"Woe to you who are complacent in Zion, and to you who feel secure on Mount Samaria" - Amos 6:1
Mahilig ka bang manguyakoy? Naka-upo lang at hinihimas-himas ang tiyan sa labis na kabusugan, o kaya’y nakapangumbaba at nakatanaw sa karimlan. Nagsasayang ng oras bagama’t maraming mahahalagang bagay na dapat gawin at tupdin.
“Wag ka ngang manguyakoy diyan” ang sigaw na nakapagpabalikwas sa’yo sa kinauupuan kasabay ng masakit na hampas ng walis-tingting na dumapo sa iyong katawan.
Yan ang madalas na sigaw ni Nanay sa amin noon kapag kami’y nakatunganga lang at walang ginagawa. Isang malakas na hampas ng walis-tingting ang matitikman mo kapag kukuya-kuyakoy ka lang habang ang iba’y aligaga sa pagkilos.
Ganito ang marami sa mga Kristiyano, sa mga lingkod Niya na pinili at tinawag upang humayo. Na sa halip na maghayag at magbahagi ng Kanyang mga Salita, ang mag-akay ng kaluluwa sa paanan ng Panginoon, ang manalangin at mag-aral at magbulay-bulay ng Kanyang mga Salita araw at gabi ay kukuya-kuyakoy lamang.
Maraming oras na dumaraan ang sinasayang na dapat sana ay naging kapaki-pakinabang sa paglago ng Kaharian ng Diyos.
“Woe to you who are complacent in Zion, and to you who feel secure on Mount Samaria.” (Amos 6:1)
Yan ang sigaw ng Diyos sa atin. Kahabag-habag kayong namumuhay ng mariwasa at walang ginagawa pagkat ang akala’y ayos na ang lahat subalit marami pang dapat gawin. Galit ang Diyos sa mga Kistiyanong “complacent”. Sa mga kukuya-kuyakoy.
Yung mga nakatunganga lang at naghihintay na pagsilbihan mo – susunduin, aawitan, pakakainin – subalit di mo maatasan ng gawain sa Panginoon pagkat ang laging sambit ay “di ko pa kaya”, “yung iba na lang kaya”, at kung anu-ano pang mga kadahilanang ibibigay.
Marami na sanang kayamanan tayong naimpok sa kalangitan subalit kukuya-kuyakoy lamang tayo at walang ginagawa hanggang maabutan na ng Kanyang pagbabalik ay nangunguyakoy pa rin.
Kasama na sana tayo sa mga humahayo sa aning masagana, namamalakaya at nagdadala ng Kanyang Salita sa mga taong wala pang tiyak na kaligtasan, subalit magpahanggang ngayon di mo pa nagagawa dahil kukuya-kuyakoy ka lamang.
Ikaw kuya, kukuya-kuyakoy ka pa rin ba?
Tumindig ka at wag ng manguyakoy at sayangin ang oras na kaloob sa’yo ng Diyos. Kumilos ka, humayo, maghayag, mag-aral, manalangin. Maraming dapat gawin. Wag manguyakoy pagkat kung di titigil sa pangunguyakoy at tutunganga na lang lagi, baka hampas ng walis-tingting ng Diyos ang ating sapitin.
Kukuya-kuyakoy, ikaw ba ito, kuya?