Monday, August 18, 2008

Que Sera, Sera (Bahala na...)


Que Sera, Sera,
Whatever will be, will be
The future's not ours, to see
Que Sera, Sera
What will be, will be.


Yan ay lyrics ng popular na awit noon ni Doris Day (circa 1956) na marahil hanggang ngayon ay paminsan-minsa’y naririnig pa natin, o ating inaawit marahil kapag tayo’y ganadong kumanta.

Ayon sa Wikipedia Encyclopedia, ang awit na ito’y pinasikat ni Doris Day nung 1956 at naging feature song sa pelikulang “The Man Who Knew Too Much” na ang bida ay si Doris Day mismo kasama si James Stewart. Nakasama sa Billboard magazine chart nung taon ding iyon ang awit na ito, at nanalo sa Academy Award for Best Original Song.

Sa Tagalog ang salitang “Que Sera, Sera” ay maaaring i-translate sa simpleng katagang “Bahala Na”.

Maraming maipaipakahulugan ang salitang “Bahala Na” depende sa gumagamit o sa nagsasalita nito.

Kapag di matiyak ang isang bagay na gagawin kung ito ba ay magtatagumpay o hindi, dahil marahil sa kakulangan ng panahon o ng akmang pamamaraan, sinasabi nating “bahala na!”. Na ang nais ipakahulugan ay “Kung uubra, fine. Kung hindi, OK lang.” Kumbaga, ipinasasa-Maykapal natin ang magaganap. Kung ano ang Kanyang kalooban ay siyang makapangyari.

This could be the positive way ng paggamit ng salitang “Bahala Na” na siyang eksaktong kahulugan ng awit na “Que Sera, Sera”. Hindi natin hawak ang bukas. Hindi natin mailalagay sa ating palad ang kapalaran ninuman, kung kaya’t dapat nating ipasa-Diyos ang magaganap sa darating na bukas. “Que Sera, Sera” Sa Ingles ay “whatever will be, will be” at sa Tagalog ay “Bahala Na”.

Ang salitang “Bahala Na” ay mula naman sa salitang “Bathala”, isang malalim na translation ng salitang “Diyos” na siyang ginagamit ng ating mga ninuno nung araw kapag tinutukoy nila ang isang Diyos na makapangyarihan. Isang Diyos na may lalang ng langit at lupa.

Kaya nga, kahit dito sa Gitnang Silangan, maririnig mo ang salitang “Inshallah”, na ganun din ang ibig sabihin “Bahala na ang Diyos”. Kung ibig Niya, mangyayari, kung hindi, ay hindi.

Yun nga lamang, mali ang aplikasyon at minsa’y naaabuso ang paggamit ng salitang “Bahala Na” o “Inshallah”, o ang “Que Sera, Sera”. Ito’y ginagamit na lamang scapegoat para maiwasan ang isang bagay na gagawin o isang commitment na dapat tuparin. “God willing” ang maririnig pa natin minsan. Pero sa totoo lang ay di mo talaga nais na gawin. Na walang pinagkaiba sa naririnig natin sa mga katutubo rito sa Saudi Arabia na “Inshallah”.

Di ba’t isa sa mga utos ng Panginoon ay “You shall not misuse the name of the LORD your God”. (Exodus 20:7) Kung kaya’t ating paka-ingatan ang dila. Baka tayo’y nagkakasala na sa pagbigkas ng “Bahala na”. God willing. Que Sera, Sera.

Bahala na!” Ang katagang ito’y maaaring ipantukoy din sa mga mediocre na bagay na ating ginagawa. Yung di natin ibinibigay ang pinaka “da best”. Kung ano lang ang meron, kung ano lang ang ibig. Pero sa katotohanan ay may mas mainam pa tayong magagawa.

Bilang mga lingkod ng Panginoon, ang salitang “Bahala na” ay di dapat gamitin kapag Siya’y may ipagagawa sa atin. We must always make it sure that we give our best, the very best kapag para sa Panginoon. Hindi yung mediocre lamang.

Dapat may akmang paghahanda at tamang oras, hindi yung pabara-bara lamang at isinisingit lamang kapag may panahon.

Dapat laging “on time” kapag may commitment na tinanguan para sa Panginoon, hindi yung palaging late at lagi mo na lamang sambit “sensya na huh.. ma-traffic eh.”

Kung magbibigay naman sa Panginoon, dapat sapat at husto. Hindi yung tira-tira lamang at kung ano lang ang mabunot sa bulsa, at minsa’y lukot-lukot pa. Kung magkakaloob sa Panginoon, dapat yung “da best.”

Bahala na!” yan rin ba ang katagang madalas mong nasasambit?

Bahala na” dahil di ka nakapaghanda, di ka nakapagplano, at nagahol ka na sa oras.

Bahala na” dahil di mo nais na i-commit ang iyong buong oras at panahon.

Bahala na” dahil ipinagwawalang-bahala mo lamang ang bawat araw na dumarating.

May magandang aral tayong matutunan sa langgam na siyang inihalimbawa ng Bibliya sa Proverbs 30:25 na ang sabi, “Ants are creatures of little strength, yet they store up their food in the summer.”

Marunong silang magpahalaga sa bawat araw. Hindi tatamad-tamad. Nagtratrabaho habang may araw, habang may lakas. Hindi pa-bandying-bandying. Hindi mahilig mag-mall-ing. Hindi panay good-time. Masinop. Nag-iimpok. Naghahanda sa darating na bukas. Upang dumating man ang bagyo o unos, sila’y nakatitiyak na di maghihikahos, di magkukulang. Wala sa bokabularyo nila yung “bahala na!”

Ikaw... tulad ka rin ba ng langgam? O ika’y nilalanggam na sa sobrang tamis ng iyong ngiti dahil napapangiti ka sa iyong sarili.

Nawa’y ang ngiting iyan ay sanhi ng katiyakang ika’y nakapaghanda tulad ng langgam at binibigyang-halaga ang bawat araw sa iyong buhay.

Bahala na…”

Que sera, sera...

Isang pagbubulay-bulay.

No comments: