Monday, June 15, 2009

Natutulog ba ang Diyos?


NATUTULOG BA ANG DIYOS?
Sa panulat ni Max Bringula

He who watches over you will not slumber; indeed, he who watches over Israel will neither slumber nor sleep.” – Psalms 121:3-4

Sa pelikulang “Tanging Yaman” na pinagbidahan ni Gloria Romero ay may eksena roon sa loob ng simbahan na nananalangin si Ms. Romero kasama ang batang gumaganap na kanyang apo. Habang nananalangin, lumiligid naman ang mata ng bata sa mga taong naroroon at nananalangin din. At sa tonong may pagtataka, tinanong ng bata ang kanyang lola, “Lola, di po kaya nahihirapan ang Diyos?” “Bakit naman” ang pabalik na tanong sa bata. “Kasi po ang daming nananalangin sa Kanya. Maririnig Niya kaya lahat iyon at masasagot?”

Isang inosenteng tanong, subalit puno ng katotohanan. Na ang Diyos kailanma’y di nagsawang duminig sa ating dalangin. Batid Niya ang ating mga daing, pagsusumamo at mga pag-hikbi. Alam Niya ang nilalaman ng ating puso. Lagi Siyang nariyan, handang makinig at magkaloob ng lahat ng ating hangarin.

Hindi kailanman natutulog ang Diyos. He neither slumbers nor sleeps. (Psalms 121:4) Yan ang nagliliwanag na katotohanang sinasaad ng Kanyang Salita.

Taliwas sa tanong ng iba na “natutulog ba ang Diyos”. Mga tanong na dumarating sa atin kung minsan kapag nahihirapan na, kapag di maapuhap ang kasagutan ng ating mga katanungan. “Natutulog ba ang Diyos?” ang nasasambit marahil ng iyong labi at naglalaro sa iyong isipan.

Tanong ng kawalan ng pananalig, ng panghihina ng pananampalataya kapag dumaranas ng pagsubok, ng hirap at pasakit.

Sa awit ni Gary V na may ganito ring titulo “Natutulog ba ang Diyos?”, maririnig ang linyang ito.

At ika'y ay kaagad sumusuko, k
onting hirap at munting pagsubok lamang. Bakit ganyan, nasaan and iyong tapang? Naduduwag, nawawalan ng pag-asa. At iniisip na natutulog pa, natutulog pa ang Diyos. Natutulog ba?

Sikapin mo, pilitin mo, tibayan ang iyong puso. Tanging ikaw and huhubog sa iyong bukas. Huwag sanang akalaing natutulog pa ang Diyos. Ang buhay mo ay mayroong halaga sa Kanya.

Mahal ka ng Diyos at kailanman mata Niya’y di inaalis sa iyo. Natatanaw ka Niya. Di Siya naiidlip o nakakatulog. Laging ikaw ang lamang ng puso Niya’t isipan.

Kung kaya’t bumangon ka’t tibayan ang iyong puso. Sa hirap na nararanasan ay wag susuko. Pagkat ang lahat ng iyan ay maglalaho rin. Katugunan mula sa Kaniya ay makakamit.
Hindi natutulog ang Diyos.

Nagtatanong ka pa rin ba magpahanggang-ngayon?

Pagbubulay-bulayan ang Kanyang Salita, at ang kasagutan sa iyong mga tanong ay makakamtan.


Isang pagbubulay-bulay.

No comments: