-liwanag sa sanlibutan. Sa madilim at tahimik na gabi, ang talang iyon ay namukod-tangi.

Sa pagdiriwang ng Kapaskuhan, ating ibigay ang nararapat sa Nag-iisang Bituin. Si Hesus ang tunay na Star ng Pasko. Siya ang Parol ng Kapaskuhan.

Kung kaya’t sa pagsabit natin ng Parol sa kanya-kanyang tahanan, sa tuwing makikita natin ang simbolong ito ng Kapaskuhan, magpa-alala nawa ito sa atin na may Tunay na Bituin na dapat sambahin.

Tulad ng tatlong pantas, alayan natin Siya ng tunay na pagsamba at paghahandog. Isang pagsambang nagmumula sa puso. Pagsambang tunay at sa Espiritu. Tayo’y maghandog di lamang ng materyal na bagay, bagkus higit sa lahat ihandog natin ang sarili bilang haing-buhay, dalisay at kalugod-lugod sa Kanyang paningin.

Higit sa Parol na nasa iyong tahanan, sikaping nasa puso natin ang Nag-iisang Bituin pagkat Siya ang tunay na Star at Liwanag ng Pasko.

Kapatid, kaibigan.... tayo ng sumamba at maghandog. Maligayang Pasko sa iyo.

Isang Pagbubulay-bulay.

Saturday, December 19, 2009

Banga'y Iwanan Na

Mula sa Panulat ni Max Bringula

Then, leaving her water jar, the woman went back to the town and said to the people, 29 "Come, see a man who told me everything I ever did. Could this be the Christ?" - John 4:28-29

Isang tipikal na katanghaliang-tapat noon iyon sa babaeng Samaritana na tangan-tangan ang isang banga upang umigib ng tubig sa balon ni Jacob.

Dati-rati naman siyang tumutungo roon kapag katanghaliang-tapat kung saan wala halos umiigib. Iyon ang mainam na oras para sa kanya na pumunta roon dahil walang makakakita na maaaring makakilala sa kanya at humusga.

Subalit yaon pala ang oras na itinakda ng Diyos na makamit niya ang tubig na buhay na mas higit niyang kailangan kaysa sa pisikal na tubig na parati niyang binabalik-balikan pagkat kahiman araw-araw siyang umigib, nauubos pa rin ito at kailangan niyang umibig muli.

Wika ng Panginoon sa kanya, “Ang bawat isang uminom ng tubig na ito (pisikal na tubig) ay muling mauuhaw. (Subalit) Ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kaniya ay magiging balon ng tubig na mapapasa kaniya. Ito ay bubukal sa buhay na walang hanggan." (John 4:13-14)

Simula nga niyon, “her life had never been the same before”. Ang dating “katanghaliang-tapat” sa kanyang buhay kung saan hirap at pawis ang kanyang nararanasan sanhi ng init ng araw, ay naging isang "maaliwalas na umaga" pagkat hatid niyon ay bagong pag-asa at katugunan sa kanyang pangangailangan.

Ang patotoo ng pagbabagong ito’y masasaksihan sa mga sumunod na talata sa John 4 kung saan ang bangang tangan-tangan niya rati upang umigib ay iniwan niya na lamang sa tabi ng balon at siya’y humayo at pinagsabi ang ginawa ni Hesus sa kanyang buhay.

Kapatid, kaibigan…. tangan mo pa rin ba ay banga at pabalik-balik na ika’y umiigib dahil uhaw mo’y di pa rin mapatid ng tubig na iyong inigib? Kung gayon, tubig na buhay na alay ni Hesus ang iyong tanggapin upang kauhawan ay maibsan ng lubusan at ang hungkag sa puso’y Kanyang matugunan.

Iwanan na ang banga na tangan-tangan at kay Hesus ika’y lumapit pagkat sa Kanya lamang makakamtan ang tunay na tubig na nagbibigay-buhay.

Isang Pagbubulay-bulay.

Sunday, December 6, 2009

Bulag, Pipi at Bingi

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"They have mouths, but cannot speak, eyes, but they cannot see; they have ears, but cannot hear." - Psalms 135:16-17

May popular na kundiman noon na inaawit ng ating mga matatanda o marahil magpahanggang-ngayon ay inaawit-awit pa rin natin o napapakinggan na may pamagat na “Doon Po Sa Amin”.

Batay sa lyrics ng awitin, sa bayan daw ng San Roque ay may nagkatuwaan na apat na pulubi – ang pilay, ang bulag, ang pipi at ang bingi. Umawit daw itong pipi, nakinig naman ang bingi, nanood ang bulag at humataw naman ng sayaw itong pilay na marahil ay nag-breakdance pa.

Nakaka-aliw, nakakagiliw pagkat imposibleng magawa ito ng pilay, bulag, pipi at bingi dahil taliwas ito sa kanilang pisikal na kalagayan.

Subalit ganito ang karamihan sa atin - animo’y bulag, pipi at bingi.

Hindi kakitaan ng katuwiran at kaliwanagan pagkat tayo mismo ay bulag sa katotohanan. Ang pinaiiral at pinanghahawakan ay ang baluktot na pananaw ng mundo sa halip na ang puro’t dalisay na mga Salita ng Diyos.

Animo’y pipi na hindi maihayag ang katotohanan pagkat tayo mismo ay nabubuhay sa kasinungalingan at pagbabalat-kayo kung kaya’t tikom ang bibig at di makapagsalita dahil di magiging kapani-paniwala at bagkus baka mapupulaan pa. “Ows….?” ang marahil pagtatanong at pagtataka ng makaririnig sa sasabihin natin pagkat taliwas sa ating gawa ang sinasambit ng ating bibig.

Animo’y bingi pagkat hindi napapakinggan o pinapakinggan ang aral na itinuturo Niya sa atin. Hindi sinusunod ang utos Niya’t mga Salita. Bagama’t araw-araw naman nating naririnig o nababasa ang Kanyang mga Salita, may araw-araw na Pagbubulay-bulay na ibinabahagi sa atin, subalit mistulang bingi pa rin pagkat di naaaninag sa buhay ang pagbabagong idudulot sana kung pakikinggan niya lamang at susundin ang Salitang kanyang naririnig.

Kapatid, kaibigan…. ikaw ba’y bulag, pipi at bingi?

May mata subalit di makita ang katotohanan at katuwiran. May bibig subalit di makapaghayag kung ano ang tama at nararapat. May tainga subalit di marinig ng malinaw ang mga utos at aral Niya?

Pagbulay-bulayan natin ito at pakalimiin. Baka tayo’y higit pa sa bulag, pipi at bingi.

Wednesday, December 2, 2009

Sure na Sure Na!

Mula sa Panulat ni Max Bringula

For no matter how many promises God has made, they are "Yes" in Christ. And so through him the "Amen" is spoken by us to the glory of God. - 2 Corinthians 1:20

Sure na!” yan ang isinisigaw natin kung tiyak na tiyak na tayo sa ating gagawin. Isang paniniguro sa kausap na tutuparin ang pangakong binigkas.

This time, sure na sure na. Pramis. Mamatay man ang pusa ng kapitbahay namin” ang pahabol pang sambit na ang ibig sabihin, walang makapipigil sa kanya kahiman harangan ng isang libo’t isang daang sibat.

Yun nga lamang, ang pangako’y lagi pa ring napapako. Parang iginuhit sa hangin na agad inililipad papalayo sa paningin, o kaya’y inilista sa tubig na agad napaparam pagkatapos maisulat.

Ilan na kayang mga natanguang commitments ang ating di napuntahan at natupad? Mga pagkakautang na dapat bayaran o bagay na hiniram na dapat isauli subalit lumilipas ang panahon ay di pa rin naibabalik hanggang magkalimutan na’t magkaroon ng amnesia o Alzheimer disease.

Ang tao raw kasi ay sadyang marupok at kay daling lumimot.

Subalit hanggang kaylan kaya tayo mananatiling ganito? Na kahit sa ating espirituwal na buhay tayo’y di nakakasunod at nakakatupad sa tipanan natin sa Diyos? Madalas Siya ang naghihintay sa ating pagtugon at pagtalima. At tayo’y nananatiling nakaupo’t walang ginagawa upang tupdin ang kasunduang binitawan na Siya lamang ang ating Panginoon at wala ng iba. Na Siya lamang ang ating paglilingkuran at aalayan ng ating panahon at kalakasan.

Buti na lamang nananatiling tapat ang ating Diyos. Gaano man karami ang Kanyang mga pangako, ito’y di Niya kinalilimutan. Nananatili itong “Yes” magpakailanpaman. Di nagbabago ng isip bagkus tinutupad ang pangako Niya sa atin.

For no matter how many promises God has made, they are "Yes" in Christ. And so through Him the "Amen" is spoken by us to the glory of God. (2 Corinthians 1:20)

Ang pangako Niya’y “sure na sure na!” Kung kaya’t “Amen!” ang ating tugon sa bawat panalangin at kahilingang idinulog at nakakamtan.

Gayunpaman, kung gaano katapat ang ating Diyos, nararapat lamang na tayo’y gayundin upang pagpapala’y Niya’y agad nating kamtin.

Sa susunod na bigkasin natin ang katagang “sure na!’, sikaping ito’y “Yes” upang kinalaunan, “Amen” ang ating mabibigkas tungo sa Kanyang kaluwalhatian.

Kapatid, kaibigan… sure ka na ba? Tiyak mo na ba ang sarili sa pagkakakilala sa Diyos bilang Panginoon at sariling Tagapagligtas? Sure ka na ba sa pangakong dapat tupdin? O nag-aalinlangan ka pa rin magpahanggang-ngayon?

Huwag nang mag-esep-esep pa bagkus ang isigaw ay “Yes! Sure na!”

Kilalanin Siya. Sundin ang kalooban Niya. Sarili'y ihandog. Ngayon na.

Isang Pagbubulay-bulay.

Tuesday, December 1, 2009

Ang Di Malirip Na Kapayapaan

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"And the peace of God, which transcends all understanding, will guard your hearts and your minds in Christ Jesus." - Philippians 4:7

Ang mga kaganapan sa ating paligid na karahasan at kaguluhan tulad ng karumal-dumal na “Maguindanao Massacre” at iba na ating napapanood sa telebisyon, napapakinggan sa radyo at nababasa sa mga peryodiko ay nakapagdudulot ng takot, ng agam-agam at kawalan ng kapayapaan sa marami.

Ang walang-katiyakan na sitwasyon ng bansa sanhi ng kawalan ng lideratong mapagkakatiwalaan ay nagbibigay din ng kaguluhimanan sa isipan ng marami at kaba sa ano mang mangyayari sa mga darating na araw lalo ngayong nalalapit na ang national election sa ating bayan.

Maging ang mga nasa labas ng bansa na naninirahan at nagtratrabaho ay may alinlangan din sa maaaring maganap. Aandap-andap sila’t nangangapa sa ano mang mangyayari.

Ito ang kalagayang nakita ng Panginoon sa puso ng tao kung kaya’t Kanyang winika “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko, hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng sanlibutan. (Kung kaya’t) huwag kayong mabalisa, huwag kayong matakot.” (John 14:27)

Ito ang susi sa buhay na may kapayapaan. Ang kilalanin ang Tagapagbigay ng kapayapaan bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ito ang mag-iingat sa ating puso’t isipan upang hindi maguluhimanan sa mga kaganapan sa ating kapaligiran.
Kapatid, kaibigan… taglay mo na ba ang kapayapaang ito? O ikaw ay labis na naguguluhan? Hinahanap ang kasagutan sa marami mong katanungan. Balisa ang isipan at nababagabag ang puso.

Ang kapayapaang hinahanap ay matatagpuan lamang kay Kristo. Ito ang ibinabahagi ko sa inyo. Kilalanin mo Siya’t tanggapin bilang Panginoon at sariling Tagapagligtas, at ang di malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso’t isipan sa pamamagitan ni Kristo Hesus.

Isang Pagbubulay-bulay.

Tuesday, November 24, 2009

Huwag Kang Susuko, Kid

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Blessed is the man who perseveres under trial, because when he has stood the test, he will receive the crown of life that God has promised to those who love him." - James 1:12

Maraming pagpapapala ang nakakamit ng sinumang nagpapatuloy at di sumusuko sa gitna ng mabibigat na pagsubok at hirap na nararanasan.

Ito ang tinuran at inihayag ng Kanyang Salita na ating pagbubulay-bulayan ngayon na matatagpuan sa James 1:12, “Blessed is the man who perseveres under trial, because when he has stood the test, he will receive the crown of life that God has promised to those who love him.”

Bakit isang pagpapala ang pananatili at di pagsuko, ang pagpapatuloy ano man ang hirap na danasin at kakaharapin? Ito’y sapagkat may nakalaang gantimpala mula sa Kaniya - isang putong ng buhay - ang buhay na walang-hanggang mararanasan sa piling Niya sa Kanyang kaharian.

Pagkat maraming nilalang ang sumusuko agad sa hirap. Ayaw magtiis, gusto’y maginhawang buhay agad. Subalit sa paghahangad nito’y lalong napapariwara. Kumakapit sa patalim. Sinasanla pati kaluluwa.

Aanhin mo ang kayamanan, ang limpak-limpak na salapi, ang katanyagan at kapangyarihan kung ang kaluluwa mo nama’y naka-prenda na’t ano mang oras ay sa dagat-dagatang apoy ang tungo?

Aanhin ang kaginhawaan kung malayo naman tayo sa Diyos na may akda ng ating buhay? Mas mainam pa na dumanas ng hirap, ng sakit ng kalooban, ng pighati at kalungkutan kung ang kapalit naman nito’y buhay na walang-hanggan mula sa Panginoon.

Kaya nga’t kung tayo’t dumaraan sa mga mabibigat na pagsubok, huwag kang bibigay. Huwag kang susuko, kid. Magpatuloy ka lamang. Manatili sa presensiya Niya. Magtiwala at manalig sa Kanya. Pagkat pangako Niya’y buhay na walang-hanggan. Pagpapala Niya’y kakamtin sa sinumang magtatagumpay sa pagsubok na kakaharapin.

Kapatid, kaibigan… kaya mo pa ba? O suko ka na?

Huwag kang susuko, kid. Kaya mo yan pagkat kasama mo Siya. Sa pamamagitan Niya, pagsubok ay mapagtatagumpayan.

I can do everything through him who gives me strength. (Philippians 4:13)

Isang Pagbubulay-bulay.

Monday, November 23, 2009

Ang Diyos ay Pag-ibig

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Whoever does not love does not know God, because God is love." - 1 John 4:8

Isa sa dakilang katangian ng ating Diyos ay ang Kanyang wagas na pagmamahal. Siya’y puno ng pag-ibig sa lahat – sa mga nagtatapat at maging sa mga makasalanan.

Ang pag-ibig Niya’y nagdudulot ng pagpapala at biyaya sa mga sumusunod sa Kaniya, at kaligtasan sa tiyak na kapahamakan sa mga makasalanang manunumbalik sa Kanya.

Ang salitang pag-ibig sa tunay na kahulugan nito’y sumasalamin mismo sa ating Panginoon pagkat Siya ay Pag-ibig. Ito ang inihahayag ng Banal na Kasulatan - na ang Diyos ay Pag-ibig. God is love.

Kung kaya’t ang sino man daw na hindi umiibig tulad ng pag-ibig sa atin ng Diyos ay di nakakikilala sa Diyos.

Whoever does not love does not know God, because God is love.” (1 John 4:8)

Ito ang tunay na pag-ibig. Hindi ang pag-ibig na ayon sa tao. Pagkat maraming ibinibigay na kahulugan ang sangkatauhan kung ano ang pag-ibig sa kanila. Samut-sari. May nagsasabing “love means you never having to say you’re sorry" na hango sa popular na awitin noon na “Love Story” na siyang titulo rin ng pelikula na pinagbidahan ni Ryan O’Neal at Ali McGraw during the 60’s kung saan maaalala ang bantog na dialogue noon na “Who’s gonna clean the toilet? Who’s gonna clean the kitchen?” (tanda nyo pa ba ito?)

Sabi naman ng iba na ang dakilang pagmamahal daw ay ang ibigin ang sarili na maririnig sa awit na “The Greatest Love of All” na ganito ang lyrics “Learning to love yourself is the greatest love of all”.

May nagsasabi naman na “love conquers all”. Sasakupin nito ang lahat. Sa ayaw mo’t sa gusto, maghahari siya sa puso mo. “Hahamakin ang lahat” ang wika mo pa.

Pawang nakakakilig sa pandinig ang mga nabanggit, makabagbag-damdamin, ika nga. Subalit ito nga ba ang tunay na kahulugan ng pag-ibig?

Isang bagay ang dapat nating pakatandaan na wala ng hihigit pa sa pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig Niya na walang hinihintay na kapalit ang siyang pinakadakila at tunay na kahulugan ng pag-ibig.

Ang pag-alay Niya ng Kaniyang buhay para sa ating kaligtasan ang patunay nito.

Kung kaya’t ang sino mang di kumikilala sa Kaniya bilang Diyos, at di sumusunod sa Kaniyang mga tagubilin ay di nakakabatid ng tunay na pagmamahal at wala sa Kaniya ang pag-ibig.

Pagkat ang Diyos ay pag-ibig.

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y may pagmamahal sa iyong puso? Nasasaiyo ba ang tunay na pag-ibig? Ang Diyos ba ang naghahari sa iyo?

Kung hindi, ika’y di tunay na nagmamahal at wala ang pag-ibig sa iyo. Di natin tunay na kilala ang Diyos.

For "whoever does not love does not know God, because God is love."

Pagbubulay-bulayan natin ito.

Sunday, November 22, 2009

Ang Diyos ay Tapat

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"They are new every morning; great is your faithfulness." - Lamentation 3:23

"Your faithfulness endures to all generations." - Psalms 119:90

Katapatan mo O Diyos tunay at dakila
Ang pag-ibig mo’y wagas at walang kapantay
Sa aming puso, sa aming buhay
Papuri’t pagsamba’y iaalay
Bukas, noon, ngayon, magpakailanman
Luwalhatiin Ka
.”

Ito’y bahagi ng awiting madalas nating napapakinggan at inaawit sa Pananambahan na nagpapahayag na kadakilaan ng Diyos, ng Kanyang katapatan sa atin.

Katapatang di nagmamaliw, di nagbabago at di maglalaho.

Kung papaano nanatili ang langit at lupa, ang bituin, buwan at araw, ganoon ang katapatan ng Diyos.

Magbago man ang panahon, lumipas ang araw at mga taon sa ating buhay, pumuti man ang ating mga buhok (o maubos kaya), katapatan ng Diyos ay mananatili magpakailanman.

Ang Kanyang Salita at Pangako sa atin ay matutupad.

Kahiman tayo’y madalas nagkukulang, di nakakasunod sa Kanyang kalooban, di mawawala ang Kanyang pagmamahal, ang pagkakaloob ng kapatawaran. Kahiman tayo’y di nagtatapat, nananatiling tapat ang ating Panginoon. Ito’y isa sa Kanyang kalikasan.

Gayunpaman, maging daan nawa ito ng lalo pang pag-alab ng ating pagmamahal at paglilingkod sa Kaniya. Maging inspirasyon at kalakasan nawa natin ang katapatan ng Diyos sa ano mang hirap at pighating ating nararanasan. Magsilbing pag-asa nawa ito sa atin sa gitna na kaguluhan at mga kaganapan sa mundo na ating kinalalagyan.

Tapat ang Diyos. Hindi ka Niya iiwan at pababayaan.

Tapat Siya sa Kaniyang pangako. Magtiwala ka lamang sa Kaniya, at makakamit mo ang hangarin ng iyong puso.

Kapatid, kaibigan… may lungkot ka bang nadarama? May kabigatan ka bang dinadala? May katanungan ba sa iyong isipan? May hapdi ba sa iyong puso?

Pakatandaan, “katapatan ng Diyos ay tunay at dakila, ang pag-ibig Niya’y walang kapantay. Sa ating puso, sa ating buhay, ito’y mananatili – noon, ngayon at magpakailanman.”

Isang Pagbubulay-bulay.

Saturday, November 21, 2009

Ang Diyos ay Mabuti

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"He causes his sun to rise on the evil and the good, and sends rain on the righteous and the unrighteous." - Matthew 5:45

God is good?” ang tanong na madalas nating naririnig kapag nasa isang fellowship na sinusuklian naman natin ng sagot na “all the time!”

All the time, God is good!”. Yan ang ang pinagkakadiin-diinan.

Ang Diyos ay mabuti – yan ang katotohanang kitang-kita natin at nararanasan. Ang Diyos ay mabuti sa bawat nilalang. Sa bawat nilikha Niya.

Pinasisikat Niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak Niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan.”

Wala Siyang itinatangi.

Bagama’t lubos Niyang pinapagpala ang mga mabubuti at tapat na sumusunod sa Kaniya. Gayunpaman, kahiman tayo’y maging di tapat, mananatiling tapat ang ating Panginoon sa Kanyang mga Salita at Pangako.

Maraming beses ko ng naranasan ang Kanyang kabutihan. Minsa’y nahihiya na ako pagkat sa gitna ng aking pagsalangsang at di pagtatapat sa Kaniya, naroon pa rin ang mapagpala Niyang Kamay na nag-iingat sa akin, nagkakaloob ng aking mga pangangailangan. Kapag ako’y may hinilining, agad Niyang binibigay.

Sadyang ganoon nga ang ating Diyos na pinaglilingkuran – Siya ay mabuti. Ito ang Kanyang kalikasan.

Subalit ang kabutihan ng Diyos ay di natin dapat ipinagwawalang-bahala. Na maaari na tayong mamuhay sa kasalanan at patuloy na pagsuway. Pagkat bagamat ang Diyos ay mabuti, Siya’y Diyos rin naman ng hustisya – nagpaparusa sa mga masasama at ginagantimpalaan ang mga matuwid.

Tulad ng isang mabuting ama, Siya’y lubos na nagmamahal sa atin, niyayakap Niya tayo sa Kanyang mga bisig, inuunawa at pinapatawad sa ating mga pagkakasala kung tayo’y lalapit at hihingi ng kapatawaran. Subalit tulad din ng isang mabuting ama, tayo’y Kanya ring pinapalo, pinagagalitan at hinahagupit kung kailangan, matiyak lamang na tayo’y matututo at mamumuhay ng matuwid at iiwas na sa mga kasamaan.

Ganyan kabuti ang ating Diyos. Siya ay mabuti kailanpaman.

Kapatid, kaibigan… nararanasan mo ba ang kabutihan ng Diyos? Pinahahalagahan ba natin ito, o binabalewala at patuloy tayo sa pagkakasala?

Tandaan, bagamat ang Diyos ay mabuti, Siya’y Diyos rin na makatarungan.

Pagbulay-bulayan natin ito.

Wednesday, November 18, 2009

Alon

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"But let him ask in faith, with no doubting, for he who doubts is like a wave of the sea driven and tossed by the wind." - James 1:6

Kung pagmamasdan mo ang alon sa karagatan, mapapansin mong ito’y mistulang di napapagod sa pagbabalik-parito mula sa karagatan papunta sa dalampasigan, at sa dalampasigan papuntang muli sa gitna ng karagatan.

Ganito halos ang kanyang gawi araw at gabi. Hinahampas-hampas ng hangin saan man ibigin nito.

Di maka-imik, di maka-angal, di makapagsabi “ayaw ko na!”. “Mula ngayon, di mo na ako mapapaikot sa palad mo.” Ito marahil ang gusto sabihin ng alon, subalit siya’y animo’y pipi na di makapagsalita kung kaya’t waring alipin na susunud-sunod lamang sa ibigin ng hangin.

Ganito raw tayo kung pananampalataya natin ay parang switch ng ilaw na “on and off”. Minsa’y nagliliwanag, minsan nama'y pagkadilim-dilim. Hindi makapanindigan sa kanyang pananalig. Hindi mapanghawakan ang pangako ng Diyos pagkat siya mismo’y may pag-aalinlangan.

Kapag nanalangin, di bukal ang puso bagkus nagtatanong ang isipan na “ibibigay kaya Niya ang hinihiling ko?”. Na para bagang kulang ang kapangyarihan ng Diyos na kanyang pinanampalatayaan.

Pinatawad Niya na kaya ako” ang minsa’y sumasagi pa rin sa isipan. “Kaligtasan ko kaya’y lubos.”

Ang nais ng Diyos kapag tayo’y dudulog sa Kaniya, taglay natin ang isang dalisay na pananampalataya. Di nag-aalinlangan. Hindi nagdadalawang-isip.

Ginagantimpalaan Niya ang sinumang lalapit sa Kaniya ng may buong pananalig.

But without faith it is impossible to please Him, for he who comes to God must believe that He is, and that He is a rewarder of those who diligently seek Him. – Hebrews 11:6

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y tulad ng alon? Hinahampas-hampas ng hangin saan man nito ibigin. O pananampalataya mo sa makapangyarihang Diyos ay buo at tunay?
Wag ng mag-atubili. Huwag ng mag-alinlangan. Sa Kanya'y sumampalataya ka't manalig sapagkat sa Diyos ay walang imposible. "Nothing is too difficult for Him."


Isang Pagbubulay-bulay.

Tuesday, November 17, 2009

Maghintay Lamang


Mula sa Panulat ni Bringula

"But they that wait upon the Lord shall renew their strength; they shall mount up with wings as eagles; they shall run and not be weary; and they shall walk, and not faint." (Isa. 40:31)

Sabi nila tayo raw ay nabubuhay sa panahon kung saan ang lahat ay instant. Agad-agad. In one minute or less dapat tapos agad.

Lahat ay past-faced. Naghahabol, nagmamadali. Lahat ay mabilisan. Bawal ang paghihintay. Kailangan natatapos agad kung ano ang dapat gawin. Kailangan makamit agad ang kamtin. Naiinip kapag mahaba ang pila. Kung kaya't ang iba'y gumagawa na ng diskarte maka-una lamang.

Bumagal ba ang pag-inog ng mundo at hindi maka-agapay sa atin o bumilis at tayo'y hingal na sa kakahabol?

Sa pagmamadali marami ang disgrasyang nagaganap. Maraming mga maling desisyon ang nagagawa. Maraming mga salita ang nasasambit na nakasasakit ng damdamin.

Minsan niloob ng Diyos na may bagay na kailangan tayong maghintay. Mga pangyayari't kaganapan na di maiwasan kung saan wala tayong magagawa kungdi ang maghintay.

Tulad na lamang ng nagaganap habang tinitipa ko ang Pagbubulay-bulay natin ngayon. Ako'y narito ngayon sa may causeway papasok ng Saudi galing Bahrain. Nagkaroon ng problema sa network ng immigration kung kaya't nai-stuck ang maraming sasakyan. Napakahaba ng pila. Hindi umuusad. Oras na ang binibilang subalit di gumagalaw ang pila. Ang iba'y nagsisibalikan na sa Bahrain kung mailulusot pabalik ang sasakyan dahil naipit na rin naman ang halos lahat sa napakahabang pila. At walang patid naman ang pagdating ng marami pang sasakyan na papasok ng Saudi. Ang iba'y papasok sa trabaho tulad ko. Ang iba'y pauwi na.

Sa ganitong pagkakataon, ano ang dapat gawin? Mainis? Magmukmok? Sumimangot? Magwala at magsisigaw? Useless. Wala ka rin namang magagawa kungdi ang maghintay na lamang.

God has a purpose in everything that happens. (Romans 8:28) Sa halip na magmukmok, I need to optimize the hours of waiting. Eto,, tinitipa ko ngayon ang Pagbubulay na kaloob ng Panginoon kung saan itinuturo ng Diyos sa atin ang kahalagahan na matuto tayong maghintay.

Ang sino raw naghihintay sa Panginoon ay tulad ng agilang magkakaroon ng panibagong kalakasan. Maikakampay niya ang pakpak ng buong lawak at makalilipad ng buong tayog at taas. Hindi siya mapapagod. Hindi siya maiinip, bagkus may ibayong kalakasan.

Sa buhay espirituwal, sa pagsunod at paglilingkod natin sa Panginoon, napakainam na tayo ay matutong maghintay sa kalooban ng Panginoon sa lahat ng ating gagawin, maging sa ating sasabihin. Huwag magpadalus-dalos, bagkus hintayin ang "go signal" mula sa Kanya.

Upang ang tama lamang ang ating gagawin. Upang buhay ay sumulong at makapamuhay ng matuwid. Maghintay sa tagubilin ng Panginoon bago kumilos.

"Trust in the Lord with all your heart and lean not on your own understanding; in all your ways acknowledge Him, and He will make your paths straight."- Proverbs 3:5-6

Maghintay lamang. Lahat ay lilipas. Darating din ang tamang panahon ayon sa Kanyang kalooban ay itinakdang oras.

Isang Pagbubulay-bulay.

Monday, November 16, 2009

Para sa Iyo ang Laban na Ito

Contributed by Joseph Aguilar (dbd Bahrain)

Marami na namang kababayan natin ang marahil ay nagbubunyi sa pagka-panalo ni Manny kay Cotto. Pakiramdam nila ay sila rin ang nanalo sa laban.

Tiyak na ang iba ay napapasuntok pa habang nanunuod na animo'y sila ang nasa boxing arena. Umiigting ang kanilang pagka-makabayan sa mga panahong gaya nito.

Maging si Manny at ang kanyang kaanak (unang–una na diyan si Aling Dionisa) ay marahil animoy nasa alapaap ang pakiramdam (feels like heaven ika nga).

Ganito rin ang kagalakang nadarama ng Panginoon sa bawat pagsubok na nalalagpasan natin dahil mas napapagtibay ang ating pananalig sa Kanya.

Our faith is our victory… For whatsoever is born of God overcometh the world: and this is the victory that overcometh the world, even our faith. (1 John 5.4)

Makakayanan natin ang bawat suntok ng buhay dahil alam natin na ang Panginoon ang ating sandigan. Tulad ni Manny na dumaraan sa ilang pagsasanay at pagsubok para mahasa ang kanyang galing, tayo rin ay daraan sa Kanyang pagtutuwid at araw-araw ay binabago ng Panginoon at binibiyayaan ng kalakasan na nagmumula sa Kanya upang magtagumpay. "I can do all things through Christ who gives me strength." (Philippians 4:13)

BUT remember, WE have OUR OWN battle…OUR OWN FIGHT…

"Therefore we also, since we are surrounded by so great a cloud of witnesses, let us lay aside every weight, and the sin which so easily ensnares us, and let us run with endurance the race that is set before us, looking unto Jesus, the author and finisher of our faith, who for the joy that was set before Him endured the cross, despising the shame, and has sat down at the right hand of the throne of God. For consider Him who endured such hostility from sinners against Himself, lest you become weary and discouraged in your souls." (Hebrews 12:1-3)

Sa ating personal na laban, nagagalalak kaya ang Panginoon? O nakikisaya na lang ba tayo sa tagumpay ng iba?

Masasambit ba natin sa Panginoon na “Para sa Iyo ang Laban na Ito?”

Nasa sa atin ang kasagutan… isang Pagbubulay-bulay.

Sunday, November 15, 2009

Suntok sa Hangin

Mula sa Panulat ni Max Bringula

I do not fight like a man beating the air.” (1 Corinthians 9:26)

Aligaga ngayon ang sambayanang Pilipino at ang buong mundo sa kapanapanabik na laban ni “Pacman”, Manny Pacquiao kay Miguel Cotto ng Puerto Rico na masasaksihan ngayong araw na ito. (As of this writing, panalo na si Pacman by TKO sa 12th round).

Halos lahat ay nagsasabing isa ito sa magiging makasaysayan na laban ng tinaguriang Pound-for-Pound King pagkat nakasalalay sa labang ito ang magiging pampitong titulong hahawakan ni Pacman. Isang legacy na iuukit ni Pacman sa mundo ng boxing.

Habang tumatagal, habang umaakyat sa mas mataas na antas ng boxing si Manny, lalo pa siyang gumagaling. Suntok niya’y bumibilis na animo'y buhawing rumagasa sa kalaban. Asintado. Sapul. Di siya sumusuntok sa hangin.

Bilang boksingero, dapat suntok mo’y di suntok sa hangin. Dapat ito’y tumatama. Tumatagos. Nag-iiwan ng marka di lamang sa katawan ng kalaban kungdi sa isipan ng manonood.

Ganito rin sa buhay-espirituwal. Suntok nati’y di dapat suntok sa hangin. Dapat ito’y tumatama sa kalaban. Bumabalikwas dapat si Satan ang ang kanyang alipores sa bawat suntok na ating pinakakawalan. At kung papaano pinababagsak ni Pacman ang kaniyang kalaban, tayong mga anak ng Diyos ay dapat gayundin. Plastado, bagsak ang kalaban sa bawat suntok natin.

Ito ang malinaw na isinulat ni Pablo patungkol kung papaano siya namuhay bilang lingkod ng Panginoon. Wika niya, “I do not fight like a man beating the air.” (1 Corinthians 9:26)

Ganito ang dapat nating gawin. Ito ang dapat nating isipin. Ito ang dapat nating maging layunin.

Papaano ba tayo sumuntok sa kalaban? Ito ba’y suntok sa hangin?

Tayo ba’y nakakapanalangin pa? Ito ba’y taimtim at may kagalakan o minamadali natin at kung minsa’y pinanghihinawaan? Tayo kaya’y nakapagbabasa at nakapagbubulay pa ng Kaniyang mga Salita o lagi na lang humaharurot sa umaga at sa gabi naman hilik agad ang maririnig mo? Tumatalima ba tayo sa mga utos ng Panginoon? Dumadalo’t masigasig sa mga gawain? Naglilingkod o pabandying-bandying lamang.

Ating itong pakasuriin. Pagkat kung magkakagayon, tayo’y animo’y sumusuntok sa hangin lamang.

Ito marahil ang dahilan kung bakit marami sa atin ang bugbog-sarado ng kalaban. Pasa-pasa ang mukha at laging knock-out kumbaga.

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y sumusuntok sa hangin?

Buhay ay talunan. Bigo. Lulumo-lumo.

Tumindig ka. Lumaban. Suntok mo'y huwag isuntok sa hangin.

Isang Pagbubulay-bulay.

Saturday, November 14, 2009

Isang Bato Ka Lang

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Reaching into his bag and taking out a stone, he slung it and struck the Philistine on the forehead. The stone sank into his forehead, and he fell facedown on the ground." - 1 Samuel 17:49

Isang bala ka lang” ito’y isa sa mga popular na linya ng yumaong FPJ at naging titulo ng kanyang pelikula. Madalas ginagaya ng iba ang linyang ito kapag pinaparinggan ang kalaban o kaaway na nais pataubin o pabagsakin.

Marahil ganito rin ang linya ng pound-for-pound king na si Pacman o Manny Pacquiao laban kay Cotto. Subalit hindi “isang bala ka lang”, kundi “isang suntok ko lang” bagsak ka na, ang wari’y sambit ni Pacman.

Ganito rin marahil ang tono ng pananalita ni David nang harapin niya ang mala-higanteng si Goliath na noo’y humahamon sa bayang Israel. “Lumabas kayo. Sino ang atapang na lalaki” ang sigaw ni Goliath noon sa mga sundalo at kay Haring Saul. (1 Samuel 17:10)

Ako ang lalaban” ang buong tapang na sagot ni David tangan ang kanyang tungkod at tirador at limang makikinis na bato na kinuha niya mula sa sapa. (1 Samuel 17:32,40)

Ha-ha-ha….” ang matunog at dumadagundong na tawa ni Goliath nang makita ang batang-batang si David na halos wala pa sa kalahati niya ang laki.

Ikaw? Ikaw ba ang lalaban sa akin? Isang uhuging taga-alaga lamang ng tupa. Binibiro mo ba ako? Ano ako, aso na haharap ka sa akin at patpat lang dala?” ang may pang-aasar na sagot ni Goliath sabay ng pagkalakas-lakas na tawa, “Ha-ha-ha....

Tumahimik ka Goliath” ang sagot ni David. “Hindi mo ba batid na ang Diyos ng Israel na iyong hinahamak ang aking kalasag? Ang dala mo’y tabak, sibat at balaraw, ngunit lalabanan kita sa Ngalan ni Yahweh, ang makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak. Ibibigay ka Niya sa akin ngayon! Pupugutin ko ang ulo mo at ipapakain kita sa mga ibon at sa mga hayop pati ang iyong mga kasamahan. Sa gayon, malalaman ng daigdig na ang Diyos ng Israel ay buhay. At makikita ng lahat na narito na makapagliligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat. Siya’y makapangyarihan at ipalulupig Niya kayo sa amin.” (1 Samuel 17:45-47)

Pagkatapos nito’y inilabas ni David ang kanyang tirador, at dinukot ang isang bato mula sa kanyang sublitan at sabay wika ng “isang bato ko lang”, at pinakawalan ni David ang bato mula sa kanyang tirador.

Blag!” ang malakas na tunog na narinig nang padapang bumagsak si Goliath. Sa lakas ng pagkakatirador ni David, tumama ang bato sa noo nito at bumaon na ikinabagsak niya. (1 Samuel 17:49)


Ito ang naganap ilang libong taon na ang nakaraan. Ano ngayon ang kaugnayan ng pangyayaring ito sa atin?

Tayong lahat ay tulad ni David. Nahaharap sa mala-higanteng Goliath na humahamak sa ating pananalig. Patung-patong na problema, di maubos-ubos na alalahanin, mga mabibigat na pagsubok, mga nakapanlulumong pang-huhusga ng mundo, mga mapang-aping tao na nagbibigay ng sakit at pighati sa atin. Sila at ang mga ito ang ating Goliath.

Subalit tulad ni David, mayroon tayong “isang Bato” na ating kalasag. “Bato” na kasama natin at nasasaatin.

Ito ang nakasaad sa Kanyang Salita sa 2 Samuel 22:2-3, “The LORD is my Rock, my fortress and my deliverer; my God is my Rock, in whom I take refuge, my shield and the horn of my salvation.”

Sa pamamagitan Niya, mapagtatagumpayan natin ang ano mang palaso ng kalaban. Malulupig natin at mapapabagsak ang ating Goliath.

Isang Bato ka lang”, ito ang sambitin. Ito ang panghawakan. Sa pamamagitan ng “Bato” tiyak ang ating tagumpay.

Kapatid, kaibigan… hinahamon ka ba ng iyong Goliath? Na sumusubok sa iyong pananalig, na nakapagpapahina ng iyong pananampalataya. Na nakapapalugmok sa atin.

Sambitin mo sa kanya, “isang Bato ka lang”.

Isang Pagbubulay-bulay.

Wednesday, November 11, 2009

Magalak Ka!

Mula sa Panulat ni Max Bringula

Count it all joy…” – James 1:2

Nakapagpapa-bata raw ang pag-ngiti. Kapag tayo’y masayahing tao, hindi agad tayo tumatanda. Kahit Golden Years na, mukha pa ring 37 years old. Wala pang gitla na mababanaag sa kanyang noo. Bagama’t umiimpis na ang buhok at unti-unti nang sumisilip ang anit, “baby-looking” pa rin ang kanyang aura. “Masayahin kasi”, sabi nila.

Tunay na malaki ang nagagawa ng pagiging masayahin. Yung iba nga ay nanatiling pa rin feeling-eighteen sa paglipas ng panahon. Palagi na lang nagde-debut. Bagamat yung iba ay sadyang ipinako na ang edad sa trenta at thirty-one para raw nasa kalendaryo pa rin.

Ano man ang dahilan ng pananatili nating bata sa paningin, sa itsura man o sa ugali, malaking tulong kung tayo ay laging may taglay na ngiti sa pagharap sa hamon ng buhay.

Ito ang itinuturo sa atin ng Kanyang Salita na ating pagbubulay-bulayan sa James 1:2, “Magalak kayo!” Count it all joy.

Magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang pagsubok, sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong pagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan.” Ito ang wika sa atin ng kapatid na si Santiago.

Ito raw ang sikreto. Na sa bawat hamon ng buhay, sa mga pagsubok na dumarating, sa mga suliraning nararanasan, sa mga hirap na binabata, at mga lungkot na nadarama, ngiti raw ang ating isukli. “Count it all joy” ang wika sa ingles.

Magalak ka pagkat ito’y magiging daan upang lalo pang tumibay ang ating pananalig kung ipagkakatiwala sa Diyos ang nararanasang hirap at mabibigat na pagsubok.

Magalak ka pagkat pagkakataon ito upang mamalas ang kapangyarihan ng Diyos, madama ang Kaniyang pagmamahal at maranasan ang Kanyang pagkilos sa ating buhay.

Magalak ka pagkat pagkakataon din ito upang higit pa tayong makapag-impok ng kayamanan sa kalangitan sa pamamagitan ng ating patuloy na paglilingkod kahiman dumaraan sa matitinding hirap at pasakit.

Magalak ka pagkat may panibagong aral tayong matutunan na magiging tulay natin upang lalo pang maging matatag nang sa gayon ay maging daan din tayo upang maging pagpapala sa iba.

Magalak ka sapagkat sa pamamagitan ng pagsubok na ating pinagdaraanan, pagpapala ang kapalit nito matapos mapagtagumpayan.

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y dumaraan ngayon sa mabibigat na pagsubok? Dumaranas ng hirap at pasakit. Magalak ka!

Ituringn mo itong isang kagalakan, pagkat ito’y karagdagan sa lalo pang ikalalakas at ikatatag ng iyong pananampalataya kung ito’y ating mapagtatagumpayan.

Magalak ka pagkat kasama mo Siya.

Isang Pagbubulay-bulay.

Tuesday, November 10, 2009

Bro...

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"That at the name of Jesus every knee should bow, in heaven and on earth and under the earth, and every tongue confess that Jesus Christ is Lord." - Philippians 2:10

Palasak mong maririnig ngayon ang tawagang “bro” sa mga kalalakihan, bata man o matanda ang kausap. Ito ang kadalasang tawag ngayon sa mga magba-barkada, mag-kumpare, magkaibigan o maging sa sino mang makausap. Ito’y karagdagan sa dati ng tawagang “pare, tol, dre, at brod”. Sa mga magagalang naman, ang tawag ay “kuya” na siyang tagalong ng “bro”. (Sa mga kababaihan, “sis” naman ang tawag o kaya’y “ate”).

Nagsimulang maging word-of-mouth ang “bro” dahil kay Santino, ang bidang-karakter sa TV series na “May Bukas Pa”. Sa nasabing serye, nakikita’t nakakausap ng harapan ni Santino si Hesus na ang tawag niya ay “Bro”. Bagamat sa telebisyon ay di ipinapakita ang mukha ng karakter ni Hesus kungdi ang likod lamang.

Masasabing malaki ang nagagawa o impluwensiya ng media (radio, TV at diyaryo) sa isipan ng tao. Tumatatak sa kanilang isip ang nababasa, napapanood at naririnig kung kaya’t ito ang kanilang nagagaya, intensiyonal man o hindi. Tulad ng pagtawag ng “bro”. Ngayon, di lang sa magka-kaibigan, magkaka-barkada maririnig ang tawagang “bro”, kungdi maging sa Panginoong Hesus, ang tawag na ng iba’y “bro”.

Minsan ako’y nakapanood sa TV ng isang iniinterbiyu. Narinig ko sa isa sa kanyang sagot ang “at saka kay bro” sabay turo sa itaas na ang ibig sabihin na yung “bro” na kanyang pinatutungkulan ay ang Diyos.

Subalit ganito nga ba nararapat na ituring o itawag natin sa Diyos na may lalang ng langit at lupa? Sa Kanya na lumikha sa atin at nagbigay ng buhay?

Bagama’t ang salitang “bro” ay “brother” sa ingles na siya namang totoo na Panganay nating Kapatid si Kristo. Mababasa ito sa Romans 8:29, “For those God foreknew he also predestined to be conformed to the likeness of his Son, that he might be the firstborn among many brothers.”

Subalit higit pa sa Panganay na Kapatid si Kristo sa atin. Siya ang ating Panginoon, Tagapagligtas at Nag-iisang Diyos.

Tama lamang na ituring nating Panganay na Kapatid ang ating Panginoong Hesus. Subait mas mainam at nararapat na Siya’y tawagin nating Panginoon at Diyos sa halip na “bro”.

Sabi sa Isaiah 45:24, “Ang lahat ng tuhod ay luluhod, ang lahat ng labi ay magsasabi na si Hesus ay Diyos”.

Siya ang Panginoon ng mga panginoon, Hari ng lahat ng mga hari. - Rev 17:14

Si Hesus ay di lamang “bro”, Siya ang ating Panginoon, Tanging Tagapagligtas at Makapanyarihang Diyos.

Kaibigan, kapatid, bro... pagbulay-bulayan natin ito.

Monday, November 9, 2009

Tinig Niya'y Dinggin

Mula sa Panulat ni Max Bringula

In the past God spoke to our forefathers through the prophets at many times and in various ways, but in these last days he has spoken to us by his Son.” – Hebrews 1:1-2

Tulad ng isang mabuting ama, ang ating Diyos Ama sa langit ay laging sa atin ay nagbabantay. Tinatanaw at buong pagmamahal tayong pinagmamasdan. Nalulugod kapag tayo’y tapat na sumusunod sa Kanyang utos at naninimdim kung tayo’y sumusuway.

Sa lahat ng panahon, laging nakalaan ang Kanyang paalala. Ang kanyang pagtuturo’t pagtutuwid. Tinig Niya ang sa tuwina’y ating mapapakinggan.

Nasaan kayo?” ang tanong Niya kay Adan at Eba nang sila’y sumuway sa Kanyang iniutos na huwag kainin ang bunga ng puno sa gitna ng hardin (Genesis 3:6-9).

Halika” ang paanyaya Niya kay Pedro nang ang huli ay humiling kay Hesus na makalakad din sa ibabaw ng tubig tulad Niya (Matthew 14:28-29).

Ano ang ibig mong gawin ko?” ang pagtatanong Niya sa dalawang bulag na lumapit sa Kaniya at nagsusumamong sila’y pagalingin (Luke 18:35-41).

Huwag kayong matakot” ang madalas na binibigkas Niya sa Kanyang mga alagad bilang paghahanda sa mas mataas na antas ng kanilang paglilingkod (Luke 12:32).

Pagpapala ang iniiwan ko sa inyo” ang madalas Niyang tagubilin sa lahat (John 14:27, 20:21, 26).

Hindi kita iiwan, hindi kita pababayaan” ang buong pagmamahal na pangako Niya sa atin (Hebrews 13:5).

Ang Diyos ay di nagbabago. Siya pa rin noon, ngayon at bukas. Kung papaano Siya nangusap at tumatawag noon, ganoon pa rin hanggang ngayon ang Kanyang pagtawag at pagtuturo sa atin.

Sa pamamagitan ng Kaniyang mga Salita na ating naririnig, nababasa at pinagbubulay-bulayan, tayo’y Kanyang kinakausap at pinapaalalahanan. Nag-aanyaya Siya na sa Kanya’y lumapit at ibigay ang ating buong pagtitiwala. Ipinadarama Niya ang Kanyang wagas na pagmamahal at tinitiyak Niya ang Kanyang pag-iingat kailaman.

Kapatid, kaibigan… naririnig mo ba ang Kanyang tinig? Pinapakinggan mo ba ang Kanyang mga tagubilin?

O hanggang ngayo’y di mo Siya pinapansin. Binabalewala at di binibigyan ng oras at panahon.

Huwag nang patigasin ang ating puso. Huwag nang magbingi-bingihan pa. Tinig Niya’y dinggin.

Ngayon na. Now na.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

Ama Namin Diyos na makapangyarihan. Diyos na nakababatid ng laman ng puso’t isipan ninuman. Diyos na sa ami’y palaging nagtuturo’t nagtutuwid, salamat po sa Inyong mga Salita na patuloy naming napapakinggan. Sa Inyong tinig na patuloy naming naririnig. Aking dalangin na ako’y turuang palaging makinig sa Inyong mga turo at dinggin tuwina ang Inyong tinig na sa aki’y laging ipinaririnig. Sa Ngalan ni Hesus, Amen.”

Sunday, November 8, 2009

Ang Ating Dating Kinagawian

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Three times a day he got down on his knees and prayed, giving thanks to his God, just as he had done before." - Daniel 6:10

Madalas nating maririnig ang pagkukumpara ng panahon noong araw sa ngayon. Na noong araw daw ay simple lang ang buhay di tulad ngayon na masyadong kumplikado at masalimuot. Tahimik at banayad ang lahat di tulad ngayon na nagmamadali at animo’y kulang ang dalawamput-apat na oras.

Minsa’y naaalala rin natin at binabalik-balikan ang mga dating kinagawian. Noong tayo’y buong saya at sigla na naglalaro ng patintero, luksong-tinik, tumbang-preso, habulan, taguan at iba’t iba pang laro hanggang sa abutan na ng takip-silim at maririnig na lamang natin ang tawag ni Nanay na “uwi na, gabi na!”
Masarap. Masaya. Lalo na’t kung ang mga dating kinagawian ay matuwid at kalugod-lugod sa Kaniya. Kinagawian na dapat patuloy na gawin at di kalimutan.

Tulad ng ating mababasa sa Daniel 6:10 kung saan itong si Daniel ay hindi kailanman nilimot ang dating kinagawian na manalangin.

Three times a day he got down on his knees and prayed, giving thanks to his God, just as he had done before.”

Si Daniel ay ehemplo ng mapanalanginin. Tatlong beses sa isang araw kung siya’y manalangin – umaga, tanghali at gabi. Laging nagpapasalamat sa Diyos tulad ng kaniyang nakagawian. Bahagi na ng buhay ni Daniel ang manalangin. Kahiman saan siya naroroon, ano man ang kanyang ginagawa, at ano man ang kaniyang kalagayan at kinatatayuan.

Hindi niya nililimot kailanman ang mahalagang bagay na ito – ang manalangin.

Sa ating buhay-espirituwal, sa ating paglakad bilang mga lingkod Niya, huwag din nating lilimutin ang dating kinagawian. Tulad noong tayo’y makakilala sa Kanya – ang init ng ating paglilingkod, ang kasabikan sa Salita ng Diyos, ang kagalakan na makipag-fellowship sa mga kapatiran, at ang kasigasigan na manalangin.

Sa bawat paglipas ng panahon, habang nadaragdagan ang taon sa ating buhay, habang patuloy na pinadadalisay ng Panginoon ang pananampalatayang kaloob Niya sa atin, sikaping hindi malilimutan ang mga dating kinagawian.

Manalangin, maglingkod, magbulay-bulay ng Kanyang Salita at dumalo sa Kanyang gawain. Huwag manghinawa. Huwag manlamig. Bagkus patuloy na pagningasin ang alab ng ating dating kinagawian.

Kapatid, kaibigan … ano ang iyong pinagkaka-abalahan sa ngayon?

Gaano kadalas kaya tayong manalangin ngayon? Gaano kasidhi ang ating pagnanais na makarinig ng Kanyang mga turo o tayo kaya’y nanghihinawa na sa pagtutuwid Niya?

Tumatatak pa ba sa ating isipan ang mga Pagbubulay-bulay na ating nababasa? Sinusunod ito’t di kinalilimutan.

Pakalimiin ang bagay na ito. Tingnan at suriin natin ang ating mga gawi.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

Panginoon naming Diyos na dakila. Tunay nga po na napakasarap at napakainam na gawin at sundin ang Inyong mga Utos. Ang patuloy na tupdin ang Inyong kalooban. Turuan po Ninyo akong laging sumunod at tumalima sa Inyong nais. Ang patuloy na manalangin, mag-aral at magbulay-bulay ng Inyong Salita, ang maglingkod at dumalo sa Inyong mga gawain tulad ng dati ko ng nakagawian. Ilayo po Ninyo ako sa gawa ng kalaban, bagkus patuloy na manatili sa Inyong presensiya. Sa Ngalan ni Hesus na aking Panginoon ito po ang aking dalangin. Amen.”

Saturday, November 7, 2009

Salita Ko'y Iyong Kalugdan

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"May the words of my mouth and the meditation of my heart
be pleasing in your sight, O LORD, my Rock and my Redeemer
." – Psalms 19:14

Isang bagong umaga na naman ang ating nasilayan. Isang panibagong araw ng pagsunod at paglilingkod. Isang bagong pagkakataon na makapag-impok ng kayamanan sa kalangitan. Salamat sa Panginoon. Papuri sa Kanya.

Subalit ito nga ba ang numumutawi at ating mga labi pag-gising sa umaga? O pagka-aga-aga pa lamang ay para ng tambutso ng tren ang inyong bunganga sa kakaputak. Sa pagrereklamo sa tahanan man o sa trabaho.

Ni hindi ka na nakapag-usal ng panalangin at pasasalamat dahil nagmamadali ka’t male-late na sa trabaho dahil late ng nagising, dahil late na ring natulog dahil inumaga sa panonood, sa kaka-chat, at sa kaka-text.

Na sa halip na magbulay-bulay sa Salita ng Diyos, pakikipag-tsika-tsika agad ang inatupag, ni hindi pa nakapagmumumog, pakikipag-tsismis na agad sa kapitbahay ang inuna. Yun na ang ang kanyang umagahan. Talagang kinarir kumbaga ang pakikipag-huntahan. Pakikipag-bangkaan muna ang inasikaso bago ang trabaho. Buhay naman ng may buhay ang pinag-pipiyestahan.

Nalulugod kaya ang Diyos sa atin ng ganito?

Sabi ng Psalmist “May the words of my mouth and the meditation of my heart be pleasing in your sight, O LORD, my Rock and my Redeemer.”

Nawa o Diyos ang mga salitang magmumula sa aking bibig at ang pagmumuni-muni ng aking puso ay makapagbigay kaluguran sa Iyo.

Simulan natin ang linggong ito ng mainam. Maghandog ng pasasalamat at papuri sa Diyos. Ingatan ang mga salita na mamumutawi sa ating bibig. Iwasang makapanakit ng kalooban ng iba. Maging mahinahon at wag padalus-dalos sa salitang ating bibitawan. Pagkat ang ano mang salitang ating bigkasin mula sa ating mga labi ay maaaring makapagbigay-buhay at sigla sa iba, o makapagdulot ng sama ng loob at makapaglikha ng kagalit o kaaway.

Sikapin nating malugod ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng bawat salita na ating bibigkasin. Nawa’y ito’y salita ng pagpapala, ng kalakasan at ng Salitang nagbibigay-buhay na walang iba kungdi ang ating Panginoong Hesus.

Nawa’y salita natin kalugdan ng Panginoon.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

"O Diyos Ama naming sa langit, kapuri-puri po kayo sa Inyong mga ginawa at patuloy na ginagawa sa aming buhay. Salamat po sa bagong umagang inyong kaloob, sa bagong buhay na nagmumula sa Inyo. Turuan po Ninyo ako na palaging maalala ang inyong kabutihan at katapatan upang sa labi ko’y pagpupuri at pasasalamat ang lagi ng mamutawi. Nawa’y malugod po kayo sa mga salitang bibigkasin ng aking mga labi at sa mga Salita ninyong pinagbubulayan ng aking puso. Sa Ngalan ni Hesus, ito po aking pagsamo. Amen.”

Wednesday, November 4, 2009

Isang Munting Liwanag


Mula sa Panulat ni Max Bringula

And God said, "Let there be light," and there was light.
God saw that the light was good. (Genesis 1:3-4)

Kapag tayo’y nasa isang madilim na lugar kung saan buong paligid ay nababalot ng kadiliman at walang liwanag na maaninag, ang isang maliit na sindi mula sa kandila o palito ng posporo ay napakalaking tulong na. Nagkakaroon ng kislap sa ating mga mata kapag nasilayan ang isang munting liwanag.

Kapag madilim ang lugar na ating nilalakaran, tayo’y kakapa-kapa, buong ingat sa ating paghakbang dahil baka makabangga o matapilok kaya. Kung kaya’t kapag isang munting liwanag ang iyong nasilayan, dulot nito’y napakalaking kagalakan.

Kapag madilim ang paligid na iyong kinaroroonan, kaba at takot ang maaaring madama. Aandap-andap ka at kakaba-kaba. Subalit kapag isang munting liwanag ang ating maaninag dulot nito’y kakaibang sigla at saya.

Ganito ang nadama ng likhain ng Diyos ang liwanag. Dilim ang bumabalot noon sa buong paligid. Sinabi Niya, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito’y mamasdan. (Genesis 1:3-4)

Ganito rin ang ating nadarama kapag sa gitna ng kaguluhan, ng kalungkutan at pighati, sa animo’y kawalan ng pag-asa sa buhay, ang isang munting liwanag dulot ay ibayong kalakasan at pag-asa.

Sa ating buhay ay may isang nagbibigay-liwanag sa gitna na kadilimang nararanasan. Dulot Niya’y isang liwanag na nagbibigay-buhay.

"I am the light of the world. Whoever follows me will never walk in darkness, but will have the light of life." (John 8:12)

Sa Kanyang piling ay walang kadiliman, walang kaguluhan at walang kabalisaaan. Na maging sa gitna ng pagsubok at mga suliranin, kalakasan at tagumpay ang kaloob Niya.

Siya ay si Hesus – ang tunay na liwanag. Ang sinumang susunod sa Kaniya ay di na lalakad sa kadiliman, bagkus magkakaroon ng liwanag ng buhay.

Isang munting liwanag lang dulot na’y buhay na walang-hanggang.

Kapatid, kaibigan, nasasaiyo na ba ang liwanag o kadiliman pa rin ang iyong tinatahak?

Si Hesus ay tanggapin at papasukin sa iyong puso. Paghariin Siya sa iyong buhay at ang liwanag Niya’y iyong makakamtan.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

O Diyos Ama namin sa langit, Diyos ng liwanag na nagbibigay-buhay, aking idinudulog ang sarili sa iyong mga kamay. Mula sa kadiliman ako po’y inyong dalhin sa liwanag. Pinagsisihan ko pa ang aking pagsalangsang at mga kasalanan. Patawarin po Ninyo ako’t linisin sa aking karumihan. Maghari nawa Kayo sa aking puso at liwanag Ninyo ang aking lakaran. Ang liwanag Niyo nawa ang mamalas sa aking buhay. Sa Ngalan ni Hesus na aking Diyos at Panginoon. Amen.”

Tuesday, November 3, 2009

Luha

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Jesus wept." (John 11:35)

"Kung may kakayahan lang ang mga luha na sabihin ang mga dapat mong marinig, habang buhay akong iiyak dahil my mga bagay na puso lang ang nakakakita at luha lang ang may kakayahang magpadama."

Matalinghaga subalit puno ng katotohanan. Na maraming buting idinudulot ang pag-luha o pag-iyak. Ito man ay isang simpleng hikbi at pagpatak ng luha sa iyong kanang pisngi o isang malakas at nakakabinging pag-atungal.

Ayon sa mga medical personnel, nakakabuti raw ang pag-iyak pagkat nililinis nito ang ating mga mata. Ang totoo, hindi lang ang ating mata ang nalilinis, kungdi inaalis pa nito ang bigat na nararamdaman ng ating puso.

Sabi nga sa isang awit na aking narinig sa TV AD ni Sen. Manny Villar tungkol sa mga distressed OFWs, “Sige lang huwag mong pipigilan. Iiyak mo lang ang lahat sa buhay. Iiyak mo lang at ika’y tutulungan. Sige lang.”

Pinapawi ng luha ang ano mang sakit, hapdi at lungkot na ating nadarama. Pinaluluwag nito ang nagsisikip nating dibdib.


Kaya, sige lang. “Iiyak mo.” Huwag ng mahiya. Huwag ng magpa-macho-effect at magsasabing “lalaki ako. Hindi ako iiyak. Lalaki ini.” Hindeh! Ang pilit mong pagmamatigas. Subalit kapag napag-isa na, sabay atungal na akala mo kambing na kinakatay.

Yung iba ayaw pa talagang mapapansing sila’y naiiyak. Lalo na’t kapag nanonood ng ma-dramang pelikula tulad ng movie ni Vilma Santos na “Anak”. Na kapag walang nakakakita ay biglang pahid sa nagngingilid ng luha sa mata na kunwari’y napuwing laang. Yung iba, medyo “Mam, may I go out” muna, pero yun pala ay iiyak lamang dahil kanina pa naninikip ang dibdib sa bigat na nararamdaman.

Minsan nama’y di mo namamalayan, pumapatak na pala ang luha sa iyong mata. Garalgal na ang iyong pananalita. Lumuluha ka na pala.

Kaya, sige lang, wag mahiya. Iiyak mo lang.

Ang sanggol nga pagkasilang, iyak agad ang salubong niya sa pagpasok sa magulong mundo. Ito nga kaya’y iyak ng takot at pangamba o iyak ng kagalakan? Mabuting tanungin natin ang sanggol. Yun nga lamang, iyak din ang isasagot niya sa atin lalo na kung nagugutom na’t kailangan nang uminom ng gatas.

Luha. Mainam ito sa atin. Ito’y nagpapahayag ng ating saloobin. Sinasalamin nito ang ating nararamdaman. Ipinapadama nito ang nais bigkasin ng ating puso na di masambit ng ating labi.

Ang Panginoon man ay umiyak at lumuha. Ang pinaka-maikling talata na mababasa natin sa Bibliya ay nang ang Panginoon ay umiyak. “Jesus wept” ang inihayag ng John 11:35. Iniyak ng Panginoon ang lungkot na nadama sa pagkamatay ng kanyang matalik na kaibigang si Lazarus.

Gayundin, nang makita Niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng Kanyang bayang Israel, iniyak Niya rin ito. “As he approached Jerusalem and saw the city, he wept over it.” (Luke 19:41)

Kaya nga’t ang Panginoon ay nagbigay ng paanyaya sa mga nabibigatan at nahahapo. Sa mga labis na namimighati, sa nagdurusa at lumuluha, na lumapit sa Kaniya at sila'y Kanyang bibigyan ng kapahingahan (Matthew 11:28). A shoulder to cry on. Ito ang ibinibigay ng Panginoon sa atin.

Cast all your cares upon him for He cares for you.” (1 Peter 5:7)

Itangis mo sa Panginoon. Iiyak mo ang iyong nararamdaman. Huwag mahiya. Huwag mag-atubili. Higit sa lahat, itangis mo sa Panginoon ang pagkukulang at kalikuang nagagawa at ihingi ito ng tawad.

Wika Niya sa Isaiah 1:18, "Come now, let us reason together," says the LORD. "Though your sins are like scarlet, they shall be as white as snow; though they are red as crimson, they shall be like wool."

Luha. Malaki ang nagagawa ng ating pagluha. Nililinis nito di lang ang ating mga mata kungdi pati na ang ating puso.

Kapatid, kaibigan… ikaw ba’y lumuluha sa ngayon? Sige lang. Iiyak mo. Itangis mo sa Panginoon. Luha mo'y Kanyang papahirin.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin:

"Ama Naming Diyos na makapangyarihan at puspos ng pag-ibig sa lahat ng nalulumbay at nabibigatan. Akin pong inilalapit sa iyong mga kamay ang aking puso. Ang aking kalungkutan, mga pag-aalala at takot na nararamdaman. Kalingain Niyo po ako ng Inyong bisig pagkat Ikaw ang aking kalakasan at sa balikat Niyo ako makasusumpong ng kapahingahan. Luha ko’y inyong pahirin. Puso ko’y inyong linisin. Sa Ngalan ni Hesus na aking Panginoon, ito ang aking dalangin. Amen.”

Monday, November 2, 2009

Sa Piling ng mga Patay

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"As for you, you were dead in your transgressions and sins." - Ephesians 2:1

Madalas nating napapanood sa pelikula na ang tema ay horror tulad ng Zombie, Dracula, atbp. ang eksena kung saan ang mga patay ay bumabangon mula sa libingan at nakikihalubilo sa daigdig ng mga buhay. Mayroon din na animo’y buhay talaga at nakaka-usap subalit sila pala’y mga patay, tulad sa pelikulang pinagbidahan ni Nicole Kidman, ang “The Others” na may Filipino version din na “D’ Anothers” ni Vhong Navarro.

Sa Banal na Aklat ay may nakasulat ding ganito, mga patay na kasa-kasama natin sa pagkain, sa pagtulog, sa pagpasok sa trabaho, sa eskuwela, sa paglalaro, sa pag-gimik, sa bangkaan at sa halos lahat ng ating ginagawa sa mundo, naroon sila – nakikihalakhak, ngumingiti, sumisimangot, humikhikbi, humihilik, at kung anu-ano pang uri ng damdamin pagkat sila’y humihinga pa subalit mga mistulang patay. Hindi itsurang patay na halos buto’t balat at ampaw ang pisngi’t may bulak sa ilong bagkus matitipuno pa nga’t malulusog.

Subalit bakit ang taguring sa kanila’y mga patay. Ito ang binabanggit sa Kanyang Salita na ating pagbubulay-bulayan na matatagpuan sa Ephesians 2:1, “As for you, you were dead in your transgressions and sins.” Noon daw tayo’y mga patay dahil sa ating pagsuway at mga kasalanan.

Itinuturing ng Diyos na patay ang sinumang di kumikilala at sumasampalataya sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas. Yung mga namumuhay pa sa kasalanan at gawaing maka-sanlibutan. Yung mga walang ibig kungdi sundin ang pita ng laman at ang layaw ng mundo.

Sila’y mga patay pagkat ang espiritu nila’y wala pang tunay na ugnayan sa Diyos na siyang nagbibigay buhay at bumubuhay ng mga patay. At marami ang ganyan. Maaaring katabi natin sila ngayon, kausap, ka-chat, ka-text mate, kasiping, kapiling. Tayo’y mistulang napaliligiran ng mga patay. Namumuhay sa piling ng mga patay.

Maging tayo ay ganoon din noong wala pa tayo kay Kristo, noong patay pa ang ating espiritu. Subalit ngayon tayo’y binuhay na muli ni Kristo kung kaya’t pagsumakitan natin na mamuhay ayon sa kalooban Niya.

Ikaw ba’y buhay na o nananatiling patay? Humihinga ngunit mistulang patay.

Pakatandaan, ang sinumang walang tunay na ugnayan sa Diyos at namumuhay sa kasalanan ay tinatawag na patay. Subalit ang sino mang magsusuko ng sarili sa Diyos, hihingi ng kapatawaran at tatanggap at mananalig kay Kristo Hesus bilang Kanyang Panginoon at Tagapagligtas ay pagkakalooban ng buhay na walang-hanggan. Mabubuhay siyang kasama si Kristo. Mamatay man ang pisikal na katawan, ito’y muling Niyang bubuhayin sa Huling Araw. Subalit ang di kikilala at tatanggap sa Kaniya’y mananatiling patay magpakailanman.

Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, subalit ang dakilang kaloob ng Diyos ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus.” (Romans 6:23)

Kung kaya’t bumangon na mula sa daigdig ng mga patay at mamuhay taglay ang buhay galing kay Kristo.

Huwag manatili sa piling ng mga patay.

Isang Pagbubulay-bulay.

Panalangin ng Pagtanggap: (maaari ninyo itong ariing dalangin)

"Panginoon, aming Diyos, tinatanggap ko po na ako’y nagkasala at di nakasunod sa Inyong kalooban. Sumuway sa Inyong utos at namuhay na tulad ng mga patay na walang kinikilalang Diyos. Pinagsisisihan ko po ang aking mga kasalanan at humihingi ng Inyong kapatawaran. Tinatanggap ko po Kayo bilang aking Tagapagligtas at Panginoon. Buhayin po Ninyo ako mula sa kamatayan tungo sa buhay na walang-hanggan. Amen.”