Sunday, January 11, 2009

Ga-Tuldok Lamang sa Iyong Paningin


When I consider your heavens, the work of your fingers, the moon and the stars, which you have set in place, what is man that you are mindful of him?” (Psalms 8:3-4)

Pinalad akong magka-panahon na manood ng DVD movie gamit ang aking laptop nung nakaraang Huwebes. Sa dami ng pelikulang nais kong panoorin, I decided to watch the movie “Horton Hears a Who!”, out of curiosity.

Ito’y kwento ng isang elepante na ang pangalan ay Horton na nakaulinig ng tunog o sigaw mula sa isang “speck” o sa tagalog ay maliit na dumi o alikabok na inililipad ng hangin, na nagkataong dumaan sa harap ng kanyang mga mata at pagkadaka’y sa kanyang tainga. Sa kanyang pakiwari ay may kakaibang ingay siyang narinig mula sa “speck” na nangangailangan ng kanyang tulong. Kung kaya naman sinikap niyang habulin ang “speck” na ito kahiman magkagalos-galos siya at dumaan sa mga panganib mailigtas lamang yung mga nilikhang naroroon sa “speck” at maiwasang mahulog ito sa lupa o sa tubig. Pinalad naman siyang maisalba ang “speck” at mailagay sa ibabaw ng bulaklak na ang pangala’y clover. At doon nagsimula ang komunikasyon at ugnayan ni Horton, ang malaking elepante, sa mga nilikhang ga-tuldok ang laki.

Bagama’t kathang-isip lamang ang nasabing pelikula, nakatutuwang isipin na mayroon palang ganun kaliit na nilikha na magkakasya sa isang “speck” o alikabok. Gaano ba kaliit ang speck? Ang kahalintulad ng salitang “speck” ay “dot” o tuldok (.) o “iota” o kuwit (). Ganuon kaliit ang “speck” and yet iisipin mong may nakatira roon na isang komunidad.

Ang larawang ito’y maihahalintulad sa agwat ng tao sa Diyos kung ihahambing ang nilikha sa Kanyang Tagapaglikha. Tayo’y ga-tuldok lamang sa paningin ng isang napakalaking Diyos na pumupuno ng langit at lupa. Baka nga di tayo mapansin kahiman itapat sa microscope ng Diyos.

Subalit ga-tuldok man tayo kung ihahambing sa laki, lawak at lalim ng isang Dakila’t Makapangyarihang Diyos, napakalaki naman natin sa Kanyang paningin.

Sabi ng Psalmist, “When I consider your heavens, the work of your fingers, the moon and the stars, which you have set in place, what is man that you are mindful of him?” (Psalms 8:3-4)

Kung ihahambing daw ang tao sa mga nilikha Niyang langit, pati na ng tala, buwan at mga bituin, sino ang tao para pag-ukulan ng Diyos ng Kanyang paglingap. Ga-tuldok lamang siya kumpara sa mga ito.

Subalit sadyang minahal tayo ng Diyos ng labis. Buhay Niya’y inialay para sa atin upang kaligtasa’y kamtin. Nagkatawang-tao upang tayo’y iligtas sa tiyak na kapamahakan.

Tulad ng karakter sa pelikulang “Horton Hears a Who!”, ang Panginoon Hesus din ay sinuong ang panganib, dumanas ng hirap at pasakit, hinamak at inalipusta, ipinako’t namatay, upang mabigyan lamang tayo ng buhay na walang-hanggan. Matiyak ang ating kaligtasan kahiman buhay Niya ang kapalit.

Sino nga ba ang tao para pag-ukulan Niya ng ganoong pagmamahal? Ito ay dahil ikaw, ako, tayong lahat ay espesyal sa Kanyang paningin. Ga-tuldok man tayo.

Salamat sa Diyos!

Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

No comments: