Tuesday, June 16, 2009

Weder-Weder Lang


Weder-Weder Lang
Sa panulat ni Max Bringula

There is a time for everything, and a season for every activity under heaven.” - Ecclesiastes 3:1

Maraming reyalidad ang buhay, mga katotohanang kitang-kita at di maipagkakaila pagkat araw-araw ito’y nagaganap at namamalas sa ating kapaligiran. Mga reyalidad na di dapat takasan bagkus tanggapin na bahagi ng buhay.

Tulad ng katotohanang ang araw ay sumisikat sa umaga at lumulubog din kinahapunan. Bagama’t minsan ang sinag niya’y di masilayan pagkat natatakpan ng ulap o dahil may unos at bagyo, subalit andun pa rin ang haring araw, sumisikat at lumulubog sa takdang oras.

Ganito rin ang buhay na hiram natin sa Diyos. Itinakda na tayo ay isilang sa mundong ito, lumanghap ng hanging kaloob Niya at lasapin ang kagandahan at kabutihang hatid ng Kanyang mga nilikha. At sa itinakda Niyang araw ay muli rin nating lilisanin ang mundong ito upang bumalik sa ating Tagapaglikha.

Ito rin ang tinutukoy ng katuruang madalas nating naririnig na “kung ano ang ating itinanim ay yon din ang ating aanihin.” (Galatians 6:7) Na may dalawang bahagi lagi ang bawat bagay at kaganapan.

Kung may tumataas, may bumababa. Kung may umuusbong, mayroon ding namamatay. Kung may iniiwanan, may binabalikan. Kung may puti, may pula. Kung may kanan, may kaliwa. Kung may pangit, may maganda, bagama’t ang kagandahan o kapangitan ng isang bagay o ng tao ay nasa tumitingin. “Beauty is in the eyes of the beholder”.


"Weder-weder lang" - yan ang katotohanan.

That there is always a balance. Laging babalik at babalik sa orihinal na kalagayan ang lahat ng bagay. Tulad ng tubig na naging solid o yelo ay muling matutunaw at babalik sa orihinal na katayuan nito, o kung ito’y maging vapor at pumailanlang at maging bahagi ng ulap ay muli rin namang ibubuhos sa lupa na isa ng ulan at pag nagkagayon ay muling babalik sa orihinal niyang anyo.

Ang mga katotohanang ito ang nakita ni Solomon nang kanyang winika sa Ecclesiastes 3:1, "T
here is a time for everything, and a season for every activity under heaven."

"Weder-weder lang" ang lahat ng bagay. Kanya-kanyang panahon lamang ang bawat kaganapan.
Kung kaya’t wag mawawalan ng pag-asa. Laging manalig sa Kanya. Ang lahat ng bagay ay lilipas din. Ang kalungkutan ay mapapawi. Ang hirap ay malalagpasan. Ang pagsubok ay mapagtatagumpayan.

Kaya’t tuloy pa rin ang pag-inog ng buhay.

Weder-weder lang.

Isang pagbubulay-bulay sa Kanyang mga Salita.