Tuesday, June 2, 2009

Humawak Ka


HUMAWAK KA
Mula sa Kontribusyon ni Leo Amores
(Na sinusugan ni Max Bringula)

"By this gospel you are saved, if you hold firmly to the word I preached to you. Otherwise, you have believed in vain.” (1 Cor.15:2)

O ale, hawak lang po ng maigi. O Totoy, humawak ka.” Ito’y karaniwang maririnig mo sa konduktor kapag sasakay ng bus o maging sa jeepney sa Kamaynilaan o sa probinsiya man. Lalo na’t kung sasabit lamang dahil puno na. Tungkulin ng konduktor at driver ng pampasaherong sasakyan na ingatan ang kanilang pasahero at matiyak na sila’y makararating sa kanilang pupuntahan.

"Humawak ka at baka ika’y mawala.” Yan din ang maririnig mong paulit-ulit na babala ng nag-aalalang magulang sa mga pasaway na anak kapag namamasyal sa mall o kapag nasa lugar na maraming tao.

Humawak po kayo lola.” Yan naman ang maririnig mong sabi ng magalang at matulunging Pulis na umaalalay kay lola sa pagtawid.

Humawak ka ng maigi baka ka mahulog” ang siya namang pagkabilin-bilinan sa iyo ni Yaya kapag maglalaro sa see-saw o sa swing, o sa anu mang palaruan.

Humawak ka.” Isang katagang binibigkas upang matiyak ang kaligtasan ng mahal sa buhay. Isang katagang kapag iyong narinig ay nagdudulot ng paalala kung ika’y nakakalimot. Isang katagang nagsasabing huwag bibitaw, kumapit ng mahigpit upang kaligtasa’y matiyak at di mapahamak. Ito’y nagbibigay ng kapanatagan ng kalooban kapag alam nating tayo’y mayroong mahahawakan sa oras ng kagipitan, kalungkutan at kawalan ng pag-asa.

Sa buhay espirituwal ay ganito rin ang turo sa atin. Ito ang sinasaad sa Kanyang Salita sa 1 Corinthians 15:2.

By this gospel you are saved, if you hold firmly to the word I preached to you. Otherwise, you have believed in vain.”

Humawak daw tayo, humawak ng mahigpit, buong kapit sa Salita ng Diyos, sa Magandang Balita na inihayag sa atin na si Hesus ang Tunay na Kaligtasan. Sa Kanya tayo kumapit, sa Kanya tayo humawak, sa Ebanghelyong tinanggap natin at naging saligan ng ating pananampalataya.

Saan ka humahawak ngayon? Ang kinakapitan mo ba’y matatag at nakakatiyak kang ligtas?

Kung hindi at nais mong matiyak ang kaligtasan at huwag mapahamak, kay Hesus tayo manalig at sumampalataya. Sa bisig Niya tayo humawak. Sa mga kamay Niya tayo kumapit ng mahigpit, at kaligtasa’y tiyak na mararanasan.

"Humawak ka!" Humawak ng mahigpit. Huwag bibitaw.

Isang pagbubulay-bulay.

No comments: