Wednesday, January 20, 2010

Itapon Ninyo Ako Sa Dagat

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Pick me up and throw me into the sea," he replied. - Jonah 1:12

Ito ang tinuran ni Jonah sa mga tripulante ng barkong kanyang sinakyan na papunta sana sa Tarsis subalit sinalubong ng isang napakalakas na bagyo sa gitna ng karagatan.

Sa gayong kalagayan, bawat isang tripulante'y nanalangin sa kani-kanilang diyos sa pagnanais na maligtas sa kapahamakang maaaring maganap kung lumubog ang barkong sinasakyan. Samantalang itong si Jonah ay mahimbing ang tulog sa ibaba ng barko na animo'y dinuruyan. Hindi naging kasagutan ang kanilang dalangin. Lalo lamang nagngalit ang bagyo. Ang dagat ay lalo pang nag-alburoto.
The sea was getting rougher and rougher…. the sea grew even wilder than before.” (Jonah 1:11, 13)

Kaya’t naisipan nilang magpalabunutan kung sino sa mga pasahero ang sanhi ng mala-delubyong bagyong nararanasan. Sino sa kanila ang may balat sa puwet, sabi nga ng matatanda.

Ganoon nga ang kanilang ginawa at nabunot ang pangalan ni Jonah. “Ikaw pala!” ang malakas nilang naisigaw. “Ano ang ginawa mo? Bakit ganoon na lamang ang galit ng iyong Diyos? Ano ang gagawin namin ngayon sa’yo upang humupa ang bagyo?”, ang sunod-sunod nilang tanong kay Jonah.

Itapon ninyo ako sa dagat” ang tugon ni Jonah. “Batid ko na ako ang dahilan kung bakit nararanasan nyo ang bagyong ito. Ako ang salarin” ang pagpapakumbabang pag-amin ni Jonah.

Ganoon nga ang kanilang ginawa at ang dagat ay muling tumahimik. (Jonah 1:15)
Kaylan na tayo ay natutulad kay Jonah? Na sa halip na maging pagpapala tayo sa mga nasa paligid natin, tayo’y nagiging pabigat pa at nagiging sanhi ng kanilang pagdurusa.

Bilang mga lingkod Niya, tayo’y inatasang maging pagpapala sa iba. Ito ang hangarin ng Diyos sa atin tulad ng ipinangako Niya kay Abraham na mababasa natin sa Genesis 12:2.

I will make you a great nation; I will bless you and make your name great; And you shall be a blessing.”

Pinagpapala tayo ng Diyos upang maging pagpapala rin. Kung kaya’t nawa’y ito ang ating gawin upang di magsisisi sa huli at magsasabing “ itapon ninyo ako sa dagat”.

Kapatid, kaibigan… nais ba natin ang gayon? Dahil sa ating pagsuway at pagsalangsang sa Diyos, kapahamakan ang sinasapit ng iba? Kung gayon, tuwirin ang landas at gawin ang mabuti upang di maranasang itapon sa dagat.

Isang pagbubulay-bulay.

Sunday, January 17, 2010

Sino ang Salarin?

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"They cast lots and the lot fell on Jonah." - Jonah 1:7

Sa ating pagpapatuloy ng pagbubulay-bulay sa Aklat ni Jonah ating napag-alaman na ang barkong kanyang sinakyan patungo ng Tarsis ay sinalubong ng napakalakas na bagyo sa gitna ng karagatan.

Ito’y sa dahilang sumuway si Jonah sa utos ng Diyos na pumunta sa Nineveh at doo’y mangaral. Sa halip na pumunta sa lugar na iyon, tumakas si Jonah papuntang Tarsis. Kung kaya’t nagpadala ang Diyos ng isang napakalakas na hangin na lumikha ng bagyong halos ikalubog ng barko.

Dahil dito, nangatakot ang mga tripulante at di malaman ang gagawin. Nanalangin na sila sa kani-kanilang diyos subalit wala pa ring nangyari, lalo pang lumakas ang bagyo at nagngalit ng husto, habang si Jonah nama’y mahimbing na mahimbing ang pagkakatulog.

Hoy gising!” ang sigaw sa kanya ng kapitan ng barko. "Ano't nagagawa mo pang matulog? Bumangon ka't manalangin sa iyong Diyos, baka sakaling kaawaan Niya tayo at iligtas sa kamatayan."

Isa marahil sa atin ang kadahilanan ng bagyong ito” ang sabi ng isa. "Subalit sino sa atin? Sino ang salarin?"

"Magpalabunutan tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng lahat ng ito” ang suhestiyon ng isa.

Gayon nga ang kanilang ginawa at nabunot ang pangalan ni Jonas. – Jonah 1:7

Aha! Ikaw pala!” ang sabay-sabay nilang nasabi. At sinimulan nilang alamin kay Jonah kung anong nagawa niya’t gayon na lamang ang galit ng bagyong kanilang naranasan.

Hindi na naitago ni Jonah ang kasalanang nagawa. Hindi niya na nailihim ang pagsuway niya sa utos ni Yahweh.

Sadyang ang kasalanan kailanma’y di maikukubli. Itago man natin ito sa dilim, malalantad pa rin ito. Ibaon man ito sa pinakamalalim, mahuhukay pa rin.

Tulad ng isang bullet-guided missile. Pag ito’y pinakawalan mo, tiyak na tatamaan ang inaasintang target.

Gayon din ang kasalanan. Hindi mo matatakasan at maiilagan ang bullet-guided missile ng Diyos. Tiyak ika’y matatagpuan.

Your sin will surely find you out.” – Number 32:23

Kung gayon, bakit pa magpapakalayo? Bakit pa magpapakatago? Bakit pa ikukubli ang maling gawi? Bakit pa magmamaang-maangan sa kasalanang nagawa?

Lumapit na sa Diyos at manumbalik sa Kaniya. Ihingi ng kapatawaran ang kasalanang nagawa. Ihingi ng tawad ang pagsuway sa Kanya.

Kapatawaran naman Niya’y laging nakalaan sa mga nagpapakumbabang lumalapit sa Kanya.

Kapatid, kaibigan… ikaw ba ang salarin? Hindi pa huli ang lahat. Tumindig ka’t manumbalik na sa Kanya.

Isang pagbubulay-bulay.

Tuesday, January 12, 2010

Tulog o Nagtutulug-tulugan

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"But Jonah had gone down into the lowest parts of the ship, had lain down, and was fast asleep." - Jonah 1:5

Sa nakaraan nating Pagbubulay-bulay, ating natunghayan ang pagsuway ni Jonah sa iniutos ng Diyos na pumunta sa Nineveh upang pangaralan ang mga tao roon. Sa halip na tumungo sa Nineveh, siya’y tumakas papunta sa Tarsis lulan ng isang barkong papunta roon.

Subalit nang nasa kalagitnaan na ng dagat ang barkong sinakyan, inabot ito ng isang napakalakas na unos na halos ikalubog nito. Balisa’t di malaman ng mga tripulante kung anong gagawin. Nanalangin na sila sa kani-kanilang diyos subalit di pa rin humupa ang bagyo. Sa gitna ng ganoong kalagayan, si Jonah ay nakuha pa ring matulog ng pagkahimbing-himbing na di alintana ang panganib na maaaring sapitin.

Nang mga oras na iyon, di lamang mata ang kanyang ipininid, kungdi maging ang puso niya’y sarado, at ang katauhan niya’y manhid sa nangyayari na ang bagyong nararanasan ay sanhi ng kanyang pagsuway.

Siya nga kaya’y sadyang tulog o nagtutulug-tulugan lamang?

Sabi sa Psalms 119:70, “their hearts are callous and unfeeling”. Manhid at walang pakiramdam.

Ganito ang nagagawa ng kasalanan. Lalo na’t kung nakagawian na ang paggawa ng mali at likong pamumuhay. Nagkakakalyo ang puso. Hindi na tumatalab ang Salita ng Diyos at maging ang mga paalala ay di na rin pansin. Kung kaya’t maging ang mga pagpapalo ng Diyos ay di na rin iniinda.

Ganito ang naganap kay Jonah. Sa tahasang pagsuway niya sa Diyos, di niya pinansin ang unos na nararanasan at ang panganib na lumubog ang barkong sinasakyan, makatakas lamang sa utos ng Diyos na pumunta sa Nineveh.

Siya kaya’y sadyang tulog o nagtutulug-tulugan lamang. Nalulong na sa kasalanan. Manhid na ang katauhan. Wala ng pakiramdam.

Ganito rin kaya tayo? Hindi pa huli ang lahat. Ang unos na ating nararanasan sa buhay ay maaaring sanhi ng ating pagsuway. Tayo’y pinapaalalahanan ng Diyos kung kaya’t gumising at tumalima sa Kanyang utos. Huwag magtulug-tulugan. Bumangon at ayusin ang buhay.

Nanaisin pa ba nating lumubog ang barkong sinasakyan? Dahil tayo’y tulog at manhid na sa paggawa ng kasamaan.

Gumising. Magsisi na’t lumapit sa Diyos. Kapatawaran Niya’y laging laan kung sa Kaniya’y dudulog.

Kapatid, kaibigan… hindi pa huli ang lahat.

Isang Pagbubulay-bulay.

Sunday, January 10, 2010

Alalahanin Mo Siya

Mula sa "Munting Tanglaw" ni Alex Ventura

"Alalahanin mo ang Lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng buhay." - Mangangaral 12:1

Alalahanin mo Siya bago pa humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawala ang lakas sa iyong mga tuhod. Alalahanin mo Siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. Alalahanin mo Siya bago ka mawalan ng pandinig na halos di mo na marinig ang ingay ng gilingan, ang huni ng mga ibon at himig ng awitin.

Alalahanin mo Siya bago dumating ang panahon na katakutan mo na umakyat sa itaas, bago dumating ang panahon na hindi ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng kamalayan sa buhay. Alalahanin mo Siya bago mapigtas ang tali ng timba at itoy bumagsak at masira. Alalahanin mo Siya bago manumbalik sa lupa ang ating katawang-lupa at ang ating espiritu ay magbalik sa Dios na may bigay nito.

Ito ang tinagabilin sa atin sa Mangangaral 12:1 - "Alalahanin mo ang Lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng buhay"

Alalahanin mo ang Dios bago magkubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka lambungan ng makapal at madilim na ulap.

Alalahanin mo si Yahweh na ating Dios na buhay na Siyang may lalang sa atin, pumili sa atin, ang nag-ingat sa atin. Dios na sa gabi’y nagmimistulang nagliliyab na apoy upang mabigyan ng liwanag ang kapaligiran at nagbibigay init sa nanlalamig nating mga kalamnan, at sa umaga naman Siya’y nagmimistulang ulap, upang tayo ay kanyang limliman sa init ng araw. Ang Dios na mabuti, ang Dios na tapat, at ang Dios na hindi nagbabago, Siya ang Dios noon, ngayon at magpakailanman at magpawalang-hanggan.

Alalahanin natin ang mga kabutihan na Kanyang ginawa sa ating buhay, pasalamatan natin Siya, dakilahin natin Siya, purihin natin Siya at sambahin natin Siya. Sapagkat Siya ang Dios na sumasanggalang sa lahat ng nagliliyab na palaso ng kaaway na ibig tayong saktan at wasakin ang ating buhay.

Nawa’y maging isang munting-tanglaw po sa atin ang munting-aral na ito upang maging mungting gabay sa ating paglago bilang Kristiyano
.

Saturday, January 9, 2010

Takas

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"But Jonah arose to flee to Tarshish from the presence of the LORD." - Jonah 1:3

Sa aklat ng Jonah ay mababasa natin ang isang kaganapan ng pagsuway at pagtalikod sa iniuutos ng Diyos.

Sa unang talata ng aklat, tinawag ni Yahweh si Jonah at inatasang tumungo sa bayan ng Nineveh upang sila’y pangaralan sapagkat suko na sa langit ang kanilang kasamaan.

Subalit ito’y di ginawa ni Jonah. Sa halip na sumunod, ipinasiya niya na magtago sa Tarsis sa pag-aakalang malayo na iyon kay Yahweh. Nakakita siya ng isang barko sa Joppa na patungo sa Tarsis, kaya’t agad-agad siyang sumakay doon.

Subalit, nakatakas nga ba si Jonah sa presensiya ng Diyos? Hindi na nga ba siya nakita’t natagpuan ni Yahweh?

Ang Diyos ay nasa lahat ng dako. He fills heaven and earth. Kung kaya’t walang bahagi sa mundo at sa langit na maaari nating pagtaguan at di Niya tayo matatagpuan.

Sabi sa Psalsm 139:7-10 – “Where can I go from your Spirit? Where can I flee from your presence? If I go up to the heavens, you are there; if I make my bed in the depths, you are there. If I rise on the wings of the dawn, if I settle on the far side of the sea, even there your hand will guide me, your right hand will hold me fast.”

Hindi tayo makapagtatago sa Diyos. Ito ang naranasan ni Jonah at ito ang mararanasan din natin. Kahit saang sulok pa ng mundo tayo magpakatago-tago, kahit sumiksik pa tayo sa pagkadilim-dilim na lugar, kita’t tanaw pa rin tayo ng Diyos. Matatagpuan Niya pa rin tayo.

Kung gayon, bakit pa magpapakalayo? Bakit pa susuway sa utos Niya sa halip na sumunod? Na kung may kailangan tayo’t gipit na, sa Kanya pa rin naman tayo tatakbo at hihingi ng tulong.

Hindi tayo makakatakas sa Kanyang presensiya. Walang bagay o kaganapan na di Niya alam at di nakikita.

Kung kaya’t sa halip na tumakas, sa halip na magtago, sa halip na sumuway sa Kanyang utos, tayo’y tumalima sa Kanyang ipinagagawa at manatili sa Kanyang presensiya.

Kapatid, kaibigan... nasaan ka ngayon? Ikaw ba’y nasa lugar na pinapupuntahan sa’yo ng Diyos, o ikaw animo’y isang takas?

Kung gayon, ikaw ay manumbalik. Sumuko ka na sa Diyos.

Isang Pagbubulay-bulay.

Wednesday, January 6, 2010

Wala Lang


Mula sa Panulat ni Max Bringula

Woe to you who are complacent in Zion”. – Amos 6:1

Wala lang” – yan ang katagang madalas kong naririnig sa mga kabataan ngayon. Na kung tama ang aking interpretasyon, ang ibig sabihin ay “sige lang bahala ka, I don’t care anyway.” Isang ugaling walang keber o paki sa nangyayari sa kanyang paligid. Ang pagwawalang-bahala bagamat may mahalagang dapat gawin. “Wala lang” yan ang agad isasagot syo kapag tatanungin mo na. Sa madaling salita, dedma. Bahala ka, anong paki-alam ko.

Maraming ganito sa atin, sa buhay espirituwal o maging sa araw-araw nating buhay. Nagkikibit-balikat lamang at walang ginagawa bagama’t mayroong dapat gawin. Kuntento na lamang at pa-upo-upo, kukuya-kuyakoy. Nakahiga’t nagkakamot ng tiyan sa halip na kumilos. Sa tuwirang salita ay tamad. Ang mga ganyan ay di dapat pakainin. Ito ang tahasang sinabi ni Paul sa 2 Thessalonians 3:10, “If a man will not work, he shall not eat.” Huwag pakainin ang tatamad-tamad. Huwag palamunin ang mahilig magsabi ng “wala lang”.

Gusto nyo ba yon? Naku, siguradong maraming aapela at mag-aalsa balutan. Kung gayon, tumindig ka, wag laging nakahilata. Ayaw mo palang magutom, puwes magtrabaho ka. Huwag palaging sambit ay “wala lang”.

Ang mga ganito’y kinamumuhian ng Diyos. Sa Amos 6:1, ito ang sinabi ni Propeta Amos sa bayang Israel noong sila’y nagwawalang bahala sa kalagayan ng kanilang bayan, “Woe to you who are complacent in Zion”. Kahabag-habag kayong namumuhay ng maginhawa sa Sion. Kaawa-awa naman kayo. Akala ninyo’y ang sarap ng buhay nyo. Sa totoo’y hindi pagkat kayo ang unang ipatatapon ng Diyos.

Namumuhi ako sa labis na kapalaluan ng Israel. Hindi ako nalulugod sa kanilang mga palasyo. Ibibigay ko sa kaaway ang buong lunsod at lahat ng naroroon.” Ito ang sinabi ng Diyos sa kanila sa Amos 6:8.

Nais din ba nating maranasan ang ganito? Dahil lamang sa ating pagwawalang-bahala at pagsasabi ng “wala lang” bagama’t mayroon kang dapat gawin.

May iniuutos ba ang Panginoon syo na dapat mong tupdin? May mga aral bang itinatagubilin Siya na dapat mong sundin? May mga paalala ba siya syo na dapat mong bigyan ng pansin?

Tumalima ka na ba o nagkikibit-balikat lamang at nagsasabing “wala lang”.

Kapatid, kaibigan… huwag nating tularan ang mga taga-Sion. May magagawa ka at dapat gawin. Tumindig ka’t gawin mo na. Ngayon na.

Now na” yan ang sabihin mo. Hindi ang “wala lang”.

Isang Pagbubulay-bulay.

Monday, January 4, 2010

A Straight Line

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Trust in the LORD with all your heart and lean not on your own understanding;
in all your ways acknowledge him,and he will make your paths straight
." - Proverbs 3:5-6

Isa sa mga principles sa Algebra says that “the shortest distance between two points is a straight line”.

Na kung lalapatan ng praktikal na aplikasyon, ang ibig sabihin ay - ang pinakamadaling paraan daw para marating agad ang lugar na pupuntahan ay ang tuwid na daan o straight line. Not the crooked line, nor the zigzag line.

Ito’y isang payak na katotohanan na di naman mahirap unawain. Na kung ang paglakad natin sa buhay ay di tuwid bagkus marami tayong mga short-cuts at paliko-likong gawi, maraming biglang liko sa kanan o sa kaliwa, maraming stop-over sa halip na diretso agad, tiyak na aabutin tayo ng siyam-siyam bago makarating sa ating pupuntahan.

Nung araw galit na galit si Inay sa akin dahil kapag ako’y inuutusan bumili ng suka o toyo o ng ano pa mang bagay sa bahay inaabot ako ng halos trenta minutos yata o isang oras dahil kung saan-saan pa ako nagagawi o nasusuong bago marating ang tindahan at bilhin ang iniuutos ni Inay. Makikipag-huntahan muna ako sa mga kalaro ko at makikipag-usyoso muna kung minsan. Kaya natuyuan na yung adobong niluluto ni Inay bago pa ako makabalik muli.

Minsan ganito rin maihahambing ang ating buhay-espirituwal o maging ang ating pang araw-araw na buhay. Hindi natin marating agad o masunod ang iniuutos sa atin ng Panginoon na puntahan o gawin pagkat marami tayong mga stopover sa buhay. Mahilig tayong lumiko sa halip na diretso lamang. Yung sariling diskarte ang sinusunod natin sa halip ang sa Diyos. Ang buhay natin ay puno ng trial and error. Akala natin yung ginagawa natin ang tama, subalit ang kinalalabasan ay mali pala.

Sabi sa Proverbs 14:12, “There is a way that seems right to a man, but in the end it leads to death”. Ganito rin ang sinasabi sa Proverbs 16:25.

Dalawang beses binanggit ang ganito sa Banal na Kasulatan upang bigyan babala ang tao sa mga kalikuang gawi na akala nila’y tama at siyang laging nais gawin subalit ito ang ikinapapahamak niya.

Sa pagpasok ng Bagong Taon, nawa’y atin nang ituwid ang liko-liko nating pamamaraan sa buhay. Iwasan ang trial and error bagkus sundin at isangguni sa Kaniya ang lahat ng balakin natin sa buhay. Ang Kanyang gawi ang ating sundin at tularan, at tiyak na magiging matuwid ang ating buhay.

Proverbs 3:5-6 says, “Trust in the LORD with all your heart and lean not on your own understanding; in all your ways acknowledge him, and he will make your paths straight.”

Tutuwirin Niya ang ating liko-likong daan, ang masalimuot nating buhay kung tayo’y sa Kaniya ay magtitiwala at susunod sa Kanyang mga tagubilin.

Kapatid, kaibigan… ang daang nilalakaran mo ba ngayo’y tuwid o maraming mga liko?

Paka-tandaan na ang daan tungo sa matuwid na buhay ay ang diretsong paglakad sa gabay ng ating Panginoon. The shortest distance between two points is a straight line.

Isang Pagbubulay-bulay.