Monday, May 9, 2011

Alay Kay Inay


by Max Bringula

Iba’t iba ang tawag natin sa kanila. May Ina, Nanay, Inay, Inang, Nanang, Mommy, Mama, Mamang, Ma, Mom, at kung anu-ano pa. Tinatawag natin sila sa pangalan o paraang tumutungkol sa kanilang pagmamahal at pag-aaruga sa atin.

Tinatawag natin sila ayon din sa antas ng ating pamumuhay. Kaming magkakapatid, “Nanay” o “Nay” ang tawag namin pagkat kami’y laking-Maynila at mula sa maralitang pamilya. Sa lalawigan, kadalasa’y “Inay” o “Inang” ang tawag, lalo na sa ka-Tagalugan.

Sa mga nakaririwasa o yung nasa alta-sosyedad, tawag nila’y “Mommy”, “Mama” o “Mom” o kaya’y simpleng “Mother”.

Sa gay lingo, “Madir” naman ang madalas kong naririnig. At sa mga moderno at nagpapaka-iba, ang tawag nila'y 'Dada" o "Mommy-yo". Minsa'y "Mommie Dearest" o "Dear Mom" na animo'y kumakatha ng sulat.

Maging ang mga sanggol o batang nagsisimula pa lamang magsalita, sila’y nakasasambit ng mga katagang katugma o kasing-tunog ng salitang “Nanay” o “Mom” o “Mama”, tulad ng “Na” o “Ma” o “Ma-ma”.

Marami pa marahil ang maiisip nating itawag sa ating dakilang ina, at marami pang bagong termino ang papailanglang sa mga darating na panahon, subalit wala pa rin makatutumbas at makapaghahayag alin man sa mga salitang ito ng dakilang pagmamahal na iniukol ng ina sa kanyang mga anak.

Mula sa kanyang sinapupunan hanggang sa tayo'y iluwal sa mundong ito, ang kanilang pag-aaruga at pagmamahal ay iniukol sa atin ng higit pa sa kanilang buhay.

Pagod di'y alintana matiyak lamang ang ating kaayusan. Walang-sawang nagbabantay na kahit lamok ay di hahayaang dumapo sa atin. Ipagsasanggalan ang katawan sa sinumang kumanti o manakit sa atin.

At ngayong tayo'y malaki na, may sarili ng lakad at nais sa buhay, naroroon pa rin ang uri ng pagmamahal ng isang ina na kailanma’y di nagmaliw. Lumuluha sa ating mga kabiguan, sa ating paglisan at sa minsang pagkakalimot nating maalala sila. Nagagalak sa ating tagumpay at sa ating pagdating. Pinakahihintay-hintay ang sandaling atin silang naaalala.

Sa dakilang araw ng Mother's Day, nais kong ialay ang panulat na ito sa aking pinakamamahal na ina, na kung hindi sa kanyang dakilang pagmamahal ay wala ako rito sa mundong ibabaw. Walang isang Max Bringula na ngayo’y tumitipa upang kathain ang “Alay Kay Inay” bilang pasasalamat sa pagmamahal na inihandog di lang ng aking ina kungdi ng bawat Nanay sa kanilang mga anak.

At sa lahat ng mga anak na nakakabasa ng panulat na ito, huwag sayangin ang bawat araw nang di maipaabot sa kanila ang ating taus-pusong pasasalamant. Atin silang bisitahin, pasyalan, tawagan, i-text, i-eMail, i-chat, at iba’t iba pang pamamaraang available sa atin ngayon upang marinig nila at mabatid kung gaano sila kahalaga sa atin. Pagka’t kungdi natin gagawin ngayon ito, kailan pa? Bawat araw na lumilipas ay di na natin maibabalik pa.

No comments: