Tuesday, June 9, 2009

Message Sent


MESSAGE SENT
Sa panulat ni Max Bringula

A gentle answer turns away wrath, but a harsh word stirs up anger.” – Proverbs 15:1

Message Sent” – madalas nating nababasa ito kapag tayo’y nag-send ng messages gamit ang ating celfon. Kung Nokia 3310 ang gamit mo o yung mas nauna pa rito, makikita mo pa ang isang munting envelope sa screen na lilipad at unti-unting lumiliit hanggang sa ito’y tuluyang mawala, na ang ibig sabihin ay nai-sent na yung message at di mo na ito mababawi pa.

Kung kaya’t kung nagkamali ka ng pindot sa send key o kaya’y napag-esep-esep mong hindi pala dapat i-send yung message na yon, hindi mo na siya mahahabol pa at sasabihing “sandali..sandali…nagbibiro lang ako”, kungdi ang masasabi mo na lamang ay “sorry”, o kaya’y isang panghihinayang at pagbubuntung-hininga ang iyong mararamdaman.

Ganito rin ang nangyayari sa eMail messages. Minsa’y sa tindi ng sama ng loob at nagpupuyos na galit, umaapoy ang keyboard sa iyong pagtipa ng salitang gusto mong sabihin o isigaw sa pagdadalhan o sinusulatan, at kapag pinindot mo na ang Send Key at ang automatic reply na “Message Sent” ay na-receive mo na, di mo na ito mababawi pa. Ito’y makararating at mababasa na ng iyong pinadalhan at maaaring maipasa pa sa di dapat mapagdalhan. Huli na para mabawi pa ito kung napagtanto na di mo pala dapat isinulat iyon.

Gaano ba kadalas na tayo’y nakapagpapadala ng wrong message dahil tayo’y nagmadali at agad sinunod ang bugso ng damdamin? Hindi napag-isipang maigi, ng makasampu o isandaang beses. Maging sa pagbibitiw ng salita, tayo’y padalus-dalos at di pinag-iisipan o isinaalang-alang ang damdamin ng kapwa. Kung kaya’t ang resulta’y pagsisisi sa nagawa o nasabi, o pagkakasira ng magandang samahan.

Kaya nga ang turo sa atin ng Kanyang Salita ay maging mahinahon sa ating pangungusap maging ito man ay sa panulat o sa salitang namumutawi sa ating bibig.

Ang panulat ay maaring maging isang matalim na tabak na sisira at magwawasak ng anu mang tatamaan nito kung di pakaka-ingatan, at ang bibig ay maaaring maging isang bulkan na kapag sumabog ay maaring kumitil ng magandang samahan at magwasak ng buhay o tahanan.

Sa susunod na tayo ay magsalita o sumulat, pakalimiin ang sinasabi ng Kanyang Salita,
A gentle answer turns away wrath, but a harsh word stirs up anger.” – Proverbs 15:1

Sikaping ang salita na magmumula sa ating bibig, mangagaling sa ating pluma, isi-send mula sa ating celfon o laptop ay salitang makapagpapalakas, makapagpapatibay ng ating pananampalataya at hindi makasisira nito.

Message Sent” – tiyaking kapag ito’y iyong makita, makakangiti ka at hindi mapapangiwi.

Isang Pagbubulay-bulay sa Kanyang Salita.

1 comment:

life moto said...

mahirap nga talgang i send back ang na sent mo na. tama ka po kuya dapat pagkaisipan mabuti bago ito pindutin ang Enter.