Monday, March 30, 2009

Ang Mangkok - Isang Pagbubulay-bulay


Ang Mangkok

Isang nakatutuwang anecdote ang aking narinig na ibinahagi ng isang kapatiran sa aming Panambahan nung Friday. Isang kuwento na mapapangiti ka at mapag-iisip dahil ito’y sadyang nagaganap sa aktuwal na buhay at may kurot sa puso.

Ganito ang kuwento (ang pangalan ng mga karakter ay idinagdag ko na lamang) -

Magkapitbahay si Pokwang at si Pooh. Araw-araw ay dinadalhan ni Pooh ng kanyang nilutong-ulam si Pokwang, na labis namang ikinatutuwa ng huli. Feel na feel niya ang pagmamahal na ipinapakita ni Pooh sa pamamagitan ng mga masasarap na lutong-bahay na natatanggap niya rito araw-araw.

Kaya’t nakasanayan na ni Pokwang na hintayin ang ibibigay ni Pooh na ulam kapag pananghalian na o kaya’y maghahapunan na. Ganito ang naging routine ni Pokwang at ni Pooh araw-araw.

Subalit one day, isang araw, walang Pooh na sumulpot sa tarangkahan ni Pokwang para mag-abot ng ulam. Ang isang araw ay naging dalawa, tatlo, hanggang naging isang Linggo. Ang isang Linggo’y naging dalawa, tatlo, hanggang naging isang buwan.

Labis na nalungkot si Pokwang at nag-alala. “Anu na kaya ang nangyari sa ulam ko?” ang tanong niya.. “Ba’t wala ng ulam na dumarating sa akin?” “Nagalit kaya si Pooh sa akin?” “May nagawa kaya aku na di niya nagustuhan?” Ito ang mga sunud-sunod na tanong ni Pokwang sa sarili.

Kaya’t nang di na matiis na wala siyang ulam sa tanghalian at hapunan, sinadya niya na puntahan na ang kapitbahay na si Pooh. Habang binabaybay niya ang daan patungo sa bahay ni Pooh, magkahalong kaba at pananabik ang nararamdaman niya. Kaya’t nang nasa may tarangkahan na siya agad pinindot ang doorbell. “dingdong... dingdong… dingdong…” ang malakas na tunog nito sa sunod-sunod na pindot niya na di na namalayan sa labis na pananabik..

Bumukas ang pinto at tumambad sa kaniya ang abot-taingang ngiti ni Pooh. “Bakit” ang tanong niya kay Pokwang. “Ah eh… wala lang.” ang nahihiyang sagot naman nito. Subalit agad inihabol ang “actually, naparito ako dahil wala na kasi akong natatanggap na ulam mula sa’yo. Nagtatampo ka ba sa akin?”

Magtigil ka nga riyan” ang agad na sagot ni Pooh. “Eh paano po kasi, na syo na lahat ng mangkok ko. Hindi mo ibinabalik kaya wala na akong mapaglagyan tuloy ng ulam. Yun lang yon” ang taas-kilay na paliwanag ni Pooh habang nakapameywang.

Ah ganun ba? Yun lang pala eh. Eh di ibabalik ko na ulet syo ang mga mangkok mo para naman may matatanggap ulet ako na ulam mula syo” ang kagyat na sagot ni Pokwang at sabay yakap kay Pooh ng pagkahigpit-higpit.

And they live happily ever after. The End.

Yan po ang kwento. Eh anu naman ang kinalaman nito sa atin? Ano ang mapagbubulay-bulayan natin sa kwentong ito? Ano ang aplikasyon nito sa ating buhay-espirituwal?

Na ang sukatan pala ng ating matatanggap ay kung ano ang ibinabalik natin para mapaglagyan ulet ng bagong tatanggapin. Gayundin sa biyaya at pagpapala ng Diyos. Kung wala tayong ibinabalik para mapaglagyan, ano ang hihintayin nating pagpapalang matatanggap?

Ang sabi ng Salita Niya sa Luke 6:38, “Give, and it will be given to you. A good measure, pressed down, shaken together and running over, will be poured into your lap. For with the measure you use, it will be measured to you."

Tayo raw ay matutong magbigay upang tayo’y bigyan din. Pagpapalang siksik, liglig at nag-uumapaw. Pagka’t kung ano raw ang takalang ating ginamit ay siya ring gagamiting takalan ng pagpapalang ating tatanggapin.

Kung may mangkok tayong ibabalik sa Panginoon, tiyak na may gagamitin Siyang paglalagyan ng pagpapalang Kanyang ibibigay sa atin. Pag maliit na mangkok, maliit din na pagpapala. Pag malaking mangkok, malaking pagpapala. Kung ga-bariles na mangkok, ga-bariles din na pagpapala. Kung ga-tansan na mangkok, ga-tansan din na pagpapala ang matatanggap natin.

Subalit kung walang mangkok tayong ibabalik dahil nanghihinayang tayo sa ibibigay natin sa Panginoon, o kaya’y labis na nag-aalala sa darating na bukas, tiyak na wala ring mangkok na gagamitin ang Panginoon para ikaw ay pagpalain.

Kung kaya’t kung nakararanas tayo ng pagdarahop at di mawari kung bakit, ating alalahanin at pakinggan ang tinuran ng Panginoon, “Magbigay, at ikaw ay bibigyan. Pagpapalang siksik, liglig at umaapaw. Pagkat kung ano ang sukatang iyong ginamit ay siya ring sukatang gagamitin syo.”

Ibinalik mo na ba ang iyong mangkok? O itinatago-tago mo pa at ipinagkakait? Alalahanin ang aral mula sa mangkok.

Ang mangkok. Bow.

Isang Pagbubulay-bulay.

1 comment:

Francesca said...

The Mangkok can be related to His Bible.
i believe on the Bible AS HIS MANGKOK (food spiritually)to all His Children.

His words written there is my book of manual , in case I made stupid things, I consult it to repair my damages(spiritually).

God do not want our sacrifices.
He wanted our Obedience according to his great Book.

keep up the good work;