Tuesday, December 30, 2008

Gusto Kong Bumaet

Gusto kong bumaet, pero di ko magawa

Ito’y linyang hango sa isa sa mga sikat na awitin noon ni Andrew E at siyang titulo naman ng awit ng Death Threat.

Ito’y linyang maaaring sinasambit din natin kadalasan lalo na’t kung sinisikap nating magpakabait at alisin na ang di kanais-nais na ugali o iwanan ang masamang bisyo o gawi.

Kaya nga’t tuwing sasapit ang Bagong Taon ay gumagawa tayo ng ating New Year’s Resolutions sa pagbabakasakali na sa pamamagitan niyon ay matupad ang ating nais na bumaet.

Yun nga lamang, di pa halos nagsisimula ang unang araw ng bagong taon o di pa nakalalayag ng husto ang bagong taong pumasok ay nabali na natin agad ang pangakong magpapaka-baet.

Nandiyang nagtaas agad tayo ng boses sa makulit na kliyenteng ating kaharap. Andiyang magsinungaling tayo para lamang iligtas ang sarili sa isang di magandang maaaring mangyari o sa pagnanais na makamit ang gusto at luho ng katawan. Bumabalik ulet tayo sa bisyong nais iwanan. Umiiral ulet ang pag-iimbot, ang pagmamataas, ang pagiging makasarili, ang katamaran, ang pagwawalang-bahala, ang pagsasalita ng masama, ang pangangalunya, at iba’t iba pang kasalanang nagagawa. Malaki o maliit man marahil ito sa ating paningin o pananaw, sinasadya man o hindi.

Sadyang mahirap ngang magpaka-baet. Ang mga bagay na ayaw mong gawin dahil ito’y masama at nagdudulot ng di maganda sa buhay ay siya namang nagagawa mo. At ang mga bagay na siyang dapat mong gawin dahil ito ang mainam at makakabuti sa buhay ay siya namang di mo magawa-gawa.

"Kahabag-habag ang kalagayan ko! Sino ang magliligtas sa akin sa katawang ito na nagdudulot sa akin ng kamatayan?" (Romans 7 :24)

Ito ang naibulalas ni apostol Pablo nang mapagtanto-tanto niya ang kalunos-lunos na kalagayang ng tao. Na hindi niya kayang iligtas ang sarili mula sa kasalanan. Mula sa kasamaan. Mula sa tiyak na kamatayan.

Subalit salamat sa Diyos pagkat sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ito’y magagawa natin. (Romans 7 :25)

Magagawa nating bumaet. Sa Kanyang tulong at kalakasang kaloob sa atin, magagawa natin ang mga bagay na makalulugod sa Kaniya. Magagawa natin baguhin ang buhay tungo sa kabutihan at katagumpayan.

Salamat sa Kanya !

Kaya nga’t sa pagpasok ng Bagong Taon, sa paggawa natin ng New Year’s Resolution, sa pag-desisyon natin na baguhin ang buhay, wag kalimutang ito’y idulog at iaalay sa Diyos upang kanyang kasihan at gawaran ng tagumpay.

Pagka’t sa pamamagitan lamang ng tunay na ugnayan natin sa Kaniya ang mga bagay na ito ay ating magagawa. Sa pamamagitan lamang ng paghahari Niya sa ating buhay ito ay maisasakatuparan.

Gusto mo bang bumaet ?

Posible yan, kaibigan. Kung si Kristo’y iluluklok natin sa ating puso bilang Panginoon at ating Tagapaligtas.

Kung magkakagayon, ang atin nang sasabihin ay “Gusto kong bumaet… magagawa ko na.” Sa tulong Niya!

Isang Pagbubulay-bulay.

Masaganang Bagong Taong puspos ng Kaniyang pagpapala ang aking hangad at dalangin sa inyong lahat.

Saturday, December 20, 2008

Pasko Po Sa Amin


Malamig ang simoy ng hangin,
kay saya ng bawat damdamin.
Ang tibok ng puso sa dibdib,
para bang hulog na nang langit.
Himig ng Pasko'y laganap,
mayrong sigla ang lahat.
Wala ang kalungkutan,
lubos ang kasayahan.

Ito’y mga titik sa isa sa mga popular na awiting Pamasko na maririnig sa Pilipinas (o maging dito man sa ibayong dagat) tuwing sasapit ang kapaskuhan. Sa huling stanza ng awitin ay maririnig pa ang ganito -

Himig ng Pasko'y umiiral,
sa loob ng bawat tahanan.
Masaya ang mga tanawin,
may awit ng simoy ng hangin.

May sangkap ng katotohanan at may sangkap din ng kaibhan ang nasabing awit kung ihahambing sa kasalukuyang nararanasan at nagaganap.

Totoong malamig ang simoy ng hangin. In fact, sadyang napakalamig at ito’y tumatagos hanggang kaibuturan ng buto, ika nga. Ito’y sanhi ng lamig ng hangin sa Siberia na nililipad patungo di lang sa Pilipinas, kungdi higit dito sa Gitnang Silangan. Sambit ng marami, “nawa’y ang lamig na ito’y di maging kasing-lamig na naranasan sa nagdaang mga taon.”

Kunsabagay, excited din ang iba kapag winter time. Dahil ang mga suuting pang-lamig ay muling nailalabas mula sa mga baul at taguan upang suutin, at tumataas ang benta ng heater, upang lamig ay sumandaling maibsan at madama ang init na kailangan.

Tunay na malamig ang simoy ng hangin kung kapaskuhan.

Subali’t ang simoy ba ng hangin ay may dalang saya sa bawat damdamin? Ang tibok ba ng puso sa dibdib ay para hulog ng langit? Himig ba ng Pasko sa loob ng tahanan ay maririnig at nararamdaman? Masaya ba ang tanawin at ang kalungkutan ay napapawi? May himig ba ng awit sa simoy ng hangin?

Ito ang mga katanungang maaari nating pagbulay-bulayan tuwing sasapit ang kapaskuhan. Mga katanungang masasagot din naman kung ang tunay na diwa ng Pasko’y ating lubos na batid at siyang gagawin.

Kung kaya’t ang mainam na tanong ay “Ano ba ang Pasko sa atin?” Ano ba ang Pasko sa iyo, sa mga bata, sa mga OFW tulad natin, sa mga nagdarahop at maralita, sa mga ordinaryo at simpleng Juan Dela Cruz?

Sa bawat isa, iba’t iba ang hugis, anyo at kulay ng Pasko.

Sa mga paslit at musmos na bata, ang Pasko’y panahon ng pagtanggap ng regalo o mga aginaldo mula kay ninong at ninang. Kaya nga’t sabi ng isang awit - “Mano po ninong, mano po ninang, narito kami ngayong humahalik sa inyong kamay. Salamat ninong, salamat ninang sa aginaldo pong inyong ibibigay.”

Sumasaya ang Pasko sa kanila sa mga regalong natatanggap. Pagka’t ang Pasko’y panahon ng pagbibigay, kung kaya’t laging bahagi ng kasiyahang pamasko ang "exhange gifts" kung saan nagpapalitan ng regalo ang bawat isa. Subalit ang regalong natatanggap ba ang siyang tunay na diwa ng Pasko? O ang pagbibigay ng bukal sa puso kalakip ang tunay na pagmamahal?

Sa iba nama’y ang Pasko’y kumpleto kapag may bagong damit, bagong sapatos, o bagong gamit. Dapat bago ang celfon, may bagong computer o laptop, dvd player o digital camera. Kung magkakagayon, papaano kaya ang mga maralita? Pasko ba sa kanila’y kulang o wala, pagkat salat sa salaping maibibili ng mga ito? Ang mga materyal na bagay ba na taglay natin at kinasasabikan ang tunay na diwa ng Pasko? O ang kapayapaan ng puso at katahimikan ng isipan kahiman isang lumang damit at payak na panyapak lamang ang ating suot-suot?

Sabi naman ng iba, pag Pasko dapat ay may masasarap na pagkain sa hapag-kainan. May hamonado at keso-de-bola, may manok at litson, alimango’t hipon. May masasarap na prutas at mga pagkaing panghimagas. Subalit papaano kaya kung wala ang mga ito sa ating hapag-kainan? Kungdi, tuyo’t isang pinggang kanin lamang ang nasa ating harapan. Matatawag kayang Pasko ito para sa atin? Ang mga masasarap na pagkain ba ang siyang nagpapasiya at nagdudulot ng sigla sa isang tahanan at siyang kumukumpleto ng Pasko? O ang tunay na pagmamahal sa isa’t isa na laging handang umunawa at magpatawad sa mali ng iba ang bumubuo sa isang pamilya at nagbibigay saya at sigla sa isang tahanan at kumukumpleto ng Pasko.

Magandang sariwain ang naganap sa isang sabsaban dalawang-libong taong mahigit na ang nakaraan, kung saan ipinanganak ang ating Dakilang Manunubos. Ito’y isang gabing tahimik at puspos ng kabanalan. A silent and a holy night. Ito’y isang gabing payak, hubad sa mga kumukuti-kutitap at mga materyal na bagay. Walang mamahaling pagkain kungdi darak at mga damong pagkain ng mga hayop sa sabsaban ang naroroon.

Walang kaguluhan, walang kabalisaan, walang pag-iimbot, walang poot, walang hinagpis, kungdi punung-puno ng pagmamahal at dakilang pag-asa ang masisilayan sa sabsaban, pagkat dumating na ang tutubos sa sala ng sangkatauhan. Ito ang tunay na diwa ng Pasko.

Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya ka Kaniya ay hindi (na) mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (John 3:16)

Sapagkat sinugo ng Diyos ang Kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kungdi upang iligtas ito sa pamamagitan Niya. (John 3:17)

Si Hesus ang tunay na diwa ng Pasko. Kumpleto ang Pasko kapag kasama Siya.

Pasko mo ba'y may kulay at saya? May galak at may tuwa? Kung wala at di mo mawari kung may Pasko nga bang darating, let's put back Christ in Christmas for HE is the reason for the season.

More importantly, spell it right. Not “Xmas” but Christmas. As “X” is an unknown. But we know who and what Christmas is for – it’s Him.

Si Kristo ang tunay na diwa ng Pasko. Ito ang nagbibigay himig ng awit sa simoy ng hangin. Ito ang nagbibigay halaga at kulay sa pagdiriwang ng Pasko.

Pasko na! Paskung-pasko na nga.

Pasko po sa amin. Halina't magsaya at magdiwang.

Isang pagbubulay-bulay.

Maligayang Pasko” po sa inyong lahat.

Merry Christmas.

Sunday, December 14, 2008

Ibalik Nyo Ako sa Ehipto



Ito marahil ang umaalingawngaw na tinig na maririnig nang ang mga Israelita ay halos masukol na ng mga kawal ng Pharaoh na sa kanila’y tumutugis.

Sa klasikong pelikulang “Ten Commandments”, maaalala natin ang eksenang ito kung saan ang mga Israelita ay laksa-laksang nagsipaglisan sa bayang Ehipto sa pamumuno ni Moses upang tumungo sa Lupang Pangako na kaloob sa kanila ng Diyos at upang sila’y sagipin Niya sa pagkaka-alipin sa bayang iyon.

Matapos na sila’y payagang maka-alis sa Ehipto ay nagbago ang isip ng Pharaoh at iniutos sa kanyang mga kawal na habulin ang mga Israelita sakay ang mga karwaheng pandigma ng buong Ehipto.

Labis na takot ang nadama ng mga Israelita nang mga sandaling iyon kung kaya’t mabilis din ang kanilang pagtakbo upang di sila maabutan hanggang sa tumambad sa kanilang harapan ang napakalawak na dagat at iyon na lamang ang tangi nilang masusuungan upang di magapi o mapatay ng mga kawal ng Pharaoh.

Subalit papaano nila tatawirin ang isang malawak at malalim na dagat – papaano makakaraan ang laksa-laksang mga Israelita - mga lalaki’t babae, bata’t matanda, kasama pati mga hayop na kanilang alaga sa nasabing dagat? Malulunod rin sila kung susuungin nila ang dagat na iyon. Aabutan rin sila ng mga sundalo na sakay ng karwaheng pandigma kung di naman sila tatakbo patungo sa dagat.

Ito ang napakalaking dilemma na kanilang kinahaharap. Masusukol na sila. Kumbaga tulad ng pagkagapi ni Pacquiao kay Dela Hoya sa kanilang laban kamakailan lamang kung saan na knock-out ang huli sa 8th round, ang mga Israelita rin ay na-korner na. Tiyak na ang kanilang kamatayan. Ito na ang huli nilang mga sandali.

Ang takot nila’y lalo pang sumidhi. Sinisi nila si Moses sa kinasapitan nila. (Exodus 14 :11-12)

Wala na bang mapaglilibingan sa amin sa Ehipto kaya mo kami dinala rito sa disyerto para mamatay?"

"Hindi ba’t sinabi na namin sa iyo na ganito ang mangyayri? Sinabi na namin sa iyo na huwag kaming pakialaman, at pabayaan na kaming manatiling alipin ng mga Ehipto sapagkat ibig pa namin ang manatiling alipin kaysa mamatay dito sa ilang.”

"Ibalik nyo ako sa Ehipto!"

Yan ang animo’y umalingawngaw na parang batingaw sa buong kapaligiran ng mga oras na yaon.

"Ibalik nyo ako sa Ehipto !!!! "

Mas nanaisin pa nila na bumalik sa Ehipto kaysa makarating sa Lupang Pangako na ipinangako sa kanila ni Yahweh. Nalimot nila ang pangakong ito nang sila’y nasa kagipitan na. Mas nais pa nilang maging alipin muli sa Ehipto kaysa malasap ang kaligtasan at kasaganahang pangako ng Diyos.

Tayo ba’y tulad din nila?

Bumabalik din ba tayo sa ating kanya-kanyang Ehipto kapag nakararanas na ng mga mabibigat na problema? Kapag pananampalataya nati’y dumaraan sa matinding pagsubok sa labis na hirap at lungkot na nararanasan? Kapag dumarating ang takot at agam-agam sa mga balitang natatanggap at naririnig sanhi ng kasalukuyang worldwide recession? Kapag nahahapo na at nabibigatan, at nais ng sumuko.

Bumabalik ba tayo sa Ehipto?

Ehipto. Ano ba ito sa atin?

Ito’y sumisimbolo ng pagiging alipin o ng mga bagay na nagdudulot sa atin upang maging alipin – ng ibang tao, ng sarili, ng masamang gawi o bisyo, o ng pagmamahal ng labis sa salapi o materyal na bagay. Aliping maituturing ang sinumang di makawala sa mga ito.

Ang mga Israelita’y naging alipin sa bayang Ehipto. Gayundin naman ang kalagayan ng sinuman na nagnanais pang bumalik sa mga maling gawi o bagay na nagpapa-alipin sa atin dahil sa di natin ibig na magtiis, o kaya’y sa pagnanais nating takasan ang hirap, o kaya nama’y sanhi ng takot, agam-agam, o kabalisaan.

Kung kaya’t tulad ng mga Israelita, sambit mo rin “Ibalik nyo ako sa Ehipto!”

Sabi ng ating Panginoon sa Matthew 7:13-14, “malapad ang pintuan at malawak ang daan patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok rito. Subalit maliit ang pintuan at makipot ang daan patungo sa kaligtasan at buhay, subalit kakaunti lamang ang nakasusumpong nito.”

Alin ang ibig mo? Tumungo sa Lupang Pangako na dulot ay buhay na walang-hanggan o bumalik sa Ehipto na ang dulot ay pagkaka-alipin.

Ibalik nyo ako sa Ehipto!” – ito pa rin ba ang isinisigaw ng iyong puso?

Isang pagbubulay-bulay.