Saturday, December 20, 2008

Pasko Po Sa Amin


Malamig ang simoy ng hangin,
kay saya ng bawat damdamin.
Ang tibok ng puso sa dibdib,
para bang hulog na nang langit.
Himig ng Pasko'y laganap,
mayrong sigla ang lahat.
Wala ang kalungkutan,
lubos ang kasayahan.

Ito’y mga titik sa isa sa mga popular na awiting Pamasko na maririnig sa Pilipinas (o maging dito man sa ibayong dagat) tuwing sasapit ang kapaskuhan. Sa huling stanza ng awitin ay maririnig pa ang ganito -

Himig ng Pasko'y umiiral,
sa loob ng bawat tahanan.
Masaya ang mga tanawin,
may awit ng simoy ng hangin.

May sangkap ng katotohanan at may sangkap din ng kaibhan ang nasabing awit kung ihahambing sa kasalukuyang nararanasan at nagaganap.

Totoong malamig ang simoy ng hangin. In fact, sadyang napakalamig at ito’y tumatagos hanggang kaibuturan ng buto, ika nga. Ito’y sanhi ng lamig ng hangin sa Siberia na nililipad patungo di lang sa Pilipinas, kungdi higit dito sa Gitnang Silangan. Sambit ng marami, “nawa’y ang lamig na ito’y di maging kasing-lamig na naranasan sa nagdaang mga taon.”

Kunsabagay, excited din ang iba kapag winter time. Dahil ang mga suuting pang-lamig ay muling nailalabas mula sa mga baul at taguan upang suutin, at tumataas ang benta ng heater, upang lamig ay sumandaling maibsan at madama ang init na kailangan.

Tunay na malamig ang simoy ng hangin kung kapaskuhan.

Subali’t ang simoy ba ng hangin ay may dalang saya sa bawat damdamin? Ang tibok ba ng puso sa dibdib ay para hulog ng langit? Himig ba ng Pasko sa loob ng tahanan ay maririnig at nararamdaman? Masaya ba ang tanawin at ang kalungkutan ay napapawi? May himig ba ng awit sa simoy ng hangin?

Ito ang mga katanungang maaari nating pagbulay-bulayan tuwing sasapit ang kapaskuhan. Mga katanungang masasagot din naman kung ang tunay na diwa ng Pasko’y ating lubos na batid at siyang gagawin.

Kung kaya’t ang mainam na tanong ay “Ano ba ang Pasko sa atin?” Ano ba ang Pasko sa iyo, sa mga bata, sa mga OFW tulad natin, sa mga nagdarahop at maralita, sa mga ordinaryo at simpleng Juan Dela Cruz?

Sa bawat isa, iba’t iba ang hugis, anyo at kulay ng Pasko.

Sa mga paslit at musmos na bata, ang Pasko’y panahon ng pagtanggap ng regalo o mga aginaldo mula kay ninong at ninang. Kaya nga’t sabi ng isang awit - “Mano po ninong, mano po ninang, narito kami ngayong humahalik sa inyong kamay. Salamat ninong, salamat ninang sa aginaldo pong inyong ibibigay.”

Sumasaya ang Pasko sa kanila sa mga regalong natatanggap. Pagka’t ang Pasko’y panahon ng pagbibigay, kung kaya’t laging bahagi ng kasiyahang pamasko ang "exhange gifts" kung saan nagpapalitan ng regalo ang bawat isa. Subalit ang regalong natatanggap ba ang siyang tunay na diwa ng Pasko? O ang pagbibigay ng bukal sa puso kalakip ang tunay na pagmamahal?

Sa iba nama’y ang Pasko’y kumpleto kapag may bagong damit, bagong sapatos, o bagong gamit. Dapat bago ang celfon, may bagong computer o laptop, dvd player o digital camera. Kung magkakagayon, papaano kaya ang mga maralita? Pasko ba sa kanila’y kulang o wala, pagkat salat sa salaping maibibili ng mga ito? Ang mga materyal na bagay ba na taglay natin at kinasasabikan ang tunay na diwa ng Pasko? O ang kapayapaan ng puso at katahimikan ng isipan kahiman isang lumang damit at payak na panyapak lamang ang ating suot-suot?

Sabi naman ng iba, pag Pasko dapat ay may masasarap na pagkain sa hapag-kainan. May hamonado at keso-de-bola, may manok at litson, alimango’t hipon. May masasarap na prutas at mga pagkaing panghimagas. Subalit papaano kaya kung wala ang mga ito sa ating hapag-kainan? Kungdi, tuyo’t isang pinggang kanin lamang ang nasa ating harapan. Matatawag kayang Pasko ito para sa atin? Ang mga masasarap na pagkain ba ang siyang nagpapasiya at nagdudulot ng sigla sa isang tahanan at siyang kumukumpleto ng Pasko? O ang tunay na pagmamahal sa isa’t isa na laging handang umunawa at magpatawad sa mali ng iba ang bumubuo sa isang pamilya at nagbibigay saya at sigla sa isang tahanan at kumukumpleto ng Pasko.

Magandang sariwain ang naganap sa isang sabsaban dalawang-libong taong mahigit na ang nakaraan, kung saan ipinanganak ang ating Dakilang Manunubos. Ito’y isang gabing tahimik at puspos ng kabanalan. A silent and a holy night. Ito’y isang gabing payak, hubad sa mga kumukuti-kutitap at mga materyal na bagay. Walang mamahaling pagkain kungdi darak at mga damong pagkain ng mga hayop sa sabsaban ang naroroon.

Walang kaguluhan, walang kabalisaan, walang pag-iimbot, walang poot, walang hinagpis, kungdi punung-puno ng pagmamahal at dakilang pag-asa ang masisilayan sa sabsaban, pagkat dumating na ang tutubos sa sala ng sangkatauhan. Ito ang tunay na diwa ng Pasko.

Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya ka Kaniya ay hindi (na) mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (John 3:16)

Sapagkat sinugo ng Diyos ang Kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kungdi upang iligtas ito sa pamamagitan Niya. (John 3:17)

Si Hesus ang tunay na diwa ng Pasko. Kumpleto ang Pasko kapag kasama Siya.

Pasko mo ba'y may kulay at saya? May galak at may tuwa? Kung wala at di mo mawari kung may Pasko nga bang darating, let's put back Christ in Christmas for HE is the reason for the season.

More importantly, spell it right. Not “Xmas” but Christmas. As “X” is an unknown. But we know who and what Christmas is for – it’s Him.

Si Kristo ang tunay na diwa ng Pasko. Ito ang nagbibigay himig ng awit sa simoy ng hangin. Ito ang nagbibigay halaga at kulay sa pagdiriwang ng Pasko.

Pasko na! Paskung-pasko na nga.

Pasko po sa amin. Halina't magsaya at magdiwang.

Isang pagbubulay-bulay.

Maligayang Pasko” po sa inyong lahat.

Merry Christmas.

No comments: