Saturday, October 31, 2009

Gradweyt Na!

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"For to me, to live is Christ and to die is gain." (Philippians 1:21)

Ang buhay ng tao ay maihahalintulad sa isang pag-aaral sa eskuwelahan kung saan bago makapagtapos ay daraan sa mga maraming pagsusulit at pagsasanay. At matapos mapagtagumpayan ang mga ito ay mapabilang sa mga aakyat sa enteblado upang tanggapin ang diploma bilang patunay na ikaw ay gradweyt na. Tapos na! (sa wakas...)

Ang makapagtapos sa pag-aaral ay isang kapakinabangan. At upang makamit ito, kailangan maging tapat at sumunod sa mga alituntunin ng paaralan.

Ganito maihahambing ang tinutukoy ni Pablo sa Philippians 1:21 nang kanyang winika “For me to live is Christ, and to die is gain”.

Ayon kay Pablo, isang kapakinabangan ang magtapos, ang mag-graduate sa larangan ng buhay pagkat ang kahulugan nito’y lilisanin na ang makasalanang mundo, ang hirap at pasakit na nararanasan ng katawan at kakamtin ang putong mula sa Panginoon at makasama sa tahanang inihanda Niya para sa atin.

Sadyang mas mabuti nga ito. At ito ang ibig ni Pablo – ang makasama ang Panginoon. Ngunit napag-isip-isip rin niya na kung sa pananatili sa mundo ay makagagawa pa siya na mabubuting bagay, ito'y mainam din. “Hindi ko (tuloy) malaman ngayon kung alin ang pipiliin”, ang paglalahad niya. (Phil. 1:22)

Two choices and either one is good but ultimately, to be with the Lord is the best. That is why Paul exclaimed, “To die is gain.”

Subalit sa nakararami, ang mabuhay pa ay mas mainam. Ang lumawig pa ang buhay sa mahabang panahon ay makabubuti rin. Ito ay totoo kung titingnan natin na ang bawat araw na dumaratal sa ating buhay ay pagkakataon upang makapag-impok pa ng kayamanan sa kalangitan sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti at pamumuhay ng matuwid. (Matthew 6:20)

Subalit kung ang hangarin na mabuhay pa ay dahil nais pa nating malasap ang mga inihahandog ng mundo, dapat tayong mag-isip-isip muli. Pagkat hindi hawak ng tao ang “kanyang buhay”. Any moment, maaari tayong grumadweyt o "kunin na ni Lord" ang sabi nga ng iba. Handa na kaya tayo pag dumating ang takdang panahong iyon?

Upang makatiyak, tularan natin si Pablo na nagwika “For me to live is Christ.” Ang mabuhay ay para sa Kanya – ang ialay ang buhay sa Kanyang kaluwalhatian, ang sundin ang Kanyang mga Salita at gawin ang Kanyang ibig. Nang sa gayon, kapag dumating na tayo ay gra-gradweyt, atin ring mabibigkas ang katagang “to die is gain”.

Ikaw, handa ka na bang grumadweyt? O hanggang ngayo’y iskul-bukol ka pa rin.

Tandaan, ayaw man natin o gusto, darating ang panahong tayo’y gragradweyt din.

Ang tanong, handa na ba tayo?

Isang Pagbubulay-bulay.

Wednesday, October 28, 2009

Dalawang Kusing


Mula sa Panulat ni Max Bringula

But a poor widow came and put in two very small copper coins, worth only a fraction of a penny. - Mark 12:42

Piso? Anong mabibili rito? Si Tito naman nagbibiro” ang naibulalas ng aking pamangkin nang minsa’y humingi sa akin ng kanyang baon sa eskuwela.

At bakit naman? Nung araw nga noong ako’y nag-aaral na tulad nyo, singko nga lang ang baon ko, buti nga kayo piso” ang pangangatuwiran ko naman.

Noon yon. Panahon pa yata ni kopong-kopong yon eh. Si Tito naman, si Gloria na po ang Presidente ngayon noh. Piso? Ano eto? Baka itapon pa po sa akin yan ng tindero pag ibinayad ko” ang pamimilosopong sagot niya.

Aba, namilosopo pa. Sige, ayaw mo, eh di huwag” ang pagmamatigas ko namang sagot.

Nakakatuwa. Nakakagigil. Subalit eto ang nakaka-inis na katotohanan sa halaga ng pera natin sa ngayon at ang makatotohanang pagtingin natin sa halaga o maibibili ng salaping ating taglay.

Ganito ang naganap nang minsang pinagmasdan ng Panginoon ang mga tao na naghuhulog ng kanilang kaloob sa templo na mababasa natin sa Mark 12:41-44. Nakita Niya kung papaano ang mga mayayaman ay magbigay. Malalaking halaga ang kanilang hinuhulog sa kaban. Nagkakalansingan ang mga salaping ginto’t pilak habang ito’y bumabagsak sa hulugan na ikanalilingon ng mga nagdarasal doon at mga dumaraan.

Samantala, isang balong babae ang lumapit upang maghulog. Nakita siya ng Panginoon. Mula sa kanyang sublitan ay inilabas niya ang dalawang kusing na ipinakakatago-tago niya’t pagkat iyon na lamang ang natitira niyang salapi. Inihulog niya iyon sa kaban bilang kanyang handog. Dalawang kusing na katumbas ng isang pera na nang ihulog ng balong babae ay halos wala kang marinig na kalansing, at halos liparin ng hangin ang manipis na hugis ng dalawang kusing iyon.

Walang lumingon, walang nakapansin sa inihulog ng balong babae, maliban sa Panginoon.

Tinawag Niya ang Kanyang mga alagad, “Halikayo.” Sa kanilang paglapit winika ng Panginoon, “Tunay na sinasabi ko sa inyo, ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat.”.

Huh! Dalawang kusing?” ang pagkabigla’t pagtatanong nila. “Anong halaga ng dalawang kusing?” ang tanong na naglalaro marahil sa isipan ng mga alagad nang mga sandaling iyon.

Naalala ko tuloy ang aking pamangkin na nagsabi ng “Piso lang?”

Dahil batid ng Panginoon ang iniisip nila, agad Niyang sinabi, “Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”

Dalawang kusing. Ano nga ba ang halaga niyon ng kanilang kapanahunan? Napakaliit lamang. Tulad din yan ng Piso natin ngayon. Ano bang halaga nito o maibibili niya sa ating kapanahunan? Napakaliit lamang.

Subalit hindi sa laki o liit ng halaga ng ating ibinibigay nasusukat ang kadalisayan ng ating puso kapag tayo’y naghahandog sa Panginoon.

Papaano ba tayo magbigay sa Panginoon? Buong-puso ba o may pagkikimkim. Malaki nga ang inihuhulog mo subalit nakasimangot ka naman. Bungkol-bungkol nga ng salapi ang iyong ibinibigay subalit kapiranggot lang iyon kung tutuusin sa sandakmal na natitira pa sa iyong tarheta. Hindi mo ito pansin at hindi mo naman ito kailangan pagkat sobra-sobra ang iyong yaman.

O kaya’y maliit nga ang naibigay mo subalit buong-puso mo naman itong inihahandog sa Panginoon. Bagama’t iyon lamang ang kaya mong ibigay mula sa iyong karukhaan subalit buong galak ka namang ibinigay iyon ng walang pag-aalinlangan kahiman wala ng matira sa iyong bulsa, di alintana ang bukas pagkat may Panginoon na laging tapat sa Kanyang mga anak.

Ano nga ba ang nakalulugod sa Panginoon? Ang dalawang kusing o ang salaping ginto’t pilak na katumbas ay isang milyones?

Mayaman ang ating Panginoon. Siya ang may likha ng langit at lupa. Siya ang may akda ng ating buhay at Siya rin ang nagkakaloob ng ating tinataglay at tinatangkilik. Kailangan kaya Niya ang iyong dalawang kusing o ang iyong mga salapi?

Subalit bakit pinagmasdan Niya ang mga nagbibigay sa Templo? Pagkat nais Niya ang malinis na puso mula sa atin sa lahat ng ating ginagawa at ibinibigay sa Panginoon. Maging ito man ay salapi, panahon, kalakasan o talento.

Tandaan. Pinagmamasdan tayo ng Panginoon.

Papaano ka nagbibigay? Papaano ka naglilingkod sa Kanya?

Ito ang ating pakalimiin upang pagpapala Niya'y sumaating lagi.

Isang Pagbubulay-bulay.

Tuesday, October 27, 2009

Tubig at Langis

Mula sa panulat ni Max Bringula

Ang sabi ng marami kailanma’y hindi maaaring mapagsama ang tubig at langis. At siya namang totoo pagkat ang characteristics ng dalawang elementong ito ay magkasalungat – hindi maaaring magsanib. Kontra-pelo kumbaga sa simpleng salita.

Ganito rin ang bansag sa dalawang nilalang na di magkasundo’t laging nag-aaway. “Para kayong tubig at langisang sambit marahil ng nayayamot nyo ng kasama sa inyong pagbabangayan walang humpay.

Tubig at langis. Noong araw ay may pelikulang ginawa na ganito ang titulo at pinagbidahan nina Vilma Santos, Amy Austria at ang yumaong si Dindo Fernando. Kuwento ito ng mag-asawang di na magkabalikan dahil may namamagitan ng iba.

Titulo rin siya ng awit noon ni Sharon Cuneta na naging theme song ng nasabing pelikula. Sabi sa awit, "Tubig at langis, Idarang man sa init, 'di rin tatamis Dahil ang halo'y luha't paghihinagpis, Ang kirot ay di maalis kung labis."

Kahit anong pilit daw na muling pagsamahin at pag-isahin ay di mangyayari. Ganyan ang tubig at langis. Buti pa nga ang aso’t pusa bagama’t tinaguriang magkaaway na mortal ay kinalaunan ay makikitang mong buddy-buddy na sila. Magkasama sa pagkain at sa pagtulog. Pero hindi ang tubig at langis.

Sa buhay espirituwal, mayroon ding tubig at langis. At ito’y hindi ang iyong biyenan at ikaw. Hindi rin ang iyong bungangerang asawa at ikaw. O kaya’y ang mortal mong kaaway kung meron man. Pagkat ang mga iyan ay maipagkakasundo pang muli kung iibigin.

Subalit ang aking tinutukoy na tubig at langis sa buhay espirituwal ay ang ating pita ng laman at ang Espiritu ng Diyos na nananahan na sa atin mula ng tayo’y makakilala at tumanggap sa Kaniya.

Ang dalawang ito’y kailanma’y magkasalungat at di mapagsasama. Ganito ang sabi sa Galatians 5:17, “Sapagkat ang mga pita ng laman ay laban sa mga ninanasa ng Espiritu, at ang mga ninanasa ng Espiritu ay laban sa mga pita ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang ibig ninyong gawin.”

Ito ang katotohanang napagtanto ni Pablo nang minsa’y kanyang sinabi na may mga bagay na nais niyang gawin subalit hindi ito ang kanyang nagagawa. At ang mga bagay na ayaw niyang gawin ang siya namang nagagawa niya. (Romans 7:15)

Ito ay sapagkat ang ating makasalanang laman (o sinful nature) ay pilit pa ring umaalpas bagamat tayo’y nasa Panginoon na at bagong nilalang na. Wala na ang lumang pagkatao, tayo’y binago na. (2 Corinthians 5:17)

Habang ang ating paa ay nakatapak pa sa lupa, ang pita ng laman ay nasasa-atin pa. Ito ang dahilan kung bakit nagagawa pa natin ang bagay na di na dapat ginagawa ng isang tunay na anak ng Diyos.

Sino ang makapagliligtas sa akin sa ganitong kaaba-abang kalagayan?” ang naitanong ni Pablo. Salamat sa Diyos, sa pamamagitan Niya, ang pita ng laman ay ating mapagtatagumpayan. (Romans 7:24-25)

Kung kaya’t upang magtagumpay, upang mapagwagian ang digmaang namamagitan sa pita ng laman at ng Espiritu, ang tinuturing natubig at langis”, ating sundin ang payo sa atin sa Banal Niyang Aklat na ang wika ay ganitoIto ang sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at huwag ninyong susundin ang pita ng laman.” (Galatians 5:16)

Isa lamang ang pipiliin. Hindi pwedeng mamangka sa dalawang-ilog. Hindi pwedeng maging unyango na pwede kahit saan. Hindi pwedeng sala sa init, sala sa lamig. Hindi pwedeng lumakad ng sakang. Isa lamang – ang Espiritu ba o ang pita ng laman ang ating susundin?

Tubig at Langis, hindi mo ito mapagsasama kailanman. Gayundin ang pita ng laman ay di pwedeng isama sa ating pagsunod sa Panginoon.

Mamili ka kaibigan, kapatid.

Wag ng mag-isip pa ng matagal. Ngayon na ang pagde-desisyon! Now na!

Monday, October 26, 2009

Bonsai!

Mula sa panulat ni Max Bringula

"Brothers, I could not address you as spiritual but as worldly-mere infants in Christ." -
1 Corinthians 3:1

Napagtanto na ba natin sa sarili kung bakit sa halip na lumago tayo sa ating pananampalataya, maging matibay at matatag dahil matagal-tagal na rin naman tayong Kristiyano ay kabaligtaran ang nagaganap at ating nakikita. Lalo pa tayong nagiging maramdamin, nagpupusong-mamon at nagdradramang-bukid, at kadalasa’y nag-e-esep-bata kahit di na mukhang bata.

Na dapat tayo ay natuturo na at nangunguna sa paghayo at pagbabahagi ng Kaniyang Salita pagkat taon na rin naman ang binilang mula ng makakilala tayo sa Panginoon. Isang dekada na at higit pa na tayo ay dumadalo sa mga Gawaing-espirituwal. Di na mabilang ang mga mensaheng ating nabasa at napakinggan. Ngunit magpahanggang-ngayon tayo pa rin yung inaamo-amo, inuunawa, iniintindi, sinusuyo-suyo, binibeybi kahit di na mukhang-beybi.

Na dapat ay naaasahan na tayo sa loob ng Iglesya. Tayo na yung tumatayo at nangangalaga sa mga tupa, umaakay at nagpapalakas sa mga mahihina, pagkat marami-rami na rin namang pagpapala ang ating tinanggap mula sa Panginoon - pagpapalang espirituwal, materyal at pisikal. Ilang sako na kaya ng bigas ang ating naubos, ilang bariles na ng tubig ang ating nainom, ilang drum ng na isda ang ating nilantakan, ilang kaing gulay at prutas na ang ating pinapak, ilang kilong baka at manok at tupa ang pumasok na sa ating tiyan tuwing tayo’y magkakaroon ng salu-salo o fellowshipping? Marami na. Ika nga, dapat ay may ganansiya na ang Panginoon sa atin kung pakalilimiin.

Subalit ang nagsusumigaw na katotohanan at maliwanag pa sa sikat ng araw na mamamalas natin ay - nananatili tayong “bonsai”. Isang cultured plant na unang ginawa ng mga Hapon na hindi lumalaki bagkus nananatiling maliit.

Ganyang tayong mga nag-e-esep bata. Ganyan tayo na binibeybi-beybi lagi. Ganyan tayo na tatamad-tamad at ayaw magpagamit sa Panginoon. Ganyan tayo na mahilig magreklamo. Ganyan tayo na konting kibot, nagdaramdam. Ganyan tayo na kaunting problema, nagnganga-ngawa. Mistulang halamang di lumalaki at nananatiling maliit. Kyut tingnan kung sa halaman. Pero kung sa atin hindi siya kyut, kungdi “akyut sa paningin” Hindi tayo makausad-usad sa ating buhay-Kristiyano.

Ito ang nakita ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinth kung kaya’t kanyang winika sa kanila “I could not address you as spiritual but as worldly-mere infants in Christ.”.

Matagal ng Kristiyano, matagal ng dumadalo and yet sabi ni Paul, “di ko kayo maituturing na spiritual” o malago na sa pananampalayata, “kungdi mga worldy – mga batang-esep.” Wala kayong inatupag kungdi ang kalayawan, ang walang katuturang-gawain ng mundo.

Masakit na pananalita, subalit ito ang nagdudumilat na katotohanan na makikita sa karamihan sa atin.

Kaylan pa kaya tayo lalago? Kaylan pa kaya tayo hahakbang patungo sa mas mataas na antas ng ating pananampalataya? Kaylan pa kaya tayo kikilos at maglilingkod sa Panginoon ng buo nating puso at kalakasan? Kaylan pa? Pagputi ng uwak, pag-itim ng tagak?

Life is short. Maikli lamang ang buhay ng tao. Make the most of it.
Let every day that God gave us be an opportunity for us to grow in our faith.

Wag manatiling “bonsai”. Bagkus maging matayog na puno na magiging silungan sa oras ng bagyo at ulan at maging sa init ng araw.

Ikaw, papayag ka bang tawaging "bonsai"?

Isang Pagbubulay-bulay.











Sunday, October 25, 2009

Bakit Ka Nag-Alinlangan?

Mula sa panulat ni Max Bringula

Immediately Jesus reached out his hand and caught him. "You of little faith," he said, "why did you doubt?" - Matthew 14:31

Sa pagpapatuloy ng ating pagbubulay-bulay ng Kanyang mga Salita sa Matthew 14:15-32, atin namang tunghayan ang isang pangungusap na binigkas ng ating Panginoon sa verse 31 na ang sabi, “bakit ka nag-alinlangan?”

Ito ang salitang binitawan ng Panginoong Hesus nang si Pedro na noo’y nakalalakad na ng matuwid sa ibabaw ng tubig patungo sa kinaroroonan ng Hesus ay biglang nabaling ang paningin sa malakas na hanging rumaragasa at humahampas sa kaniya na sukat niyang ikinatakot kung kaya’t ang kanyang paglakad sa ibabaw ng tubig ay napalitan ng unti-unti niyang paglubog.

Panginoon, tulungan po ninyo ako!” ang agad na sigaw ni Pedro.

Kagyat namang inabot ni Hesus kay Pedro ang Kanyang mga kamay upang iahon ang huli sa pagkakalubog.

Napakaliit ng iyong pananampalataya. Bakit ka nag-alinlangan?” Ito ang agad na tinuran ni Hesus kay Pedro na noo’y nanginginig pa sa takot. At siya’y inakay ng Panginoong Hesus patungo sa bangkang sinasakyan sa pamamagitan ng paglakad muli sa ibabaw ng tubig.

Bakit ka nag-alinlangan?” – isang pangungusap na di lamang kay Pedro pinatutungkulan, kungdi sa bawat isa sa atin na nakakakilala sa Panginoon at nakaranas ng Kanyang kabutihan at pagmamahal. Kung gaano Niya tayo iniingatan at pinagkakalooban ng lahat ng ating pangangailangan.

Subalit dahil lamang sa hampas ng hangin o sa unos na dumarating sa ating buhay ay humihina ang ating pananampalataya sa magagawa ng Diyos at dahil dito tayo’y animo’y unti-unting lumulubog sa dagat ng buhay na ating nilalakaran.

Dati-rati tayo’y nakalalakad ng matuwid na ang isipan at paningin ay nakatuon lamang sa Panginoon. Subalit sa oras na ibaling natin ang paningin sa iba – sa tao, sa materyal na bagay, sa kaganapang nangyayari sa ating paligid, sa suliranin, kahirapan at mga pagsubok sa buhay, maging sa sariling kakayahan, tiyak na ang unti-unting paglubog ang magaganap sa atin.

Nakakalimutan natin na mas makapangyarihan ang ating Diyos higit kanino pa man at sa ano mang bagay. God is bigger than our problem. He is greater than anyone.

Pinanghihinaan na tayo agad ng loob at nakadarama ng takot sa mga nararanasan at namamalas sa ating kapaligiran. Naging balisa at napuno ng mga pag-aalinlangan at mga alalahanin sa buhay pagkat paningin nati’y ibinaling sa iba sa halip na sa Panginoong Hesus lamang.

Sabi sa Hebrews 12:2, “Let us fix our eyes on Jesus, the author and perfecter of our faith, who for the joy set before him endured the cross, scorning its shame, and sat down at the right hand of the throne of God.”

Sa Panginoon daw natin ituon ang ating paningin na Siyang may akda ng ating pananampalataya at Siya ring magpapadalisay nito. Tularan natin ang ating Panginoon na dahil sa kagalakang naghihintay sa Kaniya at mararanasan sa kalangitan, hindi Niya inaliintana ang hirap na daranasin, maganap lamang ang dakilang kalooban ng Diyos.

Gayundin naman sa atin. Ano mang hirap ang danasin natin ngayon, mga pasakit na nakapagbibigay lungkot at pighati sa ating buhay, mga suliraning walang humpay at animo’y sunud-sunod na bagyong dumarating, huwag panghihinaan ng loob, huwag mag-aalinlangan.

Sa halip patuloy tayong lumakad sa ibabaw ng tubig, sa dagat ng buhay pagkat kasama natin ang Panginoon. Siya ang magpapahupa ng unos. Siya ang magpapatigil sa bagyo at hangin.

He who calms the storm and walks on the water is likewise the One who will hold us in His hands.

Kumapit ka lamang sa Kanya at tiyak makalalakad ka ng matuwid sa ibabaw ng tubig.

Huwag mag-alinlangan.

Kaya mo yan, kapatid pagkat kasama mo ang Panginoon.

Isang Pagbubulay-bulay.

Saturday, October 24, 2009

Halika


Mula sa panulat ni Max Bringula

"Lord, if it's you," Peter replied, "tell me to come to you on the water." "Come," he said. - Matthew 14:28-29

Halika” – ito ang madalas bigkasin ng Panginoon sa Kanyang mga alagad at maging sa mga sumusunod sa Kanya at nagnanais na makapakinig ng Kanyang mga turo at makakita at makaranas ng Kanyang mga himala.

Ito ang makapangyarihang salita na binigkas Niya kay Pedro nang ang huli ay humiling sa Panginoon Hesus na siya’y makalakad din sa tubig. Pagkat nang mga oras na iyon (mga alas-tres ng madaling-araw) habang ang mga alagad ng Panginoon ay naglalayag sa ilog ng Galilee patungo sa Bethsaida ay naaninag nila mula sa di kalayuan na may naglalakad sa ibabaw ng tubig na sukat nilang ikinatakot. “Multo!” ang kanilang sigaw.

Subalit ang Panginoong Hesus pala iyon. “Ako ito, huwag kayong matakot” ang may pagmamahal Niyang sabi sa kanyang mga alagad. At doo’y sila’y napayapa.

Si Pedro na sa tuwina’y agresibo sa kanyang salita at gawi ang agad na nagwika at nagsabi “Panginoon, kung kayo nga po iyan, sabihin po ninyo sa akin na lumakad din sa tubig patungo sa inyong kinaroroonan.” Na tinugon naman ng Panginoon ng simpleng kataga na “Halika”. At si Pedro nga’y nakalakad sa tubig.

Batid na natin ang mga sumunod na kaganapan pagkatapos na maihakbang ni Pedro ang kanyang mga paa mula sa bangka patungo sa kinaroroonan ng Panginoong Hesus. (Basahin sa Matthew 14:30-32)

Gayunpaman, ang ating bibigyan ng pansin at pagbubulay-bulayan sa kaganapang ito na nakatala sa Matthew 14 ay ang salitang binigkas ng Panginoon kay Pedro nang mga sandaling iyon, ang “Halika”.

Ito’y salita ng paanyaya na kalakip ang katiyakang makakamtan ang nais kung tutugon at lalapit. Ganito ang naganap kay Pedro. Siya’y nakalakad sa ibabaw ng tubig taglay ang pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na nagwika sa kanya na “Halika”.

Ito rin ang ating mararanasan kung tayo’y tatalima sa paanyaya ng Panginoon. Maraming pagkakataon na tayo’y tinatawag ng Panginoon na lumapit sa Kanya na may pangakong taglay kung ating tatanggapin ang Kanyang paanyaya.

Buhay na walang hanggang ang ating kakamtin kung tatanggapin ang tubig na buhay na Kanyang alay.

"If anyone is thirsty, let him come to me and drink. Whoever believes in me, as the Scripture has said, streams of living water will flow from within him." – John 7:37-38

The Spirit and the bride say, "Come!" And let him who hears say, "Come!" Whoever is thirsty, let him come; and whoever wishes, let him take the free gift of the water of life. – Rev. 22:17

Kapatawaran ay makakamit kung tayo’y lalapit sa Kanya’t hihingi ng paglilinis sa ating karumihan. Tayo’y Kanyang gagawing puting-puti tulad ng niyebe kung tayo’y tatalima sa Kanyang paanyaya.

"Come now, let us reason together," says the LORD. "Though your sins are like scarlet, they shall be as white as snow; though they are red as crimson, they shall be like wool. – Isaiah 1:18

Kung tayo’y napapagal na sa takbo ng buhay sa mundong ating ginagawalan, kung ating puso’y hapo na sa pasakit at dusang nararanasan, at kung ang isipan nati’y suko na sa mga alalahanin, tanggapin natin ang Kanyang paanyaya upang maranasan ang kapahingahang di maibibigay ng mundong ito kungdi Siya lamang ang tunay na makapagkakaloob.

"Come to me, all you who are weary and burdened, and I will give you rest. Take my yoke upon you and learn from me, for I am gentle and humble in heart, and you will find rest for your souls" - Matthew 11:28-29

Tulad ni Pedro, tugunin natin ang Kanyang tinig na sa ati’y tumatawag na “Halika”.

Makapangyarihan ang ating Diyos na sa ati’y nag-aanyaya.

Kapatid, kaibigan, nag-iisip ka pa ba kung tutugon o nag-aalinlangan pa? Kung nais mo’y buhay na payapa at sagana, tawag niya’y dinggin. Hindi bukas, kungdi ngayon na.

Now na!

Isang Pagbubulay-bulay.