Friday, August 29, 2008

Be Still....


" Be still, and know that I am God..." - Psalms 46:10

"Be still and know that I am God" - ang mga katagang ito na mula sa ating Panginoon ay kailanma'y di ko malilimutan. Hindi lamang sa dahilang ito'y sadyang totoo at makailang beses ko nang naranasan at patuloy na nararanasan, kungdi dahil ito ang titulo ng unang mensahe na aking inihatid mula sa Panginoon nang una Niya akong magamit na maging Mensahero (o Tagapaghatid) ng Kanyang mga Salita.

Tandang-tanda ko pa, ika nga. Taong 1987 iyon. ooppss... wag na laang baka magkabilangan na naman ng taon. hehehe... Mas mainam na mag-concentrate na lamang muna tayo sa ating Pagbubulay-bulay ngayong Linggong ito, na pinamagatang "Be Still".

"Be still". Kung tatagalugin, ang tamang translation nito ay "ipayapa mo ang iyong kalooban." Hindi ang "mamayapa ka" o "pumayapa ka" pagka't iba na ang magiging connotation nito.

Napakagandang pagbulay-bulayin ang mga salitang, "Be still". Isang kalagayang dapat nating angkin, lalo na sa magulo at masalimuot na takbo ng mundong ito. Sa panahong tayo'y nakararanas ng kabalisaan, ng takot, ng pangamba, ng kawalan ng pag-asa sanhi ng mga mabibigat na problema at pagsubok na dumarating.

"Be still". Sa aking palagay, ito ang kailangan ng maraming tao sa ngayon higit sa ano pa man. Hindi ang pera, hindi ang kayamanan, hindi ang katanyagan, hindi ang kapangyarihan.

Kailangan natin ng pera. Sinong magsasabing di niya kailangan ito? Kailangan natin ng yaman. Sinong ayaw yumaman at manatili na lamang mahirap? Ang maging "isang kahig, isang tuka", sabi nga ng mga matatanda. Kaya nga tayo narito sa ibang lupain at nangibang-bayan para magtrabaho dahil nais nating guminhawa ang buhay. Ang maging mayaman.

Nais nating maging tanyag. Ang makilala sa lipunang ating kinaroroonan o maging sa buong mundo kung papalarin. Ang magtagumapay sa piniling career. Nais nating magkaroon ng kapangyarihan, ang mailagay sa luklukan kung saan isang salita mo lamang at kumpas ng iyong mga kamay ay mangyayari na ang iyong ibigin.

Subalit ang mga ito ba ang kailangan nating tunay o ang kapayapaan ng puso at katiwasayan ng kalooban?

Maaaring makabawas ng ating alalahanin kung may pera o yamang angkin. Maaaring masarap maranasang ikaw ay sikat at hinahangaan at may kapangyarihan. Subalit aanhin natin ang mga ito, kung puso naman nati'y puno ng bagabag at takot, at ang isip ay tuliro at balisa.

Sa aking pananatili rito sa Dubai kung saan ako'y namalagi ng limang araw for a work-related visit, aking napansin ang mabilis na pag-usad ng bansang ito - maraming construction na ginagawa, kaliwa't kanan. Mga matatas na building at naggagandahang architectural design. Malalawak na daan at ang malapit ng buksan na pagkahaba-habang Metro Rail Dubai. Marami ring mga turistang naririto. Makikita mo sila sa mga naglalakihang malls na ang karamiha'y mga Europeans. Marami ring mga manggagawang nagtratrabaho bilang overseas workers na mula sa iba't ibang bansa, tulad ng mga Pilipino. Mayroon sa construction, mayroon sa opisina, mayroon sa mga fast food, restaurants, hotels, atbp.

Akin silang pinagmasdan. At sa aking pagmamasid, nabanaag ko sa kanilang mga mukha at natalos sa kanilang mga mata ang iba't ibang damdamin. May nakangiti, may humahalakhak, may nag-iisip ng malalim, may nakatingin sa malayo, at may ibang animo'y may hinahanap sa bawat taong dumaraan sa kanilang harapan at sa bawat bagay na nalalapatan ng kanilang paningin.

Sa wari ko, sa likod kaya ng halakhak na iyon, sa bawat ngiti kaya ng kanilang labi ay kaakibat nito'y kapayapaan ng puso at katiwasan ng kalooban? O ito'y panlabas na anyo lamang?

Ano kaya ang nais kamtin sa pagtanaw sa kalayuan? Naghahanap kaya sila ng kasagutan? Hinahanap kaya nila ang kapayapaan o ito'y kanila ng taglay?

"Be still." Ipayapa mo ang iyong kalooban at mababatid mong may nagmamahal sa'yo. May nag-iingat sa'yo. May umaabot sa'yo sa oras ng pangangailangan.

"Be still". Ito ang dapat gawin. Ito ang turo sa atin ng Panginoon. "Be still and know that I am God" Nang magkagayon, ating mababatid Siya pala ang Diyos na higit na makapangyarihan. Siya ang ating kailangan. Siya ang kasagutan.

Kailangan lamang nating manahimik at alalahanin na andiyan lamang Siya, di tayo iniiwan, di pinababayaan. Upang sa gitna ng kaguluhan, ng paghahanap, ng animo'y kawalan ng kahulugan ng buhay, ay makamit natin ang kapayapaan ng puso at katiwasayan ng kalooban, at mabatid ang tunay na Tagapagkaloob nito.

"Be still". Manahimik. Damhin mo Siya at makinig. At mababatid mong "Siya ang Diyos" ang tagapagkaloob ng tunay na kapayapaan.

"Be still". Isang pagbubulay-bulay.

Pagpapala'y Niya'y ating kamtin.

1 comment:

Anonymous said...

Gusto mo ba kayamanan, kayamanan, katanyagan, spot liwanag, ang mga kapangyarihan. unlock ang iyong tadhana sa pamamagitan ng pagsali sa illuminati ng order ngayon, at kumita ng $ 250,000 para sa katapatan ng miyembro at $ 1,000,000 para sa championing ang kurso ng tadhana. Interesado tao ay dapat makipag-ugnay sa aming mga ahente na may mga sumusunod na detalye: illuminatifame803@gmail.com