Wednesday, June 10, 2009

Nagpapa-Kyut Kahit a-Kyut Na


Nagpapa-kyut Kahit a-kyut Na
Mula sa panulat ni Max Bringula

"I could not address you as spiritual but as worldly-mere infants in Christ." – 1 Cor. 3:1

Ang sanggol na iniuwal mula sa sinapupunan ng kanyang ina ay nakagigiliw tingnan at pagmasdan. Mukha nila’y animo’y anghel. Nakatutuwa na sila’y kargahin at ipaghele-hele. Aliw na aliw ka sa kanila pagka’t cute silang tingnan.

Subalit ang sanggol ay di nananatiling sanggol, siya’y lumalaki rin. Nagiging isang paslit na bata hanggang maging isang ganap na dalaga’t binata. Ang paglaki nila ay patuloy hanggang anyo nila’y di na tulad ng sila’y mga sanggol pa at isang musmos na bata. Hindi na sila cute tingnan tulad ng dati.

Masarap maging bata, wag lang mag-esep bata” – yan ang madalas kong naririnig kapag napag-uusapan ang pagiging bata o pananatiling bata. Subalit ganito ang karamihan sa atin. Pilit na nagpapa-kyut kahit di na sila kyut, kungdi a-kyut na sa paningin.

Nagkikilos bata at nag-e-esep bata. Pilit na itinutulad ang sarili sa mga “young ones” kahit na sila’y mga “young once” upon a time. Kumikilos na alangan sa kanilang edad. Nagmamaktol pa at naglulupasay na akala mo’y batang inagawan ng kendi. Nagtatampo at nag-aalburoto, nagdadabog at nagnga-ngangawa kapag gusto’y di naibigay.

Ikaw ba ito? Ganito ka bang maituturing? Nagpapa-kyut kahit a-kyut na.

Sa buhay-espirituwal ganito ang karamihan sa atin. Kung kaya’t nasabi ni apostle Paul, “I could not address you as spiritual but as worldly-mere infants in Christ.”.

Mistulang mga sanggol pagkat hindi lumalago sa pananampalataya. Hindi lumalaki at nananatiling bansot na parang bonsai. (Isang cultured Japanese tree na ang sukat ay ilang pulgada lamang.) Sa halaman lang kyut ang bonsai. Sa tao ang bonsai’y di kaaya-ayang tingnan.

Ikaw ba ito? Ganito ka bang maituturing? Nagpapa-kyut kahit a-kyut na.

Marami ka na bang Salita Niyang napagbubulay-bulayan, napapakinggan at ginaganap? O ikaw ay nananatiling tagapakinig na lamang. Laging tinuturuan, sinasaway, tinutuwid. Sinusubuan dahil di kayang kumain sa sariling mga kamay.

Nakapaglilingkod ka na ba sa Kanyang ubasan? Nakapagtuturo o mahilig lang mag-turo. Nakapag-aakay na ba tayo ng iba sa paanan ng Panginoon? O tayo pa rin ang inaakay at pilit na inaakay. Kulang na lang na tayo’y bitbitin, buhatin at ilagay sa loob ng Iglesya pagkat di natin kayang tumayo at lumakad sa sariling mga paa.

May mga paa nga subalit mistulang pilay. May mga mata nga subalit animo’y bulag at di nakakakita. May tainga nga subalit akala mo’y bingi pagkat di nakakarinig o ayaw makinig. May bibig nga subalit parang pipi’t di makapagsalita, di maihayag ang totoo at dapat.

Ikaw ba ito? Ganito ka bang maituturing? Nagpapakyut kahit a-akyut na.

Kailan ka pa lalago sa iyong pananamapalataya? Kailan ka pa magagamit ng husto ng Panginoon sa Kanyang kapurihan?

Sa pagputi ba ng uwak o sa pag-itim ng tagak? Kaylan pa?

Wag ng magpa-kyut pagkat ika’y a-kyut na.

Isang pagbubulay-bulay sa Kanyang Salita.

No comments: