Sunday, December 14, 2008

Ibalik Nyo Ako sa Ehipto



Ito marahil ang umaalingawngaw na tinig na maririnig nang ang mga Israelita ay halos masukol na ng mga kawal ng Pharaoh na sa kanila’y tumutugis.

Sa klasikong pelikulang “Ten Commandments”, maaalala natin ang eksenang ito kung saan ang mga Israelita ay laksa-laksang nagsipaglisan sa bayang Ehipto sa pamumuno ni Moses upang tumungo sa Lupang Pangako na kaloob sa kanila ng Diyos at upang sila’y sagipin Niya sa pagkaka-alipin sa bayang iyon.

Matapos na sila’y payagang maka-alis sa Ehipto ay nagbago ang isip ng Pharaoh at iniutos sa kanyang mga kawal na habulin ang mga Israelita sakay ang mga karwaheng pandigma ng buong Ehipto.

Labis na takot ang nadama ng mga Israelita nang mga sandaling iyon kung kaya’t mabilis din ang kanilang pagtakbo upang di sila maabutan hanggang sa tumambad sa kanilang harapan ang napakalawak na dagat at iyon na lamang ang tangi nilang masusuungan upang di magapi o mapatay ng mga kawal ng Pharaoh.

Subalit papaano nila tatawirin ang isang malawak at malalim na dagat – papaano makakaraan ang laksa-laksang mga Israelita - mga lalaki’t babae, bata’t matanda, kasama pati mga hayop na kanilang alaga sa nasabing dagat? Malulunod rin sila kung susuungin nila ang dagat na iyon. Aabutan rin sila ng mga sundalo na sakay ng karwaheng pandigma kung di naman sila tatakbo patungo sa dagat.

Ito ang napakalaking dilemma na kanilang kinahaharap. Masusukol na sila. Kumbaga tulad ng pagkagapi ni Pacquiao kay Dela Hoya sa kanilang laban kamakailan lamang kung saan na knock-out ang huli sa 8th round, ang mga Israelita rin ay na-korner na. Tiyak na ang kanilang kamatayan. Ito na ang huli nilang mga sandali.

Ang takot nila’y lalo pang sumidhi. Sinisi nila si Moses sa kinasapitan nila. (Exodus 14 :11-12)

Wala na bang mapaglilibingan sa amin sa Ehipto kaya mo kami dinala rito sa disyerto para mamatay?"

"Hindi ba’t sinabi na namin sa iyo na ganito ang mangyayri? Sinabi na namin sa iyo na huwag kaming pakialaman, at pabayaan na kaming manatiling alipin ng mga Ehipto sapagkat ibig pa namin ang manatiling alipin kaysa mamatay dito sa ilang.”

"Ibalik nyo ako sa Ehipto!"

Yan ang animo’y umalingawngaw na parang batingaw sa buong kapaligiran ng mga oras na yaon.

"Ibalik nyo ako sa Ehipto !!!! "

Mas nanaisin pa nila na bumalik sa Ehipto kaysa makarating sa Lupang Pangako na ipinangako sa kanila ni Yahweh. Nalimot nila ang pangakong ito nang sila’y nasa kagipitan na. Mas nais pa nilang maging alipin muli sa Ehipto kaysa malasap ang kaligtasan at kasaganahang pangako ng Diyos.

Tayo ba’y tulad din nila?

Bumabalik din ba tayo sa ating kanya-kanyang Ehipto kapag nakararanas na ng mga mabibigat na problema? Kapag pananampalataya nati’y dumaraan sa matinding pagsubok sa labis na hirap at lungkot na nararanasan? Kapag dumarating ang takot at agam-agam sa mga balitang natatanggap at naririnig sanhi ng kasalukuyang worldwide recession? Kapag nahahapo na at nabibigatan, at nais ng sumuko.

Bumabalik ba tayo sa Ehipto?

Ehipto. Ano ba ito sa atin?

Ito’y sumisimbolo ng pagiging alipin o ng mga bagay na nagdudulot sa atin upang maging alipin – ng ibang tao, ng sarili, ng masamang gawi o bisyo, o ng pagmamahal ng labis sa salapi o materyal na bagay. Aliping maituturing ang sinumang di makawala sa mga ito.

Ang mga Israelita’y naging alipin sa bayang Ehipto. Gayundin naman ang kalagayan ng sinuman na nagnanais pang bumalik sa mga maling gawi o bagay na nagpapa-alipin sa atin dahil sa di natin ibig na magtiis, o kaya’y sa pagnanais nating takasan ang hirap, o kaya nama’y sanhi ng takot, agam-agam, o kabalisaan.

Kung kaya’t tulad ng mga Israelita, sambit mo rin “Ibalik nyo ako sa Ehipto!”

Sabi ng ating Panginoon sa Matthew 7:13-14, “malapad ang pintuan at malawak ang daan patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok rito. Subalit maliit ang pintuan at makipot ang daan patungo sa kaligtasan at buhay, subalit kakaunti lamang ang nakasusumpong nito.”

Alin ang ibig mo? Tumungo sa Lupang Pangako na dulot ay buhay na walang-hanggan o bumalik sa Ehipto na ang dulot ay pagkaka-alipin.

Ibalik nyo ako sa Ehipto!” – ito pa rin ba ang isinisigaw ng iyong puso?

Isang pagbubulay-bulay.

No comments: