Sunday, July 5, 2009

Ang Ngalan Ni Yahweh


Ang Ngalan Ni Yahweh
sa panulat ni Max Bringula

"The name of the LORD is a strong tower; the righteous run to it and are safe." - Proverbs 18:10

Ang Pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan. Kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.

Ang ating panahon ngayon ay tigib na ng kasamaan. Kaliwa’t kanan ang makikita mong paglabag di lamang sa batas ng tao kungdi higit sa lahat sa batas ng Diyos.

Namamayani ang gawa ng kalaban – ang karahasan, ang korapsiyon (corruption), panlilinlang, pagmamalabis, at iba’t ibang krimeng nagagawa ng tao laban sa kapwa tao. At maging ang mga lingkod ng Diyos ay di ligtas sa mga palaso ng kalaban, di tinatantanan upang ilugmok at gapiin.

Sa ganitong mga pagkakataon, ang Pangalan ni Yahweh ang ating matibay na tanggulan at kanlungan mula sa kapahamakan. Ito ang sinasaad ng Kanyang Salita na ating pinagbubulay-bulayan.

The name of the LORD is a strong tower; the righteous run to it and are safe.” Doon tayo sa Kaniya tumatakbo, nagsusumbong, at humihingi ng saklolo.

At ang Diyos ay tapat at kailanma’y di tayo pinabayaan. Ang Kanyang tulong ay agad nariyan sa mga tumatawag sa Kaniyang Pangalan.

Maraming pagkakataon na nating naranasan marahil ang kapangyarihan ng Pangalan ng ating Panginoon. Na kapag sinambit natin ang Kanyang ngalan, kumakaripas agad ng takbo papalayo ang masasamang tao at espiritu na nais na tayo’y gambalain at gawan ng di kanais-nais.

Minsan nang ako’y naglalakad sa overpass sa may Sta. Mesa noong araw na ako'y sa atin pa nagtratrabaho, ay may sumalubong sa akin na isang holdaper. Madilim na ang gabi noon at ako lamang halos ang tumatawid sa overpass na iyon. Nang kanya na akong hinawakan upang kunin ang pakay, ay isinigaw ko ang Kanyang Pangalan, “in Jesus Name!”. Walang kaabug-abog, biglang kumaripas ng takbo ang nasabing tao – natakot marahil sa Pangalang aking sinambit.

Kung kaya’t wag mag-alinlangan. There is a power in His Name. Sambitin lamang natin ang Kanyang Ngalan. Hindi siya “magic” na kapag sinambit mo ay may biglang uusok at ikaw ay magiging si Darna o si Zimatar. Kungdi, ang pagsambit ng Kanyang Ngalan ay pagpapahayag na ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, maging sa mga gawa ng kadiliman.

Ikaw ba’y ginugulo ng kalaban sa ngayon? Hindi tinatantanan. Sambitin mo ang Kanyang Ngalan ng may buong pananalig sa Kanyang kapangyarihan at tiyak na ika’y magtatagumpay mula sa gawa ng kalaban.

Sabi sa kantang ating inaawit - "ang Diyos ang lakas nati't kanlungan, at moog sa oras ng kaguluhan. Di dapat matakot, mundo'y magunaw man. Kasama natin Diyos na makapangyarihan."

Ang Pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan. Kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.
Isang Pagbubulay-bulay ng Kanyang Salita.

1 comment:

Francesca said...

You mentioned Yahweh and then translate in Jesus name. Are they one?

how should one call the name of God, in a proper correct way?
im confused of your post.