Sunday, July 19, 2009

Pagtawid (Crossing Over)


Pagtawid (Crossing Over)
Sa panulat ni Max Bringula

"Be strong and courageous. Do not be terrified; do not be discouraged, for the LORD your God will be with you wherever you go." - Joshua 1:9

Kamakailan lamang ako’y nagtungo sa Jeddah upang dumalo sa National Leaders Convention, isang taunang pagsasama-sama ng mga lingkod Niya na namumuno sa Kanyang gawain sa iba’t ibang bahagi ng Saudi Arabia.

Sadyang akma ang tema na ginamit na “Crossing Over” sa pagsasama-samang iyon ng Kanyang mga lingkod pagkat maituturing na isang “Pagtawid” ang ginawa ng bawat isang dumalo.

Pagtawid” dahil di alintana ang layo ng lugar, init ng panahon o haba ng oras marahil para hindi tawirin ang dagat at disyerto, marating lamang ang lugar na pagdarausan.

Pagtawid” dahil hindi kadahilanan ang kaabalahan ng bawat isa sa kanya-kanyang mga gawain upang di makadaupang-palang ang kapwa mga lingkod Niya.

Pagtawid” dahil hindi hadlang ang hirap na maaaring maranasan sa paglalakbay, ang mahabang oras ng paghihintay at ang maagang paggising at puyat na mararanasan, matiyak lamang na ang sarili’y kabahagi sa mahalagang gawaing ito.

At ang lahat ng ito’y buong-pusong gagawin pagkat taglay ang pangako Niya na di tayo iiwan at pababayaan saan man tumungo.

Ito ang winika Niya sa Kanyang lingkod na si Joshua, “Be strong and courageous. Do not be terrified; do not be discouraged, for the LORD your God will be with you wherever you go." (Joshua 1:9)

Ito rin naman ang katiyakang ating tataglayin upang tawirin ang anumang nasa ating harapan na maaaring humadlang sa ating paghakbang patungo sa lugar na nais ng Diyos na ating tunguhin. Ito man ay isang aktuwal na lugar na paghahayagan ng Kaniyang Salita, o isang gawain na dapat tupdin upang lubos na maganap ang dakila Niyang kalooban sa atin o sa mga lingkod Niya.

Isang hakbang lamang ang ating kailangan upang tayo’y lubos na makatawid. And that one small step is a leap of faith. Kailangan lamang tayong manampalataya na mapagtatagumpayan ang ano mang dapat nating tawirin at mapagwagian – sa buhay materyal at espirituwal.

Nang unang makatapak ang tao sa ibabaw ng buwan noong July 20, 1969, winika ni Neil Armstrong ang naging karanasang iyon sa pagsasabing “That’s one small step for a man (is) one giant leap for mankind.”

Gayundin, isang maliit na hakbang lamang ang kailangan mo kapatid, kaibigan upang ika’y makatawid sa kabilang pampang ng iyong buhay – ang buhay na may kasaganahan, kapayapaan at katagumpayan sa piling ng Poong Maykapal.

Kung kaya't tawid na. Huwag matakot. Halika na. Ihakbang mo ang iyong paa na may pananampalataya sa Kaniya.

Isang Pagbubulay-bulay.

No comments: