Monday, August 23, 2010

Okatokat


by Max Bringula

"Do not be deceived: God cannot be mocked. A man reaps what he sows." - Galatians 6:7

Noong araw ay may TV series na ang titulo ay “Okatokat” na kapag binasa mo pabaligtad ay “Takot ako”. Ito’y serye ng mga kuwentong may katatakutan na bumenta naman sa mga Pinoy viewers dahil marahil gusto nilang sila’y tinatakot.

Kaya naman ang kadalasang dinurumog ng tao panoorin ay yung may ganitong tema tulad ng Twilight series at Friday the 13th series sa mga pelikulang banyaga, at sa lokal naman ay mayroong “Cinco”, “Feng Shui”, at ang serye ng “Shake, Rattle and Roll” na di na yata matapus-tapos dahil nasa ika-10 o ika-15 na yata ngayon, kung di ako nagkakamali.

Naaalala ko pa na noong kami’y paslit na bata pa, gustong-gusto naming makinig sa mga kuwento tungkol sa mga maligno’t mga asuwang, sa mga kapre’t manananggal, at iba pa na bagama’t nakakatakot ay wiling-wili naman kami sa pakikinig. Yun nga lamang, pag natapos na’y di na maka-uwi mag-isa dahil kinakabahan at natatakot na.

Ito rin ang panakot ni Tatay at ni Nanay noon kapag kami’y pasaway at ayaw sumunod. “Sige ka, may multo diyan” ang maririnig mong sasabihin nila. Kaya eto namang pobreng bata ay tatakbong papalapit sa magulang sabay kapit ng pagkahigpit-higpit sa saya ni Nanay.

Ikaw? Takot ka rin ba sa multo? Kumakaripas ng takbo sa kaunting kaluskos lamang.

Sa panahon ng supersonic age at mga high-digital equipments, maaaring passé na o lipas na ang ganitong multo-multo. Subalit ang totoo, marami pa rin sa atin ang takot sa multo. Hindi marahil sa tunay na multo (kung may multo nga bang talaga) kungdi sa sarili nating multo na tayo rin ang may gawa.

Ito ang labis na nakapagbibigay takot sa tao – ang humarap sa multong kanyang nilikha dahil sa kasalanan at maling mga gawa. Whatever a man sows, he reaps. Kung ano ang ating itinanim, ito ang ating aanihin. Kung ang itinanim natin ay galit at poot, pang-sasamantala, pang-aapi at pandaraya sa kapwa, ito rin ang aanihin natin pagdating ng araw. Ito rin ang haharapin natin pagdating ng panahon. Isang multong ating katatakutan.

Pagka’t ang kasalanan at maling gawa ay tulad ng isang self-guided missile na kapag pinakawalan mo’y tiyak na tutumbukin niya’t tatamaan ang inaasintang target. Ganito rin ang kasalanan at maling mga gawa natin, tiyak na ikaw ay babalik-balikan nito na animo’y multong nais kang takutin.

Kaya upang matakasan ang takot na idudulot nito, sikaping ang tama lamang ang ating gawin. Iwasan ang kasalanan at mga panlilinlang. Upang kinalaunan ay di tayo magsasabi ng “okatokat”. Takot ako eh.

Isang pagbubulay-bulay.

Sunday, August 22, 2010

Alabok


by Max Bringula

For dust you are, and to dust you will return.” (Genesis 3:19) Ito ang katotohanang di mapapasubalian. Katotohanang di matatakasan. Na tayo’y nagmula sa alabok, at sa alabok din tayo muling babalik.

Buhusan mo man ng isang katerbang lotion ang ating katawang-lupa, pakalinisin ng mababangong sabon, suutan ng pinaka-mamahaling damit at alahas, paliguan ng pinaka-mahalimuyak na pabango, alabok pa rin siyang maituturing kapag ang itinakdang oras ng muli Niyang pagbawi ng hiram nating buhay ay dumatal na.

For dust you are, and to dust you will return.” Isang katotohanang di maikukubli ng salapi, ng katanyagan, o ng kapangyarihan.

Maging ang mga naging hari ng iba’t ibang kaharian, mga personalidad na naging tanyag at pinagkakaguluhan na animo’y diyos at diwatang sinasamba’t niluluhuran, o maging ng pinakamayamang taong nabuhay sa ibabaw ng mundo ay hindi naligtas sa katotohanan na tayo’y isang alabok at sa alabok tayo’y babalik din.

Ito ang katotohanang pumapantay sa lahat ng uri ng tao – ng mayaman at ng mahirap, ng tanyag at ng ordinaryong nilikha, ng isang prinsipe at ng isang pulubi, ng maganda at di kagandahan, na malakas at ng mahina.

Kung gayon, ano ang higit na dapat nating pahalagahan? Ang katawang-lupa ba o ang ating espiritung babalik sa Diyos pagdating ng araw?

Ano ang kapakinabangan ng tao kung makamit man niya ang kayamanan ng mundo, mapasa-kanya ang kapangyarihan at katanyagan, marating ang rurok ng tagumpay, kung ang puso naman niya’y malayo sa Diyos? Maililigtas kaya niya ang sarili kung ang katawang-lupa’y bumalik na sa alabok?

Dapat nating pakatandaan na ang lahat ng bagay ay pansamantala lamang. Maging ang ating buhay ay lilipas din, gustuhin man natin o hindi. Ang ating kagandahan ay lilipas. Darami ang gitla sa ating noo. Mauubos ang ating buhok. Hihina ang ating tuhod. Unti-unting papalapit sa alabok na pinagmulan nito.

Kung kaya’t habang may lakas pa at may hininga, sikaping pahalagahan ang buhay na galing sa Kanya at hindi ang pisikal na kaanyuhan lamang. Manumbalik sa Diyos at sumunod sa Kanyang kalooban. Iaalay ang buhay at paghariin Siya sa ating puso. Upang bumalik man ang katawang-lupa sa alabok, nakatitiyak naman tayong mabubuhay na muli kapiling Niya sa Kanyang kaharian.

Ano ang mas pipiliin mo? Ang manatiling alabok o magtaglay ng buhay na walang-hanggan?

"For dust you are, and to dust you will return" - Genesis 3:19