Friday, January 30, 2009

Manila Here I Am

Am on a short leave starting 31 January 2009, the date I would arrive in NAIA@ 2230 Hours to be exact. Reason, I will attend the upcoming dbd Leaders Summit to be held in Tayabas, Quezon from 03 to 05 February 2009. I've been looking forward to this momentuous event and am glad I would be a part of it. Please do pray for the success of this event and for my safe travel in and out of the country. I will continue to update my blog, still. So hang on. Pagbubulay-bulay is still very much around.

See you folks. God bless always.




Monday, January 19, 2009

Happy Wedding Anniversary


alu kuya Bobot and ate Mitch, HAPI Wedding Anniversary sa inyong dalawa. wOw...wOwOwee... congrats! you made it this far. That means the Lord had blessed your knot so much. Keep it up, lalo na ngayong may bago na naman kayong baby to come. That's indeed a blessing. Ate na si Lei...

At dahil espesyal ang araw na ito (20 January 2009) sa inyong dalawa, kami na mga nagmamahal nyong mga kapusot' kapamilya sa day by day ay bumabati sa inyo ng isang Happy, Happy Anniversary. Nawa'y lalo lang pang yumabong ang inyong pagsasama. Maging matatag at patuloy na sa Kanya magtiwala sa lahat ng oras at pagkakataon.

"May the Lord make your love increase and overflow for each other and for everyone else, just as ours does for you." (1 Thessalonians 3:12)

Ulet... Hapi Anniversary. Hapi Blowout. hehehe....

mula sa amin,

DBD Kapamilya't Kapuso Pa

Sunday, January 18, 2009

Sa Ugoy ng Duyan


"Come to me, all you who are weary and burdened, and I will give you rest." (Matthew 11:28)

Iduyan mo ako sa ‘yong mga yakap
Dalhin mo ako sa dakong naroon Ka
Dahil napakasarap Oh Diyos kapag kasama Ka
May kagalakang di mapapantayan
Tunay na ligaya ay nakakamtan.

Ito’y lyrics ng Christian song na aking napakinggan habang ako’y nagmamaneho patungo sa opisina. Ang mga titik ng awit na ito na sinabayan ng malumanay na saliw ng tugtugin at akmang melodiya ay higit na nakapagdulot sa akin ng kakaibang kapahingahan at kalakasan habang siya’y aking pinapakinggan.

Naalala ko tuloy ang duyan na aking gamit nang ako’y paslit pa lamang. Bagama’t siya’y kumot lamang na itinali sa magkabilang dulo at isinabit sa poste ng aming bahay, malaking kapahingahan ang ibinibigay niyon kapag ako'y doon ay humimlay.

Doo’y napakasarap umidlip habang ika’y idinuruyan at inaawitan ng lullaby ni Inay. Mahimbing ang aking pagtulog pagkat tiyak kong sa bawat ugoy ni Inay ng duyan ay lakip roon ang kanyang kalinga’t pagmamahal.

Ganoon din maihahambing ang dulot ng pag-ibig sa atin ng Ama sa Langit. Sa Kanyang mga bisig, animo’y tayo’y nakahimlay sa duyan habang inuugoy ng Kanyang mga kamay. Kaya nga’t sabi ng awit

Iduyan mo ako sa ‘yong mga yakap,
dalhin mo ako sa dakong naroon Ka
Dahil napakasarap oh Diyos kapag kasama Ka
.”

Kung tayo’y napapagal sanhi ng labis na kaguluhan sa mundong ating ginagalawan, kung ang isip nati’y pagod na sa suliraning patuloy na nararanasan, kung ang puso nati’y hapo na sa paghahanap ng kapahingahan at katuparan ng mga minimiti at ninanais sa buhay, kung tayo'y nalulungkot at nalulumbay, alalahanin natin at pakinggan ang paanyaya ng Panginoon –

"Come to me, all you who are weary and burdened, and I will give you rest.” (Matthew 11:28)

Ito ang Kanyang pangako sa atin - sa lahat ng napapagal at namimighati. Tayo’y Kanyang iduruyan. Kalong ng Kanyang kamay at yakap ng Kanyang bisig, ipadarama Niya sa atin ang init ng Kanyang pagmamahal.

Sadyang napakasarap humimlay sa bisig ng ating Diyos. Doo’y makararanas tayo ng kapahingahan, makasusumpong ng kapanatagan, at makakamtan ang katagumpayan.

Ikaw ba’y napapagal, nahahapo, naninimdim, naguguluhan, nalulumbay?

Sa Kanyang duyan tayo humimlay. Sa ugoy ng duyan Niya tayo’y makasusumpong ng kapahingahan.

Iduyan mo ako sa ‘yong mga yakap,
dalhin mo ako sa dakong naroon Ka
Dahil napakasarap oh Diyos kapag kasama Ka.”

Isang pagbubulay-bulay.

Tuesday, January 13, 2009

Obra-Maestra


"For we are God's workmanship, created in Christ Jesus to do good works, which God prepared in advance for us to do." - Ephesians 2:10

Sa nakaraang Pagbubulay-bulay natin, aking nabanggit na ang tao pala kung lilimiin ay animo'y ga-tuldok lamang sa mata ng isang napakalaki, dakila at makapangyarihang Diyos. Kung ang tao ay ikukumpara sa lawak ng kalangitan na nagtataglay ng araw, ng buwan, tala at mga bituin, kung ihahambing siya sa buong sang-nilikha ng Diyos, napakaliit lamang ng tao kung pagmamasdan. Kung kaya't naibulalas ng Psalmist nang liripin niya ang katayuan sa harap ng Panginoon, "Who is man that you are mindful of Him?" (Psalms 8:4)

Subalit ganun man ang kalagayan natin sa Kanyang harapan, tayo'y maituturing na isang obra-maestra ng Diyos. Ito ang binabanggit ng scripture reference natin sa araw na ito, "For we are God's worksmanship, created in Christ Jesus to do good works, which God prepared in advance for us to do" - na ang ibig sabihin, tayo raw ay isang obra-maestra. A masterpiece. Isang kahanga-hangang gawa at disenyo ng isang dalubhasa.

Ito ang katotohanang binabanggit sa Psalms 139:14, "I praise you because I am fearfully and wonderfully made; your works are wonderful, I know that full well."

Ang obra-maestra o chef d'oeuvre sa salitang Franses ay tumutukoy sa isang gawa o akda na iniukit, ipininta, sinulat o binuo na hinahangaan sa kakaiba nitong pagka-gawa at disenyo tulad ng Mona Lisa ni Leonardo Da Vinci, ng mga akdang-musika ni Beethoven, ng mga panulat ni Shakespeare, ng klasikong "Gone With the Wind", ng Pyramid ng Egypt, ng Taj Mahal sa India, o maging ng Ifugao Terraces sa atin. Ang mga ito'y tinaguriang obra-maestra dahil sa pagtataglay nila ng kakaibang katangian na di makikita sa ibang mga akda at siya namang nagpapatanyag sa gumawa at lumikha nito.

Kung ang tao'y isang obra-maestra ng Diyos, samakatuwid siya'y nagtataglay din ng kakaibang-ganda, ng husay, ng talino at kakayahan na magbibigay papuri at paghanga sa kanyang Tagapaglikha.

Subalit papaano ba napapapurihan ang Diyos na lumikha sa atin bilang Kanyang obra-maestra?

Sabi ng Salita Niya na ating pinagbubulay-bulay, "For we are God's worksmanship, created in Christ Jesus to do good works." Sa atin mga mabubuting-gawa raw ang Diyos ay napapapurihan. Sa pamamagitan ng mga salitang namumutawi sa ating mga labi, sa uri ng ating pamumuhay, ng ating pakikipag-ugnayan sa iba, sa ating pakikipag-kapwa, sa ating pagganap sa kanya-kanyang tungkulin at trabaho, sa ating pagtalima sa mga bagay na matuwid at pag-iwas sa masama, napapapurihan ang Diyos na lumikha sa atin. Kanilang sinasambit "napakahusay, napakagaling, kahanga-hanga, kamangha-mangha, kapuri-puri ang sa kanila'y lumikha."

Ito rin kaya ang mga salitang ating maririnig kung tayo'y pagmamasdan mula sa iskaparate o sa lugar na tayo ay naroroon bilang mga obra-maestra ng Diyos? Nababanggit kaya nila na makapangyarihan at napakabuti ng Diyos? Tumataas ba at lalong tumitibay ang kanilang pananampalataya kung tayo'y kanilang nakakasama o nakikilala? Nakapagbibigay liwanag ba tayo sa mga nasa kadiliman, nakapag-aakay ng mga naliligaw tungo sa tamang landas at daraanan, nakapagpapalakas ba tayo ng mga nanghihina at nakapagdudulot ng galak, sigla at pag-asa sa mga nahahapis at dumaranas ng pighati.

Tayo'y nilikha para sa mga mabubuting-gawa. Iniligtas Niya, pinapadalisay at patuloy na pinalalakas upang sa pamamagitan ng ating mga gawa mapapurihan ang may akda sa atin.

We are God's workmanship, created in Christ Jesus to do good works.

Ikaw, ako, tayong lahat ay Kanyang obra-maestra.

Mapapurihan nawa ang Diyos na lumikha sa atin.


Isang pagbubulay-bulay.

Sunday, January 11, 2009

Ga-Tuldok Lamang sa Iyong Paningin


When I consider your heavens, the work of your fingers, the moon and the stars, which you have set in place, what is man that you are mindful of him?” (Psalms 8:3-4)

Pinalad akong magka-panahon na manood ng DVD movie gamit ang aking laptop nung nakaraang Huwebes. Sa dami ng pelikulang nais kong panoorin, I decided to watch the movie “Horton Hears a Who!”, out of curiosity.

Ito’y kwento ng isang elepante na ang pangalan ay Horton na nakaulinig ng tunog o sigaw mula sa isang “speck” o sa tagalog ay maliit na dumi o alikabok na inililipad ng hangin, na nagkataong dumaan sa harap ng kanyang mga mata at pagkadaka’y sa kanyang tainga. Sa kanyang pakiwari ay may kakaibang ingay siyang narinig mula sa “speck” na nangangailangan ng kanyang tulong. Kung kaya naman sinikap niyang habulin ang “speck” na ito kahiman magkagalos-galos siya at dumaan sa mga panganib mailigtas lamang yung mga nilikhang naroroon sa “speck” at maiwasang mahulog ito sa lupa o sa tubig. Pinalad naman siyang maisalba ang “speck” at mailagay sa ibabaw ng bulaklak na ang pangala’y clover. At doon nagsimula ang komunikasyon at ugnayan ni Horton, ang malaking elepante, sa mga nilikhang ga-tuldok ang laki.

Bagama’t kathang-isip lamang ang nasabing pelikula, nakatutuwang isipin na mayroon palang ganun kaliit na nilikha na magkakasya sa isang “speck” o alikabok. Gaano ba kaliit ang speck? Ang kahalintulad ng salitang “speck” ay “dot” o tuldok (.) o “iota” o kuwit (). Ganuon kaliit ang “speck” and yet iisipin mong may nakatira roon na isang komunidad.

Ang larawang ito’y maihahalintulad sa agwat ng tao sa Diyos kung ihahambing ang nilikha sa Kanyang Tagapaglikha. Tayo’y ga-tuldok lamang sa paningin ng isang napakalaking Diyos na pumupuno ng langit at lupa. Baka nga di tayo mapansin kahiman itapat sa microscope ng Diyos.

Subalit ga-tuldok man tayo kung ihahambing sa laki, lawak at lalim ng isang Dakila’t Makapangyarihang Diyos, napakalaki naman natin sa Kanyang paningin.

Sabi ng Psalmist, “When I consider your heavens, the work of your fingers, the moon and the stars, which you have set in place, what is man that you are mindful of him?” (Psalms 8:3-4)

Kung ihahambing daw ang tao sa mga nilikha Niyang langit, pati na ng tala, buwan at mga bituin, sino ang tao para pag-ukulan ng Diyos ng Kanyang paglingap. Ga-tuldok lamang siya kumpara sa mga ito.

Subalit sadyang minahal tayo ng Diyos ng labis. Buhay Niya’y inialay para sa atin upang kaligtasa’y kamtin. Nagkatawang-tao upang tayo’y iligtas sa tiyak na kapamahakan.

Tulad ng karakter sa pelikulang “Horton Hears a Who!”, ang Panginoon Hesus din ay sinuong ang panganib, dumanas ng hirap at pasakit, hinamak at inalipusta, ipinako’t namatay, upang mabigyan lamang tayo ng buhay na walang-hanggan. Matiyak ang ating kaligtasan kahiman buhay Niya ang kapalit.

Sino nga ba ang tao para pag-ukulan Niya ng ganoong pagmamahal? Ito ay dahil ikaw, ako, tayong lahat ay espesyal sa Kanyang paningin. Ga-tuldok man tayo.

Salamat sa Diyos!

Pagbubulay-bulay Araw-Araw.

Friday, January 9, 2009

Maghunos-dili


Maririnig natin ang katagang ito kapag may nais tayong papayapain na damdaming nag-aapoy sa labis na galit o poot. Sinasabi nating “maghunos-dili ka”. Sa simpleng kataga, “mag-isip-isip ka”.

Sa pamamagitan ng pagsasabi ng katagang ito “maghunos-dili ka”, sinisikap nating pigilan ang di kanais-nais na pangyayaring maaring maganap kung hindi mapapayapa ang damdamin o magbabago ng isipan, o kaya’y kung di muna mag-iisip ng makailang beses bago gagawin ang isang bagay o magdedesisyon.

Ito rin ang tahasang sinasabi ng Salita ng Diyos na ating pagbubulay-bulayan sa araw na ito na matatagpuan sa Romans 12:2 - "And do not be conformed to this world, but be transformed by the renewing of your mind, that you may prove what is (that) good and acceptable and perfect will of God."

Sa tagalog – "Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos."

Ang kahulugan ng salitang “maghunos” ay “magbago” o “magpalit”. Tulad ng ahas na nagpapalit ng balat, sinasabi nating siya’y naghuhunos. Ang salitang “dili” naman, ang ibig sabihin ay “isip”. (Hindi yung “hindi” sa Bisaya na “dili oy” o kaya’y “dili ko kasabot”).

Kung kaya’t sa pagsasabi ng “maghunos-dili” – sinasabi nating magbago o magpalit ng isip.

At ito raw ang napakahalagang bagay na dapat nating matutunan bilang mga lingkod ng Panginoon o bilang kanyang mga anak. Ang “maghunos-dili”. Magbago na ng isipan. Nang magkagayon, mababatid natin ang mabuting kalooban ng Diyos.

Huwag na raw tayong umayon pa sa takbo o galaw ng mundo. Pagkat tayo’y Kanya ng binago at iniligtas sa tiyak na kapamahakan, dapat lamang na ang ating buhay at maging ng ating pag-iisip ay mabago ayon sa ibig ng Diyos.

Papaano ba nag-huhunos-dili? O papaano sinasabing isipan nati’y nabago na – mula sa maka-sanlibutan tungo sa kabanalan? Kung dati-rati’y laman ng ating isip ay ang pag-iimbot, ang pagiging makasarili, panglalamang sa kapwa, o mga mahahalay na bagay, ngayon ang ating ini-isip na ay yung makakabuti sa kapwa at makapagbibigay kaluguran sa ating Panginoon.

Kapag payapa ang isipan, kapag mabubuting bagay ang ating iniisip, mas higit nating nababatid ang mabuting kalooban ng Diyos. Kung kaya’t sa pagpasok ng Bagong Taon, habang ilang araw pa lang ang nalalagas sa taong 2009, mainam na tayo’y “maghunos-dili” upang masaganang biyaya ng Diyos ay sumaatin.

Maraming mga disgrasya, kaguluhan at mga di kanais-nais na pangyayari ang naiiwasan kapag tayo’y naghuhunos-dili. Maraming mga bagay na napagtatagumpayan kung ang tao’y nag-iisip muna o naghuhunos-dili.

Upang tuluyang mabago ang isipan, upang tuluyang makapaghunos-dili, ating sundin ang sinasabi sa Philippians 4:8 na ganito ang nakasaad –

Finally, brothers, whatever is true, whatever is noble, whatever is right, whatever is pure, whatever is lovely, whatever is admirable - if anything is excellent or praiseworthy - think about such things.” Ito ang ating paka-isipin.

Tayo’y maghunos-dili.

Isang pagbubulay-bulay.

Monday, January 5, 2009

Senyales o Palatandaan

Ang pagbibigay ng senyas (o signs) gamit ang iba’t ibang bahagi ng katawan tulad ng kamay, paa, daliri, mata, kilay, balikat atbp. ay napakahalaga sa larangan ng komunikasyon, pagkat minsa’y may mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng salita o panulat lamang kung kaya’t kailangang gamitin ang mga ito upang malinaw na maihatid sa kausap o tagapakinig ang nais tukuyin o ipahiwatig.

Andiyang itataas mo ang iyong kamay, o kaya ika’y maghahalukipkip, ihahakbang ang paa, ipangtuturo ang daliri, itataas ang isang kilay, ikikindat ang kanang mata, ingingiwi ang labi, magkikibit-balikat, at kung anu-ano pang mga gestures, facial expressions or body movements.

Sa pamamagitan ng galaw ng katawan o bahagi nito o kaya’y paglalagay ng malinaw at malaking mga sign boards or signage, nakapagbibigay tayo ng karagdagang kaliwanagan, ng gabay, ng alituntunin at maging ng babala sa sinumang makakakita o makakabasa nito.

Bahagi na ng araw-araw na buhay ng tao ang senyas o mga senyales. Ang tao ayon sa Panginoon ay napakagaling magbasa ng senyales o palatandaan. Sabi Niya sa Matthew 16:2-3, “Sa dapit-hapon ay sinasabi ninyo ‘magiging mabuti ang panahon bukas sapagkat maaliwalas ang langit’. At sa umagang-umaga ay sinasabi ninyo ‘uulan ngayon sapagkat madilim ang langit.’ Nababasa ninyo ang palatandaan sa langit, ngunit hindi ninyo mabasa ang mga palatandaan ng kasalukuyang panahon.”

Tunay nga naman. Maraming mga pagkakataong nababasa natin ang magaganap sa pamamagitan ng mga senyales o palatandaan. Sa Pilipinas, kapag lumilipad ang ipis at hindi ito mapakali kung saan darapo, sabi natin “uy, uulan”. O kaya’y kapag walang patid ang “pag-kokak ng mga palaka”, alam natin na “uulan”.

Kahit dito sa Saudi Arabia, tukoy natin kung lalamig na ang panahon o iinit pa. Ito ay kapag nag-sandstorm. Sinasabi natin malapit ng papasok ang winter, o kaya’y magsa-summer na.

Maging sa ugnayang-pang-tao, magaling tayong magbasa ng mga tanda. Kapag si misis ay kumunot na ang noo at nanahimik, alam nating ito’y galit na. Hindi na natin kailangan pang makakita ng lumilipad na kaldero’t palayok para mabatid natin na galit na si kumander.

Kapag nakatanggap tayo ng text messages mula sa Pilipinas tuwing kinsenas o katapusan ng buwan, alam na rin natin ang ibig sabihin niyon kahit na nga hindi na basahin pa ang nilalaman ng text messages na kadalasan nama’y “I love you daddy” o kaya’y “kumusta ka na riyan, honey” ang laman niyon. Alam na alam mo na na iyon ay pagpaparamdam ng ipapadala mong monthly remittance.

Wais ito” ang sambit mo pa.

Yun nga lamang, kung gaano raw tayo kagaling magbasa ng mga palatandaan, dapat din daw na mahusay tayong magbasa ng palatandaan ng kasalukuyang panahon (or sign of the times).

Nababasa ba natin o nakikita ang mga senyales ng kasalukuyang panahon? That the signs of the Lord’s near coming are just around the corner.

Ang mga pangyayaring nagaganap sa ating kapaligiran ay mga senyales o palatandaan na papalapit na ang Kanyang muling pagbabalik. Ganito ang nakasaad sa Matthew 24:4-14,

"Take heed that no one deceives you. 5 For many will come in My name, saying, 'I am the Christ,' and will deceive many. 6 And you will hear of wars and rumors of wars. See that you are not troubled; for all these things must come to pass, but the end is not yet. 7 For nation will rise against nation, and kingdom against kingdom. And there will be famines, pestilences, and earthquakes in various places. 8 All these are the beginning of sorrows.

9 "Then they will deliver you up to tribulation and kill you, and you will be hated by all nations for My name's sake. 10 And then many will be offended, will betray one another, and will hate one another. 11 Then many false prophets will rise up and deceive many. 12 And because lawlessness will abound, the love of many will grow cold. 13 But he who endures to the end shall be saved. 14 And this gospel of the kingdom will be preached in all the world as a witness to all the nations, and then the end will come.

Ang digmaang nagaganap ngayon sa pagitan ng Israel at Hamas, at iba pang mga digmaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay ilan lang sa mga palatandaang binabanggit. Ang tag-gutom at tag-tuyot, ang pagbagsak ng dolyar at pagbaba ng presyo ng langis, ang financial crisis at worldwide recession na nararanasan sa lahat ng lupalop ng mundo ay mga palatandaan. Ang lindol, ang pagsulpot ng mga bulaang propeta at paglaganap ng kasamaan, at maging ang walang humpay na paghahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan ay ilan lang sa mga malinaw na palatandaan ng Kanyang muling pagbabalik.

Nababasa ba natin ito?

Masasabi ba nating ating batid ang palatandaan ng kasalukuyang panahon (or sign of the times) kung ang buhay nati’y masalimuot pagkat walang kinikilalang Panginoon. Kung ang masamang gawi ang umiiral sa atin at hindi kabutihan at pagsunod sa Kanyang kalooban. Kung ang inuuna’y luho ng katawan at naaakit pa ng sanlibutan.

Pagkat kung batid natin ang senyales o palatandaan ng kasalukuyang panahon, ito’y makikita at mamamalas sa atin - buhay nati’y matuwid, kalooban Niya ang sinusunod, inihahayag natin ang Mabuting Balita at kinakikitaan tayo ng pagmamahal at ng pagpapatawad sa bawat isa.

The signs of the times.

Nakikita mo ba ang mga senyales? Nababasa mo ba ang mga palatandaan?

Mapalad ang mga nakakakita at nakakabasa nito.

Isang pagbubulay-bulay.