Tuesday, July 28, 2009

Tulong!


Tulong!
Mula sa panulat ni Max Bringula

Then Peter got down out of the boat, walked on the water and came toward Jesus. 30 But when he saw the wind, he was afraid and, beginning to sink, cried out, "Lord, save me!" - Matthew 14:29-30

Punung-punong ng emosyon ang mga kaganapan na mababasa natin sa Matthew 14, nang ang mga disipulo ng Panginoon ay naglalayag noon sa ilog ng Galilee patungo sa kabilang pampang ng Bethsaida. Nang nasa kalagitnaan na ng ilog ay may naaninag sila mula sa di kalayuan na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Alas-tres ng umaga iyon. Isang malakas na sigaw ang narinig “Multo!” na ikinapabalikwas ng ibang disipulo sa pagkakatulog habang ang iba’y naalimpungatan sa narinig. Lahat sila’y nangatakot sa nakita.

Huwag kayong matakot, ako ito” ang isang malumanay at makapangyarihang tinig ang kanilang narinig.

Panginoon kung kayo po iyan, utusan po ninyo akong lumakad papalapit sa inyong kinaroroonan”, ang wika ni Pedro. Si Pedro’y naniniwala na kung di iuutos ni Hesus di siya makalalakad sa tubig tulad Niya.

Halika” ang sagot ng Panginoon.

At sinimulan ihakbang ni Pedro mula sa bangka ang kanyang paa. Taglay ang buong pananalig kay Hesus, siya’y nakalakad dahan-dahan patungo sa kinaroroonan ni Hesus.

Subalit nang malapit na Siya sa Panginoong Hesus, biglang umihip ang malakas na hangin at naramdaman niya ang hampas ng tubig sa kanyang paanan. Siya’y natakot at unti-unti ng lumubog.

Panginoon, tulungan po ninyo ako!” ang malakas na sigaw ni Pedro nang maramdaman niyang siya’y lumulubog na.

Sa ating buhay espirituwal, tayo’y tulad ni Pedro. Maliksi at buong lakas na lumalakad patungo sa Panginoon taglay ang pananalig na kaloob ng Diyos.

Subalit dahil sa unos at hampas ng malakas na hangin – ng mga suliranin, pagsubok, kahirapan at pangungutya ng mundo, pananalig natin sa Diyos ay naghihina’t naglalaho. Dahil dito tayo’y nagugupo ng problema, ng mga palaso ng kalaban at unti-unti na tayong lumulubog.

Marahil tayo’y nasa ganitong kalagayan ngayon. Dumaraan sa matinding unos ng buhay. Dumaranas ng mabigat na pagsubok. Pananalig nati’y nanghihina’t nanlulupaypay.

Huwag matakot. Huwag manghinawa. Tumawag lamang tayo sa Panginoon at humingi ng tulong.

At ang kamay Niya’y Kanyang iaabot sa atin upang tayo’y muling ibangon, iahon sa ating kinalulubugan. Tulad ni Pedro, tayo’y tumawag sa Kaniya at humingi ng tulong.

Wika sa Psalms 121:2, “I lift up my eyes to the hills -- where does my help come from?
My help comes from the LORD, the Maker of heaven and earth
.”

Tulong!”

Sa Kanya tayo tumawag, at tulong Niya’y sa ati’y iaabot.

Tumawag ka na ba sa Kaniya at humingin ng tulong? O nagmamatigas ka pa rin at namumuhay sa sariling kaparaanan.

Isang Pagbubulay-bulay.

Sunday, July 26, 2009

Multo!


Multo!
Sa panulat ni Max Bringula

When the disciples saw him walking on the lake, they were terrified. "It's a ghost," they said, and cried out in fear. – Matthew 14:26

Takot ka ba sa multo?

Ka-lalaki mong tao, takot ka sa multo” ang narinig kong sabi ng tiya ko sa aking pinsan nang tumanggi itong pumunta sa ibaba ng bahay na mag-isa dahil may multo raw.

Kapag ako’y nagbabakasyon sa Quezon noong araw, madalas na napagkukuwentuhan naming magpi-pinsan ang tungkol sa mga multo at engkanto. Bilang isang Manilenyo, wiling-wili ako sa aking naririnig pagkat ang mga ganoong kuwento’y bibihirang maririnig mo sa Maynila – ang tungkol sa mga asuwang, kapre, tiyanak, manananggal at iba’t iba pang kuwento ng maligno.

Atapang na lalaki” ang pinsan kong iyong kapag nagkukuwento siya. Subalit animo’y bahag din pala ang buntot nang minsa’y nakakita raw siya ng multo sa ibaba ng kanilang bahay, kung kaya’t takot na na bababa roon na nag-iisa pag gabi.

Ikaw, takot ka rin ba sa multo?

Ako, hinde” ang pagmamalaking sabi ng aking kausap. “Wala namang talagang multo. Mga evil spirit lang yan” dagdag pa niya.

Bilang mga lingkod Niya na nananampalataya sa tunay na Diyos, hindi na nga dapat tayo natatakot sa multo, o sa mga evil spirits pagkat ang Espiritu na nasa atin ay mas higit na makapangyarihan sa espiritung nasa mundo. (1 John 4:4)

Hindi maitatanggi na maraming mga masasamang espiritung na nasa ating paligid na nag-iimpluwensiya sa tao na gumawa ng masama, at minsan lumilikha sa atin ng takot. Tulad ng nangyari sa mga disipulo ng Panginoon na mababasa natin sa Matthew 14:26. Siya’y napagkamalan nilang “multo” nang makita itong naglalakad sa tubig. Sila’y natakot at napasigaw ng “multo!”.

Huwag kayong matakot, ako ito” ang agad na sabi ng Panginoong Hesus sa kanila. Nang marinig nila ito, napawi ang kanilang takot.

Maraming mga “multo” sa buhay na ating kinatatakutan. Ito may masasamang espiritu mismo o mga bagay, tao o pangyayari na nagdudulot sa atin ng takot, pangamba at panghihina ng kalooban. Sa mga ganitong pagkakataon, ating pakinggan ang Kanyang tinuran, “Be of good cheer. It is I, do not be afraid.” (Matthew 14:27)

Huwag kang matakot. Ako ito” ang wika ng ating Panginoon.

Dahil kasama natin ang Diyos wala tayong dapat ikatakot, ikapangamba at ikapanghina ng loob. Pagkat higit tayong makapangyarihan sa kanila.

Anu-ano ang mga “multo” na iyong kinatatakutan?

Multo!” Yan pa rin ba ang isinisigaw mo?

Takot ako eh...” Yan pa rin ba ang nadarama mo?

Huwag kang matakot. Ako ito” ang wika ng ating Panginoon.

Pakatandaan natin ang sinabi sa Banal Niyang Salita sa 1 John 4:4 -

You, dear children, are from God and have overcome them, because the one who is in you is greater than the one who is in the world.”

Kung gayon, takot ka pa rin ba sa multo?

Isang Pagbubulay-bulay.

Sunday, July 19, 2009

Pagtawid (Crossing Over)


Pagtawid (Crossing Over)
Sa panulat ni Max Bringula

"Be strong and courageous. Do not be terrified; do not be discouraged, for the LORD your God will be with you wherever you go." - Joshua 1:9

Kamakailan lamang ako’y nagtungo sa Jeddah upang dumalo sa National Leaders Convention, isang taunang pagsasama-sama ng mga lingkod Niya na namumuno sa Kanyang gawain sa iba’t ibang bahagi ng Saudi Arabia.

Sadyang akma ang tema na ginamit na “Crossing Over” sa pagsasama-samang iyon ng Kanyang mga lingkod pagkat maituturing na isang “Pagtawid” ang ginawa ng bawat isang dumalo.

Pagtawid” dahil di alintana ang layo ng lugar, init ng panahon o haba ng oras marahil para hindi tawirin ang dagat at disyerto, marating lamang ang lugar na pagdarausan.

Pagtawid” dahil hindi kadahilanan ang kaabalahan ng bawat isa sa kanya-kanyang mga gawain upang di makadaupang-palang ang kapwa mga lingkod Niya.

Pagtawid” dahil hindi hadlang ang hirap na maaaring maranasan sa paglalakbay, ang mahabang oras ng paghihintay at ang maagang paggising at puyat na mararanasan, matiyak lamang na ang sarili’y kabahagi sa mahalagang gawaing ito.

At ang lahat ng ito’y buong-pusong gagawin pagkat taglay ang pangako Niya na di tayo iiwan at pababayaan saan man tumungo.

Ito ang winika Niya sa Kanyang lingkod na si Joshua, “Be strong and courageous. Do not be terrified; do not be discouraged, for the LORD your God will be with you wherever you go." (Joshua 1:9)

Ito rin naman ang katiyakang ating tataglayin upang tawirin ang anumang nasa ating harapan na maaaring humadlang sa ating paghakbang patungo sa lugar na nais ng Diyos na ating tunguhin. Ito man ay isang aktuwal na lugar na paghahayagan ng Kaniyang Salita, o isang gawain na dapat tupdin upang lubos na maganap ang dakila Niyang kalooban sa atin o sa mga lingkod Niya.

Isang hakbang lamang ang ating kailangan upang tayo’y lubos na makatawid. And that one small step is a leap of faith. Kailangan lamang tayong manampalataya na mapagtatagumpayan ang ano mang dapat nating tawirin at mapagwagian – sa buhay materyal at espirituwal.

Nang unang makatapak ang tao sa ibabaw ng buwan noong July 20, 1969, winika ni Neil Armstrong ang naging karanasang iyon sa pagsasabing “That’s one small step for a man (is) one giant leap for mankind.”

Gayundin, isang maliit na hakbang lamang ang kailangan mo kapatid, kaibigan upang ika’y makatawid sa kabilang pampang ng iyong buhay – ang buhay na may kasaganahan, kapayapaan at katagumpayan sa piling ng Poong Maykapal.

Kung kaya't tawid na. Huwag matakot. Halika na. Ihakbang mo ang iyong paa na may pananampalataya sa Kaniya.

Isang Pagbubulay-bulay.

Monday, July 13, 2009

Si Bubwit at ang Bagong Mouse Trap


Si Bubwit at ang Bagong Mouse Trap
Isina-tagalog at binigyang-dagdag ni Max Bringula

Therefore encourage one another and build each other up…” – 1 Thessalonians 5:11

Ito’y kwento ni Bubwit, ang dagang pasaway sa Barrio Cupang.

Minsan isang araw, habang naghahanap ng kanyang makakain, naparaan si Bubwit sa paminggalan ng mag-asawang Bentong at Tekla. Habang paikot-ikot doon, naulinigan niya ang mag-asawa na may binubuksang kahon. Laking gulat niya nang ilabas ang laman ng kahon – isang bagong-bagong “mouse trap”.

Lagot kang daga ka” ang naibulalas ni Bubwit sa sarili, sabay karipas ng takbo sa labis na pagkatakot sa nakita.

May mouse trap, may mouse trap!” ang sigaw ni Bubwit habang nagtatakbo sa loob ng bakuran.

Nang masalubong niya ang mahaderang manok na si Manok-ski, agad niyang binigyang ito ng babala, “may mouse trap, may mouse trap!”.

Ganun ba?” ang marahang sagot naman ni Manok-ski. “Eh ano ngayon sa akin kung may mouse trap, aber?” ang kanyang tanong habang nakapa-meywang at sabay talikod kay Bubwit na noo’y naiwang nakanganga na lamang sa pagtataka sa sagot ng kaibigang manok.

Dahil dedma siya kay Manok-ski, kanyang binalingan si Mamoy-ski, ang mataba at malusog na alagang baboy ng mag-asawang Bentong at Tekla upang bigyan ng babala ang kaibigan sa napipintong panganib

May mouse trap, mouse trap!” ang sunod-sunod na sigaw ni Bubwit kay Mamoy-ski na noo’y abalang-abala sa pagkain at di man lang natinag sa malakas na sigaw ni Bubwit.

Pagkatapos kumain hinarap ni Mamoy-ski si Bubwit sabay sabi ng “Naku… kawawa ka naman, Bubwit” ang may pag-aalalang nasambit niya habang ngumangata pa ng isang tipak na karne. “Hayaan mo, isasama kita sa dalangin ko na malagpasan mo ang mabigat na pagsubok na ito”, at pagkatapos ay muling iningudngod ang nguso sa pagkain.

Halos pang-hinaan na ng loob si Bubwit sa matamlay at walang pagpapahalaga ng mga kaibigan sa kanyang pagmamalasakit na sila’y mabigyan ng babala at mag-ingat sa mouse trap.

Maya-maya’y dumaan si Bordon ang bakang alaga ng mag-asawa. Muling nabuhayan ng loob si Bubwit at sabay tayo at sigaw ng babala sa kaibigang baka, “may mouse trap, may mouse trap!”.

Tulad ni Mamoy-ski, di natinag o nabahala man si Bordon sa narinig at bagkus tinitigan ng diretso si Bubwit at sabay tanong sa tinig na dumaragundong, “Eh ano ngayon kung may mouse trap?....trap… trap… (na ume-echo pa)” “May mapapala ba ako kung may mouse trap? Mapagkikitaan ba yan? Kung wala, nag-aaksaya ka lang ng panahon”, ang sunud-sunod na litanya ni Bordon kay Bubwit.

Lulugo-lugong umuwi si Bubwit sa kanyang maliit na lungga na halos mabiyak ang puso sa paghihinagpis dahil sa di pagpansin sa kanya ng kaibigang manok, baboy at baka at ang pagwawalang-bahala ng mga ito sa kanyang babala.

Sa labis na lungkot, nakatulugan ni Bubwit ang dala-dalang kabigatan sa puso. Subalit siya’y biglang nagulantang ng ingay na narinig sa may paminggalan ng mag-asawang Bentong at Tekla.

May sumabit pa lang isang makamandag na ahas sa mouse trap na kanilang inilagay at nagpupumiglas ito na makawala. Nang puntahan ito ni Tekla, siya ay nakagat ng ahas na ikinasanhi ng kanyang pagkaka-ospital. Mataas pa rin ang lagnat ni Tekla ng i-uwi ng bahay, kung kaya’t ipinapatay ni Bentong ang manok na si Manok-ski upang may soup na mainom ang mahal na asawa.

Subalit di pa rin gumaling si Tekla at lalo pang lumubha ang kanyang kalagayan kung kaya’t ang mga kapit-bahay niya ay nagsipagpuntahan at sali’t-salitang nagbantay sa kaniya. Ipinapatay naman ni Bentong ang kanyang alagang baboy na si Mamoy-ski para may ipakain sa mga bisita.

Kinalaunan, di rin nakayanan ni Tekla ang karamdaman at siya’y binawian ng buhay. Para may ipakain sa mga nakiramay sa burol ni Tekla, ipinapatay naman ni Bentong ang alaga niyang baka na si Bordon.

Mula sa kanyang lungga ay nasaksihan lahat ni Bubwit ang mga pangyayaring ito at siya’y labis na naghinagpis sa sinapit ng kanyang mga kaibigan. “Kung nakinig lamang sila sa akin, di sana nila sinapit ito” ang nabigkas ni Bubwit na may lungkot at panghihinayang.

The End.

Yan po ang kuwento ni Bubwit at ng bagong Mouse Trap. Ano naman ang aral na matutunan natin sa kwentong ito? Marami.

Una, huwag balewalain ang mga babalang ating natatanggap at naririnig, tulad ng mga Salita Niyang inihahayag sa atin. Ang Panginoon ay gumagamit ng Kanyang mga Lingkod upang tayo’y bigyan ng babala. Tayo’y tumalima at wag ipag-walang-bahala ang mga turo Niya sa atin.

Ikalawa, tayong lahat ay may pananagutan sa bawat isa. Hindi dapat ipag-walang-bahala kung may suliranin ang ating kasama (kapatid, kapatiran o kaibigan). Dapat tayong makibahagi at tumulong sa abot ng ating makakaya.

May kasabihan na “ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan”. Hindi pwedeng ipagwalang-bahala lamang natin ang problema ng kaibigan, kasama o kapatiran pagka’t tayo rin ang makakadama ng sakit nito sa kinalaunan kung babaliwalain.

Tulad ng sinasabi ng Kanyang Salita na ating pinagbubulay-bulayan - Therefore encourage one another and build each other up” – 1 Thessalonians 5:11


Isang Pagbubulay-bulay

Sunday, July 5, 2009

Ang Ngalan Ni Yahweh


Ang Ngalan Ni Yahweh
sa panulat ni Max Bringula

"The name of the LORD is a strong tower; the righteous run to it and are safe." - Proverbs 18:10

Ang Pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan. Kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.

Ang ating panahon ngayon ay tigib na ng kasamaan. Kaliwa’t kanan ang makikita mong paglabag di lamang sa batas ng tao kungdi higit sa lahat sa batas ng Diyos.

Namamayani ang gawa ng kalaban – ang karahasan, ang korapsiyon (corruption), panlilinlang, pagmamalabis, at iba’t ibang krimeng nagagawa ng tao laban sa kapwa tao. At maging ang mga lingkod ng Diyos ay di ligtas sa mga palaso ng kalaban, di tinatantanan upang ilugmok at gapiin.

Sa ganitong mga pagkakataon, ang Pangalan ni Yahweh ang ating matibay na tanggulan at kanlungan mula sa kapahamakan. Ito ang sinasaad ng Kanyang Salita na ating pinagbubulay-bulayan.

The name of the LORD is a strong tower; the righteous run to it and are safe.” Doon tayo sa Kaniya tumatakbo, nagsusumbong, at humihingi ng saklolo.

At ang Diyos ay tapat at kailanma’y di tayo pinabayaan. Ang Kanyang tulong ay agad nariyan sa mga tumatawag sa Kaniyang Pangalan.

Maraming pagkakataon na nating naranasan marahil ang kapangyarihan ng Pangalan ng ating Panginoon. Na kapag sinambit natin ang Kanyang ngalan, kumakaripas agad ng takbo papalayo ang masasamang tao at espiritu na nais na tayo’y gambalain at gawan ng di kanais-nais.

Minsan nang ako’y naglalakad sa overpass sa may Sta. Mesa noong araw na ako'y sa atin pa nagtratrabaho, ay may sumalubong sa akin na isang holdaper. Madilim na ang gabi noon at ako lamang halos ang tumatawid sa overpass na iyon. Nang kanya na akong hinawakan upang kunin ang pakay, ay isinigaw ko ang Kanyang Pangalan, “in Jesus Name!”. Walang kaabug-abog, biglang kumaripas ng takbo ang nasabing tao – natakot marahil sa Pangalang aking sinambit.

Kung kaya’t wag mag-alinlangan. There is a power in His Name. Sambitin lamang natin ang Kanyang Ngalan. Hindi siya “magic” na kapag sinambit mo ay may biglang uusok at ikaw ay magiging si Darna o si Zimatar. Kungdi, ang pagsambit ng Kanyang Ngalan ay pagpapahayag na ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat, maging sa mga gawa ng kadiliman.

Ikaw ba’y ginugulo ng kalaban sa ngayon? Hindi tinatantanan. Sambitin mo ang Kanyang Ngalan ng may buong pananalig sa Kanyang kapangyarihan at tiyak na ika’y magtatagumpay mula sa gawa ng kalaban.

Sabi sa kantang ating inaawit - "ang Diyos ang lakas nati't kanlungan, at moog sa oras ng kaguluhan. Di dapat matakot, mundo'y magunaw man. Kasama natin Diyos na makapangyarihan."

Ang Pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan. Kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.
Isang Pagbubulay-bulay ng Kanyang Salita.