Sunday, June 26, 2011

Magalak Ka


by Max Bringula Chavez

Count it all joy…” – James 1:2

Nakapagpapa-bata raw ang pag-ngiti. Kapag tayo’y masayahing tao, hindi agad tayo tumatanda. Kahit Golden Years na, mukha pa ring 37 years old. Wala pang gitla na mababanaag sa ating noo. Bagama’t umiimpis na ang buhok at unti-unti nang sumisilip ang anit, “baby-looking” pa rin ang ating aura. “...Masayahin kasi”, sabi nila.

Tunay na malaki ang nagagawa ng pagiging masayahin. Yung iba nga ay nanatiling pa ring feeling-eighteen sa paglipas ng panahon. Palagi na lang nagde-debut. Bagamat yung iba ay sadyang ipinako na ang edad sa trenta at thirty-one para raw nasa kalendaryo pa rin.

Ano man ang dahilan ng pananatili nating bata sa paningin, sa itsura man o sa ugali, malaking tulong kung tayo ay laging may taglay na ngiti sa pagharap sa hamon ng buhay.

Ito ang itinuturo sa atin ng Kanyang Salita sa James 1:2, “Magalak kayo!” Count it all joy.

Magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang pagsubok, sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong pagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan.”

Ito raw ang sikreto. Na sa bawat hamon ng buhay, sa mga pagsubok na dumarating, sa mga suliraning nararanasan, sa mga hirap na binabata, at mga lungkot na nadarama, ngiti raw ang ating isukli. “Count it all joy” ang wika sa ingles.

Magalak ka pagkat ito’y magiging daan upang lalo pang tumibay ang pananalig kung ipagkakatiwala sa Diyos ang nararanasang hirap at pagsubok.

Magalak ka pagkat pagkakataon ito upang mamalas ang kapangyarihan ng Diyos, madama ang Kaniyang pagmamahal at maranasan ang Kanyang pagkilos sa ating buhay.

Magalak ka pagkat pagkakataon din ito upang higit pang makapag-impok ng kayamanan sa kalangitan sa pamamagitan ng patuloy na paglilingkod kahiman dumaraan sa matitinding pagsubok at pasakit.

Magalak ka pagkat may panibagong aral na matutunan sa pinagdaraanang mga pagsubok na magiging tulay din natin upang lalo pang maging matatag at nang sa gayon ay maging daan din tayo upang maging pagpapala sa iba.

Nakararanas ka ba ngayon ng hirap, pighati at kalungkutan sanhi ng mga problema at pagsubok na pinagdaraanan?

Huwag malumbay at manghinawa.

Ituring mo itong isang kagalakan, pagkat ito’y karagdagan sa lalo pang ikalalakas at ikatatatag ng iyong pananampalataya kung ito’y ating mapagtatagumpayan.

Isang Pagbubulay-bulay
@2009 copyrighted

No comments: