Friday, January 9, 2009

Maghunos-dili


Maririnig natin ang katagang ito kapag may nais tayong papayapain na damdaming nag-aapoy sa labis na galit o poot. Sinasabi nating “maghunos-dili ka”. Sa simpleng kataga, “mag-isip-isip ka”.

Sa pamamagitan ng pagsasabi ng katagang ito “maghunos-dili ka”, sinisikap nating pigilan ang di kanais-nais na pangyayaring maaring maganap kung hindi mapapayapa ang damdamin o magbabago ng isipan, o kaya’y kung di muna mag-iisip ng makailang beses bago gagawin ang isang bagay o magdedesisyon.

Ito rin ang tahasang sinasabi ng Salita ng Diyos na ating pagbubulay-bulayan sa araw na ito na matatagpuan sa Romans 12:2 - "And do not be conformed to this world, but be transformed by the renewing of your mind, that you may prove what is (that) good and acceptable and perfect will of God."

Sa tagalog – "Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos."

Ang kahulugan ng salitang “maghunos” ay “magbago” o “magpalit”. Tulad ng ahas na nagpapalit ng balat, sinasabi nating siya’y naghuhunos. Ang salitang “dili” naman, ang ibig sabihin ay “isip”. (Hindi yung “hindi” sa Bisaya na “dili oy” o kaya’y “dili ko kasabot”).

Kung kaya’t sa pagsasabi ng “maghunos-dili” – sinasabi nating magbago o magpalit ng isip.

At ito raw ang napakahalagang bagay na dapat nating matutunan bilang mga lingkod ng Panginoon o bilang kanyang mga anak. Ang “maghunos-dili”. Magbago na ng isipan. Nang magkagayon, mababatid natin ang mabuting kalooban ng Diyos.

Huwag na raw tayong umayon pa sa takbo o galaw ng mundo. Pagkat tayo’y Kanya ng binago at iniligtas sa tiyak na kapamahakan, dapat lamang na ang ating buhay at maging ng ating pag-iisip ay mabago ayon sa ibig ng Diyos.

Papaano ba nag-huhunos-dili? O papaano sinasabing isipan nati’y nabago na – mula sa maka-sanlibutan tungo sa kabanalan? Kung dati-rati’y laman ng ating isip ay ang pag-iimbot, ang pagiging makasarili, panglalamang sa kapwa, o mga mahahalay na bagay, ngayon ang ating ini-isip na ay yung makakabuti sa kapwa at makapagbibigay kaluguran sa ating Panginoon.

Kapag payapa ang isipan, kapag mabubuting bagay ang ating iniisip, mas higit nating nababatid ang mabuting kalooban ng Diyos. Kung kaya’t sa pagpasok ng Bagong Taon, habang ilang araw pa lang ang nalalagas sa taong 2009, mainam na tayo’y “maghunos-dili” upang masaganang biyaya ng Diyos ay sumaatin.

Maraming mga disgrasya, kaguluhan at mga di kanais-nais na pangyayari ang naiiwasan kapag tayo’y naghuhunos-dili. Maraming mga bagay na napagtatagumpayan kung ang tao’y nag-iisip muna o naghuhunos-dili.

Upang tuluyang mabago ang isipan, upang tuluyang makapaghunos-dili, ating sundin ang sinasabi sa Philippians 4:8 na ganito ang nakasaad –

Finally, brothers, whatever is true, whatever is noble, whatever is right, whatever is pure, whatever is lovely, whatever is admirable - if anything is excellent or praiseworthy - think about such things.” Ito ang ating paka-isipin.

Tayo’y maghunos-dili.

Isang pagbubulay-bulay.

No comments: