Tuesday, March 16, 2010

Now Na!


Mula sa panulat ni Max Bringula

Yet who knows whether you have come to the kingdom for such a time as this?" – Esther 4:14

Bukam-bibig ngayon ang katagang ito kapag may minamadali tayo at nais magawa agad at ayaw ng ipagpabukas pa. Ating binibigkas ang “Now Na!”.

Ang linyang ito’y una kong narinig mula sa isang kabinete ni PGMA noon na umaklas sa kanyang pamahalaan dahil sa mga anomalyang di matagalan. Nagnais siya ng pagbabago kaya’t hinimok niya ang pamahalaan na gawin ang tama, hindi bukas kungdi agad. Now na!

Ganito rin ang tema ng linyang binitawan noon ni Sister Stella L, isang karakter sa pelikula na buong husay na ginampanan ng premyadong aktres ng bansa na si Vilma Santos sa pelikulang ganoon din ang title. “Kung hindi ngayon, kaylan? Kung hindi tayo, sino?” Isang sigaw ng paghamon ng pagkilos at paggawa ng nararapat na hindi ipinagpapabukas, kungdi dapat gawin agad. Now na!

Ang dalawang katagang ito’y madalas maririnig ngayon sa kapulungan ng mga nagnanais ng pagbabago – sa gobyerno man o sa lipunan na kinabibilangan. Lalo ngayong panahon ng kampanya, ang battle cry na ito ay halos bukam-bibig ng mga kandidato at pulitikong humihimok sa mamamayang sila’y iboto.

Ganito rin ang winika ni Mordecai sa pinsan niyang si Esther, isang Hudyo na naging Reyna ng Hari ng Persia noon (na ngayo’y Iran). Kanyang hinamon si Esther na gawin ang nararapat – ang lumapit sa Hari at hilinging huwag ng ituloy ang pagpapapatay sa mga Hudyo. Kanya pang idinagdag na iyon ang akmang panahon na siya ay kumilos at makagawa ng makabuluhang bagay sa kanyang bayan. “For such a time as this”. Yun na ang panahon, hindi bukas, hindi sa susunod na araw, linggo o taon, kungdi ngayon na. Now na!

Tayo rin man ay may panahong ibinigay sa atin kung saan tayo’y dapat kumilos agad at hindi na magpatumpik-tumpik pa. Pagkat kung hindi gagawin ngayon, kaylan pa? Iinog din naman ang mundo. Di naman mapipigilan ang paglipas ng panahon. Ang tanong, nagawa ba natin ang dapat ay ating ginampanan?

Kung kaya’t maging hamon nawa ito sa atin, sa personal mang buhay o sa relasyon natin sa Panginoon. May nararapat tayong gawin na di na dapat ipagpabukas pa kungdi ngayon na. Now na!

For such a time as this.”

Isang pagbubulay-bulay.

2009 copyrighted.

Monday, March 15, 2010

Kailangan Pa Bang I-Memorize Yan?


Mula sa panulat ni Max Bringula

I could not speak to you as spiritual people, but carnal, as babes in Christ.” – 1 Corinthians 3:1

Kailangan pa bang i-memorize yan?” Yan ang pumapailanlang na tanong araw-araw na iyong mapapakinggan sa isang radio program sa Pilipinas. Mala-sarcastic ang dating ng tanong kung saan hinahamon ang tagapakinig sa pagmamaang-maangan at pagbabale-wala sa mga payak na bagay na dapat ay alam niya na at di na kailangang i-memorize pa at ipagduldulan lagi sa kukote.

Mga bagay na dapat pang ipaliwanag ng husto bago kumilos gayong maliwanag pa sa sikat ng araw sa katanghalian ang tinutukoy at dapat gawin. “Mini-memorize pa ba yan?” Na ang ibig sabihin ay “dapat, alam mo na.”

Ganito rin ang hamon sa atin ng Diyos sa mga katuruan Niya na lagi nating naririnig at itinuturo sa atin subalit patuloy na sinusuway at ipinagwawalang-bahala. Kung kaya’t di tayo matuto-tuto. Kung kaya’t lagi na lamang tayong nasa basic, di na makausad, din a maka-alis-alis doon. Yun at yun na lamang palagi.

I could not speak to you as spiritual people, but carnal, as babes in Christ.” Yan ang sabi ni Paul sa mga Kristiyano na hindi natututo at mahina ang paglago bilang Kristiyano. Marahil ganito rin ang ipinakadiin-diinan ni Paul, “kailangan pa bang i-memorize yan? “

Ikaw, kaibigan…kapatid, natutunan mo na ba ang leksiyong itinuturo syo ng Diyos o hanggang ngayo’y di mo pa ma-memorize at pilit pa ring mini-memorize.

Kailangan pa bang i-memorize yan?”

Isang pagbubulay-bulay.

2009 copyrighted.

Monday, March 8, 2010

Turumpo - Pabalik-balik, Paikot-ikot


Mula sa panulat ni Max Bringula

Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga, habang araw na paikot-ikot.” – Mangangaral 1:5-6

Ganito ang napansin ni Solomon sa takbo ng buhay. Parang araw na sisikat at lulubog sa pinanggalingan. Bagama’t di naman umaalis ang araw sa kinalalagyan pagkat ang mundo ang siyang umiikot-ikot, pabalik-balik sa araw. Parang hangin na walang-sawa sa pag-ihip mula timog hanggang silangan, pati na hilaga at kanluran. Aalis, babalik, subalit naroroon pa rin pabalik-balik, paikot-ikot lang.

Para ring turumpo na pag inihagis ay iikot-ikot at pagkadaka’y hihinto pagkatapos.

Ganito ang buhay sa mundong ibabaw. Gigising sa umaga upang matulog uli pagsapit ng dilim. Isisilang upang bumalik din sa alabok kung saan nanggaling. Darating sa lupa para lisanin ulit pagdating ng araw?

Pabalik-balik, paikot-ikot lamang. Sabi nga ni Kim Atienza, “ang buhay ay weder-weder lang”.

Subalit ganito nga ba ang layunin ng Diyos sa atin? Ito nga ba ang Kanyang nais sa buhay na kaloob Niya?

Ang sagot ay “hindi” pagkat ang ibig Niya ay buhay na masagana, may kulay, may sigla at may pag-asa. Hindi pabalik-balik at paikot-ikot lamang.

At yan ay mararanasan ng lubos kung si Kristo ang nasa ating puso pagkat Siya ang tunay na kahulugan ng buhay.

Kilalanin natin Siya't iluklok sa trono ng ating puso bilang Panginoon at Tagapagligtas upang buhay nati'y di mistulang turumpong, paikot-ikot lamang.

Isang Pagbubulay-bulay.

Tuesday, March 2, 2010

Pagbabalik-loob


Mula sa Panulat ni Max Bringula

"So the people of Nineveh believed God, proclaimed a fast, and put on sackcloth, from the greatest to the least of them." - Jonah 3:5

Maraming mga kaganapan sa Bibliya ang ating matutunghayan tungkol sa pagbabalik-loob ng tao sa Diyos matapos marinig ang Kanyang Salita.

Sa panahon ng Panginoong Hesus mismo, marami ang nanumbalik at kumilala sa Diyos, tumalikod sa kasalanan at tuluyang naglingkod tulad ng mga apostoles. Nang si Paul ay magsimulang maghayag ng Ebanghelyo ng mabuting balita ng kaligtasan, marami ang tumanggap nito at kinilala ang Diyos sa kanilang buhay. Paul basically “turned the world upside down”. Sila’y nagbalik-loob.

Ito rin ang naganap sa Nineveh. Pagkatapos ihayag ni Jonah ang iniutos sa kaniya para sa Nineveh, sila’y nagbalik-loob sa Diyos, lahat ay nag-ayuno mula sa pinakamataas sa lipunan hanggang sa pinakamababa, pati na ang mga hayop na kanilang alaga bilang tanda ng pagsisi sa kasalanan at panunumbalik sa Diyos. (Jonah 3:5-10)

At sila’y Kaniyang pinakinggan. Ang parusang dapat igagawad sa kanila ay di Niya na ipinataw, bagkus sila’y pinatawad at pinanagana sa buhay, pisikal at espirituwal.

Ganito rin ang Diyos sa atin. Kung tayo’y magsisisi at magbabalik-loob sa Diyos, kikilala sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas, ang parusang dapat ay kakamtin natin ay Kanya ng papawiin at tayo’y pagkakalooban ng buhay na walang-hanggan.

Kaya nga’t tayo ng magbalik-loob sa Diyos. Huwag ng hintayin pa na maranasan ang parusa dito sa lupa at sa kabilang buhay dahil sa ating mga kasalanan. Bagkus magsisi, talikdan ang likong pamumuhay at humarap sa Diyos. Kilalanin Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas, at ang buhay na walang-hanggan ang ating makakamit.

Halina, kapatid, kaibigan…. tayo ng magbalik-loob sa Kaniya. Ito ang buhay na ibig Niya sa iyo.

Isang pagbubulay-bulay.