Tuesday, April 26, 2011

Bakas


by Max Bringula

"Finally, brethren, whatosever things are true, whatoever things are honest, whatsoever things are just, whatsoever things are pure, whatsover things are lovely, whatsoever things are of good report; if there any virtue, and if there any praise, think on these things." - Phil. 4:8

May isang katotohanan na di maitatanggi, katotohanang di maikukubli, na sa bawat araw na dumaratal sa ating buhay, sa bawat paglipas ng panahon ay may bakas tayong naiiwan sa puso’t isipan ng mga taong ating nakakasalamuha, nakakasama at nakikilala.

Bakas na kung ating lilingunin at lilimiin ay maghahayag ng uri ng ating pamumuhay at pakikipag-kapwa. Sa ating gawi at salita, ano kaya ang bakas na iniiwan natin?

Ito kaya’y paghanga at paggalang dahil sa mabuting bagay na ating nagawa at sa maayos nating pakikitungo sa iba? O ito’y galit at pagkamuhi sanhi ng di kaaya-ayang ugali at maling ginawa sa kapwa?

Nakapag-iiwan ba tayo ng tatak sa isipan ng marami na magdudulot sa kanila ng ibayong pag-asa, ng kalakasan at positibong pagharap sa buhay? O alaala nati’y halos ayaw ng balikan o isipin pa pagkat idinulot niyon ay sakit ng kalooban at di kanaisnais na karanasan.

Maiksi lamang ang buhay ng tao. Sandali lamang ang ititigil natin sa mundong ito, kung kaya’t huwag nating sayangin ang bawat araw na idinurugtong ng Diyos sa ating buhay – let’s make the most of it.

Sabi nga sa isang commercial na aking narinig, “do something good, do something better.”

Sikapin natin na ang bakas na ating iiwan sa mundong ito at sa isipan ng tao ay maganda at kapaki-pakinabang.

Anumang mga bagay na totoo, anuman ang marangal, anuman ang matuwid, anuman ang dalisay, anumang mga bagay ang kaibig-ibig, anuman ang may mabuting ulat, kung mayroon mang kabutihan at anumang kapuri-puri, ang mga bagay na ito ang isipin natin” at siya nating gawin.

Upang ang bakas nati’y aalalahanin at tutularan ng mga darating pang henerasyon.

No comments: