Monday, May 9, 2011
Lumaban Ka
by Max Bringula
“Lumaban ka… huwag kang takbo ng takbo” – yan ang nagkakaisang tinig na isinisigaw ng mga nakapanood sa kalaban ni Pacman na si Shane Mosley.
“It’s a shame, Shane. What happened to you? You hardly fought. Who do you think you are, the Lakers?” Ang nakatutuwang message na aking nabasa sa Twitter account ko.
Nakadidismaya nga ang labang Pacman-Mosley dahil walang nakitang umaatikabong sagupaan ng dalawang boksingero. Pulos offensive lang ang ipinamalas ni Mosley sa labindalawang round, kaya nga’t ang biruan ng marami ay “Mosley defensive” si Mosley.
Itong si Manny ang umaatake na siya niya ng style sa halos lahat ng kanyang laban. Maliksi, determinado, di nagsasayang ng oras, lumalaban.
Sa larangan ng buhay, pisikal man o espirituwal, ganito ang dapat sa atin – lumalaban. Fight the good fight. Hindi yung suntok hangin na walang tinatamaan o nararating.
Ano man ang ating katayuan sa buhay o larangang ating ginagalawan, mahalaga na tayo ay lumalaban. Hinaharap ang mga pagsubok at mga hamon ng buhay. Hindi tinatakbuhan.
Gayundin sa ating relasyon sa Panginoon, sa araw-araw nating paglakad tungo sa kabanalan. Dapat tayong lumaban. Hinaharap ang kaaway na pilit na iginugupo ang pananampalatayang taglay.
“Fight the good fight of the faith”.
Ang tunay na pananampalatayang angkin ay dapat nakikita sa buhay. Matatag, hindi natitinag ng ano mang bagyong dumating.
Ang buhay natin sa mundong ibabaw ay tulad ng boxing arena kung saan ikaw at iyong kalaban ay naroroon upang ipamalas ang angking lakas at galing at tanghalin ang pinakamahusay.
Sa labang iyon, tayo’y pinapanood. Sa ating pagbagsak, naghuhumiyaw ang kalaban. Subalit sa ating pagtayong muli, sa ating pagharap sa kalaban at pagpapakita ng husay at galing, ang Diyos ay nalulugod at nagsasabing “Anak ko iyan!”
Kaya nga’t paka-limiin ang sarili. Tayo ba’y lumalaban, o tulad ni Mosley, takbo lamang ng takbo ang ginagawa natin sa pag-atake ng kalaban. Pulos defensive o pagharang lamang ang ating ginagawa sa halip na harapin ang sa ati'y nagnanais na tayo’y pabagsakin.
“Greater is He that is in us than the one that is in the world”. - 1 John 4:4
Lumaban ka. Fight the good fight of the faith.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment