Tuesday, May 17, 2011

Umagang Kay Ganda


by Max Bringula Chavez

And God said, "Let there be light," and there was light. God saw that the light was good." - Gen. 1:3-4

Isa sa mga dakilang nilikha ng Diyos na ating namamalas at nararanasan araw-araw ay ang pagsapit ng liwanag sa umaga. Kapag nababanaag na ang unti-unting pagtaas ng araw sa kalangitan, habang mula sa durungawan ng ating silid ay makikita ang dahan-dahang pagsilip ng araw, kasabay ng pagtilaok ng alagang tandang o ang pagtunog ng orasan, ito’y nagsasabing “umaga na”.

Ang araw ay ngumingiti at nagsasabing “magandang morning” na hudyat na rin para tayo’y gumising, tumindig at harapin ang bagong hamon na dala ng isang umagang kay ganda.

Kung kaya’t kahit pupungas-pungas pa, kahit may muta’t laway pa, tayo’y bumangon na at suklian din ng isang matamis na ngiti ang pagbati ng araw at pagsasabing “salamat O Diyos sa isang umagang kay ganda na muli mong kaloob”.

Sadyang kay ganda ng umaga. Pagka’t ito’y pagkakataong ibinibigay Niya upang maranasan ang Kanyang kagandahang-loob at mamalas ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan. Ito’y pagkakataon upang patuloy na makapag-impok ng kayamanan sa kalangitan – ang makagawa ng kabutihan sa kapwa, makapaghayag ng Kaniyang Salita, at makapaglingkod sa Kanyang ubasan. Ito’y pagkakataon natin na maluwalhati ang Diyos sa buhay na bigay Niya.

Kung kaya’t wag sayangin ang bawat umagang dumarating. Wag sayangin ang bawat araw na idinurugtong Niya upang sa pagsapit ng gabi ay di manghihinayang at magwiwika ng “sayang” pagkat di naipamuhay ng tama at lubos ang umagang kaloob.

Naalala ko ang linya sa pelikulang “Pahiram ng Isang Umaga” na sinambit ng pangunahing karakter sa pelikula (na ginampanan ni Vilma Santos) habang nakatanaw sa karagatan at pinagmamasdan ang unti-unting pagsikat ng araw sa dalamapasigan, habang dumarampi ang hangin sa kanyang mahina na ng katawan, at nakasandal na lamang sa bisig ng kanyang mahal sanhi ng malubhang karamdaman, habang habol ang hininga na unti-unti nang napapawi, nai-usal niya ang katagang “kay ganda ng umaga, ang sarap mabuhay”. At pagkatapos niyo'y hininga'y tuluyan ng pumawi.

Nawa'y di sumapit na tayo'y agaw-hininga na bago makita't madama ang ganda ng umaga na kaloob Niya at manghinayang na di nalasap ang tamis ng buhay na bigay Niya.

Ang bawat umagang kaloob Niya ay tunay na kay ganda. Ito’y lasapin natin at damhin at ipamuhay ng lubos. Kahiman lubhang madilim ang gabing lumipas, nakakatitiyak pa rin na may magandang umagang darating.

Pagkat bawat araw na kaloob Niya ay taglay ang umagang kay ganda.

Nakikita mo ba’t nadarama?

Isang Pagbubulay-bulay

No comments: