"Ang mahalaga ay importante, ang importante ay mahalaga," ang pinagkadiin-diinang sinabi ng aking kausap. Ang akala ko siya'y nagbibiro, subalit seryoso ang kanyang mukha at aninag ko ang pagkunot ng kanyang noo, pati paglaki ng butas ng kanyang ilong.
Sa loob-loob ko, tama nga. Kapag mahalaga sa'yo ang isang bagay o tao, prinsipiyo o isang gagawin, ito'y iyong pinagdidiin-diinan. Tinitiyak na naunawaan ng kausap mo o sinasabihan. Inuulit ng makailang beses.
Kung susuriin, maraming bagay ang pinahahalagahan ng tao o mga bagay na sa isip niya'y mahalaga. Ang mga bagay na kailangan para mabuhay ay mahalaga, tulad ng hangin at pagkain. Ika nga, these are the things you cannot live without. Lalo na ang hangin. Ilang minuto o segundo nga lamang marahil na mawala ito ay para na tayong isda na inalis sa tubig na papalag-palag at pipiglas-piglas. Gayundin ang pagkain. Bagama't maaari pa ring makapag-survive ng ilang mga araw o buwan na walang pagkain, subalit di rin ito tatagal.
Man's basic needs which is food, shelter and clothing ay tinuturing na mahalaga. Mahalaga sa tao na may sinisilungan sa araw o gabi, kahit na nga ito'y gawa sa karton lamang. Mahalaga sa tao ang may sinusuot, kahit na nga ito'y nangigitata at iisa na lamang. Bagama't sa panahon natin, pansin ko minsa'y di na alintana kung may saplot man o wala. Sa halip na ang damit ay suutin, ay inaalis pa. But that is a different matter altogether. Mahalaga pa ring may damit na isinusuot. Subalit mahalaga nga ba ang mga ito?
O may mas higit na mahalaga?
May mga bagay rin na akala ng tao ay mahalaga. O mga bagay na ipinapasa-isip sa tao na mahalaga. Kailangang gumamit ka ng sabong pampaputi para pumuti at kuminis ang iyong kutis, yung gawa sa papaya o gawa sa avocado. Gumamit ka ng whitening lotion o astringent. Uminom ka ng ganito o ganyan. Kailangang may vitamin B1, B2, B4 at kung anu-ano pa.
Dapat may TFC ka sa bahay o GMA Pinoy para updated ka ng mga kaganapan sa Pilipinas at mga balitang ta-artis. Dapat may celfon ka. Yung N-series. Dapat may digital cam ka, yung 10 pixels o mas mataas pa. Dapat may laptop ka, yung pwedeng wireless at 100 gigs ang hard disk. Dapat may DSL ka na 24/7 on-line ay pupuwede. Dapat may car ka, kahit di brand new, basta tumatakbo pa. Dapat may Bravia ka o entertainment showcase. Dapat... dapat... dapat.... Ang dami kung tutuusin. Subalit, sadya nga bang mahalaga ang mga ito?
O may mas mahalaga?
Kunsabagay, may mga bagay na mahalagang meron ka. Tulad ng trabaho, kungdi magiging animo'y parasite lamang tayo, laging umaasa sa iba. Dapat nakatapos ka ng pag-aaral sa haiskul at kolehiyo, pagka't kung hindi, mahirap din makakuha ng magandang trabaho. Bagama't may mga exception dito.
Mahalaga na may kasama ka sa buhay. May asawa't anak. Subali't di rin ito katiyakang magiging maligaya ang tao. Minsan pa nga, nagiging kalbaryo ito at nagiging mistulang alipin kapag sambit na lamang lagi natin ay "Paano ako, kung wala ka?"
Kung gayon, alin ang mas mahalaga?
Ang materyal na bagay ba? Subali't ito'y pumapanaw. Nawawala, ninanakaw, inaanay, kinakalawang.
"Do not store up for yourselves treasures on earth, where moth and rust destroy, and where thieves break in and steal. But store up for yourselves treasures in heaven, where moth and rust do not destroy, and where thieves do not break in and steal." - ang sabi ng Banal na Kasulatan sa Matthew 6:19-20
Ang kapangyarihan o katanyagan ba? Subali't marami ang tanyag at makapangyarihang tao ang sadyang malungkot, bagama't akala natin sila na ang pinakamaligaya at pinakamapalad na tao sa mundong ibabaw. May kasabihan nga na "It's lonely being at the top". Sadya nga, lalo na kung ika'y nag-iisa na roon at ang lahat ay abot-tanaw mo na lamang.
Hindi ang mga ito ang mahalaga. Hindi ang tao, hindi ang materyal na bagay, hindi ang kapangyarihan, hindi ang katanyagan. Ang mahalaga ay may kinikilala tayong Diyos at Panginoon ng ating buhay. May tunay na Tagapagligtas at katiyakan ng kaligtasan.
Ito ang higit na mahalaga.
Nasasa-iyo na ba ang mahalagang bagay na ito? O may mas pinahahalagahan pa tayo na akala natin ay mahalaga, subalit nakakalimutan natin ang mas at higit na mahalaga.
"For what will it profit a man if he gains the whole world, and loses his own soul?" - Mark 8:36
Pagpalain nawa Niya ang lahat ng dumirinig ng Kanyang Salita at gumaganap nito.
Isang pagbubulay-bulay.
kuya Max
No comments:
Post a Comment