“Who have I in heaven, but you? There is nothing on earth I desire besides you. My heart and my strength, many times they fail but there is one truth that always will prevail…God is the strength of my heart and my portion forever…”
Hango ito sa isang awit na aming ini-ensayo. Habang inaawit namin ito, dinarama ko ang tunay na kahulugan ng mensahe sa puso ko at nakaramdam ako ng panibagong sigla at kalakasan mula sa Kanya.
Totoo ang tinuran ng awit. Minsan, dumarating ako sa punto na para bang wala na akong lakas para lumaban. Napapagal. Nahahapo.
Sa dami ba naman ng problema at mga suliranin sa buhay, sa pamilya, sa paligid, sa trabaho, sa bansa at sa kung anu-ano pa. Minsan, di ko maiwasan na maapektuhan. Akala ko kakayanin ko sa sariling lakas, subalit hindi pala. Kulang ang aking lakas. Nakakahapo. Nakakapagod.
Subalit mayroong isang uri ng lakas upang mapagtagumpayan ang lahat ng ito... .ito ay ang kalakasang mula sa Dios.
Kung pagbubulay-bulayan natin ang bawat araw na lumilipas, maraming pagkakataon sa buhay natin na para bang tayo’y nagsasawa na. Parang ayaw na nating isipin na may pag-asa pa. Punong-puno tayo ng kabigatan sa buhay, tension, pressure, stress, kahinaan at kalungkutan. Nandito tayo malayo sa mahal sa buhay, nagsisikap para kanila, mapatapos ang mga anak sa pag-aaral, mabigyan ng magandang kinabukasan, makaahon sa kahirapan at makamit ang mga pangarap sa buhay. Subalit sa kabila ng ating pagtitiis, may mga pagkakataong darating ang mga kabiguan at kapaitan sa buhay. Mababalitaan natin, may mga pinagkakalokohan si misis o si mister. Ang mga anak, sobra sa mga bisyo at minsan pa, malalaman natin na buntis na o nag-asawa na ng wala sa panahon. Hindi na nakatapos ng pag-aaral, tapos sa magulang lahat iaasa ang bigat na pinapasan.
Nandiyan din ang mga pagkakataong ang mga mahal natin sa buhay ay papanaw na lamang ng bigla. Kausap o kasama mo kani-kanina lang, maya-maya’y o bukas ay wala na.
Masakit di ba? Dulot ay lungkot at pighati. Nakakapagod. Nakakapanlumo.
Okey lang sana kung ganoon lang. Pero di natatapos dito ang lahat. May mga pangyayari pang sadyang nakapagbibigay ng karagdagang lungkot.
Nandiyang mababalitaan natin ang maraming sakuna, bagyo, lindol, aksidente, rape, scandal, patayan, atbp. Balita ng nakawan, ng patayan, ng hiwalayan, balita, balita, balita! Nakakapagod na.
Dagdag pa ang pagtaas ng mga bilihin. Lahat na lang ay tumataas. Tumataas ang pamasahe, ang gasolina, ang kuryente, ang tubig, at iba pang mga bills. Tumataas din ang crime rate at poverty rate ng bansa. Tumataas ang ratings ng iba’t ibang shows. Tumataas din ang dami ng walang mga trabaho. Tumataas ang ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Tumataas din ang nawawalan ng ama, ng ina o ng pamilya. Tumataas ang mga ka-text at ka-talk, so tumataas din ang bayad sa load.
At parang kulang pa. Pati ang mga nakapwesto sa pamahalaan ay nakapagdaragdag ng kapaguran sa puso’t isipan. Mga taong ang iniisip ay sariling interes at kapakanan lamang. Bangayan dito, bangayan doon. Siraan dito, siraan doon. Away-bati, bati-away. Pangako ngayon, pangako bukas, pangako na napako. Paikot-ikot na lang.
Nakakapagod na nga! Nakakapanlumo na.
Maraming pang mga bagay at pangyayari na kung iisa-isahin natin ay sadyang tayo’y panghihinaan ng loob at para bagang wala ng pag-asa.
Subalit katulad ng mensahe ng awit “My heart and my strength many times they fail, but there is one truth that always will prevail…”
Meron palang katotohanan na dapat nating malaman. Ang katotohanang “God is the strength of our heart and our portion forever”. Kaya anuman ang sitwasyon natin sa buhay, anuman ang kinatatayuan at kinalalagyan, lagi nating isa-isip at isa-puso na merong kalakasan na nagbubuhat sa Panginoon. Ito ang susi ng lahat para tayo magtagumpay. Kalakasang papawi ng ating kapaguran.
Napapagal ka na ba? Nahahapo?
May pag-asa pa…kung mananatili lamang tayo sa Kanya – ang tunay na tagapagkaloob ng kalakasang kailangan natin.
“We can do all things through Christ who gives us strength…” – Phil. 4:13
Isang pagbubulay-bulay.
**akda ng daddy ni EJ**