Sunday, November 30, 2008

Masdan Mo Ang Mga Ibon



Masdan mo ang mga ibon.

Hindi sila nagtatanim o nag-aani o nag-iimbak kaya ng pagkain tulad ng mga langgam, subalit araw-araw ay may pagkain silang kaloob mula sa ating Ama sa Langit. Ikaw pa kaya ang di Niya pagkakalooban ng iyong mga kakailanganin? Ng mga bagay na labis mong ikinababahala at minsa’y ikinawawalan ng pag-asa.

Papaano na lang kaya” ang marahil sambit mo sa tuwina. Papaano na kung bigla isang araw ay mawalan ng trabaho dahil sa worldwide financial crisis na nararanasan ngayon? Papaano na ang bahay na aking ipinapatayo o hinuhulugan? Papaano na ang pag-aaral ni Utoy at ni Neneng? May plano pa naman akong bumili ng bagong kotse, laptop, celfon, at home theater equipments. “Mapupurnada pa yata” ang naibulalas mo, sabay kamot sa iyong ulunan.

Maraming bagay ang labis na ikinababahala ng tao. Kung ano ang kanyang kakanin, iinumin o susuutin. Iba’t ibang suliranin at mga alalahanin. Mula po noong una at hanggang ngayon, ganito ang kadalasang kalagayan ng tao. Tuliro, balisa at labis na nababahala.

Ito rin ang nakita ng ating Panginoon nung Siya’y namalagi sa lupa. Kung kaya’t nabanggit Niya ang mga katagang ito sa Matthew 6:26. “Look at the birds of the air; they do not sow or reap or store away in barns, and yet your heavenly Father feeds them. Are you not much more valuable than they?

Uu nga naman. Ang mga ibon ay di nagtatanim, di nag-aani, di nag-iimbak. Subalit araw-araw, sila’y may kinakain.

Naalala ko nung minsan ako’y napadako sa may Port Area sa Dammam, nang sumundo ako roon sa kapatiran na ang accommodation ay malapit lang sa lugar na iyon. Napansin ko mula sa salamin ng aking sasakyan ang napakaraming ibon na nagliliparan at sila’y mistulang patungo lahat sa iisang lugar. Habang binabaybay ko ang daan nakita ko ang lugar na kanilang tinutungo – isang compound (o pabrika yata iyon) kung saan may isang mistulang bundok na naroroon sa loob at doon sila'y dumarapo.

Napag-alaman ko na iyon pala’y pabrika ng mga bird feeds, at ang animo’y bundok na aking nakita ay mga raw materials na gagawing bird feeds. Tuwang-tuwa ang mga ibon sa labis-labis na pagkain na kanilang nakakain sa lugar na iyon. Libre at naroroon lang palagi.

Sa isip-isip ko "ganyan sila kamahal ng ating Ama sa langit."

Hindi ba’t mas higit pa tayo kaysa sa mga ibon na iyon? Tayo na nilikha Niya sa Kanyang wangis. Tayo na minahal Niya at inalayan ng Kanyang buhay. Kung gayon, di raw tayo dapat mabahala o mabalisa pagka’t ang Lumikha sa atin ay Siyang nagmamay-ari ng langit at lupa. May mahirap kaya sa Kanya na gawin?

Kung suliranin mo'y para bagang walang patid at di malirip kung ano ang gagawin, masdan mo ang mga ibon, at iyong mababatid nariyan Siya lagi upang pangangailangan mo’y Kanyang abutin.

Kung nahahapo at naguguluhimanan, na para bagang wala ng pag-asa na ika’y natatanaw, masdan mo ang mga ibon, at iyong madarama na kasama mo Siya sa tuwina at di ka Niya iniiwan kailanman.

Kung ang paligid mo’y animo’y pulos kaguluhan. Kapayapaan ay salat dahil sa mga alalahanin at pinagkaka-abalahan ng maraming mga nilalang, iyong pagmasdan ang mga ibon, at mapagtatanto mo na may isang Diyos, who is in control, at siyang naghahari sa lahat.

Masdan mo ang mga ibon.

Tuwing makikita mo sila, lumilipad, humuhuni at umaawit, maalala nawa natin ang kabutihan at katapatan ng Diyos sa atin.

Higit tayo kaysa sa mga ibon. Ikaw ba’y umaawit din at nagpupuri tulad nila? O ikaw ay labis na nag-aalala at naninimdim?

Kung gayon, masdan mo ang mga ibon.

Isang pagbubulay-bulay.

Sunday, November 23, 2008

Maskara - Ito ba'y suot-suot mo pa?


Sa ating pakikipagkapwa-tao, sa ating pakikisalamuha sa mundo, sa ating pamumuhay bilang isang asawa, magulang, kapatid o anak, kasintahan o kaibigan, at iba’t iba pang ugnayang-pantao (or human relationships), ang pagiging tapat at totoo ay napakahalagang sangkap upang matiyak na ang ugnayan natin sa bawat isa ay manatili at lalo bang yumabong.

Subalit kadalasan taliwas ito sa totoong nagaganap.

Mistulang naka-maskara ang bawat nakakaharap natin dahil pilit na ikinukubli ang sarili sa tunay niyang anyo o ugali upang maging tanyag lamang, kaakit-akit o kahangaan, at sa kabilang-dako, ang kahinaan, kapintasan at kakulangan ay mapawi ng lubusan sa paningin.

Walang nagtatapat. Ang lahat ay pawang pagpapanggap lamang. Isang maskara.

Tulad ng binabanggit sa awit noon ni Billy Joel na ‘’Honesty’’ (tanda nyo pa ba ito?)

Honesty is such lonely word
Everyone one is so untrue
Honesty is hardly ever heard
And mostly what I need from you.

Tayo ba’y naka-maskara? May ikinukubli ba tayong mapait na kahapon? Isang karanasang nais takasan kung kaya’t maskara’y animo’y suot-suot natin. Sa likod ba ng iyong pagtawa, ng iyong halakhak, ng iyong pagsasaya - ay naroon ang lungkot at pighati na nararanasa’t nadarama. Ang iyong bang pagluha ay tanda ng kagalakan, o pamamaraan upang maihayag ang di masambit ng iyong mga labi?

Sabi ng aking ka-Friendster, “kung may kakayahan lang ang mga luha na sabihin ang mga dapat mong marinig, habang buhay akong iiyak, dahil my mga bagay na puso lang ang nakakakita at luha lang ang may kakayahang magpadama (nito).”

Matalinghaga, subali’t minsa’y totoo. Maskara. Suot-suot nga ba natin ito?

Isinusuot pagka’t doo’y makakakilos tayo sa nais natin. Masasabi ang ibig natin. Magagawa ang bawat gustuhin natin. Ang lungkot ay sandaling napapawi, natatanyag at naaabot ang pangarap kahit sa panaginip lamang, sabi nga ng awitin.

Subalit di ito ang nais ng Diyos sa atin kungdi ang pamumuhay sa katotohan. Ang pagsasabi ng totoo, pagkat ang katotohanan ang magpapalaya sa atin. Sabi sa John 8:32 -
Then you will know the truth, and the truth will set you free."

Alisin na ang maskara. Limutin na ang kahapon, mabuhay sa pangkasalukuyan at harapin ang darating na bukas na puno ng pag-asa. “But one thing I do: Forgetting what is behind and straining toward what is ahead.” (Philippians 3:13)

Alisin na ang maskara nang higit mong malasap ang kagandahan ng buhay na kaloob Niya. Masamang ugali at gawa ay iwaksi na. Di mabuting mga balakin ay kalimutan na. Di magagandang pananalita ay iwasan na. Nang sa gayo’y, buhay ay sisigla at pagpapala Niya’y kakamtin at mararanasan sa tuwina.

Maskara? Ito ba’y suot-suot mo pa?

Wag nang mag-atubili, ito’y alisin na. “Magpakatotoo ka brother, magpakatotoo ka sister.”

Isang pagbubulay-bulay.

Wednesday, November 19, 2008

"Sayang" - Isang Pagbubulay-bulay


"Sayang! " - isang expression na ating kadalasang naririnig kapag may isang oportunidad o pagkakataong abot-kamay na natin, subalit lumagpas pa at di na-enjoy o nakamit dahil na rin marahil sa kapabayaan o kawalan ng interes o paniniwala.

O kaya nama'y kapag ang isang bagay na gustung-gusto natin ay napunta sa iba, mariin nating nasasambit ang katagang "Sayang!'

Nung dekada 70 ay sumikat ang awiting may titulong "Sayang " na noo'y inawit at pinasikat ni Claire dela Fuente. Tanda nyo pa ba ito? Aminin....

Bagama't ngayon ay may bago ng version ang "Sayang " na inawit naman ng Parokya ni Edgar. Alam nyo ba ito? Ako, alam ko... kapanahunan ko kasi ito eh. hehehe....

Kaylan nga ba natin huling nabigkas ang salitang "Sayang! "?

Sayang dahil maraming pagkakataong ibinigay sa atin na bahaginan ng Salita ng Diyos ang isang kaibigan, kapamilya, kapuso, kababayan, ka-opisina, kakuwarto, kabarkada, ka-tropa, ka-eskuwela, at iba't iba pang ugnayan natin sa isa't isa, subalit lumagpas ang pagkakataong iyon na di man lamang natin nabigkas ang mga Salitang magdudulot sana sa kanila ng buhay na walang-hanggan pagka't dumating ang panahon na pumawi na sila sa ating paningin. Ang pagkakataong iyon ay nawala na. "Sayang! Ba't di ko man lang nasabi sa kaniya nung andito pa siya," ang iyo na lamang naibulalas, habang ang lungkot at panghihinayang ay iyong damang-dama.

Sabi sa James 4:14, "For what is your life? It is even a vapor that appears for a little time and then vanishes away." Sandali nga lamang ang buhay ng tao. Kani-kanina lamang kausap o kasama mo, maya-maya'y wala na. Hindi natin tiyak hanggang kailan o di natin hawak ang buhay ninuman. Mahaba man o maikli ang itagal ng tao sa mundong ito, di pa rin siya maipaparis sa walang-hangganan. What is 70, 80 or more years of life here on earth compared to eternity. It is not even a dot. Kung kaya't wag nating sayangin ang pagkakataon, upang di natin masambit kinalaunan ang katagang "Sayang! "
Sayang dahil di mo man lang naipahiwatig at naiparinig ang salitang "mahal kita" o kaya nama'y "pinatatawad na kita". Ang panahon kapag lumipas ay di na maibabalik pa. Ang pagsisisi ay laging nasa huli, sabi nga nila. Kung kaya't wag nating hintayin ang huling sandali. Habang may panahon at pagkakataon, wag nating ipabukas ang nararapat gawin. Iparinig, ipadama, sambitin ang nais ng puso at siyang ibig ng Diyos.

Sayang dahil maraming pagkakataong ibinigay sa atin na makapaglingkod sa Kanyang kaharian subalit di natin ginawa o binibigyan ng pansin. Pagkakataong maka-awit, tumugtog, magturo, manguna sa pag-aaral, magsundo, mag-akay, magbigay at maghandog, at iba't iba pang paglilingkod sa iglesya o simbahan, sa lipunan at sa kapwa-tao, subalit ito'y ating pinagpapabukas, o kaya nama'y pilit na itinatanggi o isinasantabi.

Sabi sa Matthew 6:19-20, "Do not lay up for yourselves treasures on earth, where moth and rust destroy and where thieves break in and steal; but lay up for yourselves treasures in heaven, where neither moth nor rust destroys and where thieves do not break in and steal."

Ang bawat araw na idinurugtong ng Panginoon sa ating buhay ay isang pagkakataong makapag-impok ng kayamanan sa langit na di natutupok, inaanay, ninanakaw, o kinakalawang. Higit ito sa mga materyal na bagay na ating iniimpok, minimithi at pinagpapaguran na dagling natutupok, inaanay, ninanakaw, o kinakalawang, ayaw man natin o hindi.

Darating ang panahon na gustuhin man nating maglingkod o gumawa ng magagandang bagay ay di na natin magawa pagkat tayo'y maaaring wala ng lakas dahil sa katandaan, o kaya nama'y wala ng buhay.

Kung kaya't sabi nga "habang may sikat ang araw" sikapin nating gumawa. Wag na nating hintayin pa na kumulimlim, bumagyo o magdilim, pagka't sa panahong iyon, di na tayo makagagawa pa. At ang masasambit na lamang natin ay "Sayang! "

"Sayang! " Yan ba ang katagang nasasambit mo kadalasan?

Yan ba ang katagang babanggitin mo kinalaunan?

Nawa'y hindi, kungdi "Salamat " ang mamumutawi sa iyong labi pagkat di mo sinayang ang pagkakataong Kanyang ibinigay.

Pagpapala Niya'y sumaatin lagi!

Monday, November 17, 2008

Akala Ko Iniwan Nyo Na Ako


There was a problem lately with Friendster. Two days back, I was awaken with only 22 Friends in my Friendster List. From my 213 na mga ka-berks, kapamilya at kapuso, it was trimmed down to just 22. Whaaat???

I panicked. Am disheartened. Am crushed.

Asan na ang mga kaibigan ko? Bakit nyo ko iniwan... ang sunod-sunod kong tanong.

Yun pala nagkaroon ng aberya sa data base ng Friendster. Sabi nung iba, may nakapag-hacked daw. Pero, sabi naman ng Friendster management, it was a server problem. Whatever... the important thing is nakabalik ulet ang mga friends ko.

haaay... buti na laang. akala ko tlaga ay iniwan nyo na aku. huhuhu....

now am glad again. :))

Sunday, November 16, 2008

Bakit Ako Mahihiya?


Sa dahilang nasimulan natin na mga sentimental songs ng late 70’s ang siyang titulo ng ating Pagbubulay-bulay lately tulad ng “Tukso, Layuan Mo Ako” noong nakaraang Linggo, ngayon nama’y ang pamagat ng ating Pagbubulay-bulay ay hango sa awitin na pinasikat noon ni Didith Reyes na “Bakit Ako Mahihiya?”

Hindi ko na bibigyan pa ng background ang awit na ito o ang umawit nito sa dahilang di naman tungkol sa nilalaman ng awit ang ating pagbubulay-bulayan kungdi ang paggamit sa katagang “Bakit Ako Mahihiya?”

Sabi nila makapal daw ang mukha ng taong di marunong mahiya. “Ang kapal naman ng apog mo” ang kantong-salita na maririnig mo kapag ikaw ay tinaguriang walang hiya. (Hindi walanghiya, kungdi walang hiya.)

Dapat nga ba tayong mahiya? Ikaw ba ang tipo na “shy type” kumbaga na ang sambit madalas ay “shy kasi ako eh”. “Dyahi naman” ang dugtong mo pa. Pero sa totoo lang ay gusto-gusto mo rin naman. “Jele-jele, bago quiere” sabi nga sa salitang Kastila. Aayaw-ayaw, pero gusto.

Sa totoo, ang tao’y nilikha na may dignidad. Isang obra-maestrang maipagmamalaki ng dakilang Tagapaglikha. Tayo ang pinakamagandang nilikha ng Diyos sa balat ng lupa pagka’t tayo’y nilikha sa wangis Niya.

Kung gayon, saan nagmula ang “hiya” ng tao sa sarili?

Ito’y unang naganap sa hardin ng Eden. Ating mababasa sa Genesis 3:7 ang ganito, “Then the eyes of both of them were opened, and they realized they were naked; so they sewed fig leaves together and made coverings for themselves.”

Pagkatapos kanin ni Adan at Eba ang ipinagbabawal na bunga, sila’y nagkamalay (o nagkaroon ng malisya) at kanilang napagtanto na sila’y hubad. Kung kaya’t kumuha sila ng dahon ng igos at ito’y pinagtagni-tagni upang ipantakip sa hubad na katawan. Sila’y nahiya.

At nang marinig nila ang yapak ni Yahweh, sila’y agad na nagtago sa kahuyan. “Nasaan kayo” ang tawag Niya. “Nagtago po kami pagka’t kami’y hubad,” ang tugon ng lalaki. Sila’y nahiya.

Ang “hiya” ay nagsimula nang sila’y magkasala. Nang sila’y sumuway sa iniuutos ng Diyos.

Ang kasalanan ang nag-aalis ng dignidad ng tao sa kanyang sarili. Ang nagdudulot sa kaniya na mahiya.

Subali’t ang kahihiyan na dulot ng kasalanan ay pinawi ng lahat sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus sa krus. Inako Niya ang kahihiyan na dapat ay sa atin. Kung kaya’t ang sinumang mananampalataya sa Kaniya ay di na huhusgahan pa, bagkus ay ipawawalang-sala. Tatakpan Niya ang kahihiyang idinulot ng kasalanan.

Bakit ako mahihiya?” kung kasalanan ay Kanya ng pinatawad at binayaran.

Bakit ako mahihiya?” kung taglay ko na ang kapangyarihan na makapamuhay ng may kabanalan.

"I tell you the truth, whoever hears my word and believes him who sent me has eternal life and will not be condemned; he has crossed over from death to life.” (John 5:24)

Bakit ako mahihiya?” kung taglay ko na ang kakayahang ihayag ang Kanyang kadakilaan. Ang kanyang kabutihan. Ang Kanyang katapatan. Ang Kanyang pagliligtas. Hindi ko ikahihiya na Siya ay ipahayag pagka’t Siya ang kaligtasan ng lahat.

I am not ashamed of the gospel, because it is the power of God for the salvation of everyone who believes.” (Romans 1:16)

Subali’t kung tayo’y di sumusunod sa Kanyang iniuutos. Kung tayo’y laging sumusuway sa Kanyang nais. Kung tayo’y laging tumatalikod sa Kanyang ipinagagawa sa atin. Kung tayo’y pasaway at ang laging ibig ay sundin ang pita ng laman sa halip na ang Kaniyang katuwiran, dapat nga tayong mahiya.

Pagka’t napakabuti Niya sa atin. Nanatili Siyang tapat bagama’t di tayo nagtatapat sa Kaniya. Di Niya pa rin tayo pinababayaan. Iniaabot ang Kanyang mga kamay upang tayo’y gabayan at ingatan. Tumutugon sa ating pangangailangan. Napakabuti ng Diyos. Dapat nga tayong mahiya kung patuloy ang ating pagsuway.

"Bakit ako mahihiya ?’’ - yan ba ang katagang sinasambit mo dahil angkin mo na ang kaligtasang kaloob Niya.

"Bakit ako mahihiya ? - pagka’t ikaw ay pinawalang-sala na at kahihiyan mo’y Kanya ng pinawi.

O tayo’y nahihiya pa rin dahil sa kasalana’y patuloy na namumuhay. Nahihiya dahil patuloy na sumusuway.

O sadyang tayo’y walang hiya.

He who has an ear, let him hear.” (Rev. 13:9) Siya na may pandinig, ay makinig.

Isang Pagbubulay-bulay.

Wednesday, November 12, 2008

Tukso, Layuan Mo Ako



Kay rami nang winasak na tahanan
Kay rami ng matang pinaluha
Kay rami ng pusong sinugatan
O, tukso, layuan mo ako.

Maraming makaka-alala sa awiting ito sa iba’t ibang kadahilanan.

Una, pagka’t maaaring kapanahunan niya nang sumikat ang awit na ito na pinatanyag noon ni Eva Eugenio. “With feeling” pa marahil kung ito’y kanyang awitin sa mga videoke bars nung araw.

O kaya naman, pagka’t tuwing maririnig niya ang awit na ito ay nanunumbalik sa kanyang alaala ang dating matamis na pagsasama at pagkakaibigan na sinira lamang ng isang tukso.

O kaya’y sa dahilang ang awit na ito ay minsan ng naranasan sa totoong buhay – tahanang nawasak dahil naging mahina sa tukso ng laman. Matang pinaluha pagka't iniwanan ng sinisinta at nililiyag, at pusong nasugatan dahil sa tukso’y nagpadala.

O tukso, layuan mo ako.

Ang tunay raw na sukatan ng husay ng tao ay kung gaano siya nagiging matatag sa panahong tukso’y umaali-aligid. Kung papaano siya lumilihis upang di mabitag nitong mapangakit na tukso.
Gayundin naman ang bawat isa sa atin.

Ikaw ba’y tumatakbong papalayo sa tukso? O ikaw ay tumatakbong papalapit?

Ganito ang nangyari kay David nung siya’y nagpadala sa pita ng laman, sa nakita ng kanyang mata, at ninais ng kanyang puso. Nang iwan niya ang hukbong dapat ay naroroon siya, nang siya’y nagnais na mag-isa sa halip na samahan ang mga kawal niya sa digmaan, siya’y nabitag ng tukso sa pamamagitan ni Bathsheba. (2 Samuel 11:1-2)

Siya’y di tumakbong papalayo, bagkus tumakbong papalapit sa tukso.

Iba naman ang naganap kay Joseph (the dreamer) noong siya’y nanunungkulan sa palasyo ni Potiphar sa bayan ng Ehipto. Siya’y tumakbong papalayo sa tukso, kung kaya’t di siya nagapi ng mapang-akit at masigasig na panunukso ni Mrs. Potiphar. (Genesis 39:7-8)

Tayo man din ay di kaiba kay David o kay Joseph. Kung papaano sila tinukso o natukso ay gayundin ang maaaring maranasan natin. Subali’t kailangang mapagtagumpayan natin ang tukso.

At ito’y hindi imposible pagka’t ang nasasa-ati’y higit na makapangyarihan kaysa sa naghahari dito sa mundo. “Greater is He that is in us than the one that is in the world” (1 John 4:4).

Anong dapat gawin kapag natanaw na si Bathsheba o kapag andiyan na si Mrs. Potiphar? Sabi ng awit “O tukso, layuan mo ako.”

Tulad ni Joseph, tayo’y di dapat magpagapi sa tukso. Wag nating ulitin pa ang pagkakamali ni David. Bagkus maging matatag at listo at palagiang magbantay.

"Be self-controlled and alert. Your enemy the devil prowls around like a roaring lion looking for someone to devour. Resist him." (1 Peter 5:8-9)

May kapangyarihan tayong umiwas sa tukso. May kapangyarihan tayong mapagtagumpayan ang tukso.

"No temptation has seized you except what is common to man. And God is faithful; he will not let you be tempted beyond what you can bear. But when you are tempted, he will also provide a way out so that you can stand up under it." (1 Cor. 10:13)

Sa halip na tayo ang hinahabol ng tukso, hayaan nating ito ang kumaripas ng takbo papalayo sa atin dahil taglay natin ang kapangyarin mula sa Kaniya.

"Resist the devil, and he will flee from you." (James 4:7)

Kung magkagayon, mabibigkas natin ang awiting “tukso, layuan mo ako.”

Isang Pagbubulay-bulay.

Monday, November 10, 2008

Aral Mula sa Langgam - Isang Pagbubulay-bulay




Ants are creatures of little strength, yet they store up their food in the summer.” (Proverbs 30:25)

Yan ang binabanggit sa Banal na Aklat. Mga maliliit na nilikha ng Diyos. Mahina kung ituturing, subalit nakapag-iimbak ng sankaterbang supply ng pagkain na sapat at at di magkukulang dumating man ang tag-ulan o ang bagyo o malakas na unos.

Isang napakahalagang aral ito na matutunan natin mula sa langgam.

Nung araw tuwang-tuwa akong paglaruan at pagdiskitahan ang mga langgam na ito. Doon kasi sa tinitirhan namin noon sa Maynila ay napakaraming langgam-bahay kung tawagin na paikot-ikot sa aming dingding. Mistulang mga batalyon na pagkahaba-haba ng pila habang pasan-pasan ang pagkakalaking mga tipak ng kanin, tinapay, isda, karne at kung anu-ano pa.

At dahil may pagka-maldito ako nung araw (bagama’t ngayo’y hindi na), aking napagtri-tripan na guluhin ang kanilang linya. Isang pahid lang ng aking daliri sa kanilang dinaraanan ay kakaripas na agad sila ng takbo, magkakawatak-watak at kanya-kanya ng hilagpusan. Minsa’y naiiwanan na ang kanilang mga bitbit. Na siya namang labis kong ikinatutuwa.

Subalit ang aking ikinamamangha ay ilang saglit lamang silang gayon, pagka't maya-maya ay muli na naman silang mabubuo. Balik ulet sa pila, bitbit-bitbit ang kanina’y pasan-pasan nilang mga pagkain. Para bagang may lider sila na nagsasabi na ‘back to formation’. Ganoon sila kasigasig. Kahiman sila’y harangan ng sibat at anu man ang humadlang sa kanilang daraanan ay di sila papipigil at titigil sa kanilang pakay at gagawin – at ito’y ang makapag-imbak ng pagkain habang tag-araw pa. Upang pagdating ng dilim, ng tag-ulan, ng bagyo at iba pang unos na maaaring dumating, sila’y nakatitiyak na may sapat na kakainin.

Eh ano ba ang pakialam ko sa langgam?” ang tanong mo marahil. Buhay nila yon, buhay ko ito. Kumbaga, “mind your own business”.

Pero, hindi. Maraming matutunan sa langgam.

Tulad ng langgam, di tayo dapat pabandying-bandying lamang. Dapat tayong maging masipag, masigasig, matiyaga, marunong magtiis gaano man kahirap o kabigat ang ating mga trabaho, o pinagdaraanan sa buhay. At higit sa lahat dapat marunong tayong mag-impok para sa kinabukasan. Hindi yung panay mall-ing ang ating inaatupag. Hindi yung kung gumastos tayo ay para bagang wala ng darating na bukas. Galit na galit sa pera.

At tulad ng langgam, di tayo dapat nawawalan ng pag-asa at pinanghihinaan agad ng loob. Anu man ang panggugulo ng kalaban, gaano man karaming sibat ang kanyang pakawalan, tayo’y dapat manatiling matatag at handang sumulong upang makamit ang tagumpay.

Langgam, isang maliit na nilikha ng Diyos subalit may kakaibang kaisipan. Masipag, matiyaga, matatag.

Ikaw, ako, tayo… tayo’y nilikha ng Diyos kawangis Niya. Mas higit pa ba ang langgam sa atin?

Kung dumating ang unos o bagyo sa ating buhay, nakahanda ba tayo? O tayo’y mistulang isdang inalis sa tubig, sisinghot-singhot hanggang tuluyang pawian ng hangin.

Kung haharangan tayo ng sibat ng kalaban, matatag pa rin ba tayo, di matitinag o bibigay sa kanyang mga pain? O tayo’y agad kakaripas ng takbo, hindi papalayo kungdi papalapit sa tukso.

Dapat nating tandaan na tayong lahat ay kawangis Niya sa Kanyang kaluwalhatian. Kung kaya’t dapat nating higitan ang langgam.
Sa kasipagan, sa pagiging masigasig at matiyaga, sa pagiging matatag. Araw-araw dapat tayong nagniningning sa kaniyang kaluwalhatian.

"And we, who with unveiled faces all reflect the Lord's glory, are being transformed into his likeness with ever-increasing glory." - 2 Cor. 3:18

Ikaw ba’y langgam o higit pa sa langgam?

Isang pagbubulay-bulay.

Saturday, November 8, 2008

Joc-Joc Laang Po (May Pag-asa Pa Kaya)


This case against the former agriculture undersecretary is really living up to its name. The Ombudsman dismissal of her case is indeed a big laugh. Ika nga, joc-joc laang po. See news clip below.

Obviously, something fishy came out with this turn of events. Ang Pilipinas pa!

O bayan kong Pilipinas, kaylan ka pa kaya lalaya sa mga sakim at gahamang mga pugita na naglipana sa iyong bakuran? Kaylan pa kaya masisilayan ng kaawa-awang Juan dela Cruz ang sinag ng araw sa dakong Silangan, na isa-isang lumilisan sa bayang tinubuan para maging isang manggagawa sa ibayong dagat at mapabilang sa mga dumaraming "Bagong Bayani", sabi nila.

Malungkot... sadyang nakakalungkot.

Philippine needs the likes of Obama or the kind of his leadership and personality to save this country from her continuous miserable state. Minsan na tayong nagkaroon ng pag-asa, ng simbolo ng kalayaan sa katauhan ni Madame Cory Aguino. Subali't panandalian lamang ito at di rin nagtagal. Bumalik ulet at naging mas malala pa marahil ang naging kalagayan ng ating bayan.

Natatandaan ko ang madalas banggitin ng yumaong FPJ nang siya'y nangangampanya pa bilang Pangulo ng Pilipinas. Wika niya "wag nating alisin sa kanila ang pag-asa".

Subalit mismong si FPJ ay nabigo rin. Taglay hanggang sa huling sandali ang kabiguang mabago ang kalagayan ng bayang minahal.

Ang buong mundo'y nakipagdiwang sa pagkapanalo ni Obama bilang pangulo ng Estados Unidos. Nagalak pagka't kanilang nakita sa kanya ang sinag ng pag-asang minimithi. Subali't siya nga ba ang tunay na pag-asa? Siya ba ang bagong mesiyas na magliligtas sa mundo mula sa kahirapan? Maliban na siyay samahan ng Diyos na may akda ng langit at lupa, ang lahat ay mawawalan rin ng saysay. Maliban na kalooban Niya ang hanapin at sundin, maglalaho rin ang lahat.

Kung gayon, ano ang kailangan? Ano ang nararapat?

"Righteousness exalts a nation, but sin is a disgrace to any people." - Proverbs 14:34

Pagbabago ng puso at pamumuhay ng may kabanalan. Ito ang kailangan. Pagka't ang tunay na pag-asa ay Siya lamang. Siya ang ating kailangan.

"I lift up my eyes to the hills--
where does my help come from?
My help comes from the LORD,
the Maker of heaven and earth." - Psalms 121:1-2

========================
Jocjoc cleared in Esperat P232-M fertilizer case
By Edu Punay (Saturday, November 8, 2008)

Former agriculture undersecretary Jocelyn Jocjoc Bolante and 10 others avoided prosecution after the Office of the Ombudsman dismissed the graft case filed against them by a journalist over the alleged misuse of P232 million in fertilizer funds in 2003.

Deputy Prosecutor Elvira Chua said the complainants failed to prove their allegations of overpricing, which led to the dismissal of the complaint.

Also cleared were former agriculture secretary Luis Lorenzo Jr.; former National Food Authority chief (now Agriculture Secretary) Arthur Yap; Department of Agriculture officials Edmund Sana, Ibarra Poliquit, Belinda Gonzales, Eduardo Garcia and Ophelia Agawin; and businessmen Jesus Varela, Benjamin Tabios and Pepito Alvarez.

The charges arose from a complaint filed by journalist Marlene Esperat, whose murder has remained unsolved.

Esperat, former agriculture action officer of the resident Ombudsman, sued Bolante and the others for allegedly misusing P232 million in agriculture funds to buy overpriced fertilizer.

Meanwhile, Assistant Ombudsman Jose de Jesus Jr. said the case against Bolante and other respondents linked to the P728-million fertilizer fund in 2004 is still being investigated by the anti-graft agency.

In the second case, Bolante and his co-respondents are accused of distributing the P728 million to President Arroyos allies during the 2004 elections.

During the 13th Congress, the Senate agriculture and food committee chaired by then senator Ramon Magsaysay Jr. had recommended to the Office of the Ombudsman the filing of criminal charges against Bolante and other respondents.

Friday, November 7, 2008

Ang Asno sa Balong Malalim (Wag kang susuko, kid...)

Narinig nyo na ba ang kwento tunkol sa isang asno (o sa ingles ay donkey) na dahil sa kakulitan ay nahulog sa balong malalim?

Kung hindi pa, ganito po yon.

One day, isang araw, ang asno na ito ay nagliwaliw at iniwan ang kanyang amo na noo’y nagtratrabaho sa bukid. Nilibot niya ang kagubatan at pinagmasdan ang kagandahan ng mga puno’t bulaklak pati na ng ibang mga hayop. Aliw na aliw siya sa mga naggagandahang paru-paro na lilipad-lipad. Nais niya sanang makipaglaro sa mga paru-parong ito, kung kaya’t ito’y kaniyang hinabol. Habang ang paru-paro ay lilipad-lipad, ang asno nama’y tatak-takbo, animo’y batang-paslit na nakikipaghabulan.

Subalit sa di kanais-nais na pangyayari ang pasaway na asno ay biglang nahulog sa balong malalim. Hindi niya napansin ang lumang balon na naroroon na di na ginagamit at halos pumantay na sa lupa, at doon nga’y siya ay nahulog.

Umalingawngaw sa kagubatan ang malakas na pag-atungal ng asno. Sa isip-isip niya “eto na ang huli kong sandali… hindi na ako sisikatan ng araw. Dito na ako malilibing ng buhay.” At siya’y muling umatungal.

At syempre pa, dumating to the rescue ang kanyang amo na labis na ikinatuwa ng asno. Abot-tainga ang kanyang ngiti kumbaga, bagama’t tuloy pa rin ang kanyang pag-atungal upang madaliin ang pagliligtas sa kaniya sa balon na iyon.

Inisip ng amo kung papaano iaahon ang asno sa balon. Matagal na pag-iisip. Dumaan ang mahabang sandali. Nainip na ang asno. At tulad ng pelikulang may “The End” sa hulihan, sa wakas, nakapagdesisyon din ang amo.

Napagtanto-tanto niya sa sarili, “tutal matanda na rin naman ang asno na ito at sobrang pasaway, mas mainam na marahil na siya’y ilibing na lamang ng buhay. Kung magkakagayon, mawawala na ang aking kunsumisyon."

At ganoon nga ang nangyari.

Tinawag ng amo ang kaniyang kapwa-magsasaka at sa pamamagitan ng pala ay sinimulan na nilang buhusan ng lupa ang balon.

Isa... dalawa... tatlo... at sunod-sunod pa ng buhos ng lupa ang bumagsak sa katawan ng asno at sa kaniyang paligid.

Binalutan ng lalo pang pagkasindak ang asno. Kung kaya’t ang kanyang pag-atungal ay muling lumakas. Pagkat ang dating pag-asang siya’y makakaligtas sa balon na iyon ay tuluyan ng naglaho.

At unti-unti, ang dating malakas na atungal ay nagsimulang humina, hanggang katahimikan na lamang ang mauulinigan. Nagtaka ang mga magsasaka. Wari nila, “patay na ang asno”.

Kung kaya’t ito’y kanilang sinilip pang-sumandali at sila’y nanggilalas sa kanilang namalas. “Buhay pa ang asno!” ang sigaw nila.

Yun pala, naka-isip ng paraan ang pasaway na asno. Bawat putik at dumi, bawa’t lupang bumabagksak sa kaniyang katawan, ito’y kaniyang inaalis, at ang lupa na natatanggal niya sa kanyang katawan ay siya namang kanyang tinutungtungan, hanggang ang lupa’y unti-unting tumataas, at tuluyang na siyang makaahon sa balong malalim.

Ang buhay ay tulad ng isang balong malalim kung saan tayo’y naroroon, bumagsak, nahulog at narapa.. Iba’t ibang dumi at lupa ang ibabato at ibubuhos sa atin. Mga problema’t mga pagsubok, mga pagtuligsa at paghamak, kahirapan at mga pagtitiis. Ang lahat ng ito’y ating mararanasan habang tayo’y naririto pa sa balat ng lupa. Subalit tulad ng asno, we need to shake off the dirt in our life and step on it.

Wag nating hayaang tayo’y madaganan, matabunan. We need to shake it off and step on it and stand up. Wag kang susuko, kid.

Ikaw ba’y nasa balong malalim? Tulad ka rin ba ng asno? Do we take the circumstances in our life as an opportunity to rise up higher from where we are.

Sabi ng Kaniyang mga Salita sa 1 Cor 10:13 - No temptation (or trials or difficulties in life) has seized you except what is common to man. And God is faithful; he will not let you be tempted (or tested) beyond what you can bear. But when you are tempted (and tested), he will also provide a way out so that you can stand up under it.

Wag kang susuko, kid…. pagka't Siya na tumawag at nagligtas syo ay tapat.

Ang Asno sa Balong Malalim – Isang Pagbubulay-bulay.

Sunday, November 2, 2008

Anak - Isang Pagbubulay-bulay sa buhay-OFW




"Kung ayaw mo sa akin, ayaw ko rin s’yo. Sana di na lang ako ang naging ina mo, sana di na lang kita naging anak.

Ngayon kung iniisip mo na hindi mo ko pinili bilang isang ina mo, sana maisip mo rin na hindi ito ang buhay na pinili ko para sa mga anak ko.

Kung iniisip mo na sana ibinalik kita sa tiyan ko, sana maisip mo rin na ilang beses kung ginusto na hindi na kayo ipinanganak, para di nyo na maranasan ang hirap dito sa mundo.

Sana kahit minsan ay binigyan mo ng halaga ang lahat ng paghihirap ko sa inyo. Lahat ng sakrispisyo ko sa inyo.

Sana tuwing umiinom ka ng alak, habang hinihitit mo ang sigarilyo mo, habang nilulustay mo ang mga perang pinadala ko, sana maisip mo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong hindi kainin para makapagpadala ako ng malaking pera dito.

Sana habang nakahiga ka riyan sa kutson mo, natutulog, maisip mo rin kung ilang taon ang tiniis ko na matulog mag-isa habang nangungulila ako sa mga yakap ng mga mahal ko.

Sana maisip mo rin kahit kaunti kung gaano kasakit para sa akin ang mag-alaga ng mga bata na di ko kaano-ano, samantalang kayo, kayong mga anak ko, na di ko man lang maalagaan.

Alam mo ba kung gaano kasakit iyon sa isang ina? Alam mo ba kung gaano kasakit yon?

Kung hindi mo ako kayang ituring bilang isang ina, respetuhin mo na lang ko bilang tao
Yun lang, Carla. Yun lang."

Pamilyar ba ang mga linyang ito sa inyo? Nanumbalik ba sa inyong alaala ang eksenang ito sa pelikulang “Anak”, kung saan ay buong husay na ginampanan ng nag-iisang Reyna ng Pelikulang Pilipino at premyadong aktres ng bansa na ngayo’y isa ng magaling na gobernadora ng lalawigan ng Batangas, walang iba kungdi si Gov. Rosa Vilma Santos-Recto, ang karakter ng isang ina na napilitang mag-abroad at mag-trabaho bilang DH (o sa ngayo’y tinatawag ng Household Worker) para lamang maitaguyod ang pamilya. Subalit ang naging kapalit naman niyon ay ang paglayo ng kalooban ng kaniyang mga anak sa kaniya.

Bilang pagpupugay sa magaling at nananatiling pangunahing bituin ng Pilipinas sa loob ng apat na dekada, at bilang handog sa kanyang kaarawan ngayong ika-3 ng Nobyembre, aking naisipang paglaanan ng espasyo sa aking panulat ang isang kaibigan at minamahal na idolo, na si Ms. Vilma Santos, sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga natatanging eksenang nabanggit sa pelikulang “Anak”.

Ang pelikulang ito ay tumabo sa takilya nang ipalabas noong taong 2000. Ito’y humakot rin ng mga iba’t ibang parangal kabilang na ang Pinakamahusay na PelĂ­kula at Pinakamahusay na Aktres sa iba’t ibang award-giving bodies noong taong sumunod.

Malapit sa puso ng mga OFW’s tulad ko ang pelikulang ito pagka’t siya’y sumasalamin ng tunay na buhay ng isang mangagawang Pilipino sa labas ng bansa – ang kanyang mga pangarap, mga karanasan, tagumpay at mga kabiguan habang nakikipagtunggali sa larangan ng buhay.

Ang mga salitang binitawan ni Vilma bilang si Josie habang ipinapaliwanag kay Carla (na ginampanan naman ni Claudine Barretto) ang hirap na dinanas para lamang makapagpadala ng pera ay malinaw na larawan ng buhay ng isang OFW.

Tinitiis ang pag-iisa at pangungulila, ang hirap ng kalooban at sakit ng katawan sanhi ng mga mabibigat na trabaho sa ilalim ng matinding init ng araw, o sa labis na lamig ng panahon.

Di iniinda ang masasakit na salita mula sa among pinaglilingkuran, ang pagod sa haba ng oras ng trabaho o maging ang karamdaman, matiyak lamang may maipapadala sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Sana kahit minsan ay binigyan mo ng halaga ang lahat ng paghihirap ko sa inyo. Lahat ng sakrispisyo ko sa inyo.

Sana tuwing umiinom ka ng alak, habang hinihitit mo ang sigarilyo mo, habang nilulustay mo ang mga perang pinadala ko, sana maisip mo rin kung ilang pagkain ang tiniis kong hindi kainin para makapagpadala ako ng malaking pera dito

Sana habang nakahiga ka riyan sa kutson mo, natutulog, maisip mo rin kung ilang taon ang tiniis ko na matulog mag-isa habang nangungulila ako sa mga yakap ng mga mahal ko.

Bawat salita ay tumatagos. Tumuturok sa malambot na bahagi ng ating puso.

Ang akala ng iba’y masarap, maginhawa ang buhay-OFW. Akala ng marami madaling kumita ng dolyar na para bagang ito’y pinupulot lamang.

Subali’t ang totoo, karamiha’y nagtitiis, nagtitiyaga, dumaranas ng lungkot at pighati, minamaltrato, napapahamak at minsa’y nakikitlan ng buhay. All because of one desire – ang mai-angat ang antas ng buhay at malasap ng pamilya ang kaginhawaan.

Kung kaya’t ang pelikulang ito na “Anak” ay magsilbi nawang paalala at magbukas ng kaisipan ng karamihan sa ating mga kababayan ng kalagayan ng isang OFW.

Maraming mga “anak” ang marahil ay di lubos na nakakaunawa ng hirap na tinitiis ng isang ina o ama para lamang di maranasan ng mga anak ang hirap ng buhay sa mundo.

Maraming mga “anak” ang marahil ay di alintana ang sakit ng kalooban at katawan na binabata ng magulang para lamang sila’y mapalaki ng maayos at matiyak ang magandang kinabukasan.

Maraming mga “anak” marahil ang “pasaway” masunod lamang ang layaw at luho ng katawan kahiman ito’y magdulot ng pighati sa puso ng isang ina o ng isang ama.

Mga “anak”, ating pahalagahan ang pagmamahal na inuukol sa atin ng ating mga magulang. Ating pasalamatan sila sa kanilang pag-aruga at pagpapalaki sa atin. Bagama’t marahil ay di sapat sa ating pananaw ang oras at panahon na kanilang ibinigay, gayunpaman, sila’y kaloob ng Diyos sa atin bilang ating mga magulang – na dapat mahalin at igalang.

Nang isilang ka sa mundong ito, laking tuwa ng magulang mo
At ang kamay nila ang iyong ilaw
At ang nanay at tatay mo’y di malaman ang gagawin
Minamasdan pati pagtulog mo
At sa gabi’y napupuyat ang iyong nanay
Sa pagtimpla ng gatas mo
At sa umaga nama’y kalong ka ng iyong amang tuwang-tuwa sa iyo.

Ganyan tayo kamahal ng ating ina, ng ating ama.

At kung tayo’y lumaki man na di nasumpungan ang haplos ng isang ina sa ating mga kamay, lumaki na di naranasan ang tapik sa balikat mula sa ating ama, ating pakatandaan na may isang tunay na Ama tayo sa langit na sa ati’y lubos na nagmamahal at unang nagmahal sa atin.

Wika sa Isaiah 49:15-16, "Can a mother forget the baby at her breast and have no compassion on the child she has borne? Though she may forget, I will not forget you! (says the LORD). See, I have engraved you on the palms of my hands;

Salamat sa Diyos nating buhay, ang ating tunay na Ama.

Salamat sa magaling na pagganap, Ms. Vilma Santos. Isang inspirasyon sa amin ang "Anak".

Maligayang kaarawan, Ate Vi!

Mabuhay ka!

Anak” – isang pagbubulay-bulay sa buhay OFW.

Saturday, November 1, 2008

Undas and the Real All Saints Day (Isang Pagbubulay-bulay)

Undas o Todos Los Santos - yan ang tawag sa atin sa holidays na ginaganap din sa iba’t ibang bahagi ng mundo tuwing sasapit ang November 1 which is All Saints Day at November 2 na All Souls Day naman.

Tinatawag itong Undas o Todos Los Santos sa dahilang ipinagdiriwang ang holidays na ito sa atin tuwing November 1 lamang na siyang regular holiday, bagama’t nai-extend ang pagdiriwang hanggang November 2 at idinideklara na ito na special non-working holiday.

Undas – ano nga ba ang kahalagahan ng tradisyong ito kung saan inaalala ang mga yumao ng mahal sa buhay o kamag-anak o kaibigan. Kung saan bilang pag-alala ay nililinis ang kanilang libingan. Inaalis ang mga damo at iba pang mga kalat na naipon. Pinipinturahan ang nitso ng bagong pinturang puti. Sinisindihan ng kandila at inaalayan ng mga bulaklak at mga pagkain.

Natatandaan ko nung araw, si Nanay ay gagawa ng biko at iba’t ibang kakanin o kaya’y pansit o spaghetti pa nga kung minsan, at ito’y ilalagay sa may altar kasama ang sinindihang kandila. Para raw sa mga patay, sa paniniwalang ang kaluluwa nila’y bumabalik at kakanin ang pagkaing inialay. Marahil pagod sa kanilang malayong paglalakbay.

At dahil curious naman si ako, pagmamasdan ko nga kung may kakain. Pero wala naman. Yun pala ang kakain ay yung pusang malaki ang ulo. Ako po yun, hehehe… Dahil pagkatapos ng ilang oras ay kami na rin ang kakain nung pagkaing inialay sa patay. Ayaw niya kasi eh sa loob-loob ko.

Sa Pilipinas, kakaiba ang pagdiriwang na ginagawa sa All Saints Day at All Souls Day. Ito’y nagiging isang family reunion kung saan sama-samang pupunta ang magkakamag-anak sa sementeryo. Gayundin ang mga magkakaibigan at magbabarkada. Bumubuhos kumbaga ang mga tao. Doon sila kakain sama-sama dala ang gitara o videoke para mag-kantahan, at baraha para mag-tongits marahil. Isang kakaibang pag-alala sa mga namatay na.

Kaya lamang, nakikipagdiwang din kaya ang mga patay sa kanila? Natutuwa rin kaya sila? Nakikihalakhak, nakikiinom, kumakain, kumakanta, naglalaro ng tong-its. Maaaring oo, maaaring hindi sa dahilang sila’y mga patay na at mga espiritu na lamang, na naghihintay tulad ng mga buhay pa ng muling pagbabalik ng Panginoon sa Araw ng Paghuhukom kung saan ang mga kumilala sa Panginoon na mga namatay na ay muling mabubuhay suot ang isang "glorified body" at kasama ng mga buhay pa na daratnan ng Panginoon sa Kanyang muling pagbabalik ay aakyat sa alapaap. Ito yung tinatawag nating rupture. Mababasa po natin ang tungkol dito sa 1 Thessalonians 4:13-18.

Ito ang katotohanan – na muling babalik ang Panginoon upang sunduin ang mga sumampalataya sa Kaniya – ang mga namatay na at mga buhay pa na kumilala sa Kaniya bilang Panginoon at Tagapagligas - upang makasama sa tahanang ginawa Niya para sa atin.

Kung gayon, mas mainam na ang pagdiriwang natin ng Undas ay isang pag-alala ng magaganap sa Kanyang muling pagbabalik, sa halip ng pag-alala lamang ng mga yumaong mahal natin sa buhay na nauna ng lumisan sa daigdig na ito.

Mas magiging makabuluhan ang pag-alala sa mga namatay na kung tiyak nating taglay nila ang buhay na walang-hanggang kaloob ng Diyos pagka’t nung sila’y buhay pa at kasama natin ay ating naibahagi ang Magandang Balita ng kaligtasan.

Mas mainam na ipagdiwang at pahalagahan ang mga araw na kasama pa natin ang ating mga magulang, mga kapatid, asawa, mga anak, kaibigan, ka-trabaho, kabarkada, kapamilya’t kapuso, pagka’t habang sila’y buhay pa, may pagkakataon tayo na maibahagi sa kanila ang Kaligtasang alay ng Panginoon. May pagkakataon tayong masambit sa kanila ang ating wagas na pagmamahal. May pagkakataon tayong pasalamatan sila sa kanilang kabutihan at kagandahang-loob. May pagkakataon tayong sabihing “pinatatawad na kita” kung may nagawa man sila sa atin. Pagka’t pag lumipas ang araw na di natin ito nagawa – maaaring di na muling bumalik pa ang panahon at pagkakataong tulad nito.

Undas – di lamang dapat ito pag-alala sa mga namatay na, bagkus isang pagdiriwang ng muli Niyang pagbabalik kung saan ang mga namatay na kumilala kay Kristo at tayong mga buhay pa na nananampalataya sa Kaniya ay muling magkakasama.

Ito ang tunay na Undas na sa Ingles ay All Saints Day. Pagka't ang lahat na kumilala sa kaniya ay tunay na pinabanal Niya na at tinaguraing "saints", tulad ng binabanggit sa Romans 1:7 - To all in Rome who are loved by God and called to be saints.

All Saints Day! - Isang pagbubulay-bulay sa pagdiriwang ng Undas.