Naaalala nyo pa ba yung larong Taguan? Kung saan ang taya ay haharap sa isang puno o sa poste o dingding at tatakpan ang kaniyang mata ng kaniyang mga braso at pipikit, upang di niya makikita ang mga kalaro kung saan sila magtatago.
Habang ang taya ay nakapikit, magbibilang siya ng sampu o higit pa "isa-dalawa-tatlo-apat..." hanggang umabot ng sampu, dalampu..., habang ang iba naman ay kakaripas na ng takbo upang maghanap ng matataguan na di siya makikita o mahahanap, at pag tahimik na, imumulat niya ang kaniyang mga mata at sisimulan ng hanapin ang mga kalaro sa kanilang pinagtaguan.
Ang larong ito'y tinatawag na "Hide and Seek" sa Ingles.
Nung araw, nang ako'y bata pa (kunsabagay, bata pa rin naman aku ngayon), madalas kaming maglaro ng "Taguan ", lalo na pagsasapit na ang dilim. Yun bang nag-aagaw na ang liwanag at dilim.
Magaling akong magtago. In fact, mas magaling nga yata akong magtago, kaysa maghanap ng mga nagtago. Kaya parati akong taya. Pero, pag ako na ang magtatago, hirap silang hanapin ako. Eh kung saan-saan ba namang sulok ako papasok para makapagtago lang. Kung pwede lang sumuot ako sa saya ng Nanay ko para magtago ay gagawin ko wag lang akong makita.
Subalit habang ako'y nagtatago, yung saya na nadarama ko na di ako makita ng taya ay biglang napapalitan ng lungkot kapag sumasagi na sa isip kong ako'y nag-iisa. Mahirap palang mapag-isa. Mahirap pala ang magtago nang magtago.
Gayundin, kadalasan mas magaling tayong magtago kaysa maghanap. Magaling tayong magtago ng magtago.
Nung malaman nina Adan at Eba na sila'y nagkasala sa Diyos ay agad silang nagtago mula sa paningin Niya. "Nasaan kayo", ang tanong ng Diyos."Narinig namin ang inyong tinig at yapak, kung kaya't kami'y nagtago", sagot nila.
Si Adan at Eba ay nagtago sa Diyos dahil alam nilang sila'y nagkasala. Gayundin naman ang minsa'y ginagawa natin kapag tayo'y nagkakasala. Pilit nating itinatago ang ating maling gawi. Kumbaga, tulad ng ginawa nina Adan at Eba na pagtakip ng dahon sa kanilang hubad na katawan, gayundin ang ating ginagawang pagtakip sa ating mga pagkakasala.
Kung anu-anong pagtatakip ang ating ginagawa. Minsa'y may maskara tayong suot kapag kaharap na ang iba. Sa ating relasyon sa Diyos at sa kapwa (o kapatiran), kadalasa'y suot-suot natin ang isang maskara. Pilit na itinatago ang madilim na nakaraan. Pilit na itinatago ang masamang gawi na laging nagagawa. Tinatakpan natin, itinatago natin.
Magaling nga tayong magtago eh, na para bagang di rin tayo makikita o mahahanap kaya ng Diyos. Hindi baga't ang Diyos kailanma'y di natutulog o naiidlip. "He neither slumber nor sleep". Ang kanyang mga mata'y lagi nang nakamasid sa atin - tayo'y binabantayan, iniingatan, nililingap.
Magtago man tayo ng magtago, matatagpuan pa rin tayo ng Diyos. Mahahanap Niya pa rin tayo. Hindi tayo nilikha ng Diyos upang magtago sa Kaniya. Kung kaya't tayo'y dapat ng lumabas mula sa ating pinagtataguan. Sa halip na magtago, tayo'y maghanap.
Hanapin natin Siya. Siya'y nandiyan lamang. Just a prayer-away. Mula sa mga maling gawa, mula sa kasalanan, tayo'y lumabas sa ating pinagtataguan, at ating hanapin Siya.
Ikaw ba'y nagtatago, o naghahanap na?
Isang pagbubulay-bulay, "Taguan, sino ang taya?"
No comments:
Post a Comment