Monday, July 13, 2009

Si Bubwit at ang Bagong Mouse Trap


Si Bubwit at ang Bagong Mouse Trap
Isina-tagalog at binigyang-dagdag ni Max Bringula

Therefore encourage one another and build each other up…” – 1 Thessalonians 5:11

Ito’y kwento ni Bubwit, ang dagang pasaway sa Barrio Cupang.

Minsan isang araw, habang naghahanap ng kanyang makakain, naparaan si Bubwit sa paminggalan ng mag-asawang Bentong at Tekla. Habang paikot-ikot doon, naulinigan niya ang mag-asawa na may binubuksang kahon. Laking gulat niya nang ilabas ang laman ng kahon – isang bagong-bagong “mouse trap”.

Lagot kang daga ka” ang naibulalas ni Bubwit sa sarili, sabay karipas ng takbo sa labis na pagkatakot sa nakita.

May mouse trap, may mouse trap!” ang sigaw ni Bubwit habang nagtatakbo sa loob ng bakuran.

Nang masalubong niya ang mahaderang manok na si Manok-ski, agad niyang binigyang ito ng babala, “may mouse trap, may mouse trap!”.

Ganun ba?” ang marahang sagot naman ni Manok-ski. “Eh ano ngayon sa akin kung may mouse trap, aber?” ang kanyang tanong habang nakapa-meywang at sabay talikod kay Bubwit na noo’y naiwang nakanganga na lamang sa pagtataka sa sagot ng kaibigang manok.

Dahil dedma siya kay Manok-ski, kanyang binalingan si Mamoy-ski, ang mataba at malusog na alagang baboy ng mag-asawang Bentong at Tekla upang bigyan ng babala ang kaibigan sa napipintong panganib

May mouse trap, mouse trap!” ang sunod-sunod na sigaw ni Bubwit kay Mamoy-ski na noo’y abalang-abala sa pagkain at di man lang natinag sa malakas na sigaw ni Bubwit.

Pagkatapos kumain hinarap ni Mamoy-ski si Bubwit sabay sabi ng “Naku… kawawa ka naman, Bubwit” ang may pag-aalalang nasambit niya habang ngumangata pa ng isang tipak na karne. “Hayaan mo, isasama kita sa dalangin ko na malagpasan mo ang mabigat na pagsubok na ito”, at pagkatapos ay muling iningudngod ang nguso sa pagkain.

Halos pang-hinaan na ng loob si Bubwit sa matamlay at walang pagpapahalaga ng mga kaibigan sa kanyang pagmamalasakit na sila’y mabigyan ng babala at mag-ingat sa mouse trap.

Maya-maya’y dumaan si Bordon ang bakang alaga ng mag-asawa. Muling nabuhayan ng loob si Bubwit at sabay tayo at sigaw ng babala sa kaibigang baka, “may mouse trap, may mouse trap!”.

Tulad ni Mamoy-ski, di natinag o nabahala man si Bordon sa narinig at bagkus tinitigan ng diretso si Bubwit at sabay tanong sa tinig na dumaragundong, “Eh ano ngayon kung may mouse trap?....trap… trap… (na ume-echo pa)” “May mapapala ba ako kung may mouse trap? Mapagkikitaan ba yan? Kung wala, nag-aaksaya ka lang ng panahon”, ang sunud-sunod na litanya ni Bordon kay Bubwit.

Lulugo-lugong umuwi si Bubwit sa kanyang maliit na lungga na halos mabiyak ang puso sa paghihinagpis dahil sa di pagpansin sa kanya ng kaibigang manok, baboy at baka at ang pagwawalang-bahala ng mga ito sa kanyang babala.

Sa labis na lungkot, nakatulugan ni Bubwit ang dala-dalang kabigatan sa puso. Subalit siya’y biglang nagulantang ng ingay na narinig sa may paminggalan ng mag-asawang Bentong at Tekla.

May sumabit pa lang isang makamandag na ahas sa mouse trap na kanilang inilagay at nagpupumiglas ito na makawala. Nang puntahan ito ni Tekla, siya ay nakagat ng ahas na ikinasanhi ng kanyang pagkaka-ospital. Mataas pa rin ang lagnat ni Tekla ng i-uwi ng bahay, kung kaya’t ipinapatay ni Bentong ang manok na si Manok-ski upang may soup na mainom ang mahal na asawa.

Subalit di pa rin gumaling si Tekla at lalo pang lumubha ang kanyang kalagayan kung kaya’t ang mga kapit-bahay niya ay nagsipagpuntahan at sali’t-salitang nagbantay sa kaniya. Ipinapatay naman ni Bentong ang kanyang alagang baboy na si Mamoy-ski para may ipakain sa mga bisita.

Kinalaunan, di rin nakayanan ni Tekla ang karamdaman at siya’y binawian ng buhay. Para may ipakain sa mga nakiramay sa burol ni Tekla, ipinapatay naman ni Bentong ang alaga niyang baka na si Bordon.

Mula sa kanyang lungga ay nasaksihan lahat ni Bubwit ang mga pangyayaring ito at siya’y labis na naghinagpis sa sinapit ng kanyang mga kaibigan. “Kung nakinig lamang sila sa akin, di sana nila sinapit ito” ang nabigkas ni Bubwit na may lungkot at panghihinayang.

The End.

Yan po ang kuwento ni Bubwit at ng bagong Mouse Trap. Ano naman ang aral na matutunan natin sa kwentong ito? Marami.

Una, huwag balewalain ang mga babalang ating natatanggap at naririnig, tulad ng mga Salita Niyang inihahayag sa atin. Ang Panginoon ay gumagamit ng Kanyang mga Lingkod upang tayo’y bigyan ng babala. Tayo’y tumalima at wag ipag-walang-bahala ang mga turo Niya sa atin.

Ikalawa, tayong lahat ay may pananagutan sa bawat isa. Hindi dapat ipag-walang-bahala kung may suliranin ang ating kasama (kapatid, kapatiran o kaibigan). Dapat tayong makibahagi at tumulong sa abot ng ating makakaya.

May kasabihan na “ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan”. Hindi pwedeng ipagwalang-bahala lamang natin ang problema ng kaibigan, kasama o kapatiran pagka’t tayo rin ang makakadama ng sakit nito sa kinalaunan kung babaliwalain.

Tulad ng sinasabi ng Kanyang Salita na ating pinagbubulay-bulayan - Therefore encourage one another and build each other up” – 1 Thessalonians 5:11


Isang Pagbubulay-bulay

1 comment:

The Pope said...

A very inspiring post, napakaganda ri ng pagkakagawa upang maihatid ang mensahe.

Marami na rin ang nagbubulagbulagan at nagbibing-bingihan, tila naging malilimutin na rin sa mga magandang balita ng Panginoon, kadalasan naalala na lamang si Bro sa panahong ng kagipitan.

A blessed weekend kaibigan.