Monday, June 1, 2009

Pahiram Lamang


PAHIRAM LAMANG

Sa Panulat ni Max Bringula

"For we brought nothing into the world, and we can take nothing out of it." – 1 Timothy 6:7

Isang kakatwang bagay ang aking napagmamasdan sa buhay na siyang nagaganap sa tuwina – na kapag tayo’y may hiniram, kadalasa’y ito’y di na naibabalik. Inari ng kanya ang hiniram lamang.

Sa’yo ba ito? Sori po. Akala ko kasi akin eh. Hehehe…” ang abot-taingang ngiti na isasagot sa’yo sa pag iyong ipinaalala.

Nagkaka-amnesia. Nakakalimot. Ito ang nangyayari sa atin kung ang bagay na ipinahiram lang ay inari mo ng iyo at ikamamatay mo kapag ito’y inagaw at muling kinuha sa'yo.

Akin yan…akin yan…” ang pagpupumilit mo marahil na parang batang nakikipaghilahan sa laruan at maglulupasay kapag pilitang inagaw.

Ang katotohanang ito'y mamamalas kung gaano natin pinapahalagahan ang mga bagay na ating taglay. Kung gaano natin ito binabantayan, niyayakap at minamahal ng higit pa sa Nagkaloob. Pagkat kadalasa’y labis ang pagmamahal natin sa ibinigay at ipinahiram lamang sa atin ng Diyos – tulad ng ari-arian, kayamanan, trabaho, negosyo, katanyagan, kapangyarihan at maging ang mga taong nakasama natin sa buhay, kaysa sa Nagkaloob ng mga ito.

Dito nasusukat kung sino at ano ang mahalaga sa atin. Na kapag ang ipinahiram sa atin ng Poong Maykapal ay muli Niyang kunin ay di tayo mistulang kastilyong buhanging guguho.

Pakatandaan, ang lahat na ating taglay at kung ano ang mayroon tayo ay pahiram lamang. Ito ang katotohanang inihahayag na Kanyang Salita na ating pinagbubulay-bulayan sa 1 Timothy 6:7, “For we brought nothing into the world, and we can take nothing out of it.”

Wala naman daw tayong bitbit nang tayo’y isilang sa mundong ito. Walang porselas, relos o kuwintas na nakasabit sa ating leeg. Walang celfon, digicam, laptop, PS3 o MP3 na ating hawak-hawak. Walang kaakbay, walang kayakap. Ang lahat ay pahiram lamang.

Ito ang katotohanang nakita rin ni Job nang kanyang winika “"Naked I came from my mother's womb, and naked I will depart." (Job 1:21)

Kung gayon, bakit ganoon na lamang ang ating paninimdim kapag ang pinahiram sa atin ay Kanyang ng kinuha? Bakit labis-labis ang pagyakap natin dito at ayaw nating bitawan kung kakailanganin na? Bakit ang pagmamahal natin dito’y higit pa sa dapat nating pag-ukulan ng wagas na pagmamahal?

Huwag maging maramot. Huwag maging makasarili. Huwang angkinin ang hindi sa atin.

Magbalik sa Kanya at ibalik sa Kanya ang sa ati’y ipinahiram lamang – ang buhay, panahon, kalakasan, karunungan, at mga pagpapalang materyal. Ipagpasalamat ang mga taong ipinahiram Niya sa atin upang may makasama sa panahon ng ating buhay.

Ang lahat ng ito’y pahiram lamang.

Isang Pagbubulay-bulay sa Kaniyag Salita.

Recommended Reading: Ecclesiastes 3:12-17

1 comment:

Pirate Keko said...

tama ka nga po..
kahit ako minsan nagdadamot sa mga gamit..
gusto ko nakukuha ko agad lahat ng mga pinahiram ko lalo nat alam kong PINAGHIRAPAn ko iyon o bigay sa akin..
kailangan nga sigurong maunawaan ng tao na hindi madadala sa hukay ang mga ganitong bagay..

salamat sa post na ito..