"Twister". Maaaring pamilyar kayo sa salitang ito. Titulo siya ng isang action-drama English movie na ipinalabas noong 1996 na pinagbidahan nina Helen Hunt at Bill Paxton bilang mag-asawang researcher na parehong inaalam kung papaano huhulihin ang tornado, o ang isang rumaragasang hangin, o sa lokal na vernacular ay ipo-ipo.
"Twister" ang taguring sa tornado na minsa'y tinatawag ding "cyclone". Tinawag na twister ang tornado pagka't kung ito'y rumagasa ay paikot-ikot o animo'y nagtwi-twist at ang bahagi na maraanan ng kanyang pinaka-buntot ay tiyak na mawawasak, lalo na kung sadyang mabilis ito na umaabot minsan ng 200 hanggang 300 mph.
Ang tornado ay kadalasang nangyayari sa bahagi ng Amerika. Sa atin ay bibihira ito, kung meron man ay di tulad ng tornado sa Amerika, ito ay bahagya lamang at ang tawag natin dito ay ipo-ipo.
Sa pelikulang "Twister", hindi ang hangin ang animo'y humahabol sa tao upang manalasa, kungdi ang tao (ang mga karakter sa pelikulang ito) ang siyang humahabol sa hangin upang ilagay ito sa isang sisidlan.
Mahahabol nga ba ng tao ang hangin? Maisisilid ba siya sa isang tapayan? Mahahawakan ba siya ng ating mga kamay? Maigagapos ba natin ang ihip ng hangin?
Lawit na marahil ang iyong dila sa kakahabol, subalit di mo pa rin siya maigagapos. Pudpod na iyong talampakan, subalit di mo pa rin siya mahahawakan. Tuliro na iyong isip, subalit di mo pa rin siya maaapuhap.
Hindi nga mahahabol ng tao ang hangin.
Maaaring sa panaginip lamang, "Doon lang..." sabi nga sa awit noon ni Nonoy Zuniga. Sa panaginip marahil ay pwede. Hindi lang ang paggapos ng ihip ng hangin ang magagawa natin. Doon ay kaya natin ipunin lahat ng bituin, doon ay kaya nating ipagbawal buhos ng ulan, "sa panaginip lang ako may nagagawa" ang saad pa nga ng awit na ito.
Kung gayon, isang kahangalan ngang maituturing ang paghabol sa hangin. Isang walang-kabuluhang gawi kung iisipin.
Yan din ang namalas at napagtanto ni Solomon, ang pinakamatalinong tao na nabuhay sa ibabaw ng mundo. Wika niya sa Ecclesiastes 1:14, "I have seen all the things that are done under the sun; all of them are meaningless, a chasing after the wind."
May katotohanan ang tinurang ito ni Solomon. Ang lahat daw ng pinagsusumikapan ng tao, ang kanyang pinagpapaguran, ang umuubos ng kanyang panahon at kalakasan, ay mistulang isang paghabol lamang sa hangin. Walang kahulugan, walang katuturan, walang saysay.
Walang saysay pagka't hindi ang mga ito ang tunay na kahulugan ng buhay, o nagbibigay kahulugan sa ating buhay. Isang mistulang paghabol sa hangin ang magkamal ng limpak-limpak na kayamanan, ang marating ang rurok ng tagumpay, ang maitanyag at tanghaling pinakasikat at makapangyarihan, subalit salat naman at hikahos ang kaluluwa pagka't walang Diyos na pinanampalatayaan at pinaglilingkuran.
"Tatanda at lilipas din ako", sabi nga ng awit. Darating ang takdang araw ng ating paglisan sa mundong ito. May saysay ba ang panahong lumipas? May katuturan ba ang bawat araw na dumaraan? May kahulugan ba ang bawat pagdugtong ng Panginoon sa ating buhay?
O ito'y mistulang paghabol lamang sa hangin? Meaningless... a chasing after the wind.
"Twister" - paikot-ikot ba na mistulang ipo-ipo ang iyong buhay?
Naghahabol ka pa ba sa hangin?
May panahon pa. Hindi pa huli ang lahat. Habang may buhay ay may pag-asa. Sikapin natin na sa bawat pagdatal ng araw sa ating buhay, ito'y maging makahulugan, maging makabuluhan, magkaroon ng saysay, pagkat iniaalay natin sa tunay na may akda ang buhay.
"Now all has been heard; here is the conclusion of the matter: Fear God and keep his commandments, for this is the whole [duty] of man." - Ecclesiastes 12:13
Isang pagbubulay-bulay.
Pagpapala Niya'y sumaating lahat.
No comments:
Post a Comment