"Uy... may bisita kayong lalaki," ang bulalas ng aking tiyahin nang aksidenteng mahulog mula sa mesa ang tinidor na aking gamit habang nananghalian.
Madalas kong naririnig sa mga matatanda ang salitang ito, maski na kay Nanay nung araw. Na kapag nahulog daw ang tinidor ay may bisitang lalaki, at kung kutsara naman ay may bisitang babae. Sa isip-isip ko "anu kayang kinalaman ng kutsara't tinidor sa kung sino ang bisitang darating?" Eh kung kutsarita kaya ang nalaglag, ibig bang sabihin ay batang babae naman ang darating? Eh anu kaya naman sa batang lalaki? Maliit na tinidor? Hmm... teka, anu bang tawag sa maliit na tinidor?
Ang mga ganitong bagay ay ilan lang sa mga pamahiing maririnig mo pa sa kamalayan ng mga Pilipino hanggang sa ngayon na tayo ay nasa computer o supersonic age na. Ito'y mga paniniwalang ipinamana pa sa atin ng ating mga ninuno o nina lolo't lola. Ang pamahiin o superstitious beliefs ay yaong mga kakatwang kapaliwanagan o paniniwala sa mga bagay o kaganapan na nagsasaad ng maaaring mangyari sa tao o sinuman bagama't wala namang direktang kaugnayan ang mga bagay o kaganapang ito sa tao.
Tulad na lamang na "kapag may tumawid daw na pusang itim sa iyong harapan habang ika'y naglalakad o nagmamaneho kaya," wag na raw tumuloy sa pupuntahan dahil may peligrong nakaabang. Anu kaya ang kinalaman ng pobreng pusang itim sa iyong pupuntahan? Eh paano na lang kung napakahalaga ng iyong commitment ng araw na iyon? Ito ba'y ipagpapaliban mo dahil lang sa pusang itim? "Sana, pusang puti na lang ang dumaan," sambit mo pa marahil.
Gayundin naman na "kapag may aalis daw ng bahay at nagkataong may kumakain pa ," iikot daw ang pinggan ng dalawa o maka-ikatlong beses upang ang taong aalis ay maka-iwas sa anu mang disgrasyang magaganap. Anu kaya ang kinalaman ng pinggan at ang pag-ikot nito sa kapamahakang maaaring mangyari kung meron man? May timon kaya ito o kamay na pwedeng pumigil sa magaganap?
Meron pa nga na "kapag may kasamang binata o dalaga sa pagkain ay wag raw agad magliligpit ng kinainan" dahil baka raw di makapag-asawa ang mayuming dalaga at makisig na binata, at mapag-iwanan ng biyaheng Bikol, kumbaga. Anu kaya ang kinalaman ng pinagkainan sa ngalan ng pag-ibig o sa puso o kasing-kasing kung ito ba'y tatamaan ng pana ni Kupido o hinde?
Sadya ngang napakarami ng mga pamahiing tulad nito.. at siguro kung iisa-isahin natin ang mga pamahiing pamana sa atin ng henerasyong nagdaan ay aabutin tayo ng siyam-siyam, o ng pag-itim ng tagak at pagputi ng uwak.
May kasabihan ang matatanda, "Ang makinig sa sabi-sabi ay walang bait na sarili." Hindi raw dapat agad-agad nagpapaniwala. Paka-isipin daw muna ito ng maigi. Pagka't ang lahat ng bagay ay ginawa ng may kadahilanan. Dapat itong gamitin sa tamang pamamaraan o sa akmang layunin ng may akda nito.
Tulad ng kutsara't tinidor. Ito ay ginawa upang gamitin sa pagkain. Ang kutsara upang ipangkuha ng kanin at ulam, at katulong ng tinidor, ay maiabot sa bibig natin ang masarap na pagkain upang malasap ang linamnam ng lutuin.
Hindi ginawa ang kutsara't tinidor upang maging taga-anunsiyo ng bisitang darating. Gayundin na ang pusang itim ay di nilikha upang gawing warning sign, o ang pinggan o pinagkainan upang maging bolang kristal na magsasabi ng ating kapalaran.
Pagkat wala namang makababatid ng magaganap sa buhay ng tao kungdi ang Diyos na rin na nagpahiram sa atin ng angking buhay. Payak at may hangganan ang ating kaisipan upang matalos ng lubusan o matanto ng buo ang magaganap sa bukas.
God in His sovereign will allows things to happen for a reason. Similarly, He created us for a purpose. Walang nagaganap sa atin by chance, o kaya'y sanhi ng mga bagay, o kaganapan. Walang swerti, walang malas. Bagkus sa pamamagitan ng ating pananalig at pagsunod sa Kaniya, ang mga bagay na mabuti ay nagaganap sa ating buhay, at sa atin namang di pagsunod, ang masama o di mabuti ang nararanasan.
Tulad ng kutsara't tinidor na dapat gamitin sa akmang layunin ng pagkakagawa rito, gayundin ang ating buhay, ito'y ipinagkaloob sa atin upang magamit sa ini-akda Niyang layunin - ang layuning magamit Niya sa Kanyang kapurihan at sumunod sa Kaniyang kalooban.
"I praise you because I am fearfully and wonderfully made; your works are wonderful, I know that fully well." (Psalms 139:14)
Tayo'y Nilikha Niya sa Kanyang kapurihan lamang.Isang pagbubulay-bulay.
Pagpapala Niya'y sumaating lahat.
kuya Max
Sunday, July 6, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment