Sunday, August 31, 2008

Si Muning… (Ang Plano Niya o Plano Mo – Isang Pagbubulay-bulay)


Si Muning

Siya ang alagang pusa ni Impong na ninong ni Dikong. Kung sino si Impong at kung sino si Dikong ay wag muna nating alamin sa ngayon. Sapat ng bigyang pansin natin itong si Muning.

Si Muning ay di karaniwang “pusakal” (pusang-kalye, in short). Siya’y may breeding. Lahing ‘persian cat” daw sabi ni Impong na ninong ko rin nga pala. Madalas nababanggit ni Ninong Impong ang kakaibhang ugali ni Muning. Para raw itong taong may isip at may pagka “spoiled brat” pa raw.

Sa tingin ko nga’y tama si Impong. Subalit higit pa riyan, may alalang nanunumbalik sa akin tuwing nakikita ko at pagmamasdan itong si Muning. Nagbabalik sa aking alaala ang unang obrang aking ginawa nung ako’y isang batang-musmos pa.

Nakagawian kasi ni Tatay noon na magdala ng “onion skin paper” sa tuwing uuwi siya ng bahay galing sa trabaho. Ito’y ibibigay niya sa akin upang gamitin ko sa pagbakat sa larawan ni muning mula sa isang coloring book o magazine.

Sabi ng mga tiyahin at tiyuhin ko noon, “uuuyyy mukhang magiging mangguguhit ang anak mo Bing” (pangalan po ng aking Itay). Subalit sa tuwing tatanungin ako kung ano ang gusto ko paglaki, laging sagot ko ay “doktor po!”, na siyang karaniwang sagot ng mga bata noon.

Sa paglipas ng mga araw at taon nang ako’y nag-aaral na, naging paborito ko ang subject na “Science” kung saan ako’y nag-excel hanggang sa magtapos ako ng High School. Lahat ay umaasa noon maging ang aking mga guro na ako ay mahahanay sa alin mang sangay ng medisina kung hindi man isang doktor.

Subalit lingid sa kaalaman ng lahat, may ibang plano pala si Itay para sa akin. Gusto raw niya akong maging isang Abogado. Pangarap daw niya iyon noon na gusto niyang ipasa sa akin.

Subalit ang pangarap nilang iyon ay mistulang nag-Gone with the Wind. Naiba ang ihip ng hangin. Nakatutuwa nga minsang isipin na kadalasan ang ating plano at pangarap noong tayo’y paslit na bata pa ay iba sa totoong nagaganap. Na para bagang may isang makapangyarihang Lumikha na siyang gumagawa ng “obra” para sa atin. Na kahit ano mang pilit natin upang makamit ang gusto o pangarap ay di ito ang nakapangyayari.

Nung ako’y mag-kolehiyo na, bilin ni Itay sa akin ay “kunin mo ay Accountancy” bilang paghahanda raw sa abogasiya. Subalit napakahaba ng pila noon sa Accountancy nang ako’y mag-e-enroll na. Nagkataon naman noon na ang katabi ng Accountancy ay yung kursong Architecture. At sa di maipaliwanag na kadahilanan ay napagpasyahan ko na mag-enroll sa katabing kurso. Nagulat si Inay na noon ay naghihintay sa akin sa waiting shed ng pamantasan. Tanong nya “paano mo nagawang matapos kagad samantalang napakahaba ng pila?” Ang sagot ko ay “yung katabi po kasing kurso ang kinuha ko.” “Inaku po! Lagot tayo sa Itay mo!” bulalas ni Inay sa pagkabigla. Subalit bilang suporta ni Inay sa akin, sabi nya na lamang “ikaw ang pumili niyan panindigan mo at tapusin”.

At ngayon nga ako’y isang ganap ng Architect, at kasama ng aking maybahay na isang ring architect, ay nagtratrabaho rito sa Gitnang Silangan.

Habang minumuni-muni ko ang nakaraan, napagtanto ko na sadyang napakagaling magplano ng Diyos. Alam niya ang makabubuti sa atin. Alam ko na hindi ako ang pumili ng kursong kukunin ng mga sandaling iyon kundi Siya, sapagkat kundi dahil sa kursong ibinigay Niya sa akin, malamang ay di pa ko nakatapos ng panahong pumanaw ang aking Itay at wala sana akong nagamit na armas sa pagtaguyod ng naiwang pamilya. Abot-langit ang pasasalamat ko sa Diyos sa mga panahong itinuro Niya at dinala Niya ako kung alin ang nararapat.

Nararapat palang ang plano ng Diyos sa atin ang hanapin at hingin natin, pagka’t higit kanino pa man, Siya ang nakababatid ng makabubuti.

For I know the plans I have for you," declares the LORD, "plans to prosper you and not to harm you, plans to give you hope and a future.” Yan ang sabi Niya sa Jeremiah 29:11

Ngayon sa aking buhay may asawa, tanging dasal namin na sa bawat plano ng buhay nawa’y Siya ang laging manguna at hindi ang sa amin lamang.

At sa bawat plano ng buhay na di natutupad… lagi sana nating pakaisipin na may plano ang Diyos higit pa sa atin…sapagkat wala siyang ibang hangad kundi ang mapabuti tayo, bilang kanyang mga Anak….

Ang aking pagguhit pala kay Muning noon ay siyang simula ng maganda at mabuting plano ng Diyos sa akin.

Si Muning. May isa rin bang Muning sa iyong buhay?

Ang plano Niya ba o plano mo ang iyong pinili o tinatahak.

Many are the plans in a Man’s heart, but it is the Lord’s purpose that prevails…” - Proverbs 19:21

Isang pagbubulay-bulay.


(Akda at kontribusyon ng aking inaanak - kuya Max)

Friday, August 29, 2008

A Sojourn in Dubai


Dubai.... parang titulo ng pelikula ni Aga at John Lloyd at Claudine. Yups... galing ako kamakailan lamang sa Dubai. I was sent by our company sa head office namin doon for a work-related visit.
Masaya naman ang aking pagtigil doon. Na-appreciate ko ng husto at na-enjoy ang pamamalagi ko roon ng limang araw. Bagama't I've been in Dubai two years ago. Pinadala naman ako ng kumpanya for training. That time, di ako masyadong nakapaglibot, unlike now nakapamasyal talaga ako, to the max! Nagpunta kami sa Dubai Ski at sa Mall of Emirates. Wow! parang tunay ang feeling nung andun ako sa Dubai Ski, parang nasa Switzerland ka. Super lamig, daming snow at sumakay pa kami sa cable car na animo'y nasa Swiss Alps ka talaga. Whew! kahit sa ganoong pagkakataon ay mistulang nakarating ka ng Switzerland. Kahit sa panaginip lang, ika nga.
Ibang-iba naman ang experience na naranasan ko when we went to Mall of Emirates. Isa siya sa malalaking malls sa Dubai. Bagama't malaki pa rin sa pakiwari ko ang Mall of Asia natin. Pero, super dami ng tao rito. Iba't ibang mukha, iba't ibang kulay, iba't ibang hugis at taas. May matangkad, may pandak, may mataba at may balingkinitan. Daming shops. At marami ring sales. Doon pa ko nakabili ng sinturon. Nalalaglag na kasi yung pants ko't maluwag sa akin, kaya napabili tuloy ako ng sinturon.
Babalik ako ulet sa Dubai sa September 13. Siguro, that time marami akong maikukuwentos.
Yan lang muna. Till my next post. Lagi nyo sanang susundan ang issue ng Pagbubulay-bulay.
Cheers and have a nice day!

Be Still....


" Be still, and know that I am God..." - Psalms 46:10

"Be still and know that I am God" - ang mga katagang ito na mula sa ating Panginoon ay kailanma'y di ko malilimutan. Hindi lamang sa dahilang ito'y sadyang totoo at makailang beses ko nang naranasan at patuloy na nararanasan, kungdi dahil ito ang titulo ng unang mensahe na aking inihatid mula sa Panginoon nang una Niya akong magamit na maging Mensahero (o Tagapaghatid) ng Kanyang mga Salita.

Tandang-tanda ko pa, ika nga. Taong 1987 iyon. ooppss... wag na laang baka magkabilangan na naman ng taon. hehehe... Mas mainam na mag-concentrate na lamang muna tayo sa ating Pagbubulay-bulay ngayong Linggong ito, na pinamagatang "Be Still".

"Be still". Kung tatagalugin, ang tamang translation nito ay "ipayapa mo ang iyong kalooban." Hindi ang "mamayapa ka" o "pumayapa ka" pagka't iba na ang magiging connotation nito.

Napakagandang pagbulay-bulayin ang mga salitang, "Be still". Isang kalagayang dapat nating angkin, lalo na sa magulo at masalimuot na takbo ng mundong ito. Sa panahong tayo'y nakararanas ng kabalisaan, ng takot, ng pangamba, ng kawalan ng pag-asa sanhi ng mga mabibigat na problema at pagsubok na dumarating.

"Be still". Sa aking palagay, ito ang kailangan ng maraming tao sa ngayon higit sa ano pa man. Hindi ang pera, hindi ang kayamanan, hindi ang katanyagan, hindi ang kapangyarihan.

Kailangan natin ng pera. Sinong magsasabing di niya kailangan ito? Kailangan natin ng yaman. Sinong ayaw yumaman at manatili na lamang mahirap? Ang maging "isang kahig, isang tuka", sabi nga ng mga matatanda. Kaya nga tayo narito sa ibang lupain at nangibang-bayan para magtrabaho dahil nais nating guminhawa ang buhay. Ang maging mayaman.

Nais nating maging tanyag. Ang makilala sa lipunang ating kinaroroonan o maging sa buong mundo kung papalarin. Ang magtagumapay sa piniling career. Nais nating magkaroon ng kapangyarihan, ang mailagay sa luklukan kung saan isang salita mo lamang at kumpas ng iyong mga kamay ay mangyayari na ang iyong ibigin.

Subalit ang mga ito ba ang kailangan nating tunay o ang kapayapaan ng puso at katiwasayan ng kalooban?

Maaaring makabawas ng ating alalahanin kung may pera o yamang angkin. Maaaring masarap maranasang ikaw ay sikat at hinahangaan at may kapangyarihan. Subalit aanhin natin ang mga ito, kung puso naman nati'y puno ng bagabag at takot, at ang isip ay tuliro at balisa.

Sa aking pananatili rito sa Dubai kung saan ako'y namalagi ng limang araw for a work-related visit, aking napansin ang mabilis na pag-usad ng bansang ito - maraming construction na ginagawa, kaliwa't kanan. Mga matatas na building at naggagandahang architectural design. Malalawak na daan at ang malapit ng buksan na pagkahaba-habang Metro Rail Dubai. Marami ring mga turistang naririto. Makikita mo sila sa mga naglalakihang malls na ang karamiha'y mga Europeans. Marami ring mga manggagawang nagtratrabaho bilang overseas workers na mula sa iba't ibang bansa, tulad ng mga Pilipino. Mayroon sa construction, mayroon sa opisina, mayroon sa mga fast food, restaurants, hotels, atbp.

Akin silang pinagmasdan. At sa aking pagmamasid, nabanaag ko sa kanilang mga mukha at natalos sa kanilang mga mata ang iba't ibang damdamin. May nakangiti, may humahalakhak, may nag-iisip ng malalim, may nakatingin sa malayo, at may ibang animo'y may hinahanap sa bawat taong dumaraan sa kanilang harapan at sa bawat bagay na nalalapatan ng kanilang paningin.

Sa wari ko, sa likod kaya ng halakhak na iyon, sa bawat ngiti kaya ng kanilang labi ay kaakibat nito'y kapayapaan ng puso at katiwasan ng kalooban? O ito'y panlabas na anyo lamang?

Ano kaya ang nais kamtin sa pagtanaw sa kalayuan? Naghahanap kaya sila ng kasagutan? Hinahanap kaya nila ang kapayapaan o ito'y kanila ng taglay?

"Be still." Ipayapa mo ang iyong kalooban at mababatid mong may nagmamahal sa'yo. May nag-iingat sa'yo. May umaabot sa'yo sa oras ng pangangailangan.

"Be still". Ito ang dapat gawin. Ito ang turo sa atin ng Panginoon. "Be still and know that I am God" Nang magkagayon, ating mababatid Siya pala ang Diyos na higit na makapangyarihan. Siya ang ating kailangan. Siya ang kasagutan.

Kailangan lamang nating manahimik at alalahanin na andiyan lamang Siya, di tayo iniiwan, di pinababayaan. Upang sa gitna ng kaguluhan, ng paghahanap, ng animo'y kawalan ng kahulugan ng buhay, ay makamit natin ang kapayapaan ng puso at katiwasayan ng kalooban, at mabatid ang tunay na Tagapagkaloob nito.

"Be still". Manahimik. Damhin mo Siya at makinig. At mababatid mong "Siya ang Diyos" ang tagapagkaloob ng tunay na kapayapaan.

"Be still". Isang pagbubulay-bulay.

Pagpapala'y Niya'y ating kamtin.

Monday, August 18, 2008

Que Sera, Sera (Bahala na...)


Que Sera, Sera,
Whatever will be, will be
The future's not ours, to see
Que Sera, Sera
What will be, will be.


Yan ay lyrics ng popular na awit noon ni Doris Day (circa 1956) na marahil hanggang ngayon ay paminsan-minsa’y naririnig pa natin, o ating inaawit marahil kapag tayo’y ganadong kumanta.

Ayon sa Wikipedia Encyclopedia, ang awit na ito’y pinasikat ni Doris Day nung 1956 at naging feature song sa pelikulang “The Man Who Knew Too Much” na ang bida ay si Doris Day mismo kasama si James Stewart. Nakasama sa Billboard magazine chart nung taon ding iyon ang awit na ito, at nanalo sa Academy Award for Best Original Song.

Sa Tagalog ang salitang “Que Sera, Sera” ay maaaring i-translate sa simpleng katagang “Bahala Na”.

Maraming maipaipakahulugan ang salitang “Bahala Na” depende sa gumagamit o sa nagsasalita nito.

Kapag di matiyak ang isang bagay na gagawin kung ito ba ay magtatagumpay o hindi, dahil marahil sa kakulangan ng panahon o ng akmang pamamaraan, sinasabi nating “bahala na!”. Na ang nais ipakahulugan ay “Kung uubra, fine. Kung hindi, OK lang.” Kumbaga, ipinasasa-Maykapal natin ang magaganap. Kung ano ang Kanyang kalooban ay siyang makapangyari.

This could be the positive way ng paggamit ng salitang “Bahala Na” na siyang eksaktong kahulugan ng awit na “Que Sera, Sera”. Hindi natin hawak ang bukas. Hindi natin mailalagay sa ating palad ang kapalaran ninuman, kung kaya’t dapat nating ipasa-Diyos ang magaganap sa darating na bukas. “Que Sera, Sera” Sa Ingles ay “whatever will be, will be” at sa Tagalog ay “Bahala Na”.

Ang salitang “Bahala Na” ay mula naman sa salitang “Bathala”, isang malalim na translation ng salitang “Diyos” na siyang ginagamit ng ating mga ninuno nung araw kapag tinutukoy nila ang isang Diyos na makapangyarihan. Isang Diyos na may lalang ng langit at lupa.

Kaya nga, kahit dito sa Gitnang Silangan, maririnig mo ang salitang “Inshallah”, na ganun din ang ibig sabihin “Bahala na ang Diyos”. Kung ibig Niya, mangyayari, kung hindi, ay hindi.

Yun nga lamang, mali ang aplikasyon at minsa’y naaabuso ang paggamit ng salitang “Bahala Na” o “Inshallah”, o ang “Que Sera, Sera”. Ito’y ginagamit na lamang scapegoat para maiwasan ang isang bagay na gagawin o isang commitment na dapat tuparin. “God willing” ang maririnig pa natin minsan. Pero sa totoo lang ay di mo talaga nais na gawin. Na walang pinagkaiba sa naririnig natin sa mga katutubo rito sa Saudi Arabia na “Inshallah”.

Di ba’t isa sa mga utos ng Panginoon ay “You shall not misuse the name of the LORD your God”. (Exodus 20:7) Kung kaya’t ating paka-ingatan ang dila. Baka tayo’y nagkakasala na sa pagbigkas ng “Bahala na”. God willing. Que Sera, Sera.

Bahala na!” Ang katagang ito’y maaaring ipantukoy din sa mga mediocre na bagay na ating ginagawa. Yung di natin ibinibigay ang pinaka “da best”. Kung ano lang ang meron, kung ano lang ang ibig. Pero sa katotohanan ay may mas mainam pa tayong magagawa.

Bilang mga lingkod ng Panginoon, ang salitang “Bahala na” ay di dapat gamitin kapag Siya’y may ipagagawa sa atin. We must always make it sure that we give our best, the very best kapag para sa Panginoon. Hindi yung mediocre lamang.

Dapat may akmang paghahanda at tamang oras, hindi yung pabara-bara lamang at isinisingit lamang kapag may panahon.

Dapat laging “on time” kapag may commitment na tinanguan para sa Panginoon, hindi yung palaging late at lagi mo na lamang sambit “sensya na huh.. ma-traffic eh.”

Kung magbibigay naman sa Panginoon, dapat sapat at husto. Hindi yung tira-tira lamang at kung ano lang ang mabunot sa bulsa, at minsa’y lukot-lukot pa. Kung magkakaloob sa Panginoon, dapat yung “da best.”

Bahala na!” yan rin ba ang katagang madalas mong nasasambit?

Bahala na” dahil di ka nakapaghanda, di ka nakapagplano, at nagahol ka na sa oras.

Bahala na” dahil di mo nais na i-commit ang iyong buong oras at panahon.

Bahala na” dahil ipinagwawalang-bahala mo lamang ang bawat araw na dumarating.

May magandang aral tayong matutunan sa langgam na siyang inihalimbawa ng Bibliya sa Proverbs 30:25 na ang sabi, “Ants are creatures of little strength, yet they store up their food in the summer.”

Marunong silang magpahalaga sa bawat araw. Hindi tatamad-tamad. Nagtratrabaho habang may araw, habang may lakas. Hindi pa-bandying-bandying. Hindi mahilig mag-mall-ing. Hindi panay good-time. Masinop. Nag-iimpok. Naghahanda sa darating na bukas. Upang dumating man ang bagyo o unos, sila’y nakatitiyak na di maghihikahos, di magkukulang. Wala sa bokabularyo nila yung “bahala na!”

Ikaw... tulad ka rin ba ng langgam? O ika’y nilalanggam na sa sobrang tamis ng iyong ngiti dahil napapangiti ka sa iyong sarili.

Nawa’y ang ngiting iyan ay sanhi ng katiyakang ika’y nakapaghanda tulad ng langgam at binibigyang-halaga ang bawat araw sa iyong buhay.

Bahala na…”

Que sera, sera...

Isang pagbubulay-bulay.

Sunday, August 10, 2008

Bakit Ako Pa?



"Kung kelan pa ako nagsimulang dumalo sa mga gawain at mga pag-aaral sa Bibliya, saka naman dumating ang mga ganitong mabibigat na problema."

"Naglilingkod naman ako ng tapat, huh..." "Di naman ako pumapalya sa pag-attend." "Ako pa nga ang laging nauuna."

"Bakit ako pa?"

" Bakit sa akin pa dumating ang ganitong kabigat na problema?"

Marahil ganiito ang mga katagang nasasambit natin kapag tayo'y nakararanas ng mga sunod-sunod na problema. Suliraning animo'y parang buhos ng isang malakas na ulan, walang patid, sunud-sunod. Hindi pa nga nakaka-recover sa isa, mayroon na namang kasunod. "Wala na bang katapusan ito?" ang pabuntong-hininga mong wika.

Bilang isang lingkod ng Panginoon, bilang isang mananampalatayang kumikilala sa tunay na Diyos, Panginoon at Tagapagligtas, tayo ba'y dapat exempted na sa mga problema? May immunity na ba dapat tayo sa mga suliranin? Kalasag ba nati'y di dapat tamaan ng sibat o ng bato ng kalaban?

Ang sagot ay "hindi". Sa katunayan, mas marami pa nga at mas mabibigat na problema ang marahil darating sa atin. Mga kalungkutan, pagtutuligsa, paghamak, kahirapan, karamdaman, sakit ng damdamin pati na ng pisikal. Ang mga ito'y darating sa atin bilang pagsubok upang mapatunayan ang katatagan at tibay ng ating pananampalataya. Tulad ni Job (Job 1-2) kung saan ang pagsubok na dinanas niya'y di marahil maipapantay sa mga pagsubok na dumating at darating pa sa atin, subalit siya'y nanatiling tapat sa Panginoon, gayundin naman ang ating pananamapalataya na inihambing na mas higit pa sa ginto ay idaraan sa apoy upang ito'y maging puro at dalisay.

"These have come so that your faith-of greater worth than gold, which perishes even though refined by fire-may be proved genuine..." (1 Peter 1:7)

Ang mga ito'y bahagi ng paglilinang sa atin ng Poong Maykapal upang ang ating karumhan na dulot ng kasalanan at pamumuhay na makasanlibutan ay papawiin Niya at papalitan ng isang malinis, maputi at makinis na kasuotan.

"Though your sins are like scarlet, they shall be as white as snow; though they are red as crimson, they shall be like wool." (Isaiah 1:18)

Kung gayon sa halip na tayo'y magtanong at magtaka kung bakit laksa-laksang problema ang dumarating sa atin, kung bakit gabundok ang suliraning halos pasan-pasan natin, kung bakit kaliwa't kanan ang sibat na dumarapo sa atin, tayo'y magpasalamat pa nga pagka't ito'y patunay na tayo'y mga anak Niya - nilinis, tinutuwid, pinakikinang at pinadadalisay.

Wag raw tayong magtaka at magsabi ng "Bakit ako pa?" Bagkus ang dapat mamutawi sa ating labi ay papuri at pasasalamat pagkat pagkalipas ng unos, ang sinag ng araw na maaliwalas at pagkaganda-ganda ang muling mamamalas at masisilayan natin taglay ang pagpapala Niya na dulot ng ating pananampalatayang nanatiling matatag at matibay sa gitna ng mga pagsubok na naranasan.

Ang tanong na "Bakit ako pa?" ay dapat pa ngang maging "Bakit nga di ikaw?"

Di baga't mas mainam na pananampalataya nati'y subukin upang maging dalisay ito, nang sa gayon sa pagdating ng ating Panginoon ang katagang maririnig natin mula sa labi Niya'y "Well done, good and faithful servant."

"Bakit ako pa?"

"Bakit nga di ikaw?"

Isang pagbubulay-bulay.

Pagpapala Niya'y sumaating lahat.

Sunday, August 3, 2008

Ang Mas Mahalaga at Higit Na Mainam





"Ang mahalaga ay importante, ang importante ay mahalaga," ang pinagkadiin-diinang sinabi ng aking kausap. Ang akala ko siya'y nagbibiro, subalit seryoso ang kanyang mukha at aninag ko ang pagkunot ng kanyang noo, pati paglaki ng butas ng kanyang ilong.

Sa loob-loob ko, tama nga. Kapag mahalaga sa'yo ang isang bagay o tao, prinsipiyo o isang gagawin, ito'y iyong pinagdidiin-diinan. Tinitiyak na naunawaan ng kausap mo o sinasabihan. Inuulit ng makailang beses.

Kung susuriin, maraming bagay ang pinahahalagahan ng tao o mga bagay na sa isip niya'y mahalaga. Ang mga bagay na kailangan para mabuhay ay mahalaga, tulad ng hangin at pagkain. Ika nga, these are the things you cannot live without. Lalo na ang hangin. Ilang minuto o segundo nga lamang marahil na mawala ito ay para na tayong isda na inalis sa tubig na papalag-palag at pipiglas-piglas. Gayundin ang pagkain. Bagama't maaari pa ring makapag-survive ng ilang mga araw o buwan na walang pagkain, subalit di rin ito tatagal.

Man's basic needs which is food, shelter and clothing ay tinuturing na mahalaga. Mahalaga sa tao na may sinisilungan sa araw o gabi, kahit na nga ito'y gawa sa karton lamang. Mahalaga sa tao ang may sinusuot, kahit na nga ito'y nangigitata at iisa na lamang. Bagama't sa panahon natin, pansin ko minsa'y di na alintana kung may saplot man o wala. Sa halip na ang damit ay suutin, ay inaalis pa. But that is a different matter altogether. Mahalaga pa ring may damit na isinusuot. Subalit mahalaga nga ba ang mga ito?

O may mas higit na mahalaga?

May mga bagay rin na akala ng tao ay mahalaga. O mga bagay na ipinapasa-isip sa tao na mahalaga. Kailangang gumamit ka ng sabong pampaputi para pumuti at kuminis ang iyong kutis, yung gawa sa papaya o gawa sa avocado. Gumamit ka ng whitening lotion o astringent. Uminom ka ng ganito o ganyan. Kailangang may vitamin B1, B2, B4 at kung anu-ano pa.

Dapat may TFC ka sa bahay o GMA Pinoy para updated ka ng mga kaganapan sa Pilipinas at mga balitang ta-artis. Dapat may celfon ka. Yung N-series. Dapat may digital cam ka, yung 10 pixels o mas mataas pa. Dapat may laptop ka, yung pwedeng wireless at 100 gigs ang hard disk. Dapat may DSL ka na 24/7 on-line ay pupuwede. Dapat may car ka, kahit di brand new, basta tumatakbo pa. Dapat may Bravia ka o entertainment showcase. Dapat... dapat... dapat.... Ang dami kung tutuusin. Subalit, sadya nga bang mahalaga ang mga ito?

O may mas mahalaga?

Kunsabagay, may mga bagay na mahalagang meron ka. Tulad ng trabaho, kungdi magiging animo'y parasite lamang tayo, laging umaasa sa iba. Dapat nakatapos ka ng pag-aaral sa haiskul at kolehiyo, pagka't kung hindi, mahirap din makakuha ng magandang trabaho. Bagama't may mga exception dito.

Mahalaga na may kasama ka sa buhay. May asawa't anak. Subali't di rin ito katiyakang magiging maligaya ang tao. Minsan pa nga, nagiging kalbaryo ito at nagiging mistulang alipin kapag sambit na lamang lagi natin ay "Paano ako, kung wala ka?"

Kung gayon, alin ang mas mahalaga?

Ang materyal na bagay ba? Subali't ito'y pumapanaw. Nawawala, ninanakaw, inaanay, kinakalawang.

"Do not store up for yourselves treasures on earth, where moth and rust destroy, and where thieves break in and steal. But store up for yourselves treasures in heaven, where moth and rust do not destroy, and where thieves do not break in and steal." - ang sabi ng Banal na Kasulatan sa Matthew 6:19-20

Ang kapangyarihan o katanyagan ba? Subali't marami ang tanyag at makapangyarihang tao ang sadyang malungkot, bagama't akala natin sila na ang pinakamaligaya at pinakamapalad na tao sa mundong ibabaw. May kasabihan nga na "It's lonely being at the top". Sadya nga, lalo na kung ika'y nag-iisa na roon at ang lahat ay abot-tanaw mo na lamang.

Hindi ang mga ito ang mahalaga. Hindi ang tao, hindi ang materyal na bagay, hindi ang kapangyarihan, hindi ang katanyagan. Ang mahalaga ay may kinikilala tayong Diyos at Panginoon ng ating buhay. May tunay na Tagapagligtas at katiyakan ng kaligtasan.

Ito ang higit na mahalaga.

Nasasa-iyo na ba ang mahalagang bagay na ito? O may mas pinahahalagahan pa tayo na akala natin ay mahalaga, subalit nakakalimutan natin ang mas at higit na mahalaga.

"For what will it profit a man if he gains the whole world, and loses his own soul?" - Mark 8:36

Pagpalain nawa Niya ang lahat ng dumirinig ng Kanyang Salita at gumaganap nito.

Isang pagbubulay-bulay.

kuya Max