PACMAN - Karangalan ng Bayan, Inspirasyon ng mga OFWs
"Pacquiao DVD...Pacquiao DVD..." ang pa-simpleng tawag na maririnig mo (bagamat' di naman kalakasan) kapag naparaan ka sa harap ng isang supermarket sa may malapit sa Al Ramaniyah na puntahan ng maraming Pilipino para mamili, mamasyal at magpalipas ng oras. Sa halagang sais riyals o higit pa ay iniaalok ng ilang mga Indiyano sa mga Pilipinong dumaraan doon ang DVD copy ng katatapos na laban ni Pacquiao kay Diaz. May mga Pilipino rin na nagtitinda nito sa mas mababa namang halaga na sinko riyals.
Nakatutuwang isipin, sadya ngang sikat na si Pacquiao, na tinataguriang ding si Pacman. Kilala siya kahit ng mga ibang lahi. Ang bagay na ito ay sadya namang nagpapatayog ng karangalan ng isang Pilipino. Taas-noo mong maipangangalandakan na ika'y "isang Pilipino".
Masarap ang pakiramdam na nagtatagumpay ang isang kababayan lalo na kung sa buong mundo. Ang tagumpay ni Pacquiao ay tagumpay din ng bawat isang Pilipino. Ang laban niya ay laban din ng buong sambayanang Pilipino. Inaabangan...kinasasabikan
Bawat tama ng kanyang kamao sa kalaban ay napapa-iglas din ang ating kamao na animo'y ikaw si Paquiao. Umiilag ka rin kapag darating na ang suntok ng kalaban at marahil dama mo rin ang pagdapo nito.
Ang iba'y napapasigaw sa pagragasa ng suntok ni Pacquiao sa kalaban. "Kawawa naman si Diaz", sambit ng isa kong kasama habang pinapanood namin ang nabiling DVD copy. Halos mabasag na nga ang mukha ng kalaban sa lakas ng suntok na pinakawawalan ni Pacman. Kaliwa't kanan. Halos matuliro si Diaz sa sunod-sunod na pagdatal ng kamao ni Pacman.
Nagbubunyi ka sa muling tagumpay ni Pacman, isa, dalawa hanggang apat na ang kanyang titulong hawak. Ano kaya ang susunod? Marahil mas malakas at hebigat ang susunod na kalaban ni Pacman. "Public Enemy No. 1" na nga ang turing sa kanya ng mga kapwa boksingero sa ibang bansa.
Isang karangalan ngang maituturing si PACMAN. Halos buong mundo ang nag-aabang sa kanyang laban. Isinisigaw ang pangalang "Pacquiao!!!". Kay gandang pagmasdan ang pagwagayway ng bandilang Pilipinas habang itinataas ang kamay ni PACMAN. Ito'y pumapawi ng kawalan ng pag-asa sa karamihang kababayan natin dahil sa patuloy na krisis na nararanasan ng ating bansa, man-made o kalamidad man. Dagdag pa ang walang-patid na pagtaas ng mga bilihin at walang-pakundangang graft and corruption sa alin mang ahensiya ng pamahalaan.
Ang tagumpay ni PACMAN ay nagbigay ng inaasam-asam na liwanag sa animo'y madilim na bukas na kinahaharap ng ating bayan. Ang karangalang natatamo ni PACMAN sa patuloy na tagumpay niya sa larangan ng boksing ay nagsisilbing inspirasyon din sa milyun-milyong OFWs tulad natin.
Ang kanyang lakas, tapang at liksi, determinasyon at disiplina sa sarili, mga katangiang taglay ni PACMAN upang makamit ang sunod-sunod na tagumpay, ay siyang mga katangian din na nais taglayin ng bawat overseas Filipinos upang magtagumpay sa kanya-kanyang larangan at trabahong kinabibilangan. Ang laban ni PACMAN ay laban ng bawat Pilipino, ng bawat OFWs.
Ang tagumpay ni PACMAN ay tagumpay din ng bawat Pilipino, ng bawat OFWs. Tagumpay laban sa kahirapan. Tagumpay laban sa mga masasamang elemento ng lipunan. Tagumpay laban sa mga mapang-aping kalakaran na umiiral sa kapaligiran.
Subalit tulad ni PACMAN, sa bawat laban ay may tagumpay. Ang bawat pagsubok ay may hangganan at mga aral na natutunan. Sa bawat pakikibaka ay may liwanag na masisilayan.
Determinasyon, sipag at lakas ang tanging armas ng bawat isa upang humarap sa masalimuot na takbo ng buhay. Salamat na may isang PACQUIAO na nagdudulot ng karangalan sa bayan upang bumangon at itanghal ang "galing at husay ng Pilipino" at ipagdiwang ang kasarinlan ng Bayang Sinilangan.
May pag-asa pa ngang naghihintay. Kung ang bawat Pilipino at OFWs ay magtataglay ng determinasyong magtagumpay sa kanya-kanyang larangan at sisikaping linangin ang magagandang katangiang angkin.
Sa ating pakikibaka sa takbo ng buhay, tulad ni Pacman, suntok nati'y dapat tumatama, hindi animo'y suntok-hangin lamang. Kailangan ang pagsisikap, ang lakas ng loob sa pagharap sa mga pagsubok at suliraning kinahaharap, personal man o panlipunan. Tulad ni Pacman, suntok ng kalaban dapat nating maiilagan gamit ang angking talino at magandang pananaw at prinsipiyo sa buhay. Dagdag pa ang patuloy na pananalig sa Poong Maykapal.
PACMAN, tunay ngang karangalan ka ng bayang Pilipinas. Inspirasyon ka ng milyun-milyong manggawang Pilipino sa labas ng bansa.
Mabuhay ka PACMAN!
Mabuhay ang bayang Pilipinas!
Mabuhay ang bawat OFWs.
No comments:
Post a Comment