Sunday, February 22, 2009

Sinturong Pangkaligtasan (Always Buckled Up)

Pagbubulay-bulay Araw Araw

Mga binibini, ginang at ginoo, ilang sandali po lamang tayo ay lalapag na sa paliparan ng Ninoy Aquino International Airport. Mangyari lamang po na panatilihing nakasuot ang sinturong-pangkaligtasan habang hindi pa lubos na nakatigil ang ating sasakyan” – ang paalalang aking naulinigan at nagpabalikwas sa akin mula sa upuan. “Narito na pala ulet ako sa Pilipinas” ang aking naibulalas.

Maririnig ang ganitong paalala kapag papalapag na ang eroplano sa paliparan di lamang sa NAIA kungdi maging sa iba’t ipang paliparan ng mundo. Ito’y upang matiyak ang kaligtasan ng pasahero pagkat minsa’y sa labis na pagkasabik ay agad itong tatayo, kukunin ang gamit at akmang lilisanin ang eroplano bagama’t wala pang pahintulot na ibinibigay ang piloto dahil di pa lubos na nakatigil ang eroplano sa himpilan nito.

Ang paggamit ng sinturong pangkaligtasan ay isang mahalagang gamit na makapagliligtas sa tao sakaling may sakunang maganap kapag tayo’y nakasakay di lamang sa eroplano kungdi maging sa mga sasakyang tulad ng kotse o jeepney. Kaya nga’t ang paggamit nito ang siyang sinisikap ipatupad ng mga nasa awtoridad. At ang pagsunod dito ay siya namang dapat gawin ng mga kinauukulan.

Sa buhay espirituwal, mayroon ding tinatawag na sinturong pangkaligtasan na dapat lagi nating gamit at suot. Ito’y ating mababasa sa Epeso 6:14 na ganito ang sabi “Stand firm then, with the belt of truth buckled around your waist.”

Ito’y bahagi ng talatang nagbabanggit patungkol sa ‘baluti ng Diyos” na dapat daw nating suutin bilang mga lingkod at sundalo ng Panginoon upang magtagumpay laban sa palaso ng kalaban at maligtas sa anu mang hirap at sakit na mararanasan sakaling palaso'y tumama sa atin. (Ephesians 6:11-17).

Dapat daw suot natin lagi ang sinturon. Sabi nga sa poster na aking nakita’t nabasa, “Always buckled up”.

Buckled up with the truth of God’s Words. Pagka’t ang Salita Niya ang magliligtas sa atin sa mga pain ng kalaban. Ang katotohanan ng Kanyang mga Salita ang magliligtas sa atin sa mga di kanais-nais na bagay o pangyayaring maaaring maganap kungdi tayo nakasinturon ng katotohanan o di tayo lubusang tumatalima sa sinasabi ng Kanyang mga Salita.

Suot mo ba ang sinturong pangkaligtasan? Nagnanais ka ba ng buhay na matagumpay? Ng kapayapaan at hindi ng kaguluhan, galak at di ng pighati, ng kasaganahan at kalakasan.

Remember this “Always buckled up!”

Isuot mo ang sinturon ng pangkaligtasan.

Live the truth of His Words. Don't just be a hearer (or reader), but be a doer of God's Words.

Isang Pagbubulay-bulay.

No comments: