Sunday, August 10, 2008

Bakit Ako Pa?



"Kung kelan pa ako nagsimulang dumalo sa mga gawain at mga pag-aaral sa Bibliya, saka naman dumating ang mga ganitong mabibigat na problema."

"Naglilingkod naman ako ng tapat, huh..." "Di naman ako pumapalya sa pag-attend." "Ako pa nga ang laging nauuna."

"Bakit ako pa?"

" Bakit sa akin pa dumating ang ganitong kabigat na problema?"

Marahil ganiito ang mga katagang nasasambit natin kapag tayo'y nakararanas ng mga sunod-sunod na problema. Suliraning animo'y parang buhos ng isang malakas na ulan, walang patid, sunud-sunod. Hindi pa nga nakaka-recover sa isa, mayroon na namang kasunod. "Wala na bang katapusan ito?" ang pabuntong-hininga mong wika.

Bilang isang lingkod ng Panginoon, bilang isang mananampalatayang kumikilala sa tunay na Diyos, Panginoon at Tagapagligtas, tayo ba'y dapat exempted na sa mga problema? May immunity na ba dapat tayo sa mga suliranin? Kalasag ba nati'y di dapat tamaan ng sibat o ng bato ng kalaban?

Ang sagot ay "hindi". Sa katunayan, mas marami pa nga at mas mabibigat na problema ang marahil darating sa atin. Mga kalungkutan, pagtutuligsa, paghamak, kahirapan, karamdaman, sakit ng damdamin pati na ng pisikal. Ang mga ito'y darating sa atin bilang pagsubok upang mapatunayan ang katatagan at tibay ng ating pananampalataya. Tulad ni Job (Job 1-2) kung saan ang pagsubok na dinanas niya'y di marahil maipapantay sa mga pagsubok na dumating at darating pa sa atin, subalit siya'y nanatiling tapat sa Panginoon, gayundin naman ang ating pananamapalataya na inihambing na mas higit pa sa ginto ay idaraan sa apoy upang ito'y maging puro at dalisay.

"These have come so that your faith-of greater worth than gold, which perishes even though refined by fire-may be proved genuine..." (1 Peter 1:7)

Ang mga ito'y bahagi ng paglilinang sa atin ng Poong Maykapal upang ang ating karumhan na dulot ng kasalanan at pamumuhay na makasanlibutan ay papawiin Niya at papalitan ng isang malinis, maputi at makinis na kasuotan.

"Though your sins are like scarlet, they shall be as white as snow; though they are red as crimson, they shall be like wool." (Isaiah 1:18)

Kung gayon sa halip na tayo'y magtanong at magtaka kung bakit laksa-laksang problema ang dumarating sa atin, kung bakit gabundok ang suliraning halos pasan-pasan natin, kung bakit kaliwa't kanan ang sibat na dumarapo sa atin, tayo'y magpasalamat pa nga pagka't ito'y patunay na tayo'y mga anak Niya - nilinis, tinutuwid, pinakikinang at pinadadalisay.

Wag raw tayong magtaka at magsabi ng "Bakit ako pa?" Bagkus ang dapat mamutawi sa ating labi ay papuri at pasasalamat pagkat pagkalipas ng unos, ang sinag ng araw na maaliwalas at pagkaganda-ganda ang muling mamamalas at masisilayan natin taglay ang pagpapala Niya na dulot ng ating pananampalatayang nanatiling matatag at matibay sa gitna ng mga pagsubok na naranasan.

Ang tanong na "Bakit ako pa?" ay dapat pa ngang maging "Bakit nga di ikaw?"

Di baga't mas mainam na pananampalataya nati'y subukin upang maging dalisay ito, nang sa gayon sa pagdating ng ating Panginoon ang katagang maririnig natin mula sa labi Niya'y "Well done, good and faithful servant."

"Bakit ako pa?"

"Bakit nga di ikaw?"

Isang pagbubulay-bulay.

Pagpapala Niya'y sumaating lahat.

No comments: