Akda ni Max Bringula
"So they got into a boat and set out." – Luke 8:22
Pagkatapos ng isang buong maghapong pagtuturo at pagpapagaling ng mga may sakit, si Hesus kasama ng Kaniyang mga disipulo ay lumulan ng Bangka at naglayag patungo sa kabilang pampang upang mamahinga. Dahil sa labis na pagod, Siya’y nakatulog ng mahimbing kung kaya’t kahit nananalasa na ang isang malakas na bagyo at humahampas ang malalaking alon sa bangkang sinasakyan, masarap pa rin ang pagkakatulog Niya roon.
Labis na takot naman ang nadama ng mga disipulo ng mga sandaling iyon sa malakas na unos na kanilang naranasan. Anupat halos mapuno na ng tubig ang bangkang kanilang sinasakyan at ilang sandali’y maaari silang lumubog. Kung kaya’t dali-daling ginising nila si Hesus na may pagtatanong at pag-aakalang di Niya batid ang nagaganap. “Guro, di ba Ninyo alintana? Lulubog na tayo!” (Mark 4:38)
Siya’y bumangon at pinatigil ang malakas na hangin, “Pumayapa ka”. Noon di’y tumigil ang unos at tumahimik ang dagat na labis nilang ikinamangha. (Mark 4:39)
Ang buhay ng tao ay tulad ng isang Bangka. Sa paglayag nito sa dagat ng buhay, malalakas na unos ang kahaharapin at mararanasan. Anupat sa hampas ng malalaking alon ng pagsubok, hirap, pighati at matatalim na palaso ng kalaban, ito’y halos lumubog.
Subalit di dapat nating kaligtaan na sa buhay na taglay, kasama natin ang Panginoong Hesus. Na gaano man kabigat ang suliranin at hirap na nararanasan, may Panginoon tayo na may kapangyarihang patigilin ang malakas na hangin nang sa gayo’y madama ang kakaibang katahimikan.
Ito ang bagay na nalimot ng mga disipulo nang mga sandaling nananalasa ang malakas na unos. Sila’y natakot at pinanghinaan ng loob at nagkulang sa pagtitiwala sa Diyos. “Di ba ninyo alintana?”, ito ang kanilang tanong.
Ganito rin kaya ang nasasambit ng ating bibig sa sandaling hirap sa buhay ay di na makayanan? “Mahal kaya ako ng Diyos?” Ito marahil ang iyong tanong. “Di Niya kay alintana ang pasakit at lungkot na aking nadarama’t nararanasan?”
Ating alalahanin na sa Bangka ng buhay, Siya’y kasama natin. Tayo’y Kaniyang minamahal at kailanma’y di iiwan at pababayaan. Na sa ating paglalayag sa mundong ibabaw, hindi tayo dapat matakot, mag-alinlangan at magkulang sa pananalig sa Diyos. Dumating man ang bagyo, humampas man ang malalaking alon sa Bangkang ating sinasakyan, mananatili tayong matatag, nakatutulog ng mahimbing tulad ni Hesus sa gitna ng malakas na unos at bagyo ng buhay.
Kumusta ang bangkang iyong sinasakyan? Kasama mo ba si Hesus sa paglayag o hindi pa? Ito ang dapat nating tiyakin bago pumalaot sa dagat ng buhay. Pagkat kung wala Siya, ating Bangka tiyak na lulubog. Subalit kung Siya’y kasama, ano mang lakas ng bagyo o unos na mararanasan sa ating paglayag, kapayapaan pa rin ang ating madarama. Hindi ang takot at pangamba, pagkat Siya’y kasama.
Tayo ng lumulan sa ating Bangka at pumalaot kasama ang Panginoong Hesus.
Isang Pagbubulay-bulay.