Sunday, December 27, 2009

Bago Na!

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Therefore, if anyone is in Christ, he is a new creation; the old has gone, the new has come!" - 2 Corinthians 5:17

Ito ang nagdudumilat na katotohanan na inihahayag ng 2 Corinthians 5:17 na ang sinuman daw na nakipagkaisa kay Kristo bilang kanyang Panginoon at Tagapagligtas ay bago ng nilalang. Ang dating pagkatao na makasalanan at nabubuhay sa kasalanan ay wala na. Bago na ang lahat, wala na ang dati.

Subalit ito nga ba ang nakikita sa kanyang mga lingkod? Nabago nga ba ang pamamaraan o uri ng ating pamumuhay o tulad pa rin ng dati?

Kinakikitaan ba tayo ng kabanalan, kahinahunan at katapatan sa ating mga kilos at sa mga salitang namumutawi sa ating bibig? O ang namamalas sa atin ay tulad pa rin ng dati – ang pag-iimbot, karahasan at kasinungalingan?


Kung magkakagayon, pinabubulaanan natin ang inihahayag ng Kanyang Salita sa 2 Corinthians 5:17 na tayo ay bago na.

Subalit tayo’y sadyang bago na nga. Mula nang tanggapin natin Siya, isinuot Niya sa atin ang kabanalan. Ibinalik ang dating ugnayan sa Diyos na naputol dahil sa kasalanan, at ginawa Niya tayong bagong nilalang.

Kung kaya’t ito ang dapat namamalas sa atin. Hindi na natin kailangan pang hintayin ang pagsapit ng panibagong taon upang magbago at gumawa ng New Year’s Resolution. Pagkat araw-araw, dapat ay may pagbabagong nakikita sa ating buhay. Dapat ay unti-unti tayong nagiging kawangis ni Kristo – sa salita, kaisipan at sa ating mga gawa.

Tayong lahat ay bago na. Huwag na nating isuot pa ang maruming damit na pinaghubaran o balikan pa ang dating likong pamumuhay.

Sa pagsapit ng bagong taon, ng 2010, nawa’y tayong lahat ay humarap sa Diyos taglay ang buhay na may kabanalan at pagsunod sa Kanyang kalooban.

Tulad ng sinasaad ng isang popular na awit, "bagong taon ay magbagong buhay".

Ito’y magagawa natin pagkat tayong lahat ay binago Niya na. Tayo ay bago na!

Kapatid, kaibigan... ikaw ba'y bago na o naghahangad pa rin na mabago? Ito'y hindi malayong mangyari kung si Hesus ay tatanggapin bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas.

Kilanlin Siya at tanggapin at pagbabago'y tiyak na mararanasan.

Isang Pagbubulay-bulay.


Wednesday, December 23, 2009

Ang Tunay na Star ng Pasko


Mula sa Panulat ni Max Bringula

"Where is the one who has been born king of the Jews? We saw his star in the east and have come to worship him." - Matthew 2:2

Nang ipanganak ang Panginoong Hesus sa Bethlehem ng Judea, may isang talang lumitaw sa kalangitan na pagkaningning-ningning. Namumukod-tangi ang bituin na iyon na mas malaki kaysa sa iba at ang sinag ay lubos na napakaliwanag.

Hindi naikubli sa paningin ng tatlong pantas ang kakaibang Bituing iyon. Kung kaya’t sila’y tumungo sa Jerusalem at nagtanong-tanong. “Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita naming sa Silangan ang Kanyang tala at naparito kami upang sambahin Siya.”

Batid ng tatlong pantas kung sino ang tunay na Hari at kung ano ang nararapat ipagkaloob sa Bukod-tangi at Nag-iisang Bituin. Sila’y nag-alay ng pagsamba. At kaakibat niyon ay ang paghahandog ng kanilang kaloob.

Isa lamang ang tunay na tala na makapagbibigay-liwanag sa sanlibutan. Sa madilim at tahimik na gabi, ang talang iyon ay namukod-tangi.

Sa pagdiriwang ng Kapaskuhan, ating ibigay ang nararapat sa Nag-iisang Bituin. Si Hesus ang tunay na Star ng Pasko. Siya ang Parol ng Kapaskuhan.

Kung kaya’t sa pagsabit natin ng Parol sa kanya-kanyang tahanan, sa tuwing makikita natin ang simbolong ito ng Kapaskuhan, magpa-alala nawa ito sa atin na may Tunay na Bituin na dapat sambahin.

Tulad ng tatlong pantas, alayan natin Siya ng tunay na pagsamba at paghahandog. Isang pagsambang nagmumula sa puso. Pagsambang tunay at sa Espiritu. Tayo’y maghandog di lamang ng materyal na bagay, bagkus higit sa lahat ihandog natin ang sarili bilang haing-buhay, dalisay at kalugod-lugod sa Kanyang paningin.

Higit sa Parol na nasa iyong tahanan, sikaping nasa puso natin ang Nag-iisang Bituin pagkat Siya ang tunay na Star at Liwanag ng Pasko.

Kapatid, kaibigan.... tayo ng sumamba at maghandog. Maligayang Pasko sa iyo.

Isang Pagbubulay-bulay.

Saturday, December 19, 2009

Banga'y Iwanan Na

Mula sa Panulat ni Max Bringula

Then, leaving her water jar, the woman went back to the town and said to the people, 29 "Come, see a man who told me everything I ever did. Could this be the Christ?" - John 4:28-29

Isang tipikal na katanghaliang-tapat noon iyon sa babaeng Samaritana na tangan-tangan ang isang banga upang umigib ng tubig sa balon ni Jacob.

Dati-rati naman siyang tumutungo roon kapag katanghaliang-tapat kung saan wala halos umiigib. Iyon ang mainam na oras para sa kanya na pumunta roon dahil walang makakakita na maaaring makakilala sa kanya at humusga.

Subalit yaon pala ang oras na itinakda ng Diyos na makamit niya ang tubig na buhay na mas higit niyang kailangan kaysa sa pisikal na tubig na parati niyang binabalik-balikan pagkat kahiman araw-araw siyang umigib, nauubos pa rin ito at kailangan niyang umibig muli.

Wika ng Panginoon sa kanya, “Ang bawat isang uminom ng tubig na ito (pisikal na tubig) ay muling mauuhaw. (Subalit) Ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kaniya ay magiging balon ng tubig na mapapasa kaniya. Ito ay bubukal sa buhay na walang hanggan." (John 4:13-14)

Simula nga niyon, “her life had never been the same before”. Ang dating “katanghaliang-tapat” sa kanyang buhay kung saan hirap at pawis ang kanyang nararanasan sanhi ng init ng araw, ay naging isang "maaliwalas na umaga" pagkat hatid niyon ay bagong pag-asa at katugunan sa kanyang pangangailangan.

Ang patotoo ng pagbabagong ito’y masasaksihan sa mga sumunod na talata sa John 4 kung saan ang bangang tangan-tangan niya rati upang umigib ay iniwan niya na lamang sa tabi ng balon at siya’y humayo at pinagsabi ang ginawa ni Hesus sa kanyang buhay.

Kapatid, kaibigan…. tangan mo pa rin ba ay banga at pabalik-balik na ika’y umiigib dahil uhaw mo’y di pa rin mapatid ng tubig na iyong inigib? Kung gayon, tubig na buhay na alay ni Hesus ang iyong tanggapin upang kauhawan ay maibsan ng lubusan at ang hungkag sa puso’y Kanyang matugunan.

Iwanan na ang banga na tangan-tangan at kay Hesus ika’y lumapit pagkat sa Kanya lamang makakamtan ang tunay na tubig na nagbibigay-buhay.

Isang Pagbubulay-bulay.

Sunday, December 6, 2009

Bulag, Pipi at Bingi

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"They have mouths, but cannot speak, eyes, but they cannot see; they have ears, but cannot hear." - Psalms 135:16-17

May popular na kundiman noon na inaawit ng ating mga matatanda o marahil magpahanggang-ngayon ay inaawit-awit pa rin natin o napapakinggan na may pamagat na “Doon Po Sa Amin”.

Batay sa lyrics ng awitin, sa bayan daw ng San Roque ay may nagkatuwaan na apat na pulubi – ang pilay, ang bulag, ang pipi at ang bingi. Umawit daw itong pipi, nakinig naman ang bingi, nanood ang bulag at humataw naman ng sayaw itong pilay na marahil ay nag-breakdance pa.

Nakaka-aliw, nakakagiliw pagkat imposibleng magawa ito ng pilay, bulag, pipi at bingi dahil taliwas ito sa kanilang pisikal na kalagayan.

Subalit ganito ang karamihan sa atin - animo’y bulag, pipi at bingi.

Hindi kakitaan ng katuwiran at kaliwanagan pagkat tayo mismo ay bulag sa katotohanan. Ang pinaiiral at pinanghahawakan ay ang baluktot na pananaw ng mundo sa halip na ang puro’t dalisay na mga Salita ng Diyos.

Animo’y pipi na hindi maihayag ang katotohanan pagkat tayo mismo ay nabubuhay sa kasinungalingan at pagbabalat-kayo kung kaya’t tikom ang bibig at di makapagsalita dahil di magiging kapani-paniwala at bagkus baka mapupulaan pa. “Ows….?” ang marahil pagtatanong at pagtataka ng makaririnig sa sasabihin natin pagkat taliwas sa ating gawa ang sinasambit ng ating bibig.

Animo’y bingi pagkat hindi napapakinggan o pinapakinggan ang aral na itinuturo Niya sa atin. Hindi sinusunod ang utos Niya’t mga Salita. Bagama’t araw-araw naman nating naririnig o nababasa ang Kanyang mga Salita, may araw-araw na Pagbubulay-bulay na ibinabahagi sa atin, subalit mistulang bingi pa rin pagkat di naaaninag sa buhay ang pagbabagong idudulot sana kung pakikinggan niya lamang at susundin ang Salitang kanyang naririnig.

Kapatid, kaibigan…. ikaw ba’y bulag, pipi at bingi?

May mata subalit di makita ang katotohanan at katuwiran. May bibig subalit di makapaghayag kung ano ang tama at nararapat. May tainga subalit di marinig ng malinaw ang mga utos at aral Niya?

Pagbulay-bulayan natin ito at pakalimiin. Baka tayo’y higit pa sa bulag, pipi at bingi.

Wednesday, December 2, 2009

Sure na Sure Na!

Mula sa Panulat ni Max Bringula

For no matter how many promises God has made, they are "Yes" in Christ. And so through him the "Amen" is spoken by us to the glory of God. - 2 Corinthians 1:20

Sure na!” yan ang isinisigaw natin kung tiyak na tiyak na tayo sa ating gagawin. Isang paniniguro sa kausap na tutuparin ang pangakong binigkas.

This time, sure na sure na. Pramis. Mamatay man ang pusa ng kapitbahay namin” ang pahabol pang sambit na ang ibig sabihin, walang makapipigil sa kanya kahiman harangan ng isang libo’t isang daang sibat.

Yun nga lamang, ang pangako’y lagi pa ring napapako. Parang iginuhit sa hangin na agad inililipad papalayo sa paningin, o kaya’y inilista sa tubig na agad napaparam pagkatapos maisulat.

Ilan na kayang mga natanguang commitments ang ating di napuntahan at natupad? Mga pagkakautang na dapat bayaran o bagay na hiniram na dapat isauli subalit lumilipas ang panahon ay di pa rin naibabalik hanggang magkalimutan na’t magkaroon ng amnesia o Alzheimer disease.

Ang tao raw kasi ay sadyang marupok at kay daling lumimot.

Subalit hanggang kaylan kaya tayo mananatiling ganito? Na kahit sa ating espirituwal na buhay tayo’y di nakakasunod at nakakatupad sa tipanan natin sa Diyos? Madalas Siya ang naghihintay sa ating pagtugon at pagtalima. At tayo’y nananatiling nakaupo’t walang ginagawa upang tupdin ang kasunduang binitawan na Siya lamang ang ating Panginoon at wala ng iba. Na Siya lamang ang ating paglilingkuran at aalayan ng ating panahon at kalakasan.

Buti na lamang nananatiling tapat ang ating Diyos. Gaano man karami ang Kanyang mga pangako, ito’y di Niya kinalilimutan. Nananatili itong “Yes” magpakailanpaman. Di nagbabago ng isip bagkus tinutupad ang pangako Niya sa atin.

For no matter how many promises God has made, they are "Yes" in Christ. And so through Him the "Amen" is spoken by us to the glory of God. (2 Corinthians 1:20)

Ang pangako Niya’y “sure na sure na!” Kung kaya’t “Amen!” ang ating tugon sa bawat panalangin at kahilingang idinulog at nakakamtan.

Gayunpaman, kung gaano katapat ang ating Diyos, nararapat lamang na tayo’y gayundin upang pagpapala’y Niya’y agad nating kamtin.

Sa susunod na bigkasin natin ang katagang “sure na!’, sikaping ito’y “Yes” upang kinalaunan, “Amen” ang ating mabibigkas tungo sa Kanyang kaluwalhatian.

Kapatid, kaibigan… sure ka na ba? Tiyak mo na ba ang sarili sa pagkakakilala sa Diyos bilang Panginoon at sariling Tagapagligtas? Sure ka na ba sa pangakong dapat tupdin? O nag-aalinlangan ka pa rin magpahanggang-ngayon?

Huwag nang mag-esep-esep pa bagkus ang isigaw ay “Yes! Sure na!”

Kilalanin Siya. Sundin ang kalooban Niya. Sarili'y ihandog. Ngayon na.

Isang Pagbubulay-bulay.

Tuesday, December 1, 2009

Ang Di Malirip Na Kapayapaan

Mula sa Panulat ni Max Bringula

"And the peace of God, which transcends all understanding, will guard your hearts and your minds in Christ Jesus." - Philippians 4:7

Ang mga kaganapan sa ating paligid na karahasan at kaguluhan tulad ng karumal-dumal na “Maguindanao Massacre” at iba na ating napapanood sa telebisyon, napapakinggan sa radyo at nababasa sa mga peryodiko ay nakapagdudulot ng takot, ng agam-agam at kawalan ng kapayapaan sa marami.

Ang walang-katiyakan na sitwasyon ng bansa sanhi ng kawalan ng lideratong mapagkakatiwalaan ay nagbibigay din ng kaguluhimanan sa isipan ng marami at kaba sa ano mang mangyayari sa mga darating na araw lalo ngayong nalalapit na ang national election sa ating bayan.

Maging ang mga nasa labas ng bansa na naninirahan at nagtratrabaho ay may alinlangan din sa maaaring maganap. Aandap-andap sila’t nangangapa sa ano mang mangyayari.

Ito ang kalagayang nakita ng Panginoon sa puso ng tao kung kaya’t Kanyang winika “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko, hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng sanlibutan. (Kung kaya’t) huwag kayong mabalisa, huwag kayong matakot.” (John 14:27)

Ito ang susi sa buhay na may kapayapaan. Ang kilalanin ang Tagapagbigay ng kapayapaan bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ito ang mag-iingat sa ating puso’t isipan upang hindi maguluhimanan sa mga kaganapan sa ating kapaligiran.
Kapatid, kaibigan… taglay mo na ba ang kapayapaang ito? O ikaw ay labis na naguguluhan? Hinahanap ang kasagutan sa marami mong katanungan. Balisa ang isipan at nababagabag ang puso.

Ang kapayapaang hinahanap ay matatagpuan lamang kay Kristo. Ito ang ibinabahagi ko sa inyo. Kilalanin mo Siya’t tanggapin bilang Panginoon at sariling Tagapagligtas, at ang di malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso’t isipan sa pamamagitan ni Kristo Hesus.

Isang Pagbubulay-bulay.