Sunday, September 28, 2008
Bato, bato sa langit (Isang Pagbubulay-bulay)
"Bato, bato sa langit, ang tamaan ay siguradong bukol..."
Nasubukan nyo na bang mabukulan? Masakit, di ba? Lalo na nga't wala ka namang masamang ginawa subalit bakit ba namang ang batong inihagis ay sa'yo tumama. Siguro, maghahalo ang balat sa tinalupan at mag-a-ala-Incredible Hulk ka sa galit.
Subalit ang katagang ito na madalas nating naririnig "bato, bato sa langit ang tamaan ay wag magagalit", ay sadyang iniuukol sa sinuman - guilty man kumbaga o hindi. Kaya nga ang sabi, "wag magagalit". Sports lang. Tanggapin mo na lang ng may ngiti. Pagkat ang magalit daw ay guilty.
Ano ba ang maaaring mapagbulay-bulayan sa katagang ito? Bakit ba ang batong inihagis ay sa langit nagmula? Ito kaya'y kometang nahulog mula sa himpapawid? O piraso ng nasirang SkyLab at bumagsak sa lupa.
Ang katagang ito ay maihahambing sa nakasaad sa Salita ng Panginoon na matatagpuan sa Hebrews 4:12 na ang sabi "For the word of God is living and active. Sharper than any double-edged sword, it penetrates even to dividing soul and spirit, joints and marrow; it judges the thoughts and attitudes of the heart."
Ang Salita ng Diyos daw ay higit pa sa espadang dalawa ang talim. Kapag ito'y tumama, abot hanggang kasu-kasuan. Hanggang sa pinakadulu-duluhan ng ating buto.
Tulad ng bato sa langit na galing pa sa pagkataas-taas na lugar , kapag bumagsak at sa iyo'y tumama, tiyak bukol ang abot. Kung bakit ba naman sa dinami-dami ng tao sa daigdig ay sa'yo tumama ang bato.
Gayundin daw ang Salita ng Diyos, walang makaka-iwas, walang makaka-ilag kung sa'yo sadyang ipinukol. Ang dapat sambitin na lamang ay "Aray!" kalakip ang pasasalamat na sa'yo ito'y tumama.
"Aray" pagkat ito'y masakit, pagka't ang katotohan ay sadyang masakit.
Subalit, minsa'y kailangan tayong masaktan. Kailangang magdugo ang puso. Kailangang dumanas ng pighati, ng kalungkutan, ng pagdarahop, ng pag-iisa, upang mabago ang ating kalooban. Upang ang pusong dati'y animo'y bato, ay matutong magpakumbaba at tanggapin ang mali at pagkukulang, ang pagsisihan ang kasalanan at tuwirin ang landas na dinaraanan.
Nang magkagayon, pasasalamat ang mamumutawi sa iyong labi. "Salamat sa bukol" ang marahil ang maibubulalas ng iyong bibig.
Kung kaya, "Bato, bato sa langit, ang tamaan ay wag magagalit".
"Aray!"
Ang sakit nyon huh....
Subalit salamat...
Isang pagbubulay-bulay.
Pagpapala Niya sumaatin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment