Tuesday, July 28, 2009

Tulong!


Tulong!
Mula sa panulat ni Max Bringula

Then Peter got down out of the boat, walked on the water and came toward Jesus. 30 But when he saw the wind, he was afraid and, beginning to sink, cried out, "Lord, save me!" - Matthew 14:29-30

Punung-punong ng emosyon ang mga kaganapan na mababasa natin sa Matthew 14, nang ang mga disipulo ng Panginoon ay naglalayag noon sa ilog ng Galilee patungo sa kabilang pampang ng Bethsaida. Nang nasa kalagitnaan na ng ilog ay may naaninag sila mula sa di kalayuan na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Alas-tres ng umaga iyon. Isang malakas na sigaw ang narinig “Multo!” na ikinapabalikwas ng ibang disipulo sa pagkakatulog habang ang iba’y naalimpungatan sa narinig. Lahat sila’y nangatakot sa nakita.

Huwag kayong matakot, ako ito” ang isang malumanay at makapangyarihang tinig ang kanilang narinig.

Panginoon kung kayo po iyan, utusan po ninyo akong lumakad papalapit sa inyong kinaroroonan”, ang wika ni Pedro. Si Pedro’y naniniwala na kung di iuutos ni Hesus di siya makalalakad sa tubig tulad Niya.

Halika” ang sagot ng Panginoon.

At sinimulan ihakbang ni Pedro mula sa bangka ang kanyang paa. Taglay ang buong pananalig kay Hesus, siya’y nakalakad dahan-dahan patungo sa kinaroroonan ni Hesus.

Subalit nang malapit na Siya sa Panginoong Hesus, biglang umihip ang malakas na hangin at naramdaman niya ang hampas ng tubig sa kanyang paanan. Siya’y natakot at unti-unti ng lumubog.

Panginoon, tulungan po ninyo ako!” ang malakas na sigaw ni Pedro nang maramdaman niyang siya’y lumulubog na.

Sa ating buhay espirituwal, tayo’y tulad ni Pedro. Maliksi at buong lakas na lumalakad patungo sa Panginoon taglay ang pananalig na kaloob ng Diyos.

Subalit dahil sa unos at hampas ng malakas na hangin – ng mga suliranin, pagsubok, kahirapan at pangungutya ng mundo, pananalig natin sa Diyos ay naghihina’t naglalaho. Dahil dito tayo’y nagugupo ng problema, ng mga palaso ng kalaban at unti-unti na tayong lumulubog.

Marahil tayo’y nasa ganitong kalagayan ngayon. Dumaraan sa matinding unos ng buhay. Dumaranas ng mabigat na pagsubok. Pananalig nati’y nanghihina’t nanlulupaypay.

Huwag matakot. Huwag manghinawa. Tumawag lamang tayo sa Panginoon at humingi ng tulong.

At ang kamay Niya’y Kanyang iaabot sa atin upang tayo’y muling ibangon, iahon sa ating kinalulubugan. Tulad ni Pedro, tayo’y tumawag sa Kaniya at humingi ng tulong.

Wika sa Psalms 121:2, “I lift up my eyes to the hills -- where does my help come from?
My help comes from the LORD, the Maker of heaven and earth
.”

Tulong!”

Sa Kanya tayo tumawag, at tulong Niya’y sa ati’y iaabot.

Tumawag ka na ba sa Kaniya at humingin ng tulong? O nagmamatigas ka pa rin at namumuhay sa sariling kaparaanan.

Isang Pagbubulay-bulay.

No comments: